• November 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 29th, 2026

Bagitong tulak, laglag sa P680K droga sa Valenzuela

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINATAYANG halos P.7 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang bagitong tulak na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) matapos maaresto sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Biyernes ng madaling araw.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Ulo”, 22, ng Brgy., Gen T De Leon ng lungsod.

Ikinasa ng mga operatiba ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng suspek ng illegal na droga sa lungsod.

Ayon kay Lt. Dascil, isa sa kanyang tauhan ang nagawang makipagtransaksyon kay alyas Ulo at nang tanggapin umano nito ang markadong salapi mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba ng SDEU dakong alas-2:10 ng madaling araw sa ilalim ng footbridge sa West Service Road, Barangay Paso De Blas.

Nakumpiska sa suspek ang limang plastic sachets na naglalaman ng nasa 100grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P680,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money, coin purse na itim, P100 cash at isang motorsiklo na gamit umano nito sa pagdedeliver ng illegal na droga.

Pinuri naman ni Mayor Wes Gatchalian ang Valenzuela CPS sa ilalim ng pamumuno ni Col. Talento sa kanilang pagsisikap na tugisin ang mga indibidwal na nagbebenta ng illegal na droga sa lungsod habang hinihikaya’t rin niya ang publiko na kung may nalalaman tungkol sa illegal drug activities sa kanilang lugar ay huwag matakot magsumbong kapulisan.

Ani SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio, sasampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa piskalya ng Valenzuela City. (Richard Mesa)

LTFRB IPINATAWAG ANG MGA OPERATOR NG 4 NA PUV NA SANGKOT SA MULTIPLE ROAD COLLISIONS SA MANILA BRIDGE

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINATAWAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang mga operator ng apat na public utility vehicle (PUV) na sangkot sa sunod-sunod na banggaan sa Ramon Magsaysay Flyover (dating Nagtahan Bridge) sa Sta. Mesa, Maynila, na ikinasugat ng 13 katao.

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., naglabas na ang LTFRB ng Show Cause Orders (SCOs)laban sa mga operator, kabilang ang dalawang pampasaherong jeepney at isang motorcycle taxi.

Inatasan din ni Pua ang mga kinauukulang insurance provider na agad sagutin ang mga gastusin sa ospital ng mga biktima, habang inatasan ang Regional Franchising Regulatory Office (RFRO)–Metro Manila na tiyaking maipatutupad ito.

Batay sa paunang imbestigasyon ng traffic police, nawalan ng preno ang isang jeepney at bumangga sa isa pang jeepney na nasa unahan nito, na nagresulta sa sunod-sunod na banggaan at pagkakasangkot ng isang motorcycle taxi at isa pang sasakyan.

Inatasan ni Acting Chairman Pua ang lahat ng operator na magsumite ng nakasulat at notarized na paliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang kanilang mga prangkisa.

“Nais nating malaman kung ano talaga ang nangyari, at isa sa mga partikular na isyung nais nating tutukan ay ang ulat ng pulisya na nawalan ng preno ang pampasaherong jeepney na naging sanhi ng insidente,” ani Pua.

Inatasan din ang operator ng nasabing jeep, gayundin ang tatlo pang operator, na isumite ang mga dokumento kaugnay ng pagpaparehistro at roadworthiness ng kanilang mga sasakyan. Itinakda ang pagdinig sa Setyembre 10.

Samantala, ang operator ng pampasaherong jeep na umano’y naging sanhi ng aksidente ay nahaharap sa mga kaso kaugnay ng pagkuha ng reckless driver at kabiguang magbigay ng ligtas at komportableng pampublikong transportasyon. (PAUL JOHN REYES)

Online game na GoreBox, blocked na sa Pinas – DICT

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI na ma-access sa bansa ang online game na GoreBox matapos mabigong tugunan ng developer ang mga pangamba hinggil sa masamang epekto nito.

Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, nakipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa developer ng laro at binigyan ito ng due process. Nagbigay umano sila ng notice at ebidensya na nakakasama ang platform, at humingi ng plano kung paano maiiwasan ang masamang epekto ng laro.

“Hindi sila nakapag-responde. Kaya sila mismo, voluntarily, nagsabi: ‘Sige, pwede n’yo na kaming tanggalin, pwede n’yo na kaming i-block.’ So mutually agreed ‘yun. Hindi po yun unilateral,” pahayag ni Aguda sa Super Radyo dzBB.

Noong Hunyo ay pansamantalang na-ban ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang GoreBox matapos maiugnay ito sa isang school shooting sa Tacloban City.

Sa naturang insidente noong Hunyo 22 sa San Jose National High School, tatlo ang nasawi at 20 iba pa ang nasugatan.

Final 12 ng Gilas Pilipinas para sa window 4 ng FIBA World Cup Asian Qualifiers

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INILABAS na ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang listahan ng Gilas Pilipinas na sasabak kontra Jordan para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers window 4.

Ang nasabing laro ay gaganapin bukas , Agosto 28, sa Mall of Asia.

Pinangunahan ni June Mar Fajardo, Justine Baltazar, AJ Ed, Juan Gomez De Liano,Chris Newsome, CJ Perez, Kevin Quiambao, Dwight Ramos,Troy Rosario, Kai Sotto, Carl Tamayo at Scottie Thompson.

Una ng sinabi ni Gilas head coach Tim Cone na magiging all-Filipino ang Gilas dahil sa kawalan ni Justin Brownlee na patuloy ang pagpapagaling mula sa kaniyang injury.

Target din ng Gilas na makabawi matapos na talunin sila sa finals ng 2023 Asian Games na ginanap sa China.

Para maging official entry ng Pilipinas sa 99th Oscars…Pelikula nina PIOLO, HILDA at JERICHO, pasok sa walong pagpipilian (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INILABAS na ng Film Academy of the Philippines (FAP) ang eight films na kasama sa

shortlist na pagpipilian para maging official entry ng Pilipinas sa Best International

Feature Film category ng 99th Academy Awards o Oscars.

Kinabibilangan ito ng “58th” ni Carl Joseph Papa na tungkol sa Maguindanao Massacre noong 2009. Pinuri ang dokumentaryo sa mga international film festival tulad ng Rotterdam at Annecy, at ginawaran ng Facing the Edge Award sa Doc Edge Festival ng New Zealand.

Ang “All the Things I Leave You (Patawid)” ni Jade Castro, ang pelikulang nasa wikang Ilokano—ang dalawang binatang nagtatrabaho sa isang restawran na pag-aari ng pamilya. Nagkaroon ng premiere ang BL film sa NewFest sa New York, ipinalabas sa India at Argentina, at nanalo ng Best Episodic Film sa ika-37 Honolulu Rainbow Film Festival.

Kasunod ang “Filipiñana” ni Rafael Manuel, tungkol sa isang dalagitang ang paghanga sa presidente ng isang eksklusibong country club ay humantong sa pagtuklas niya sa karahasang nagtatago sa likod ng maayos at marangyang anyo nito. 

Matinding papuri ang nakuha nito mula sa “The New Yorker”, “ScreenDaily”, at “Vulture”, at ginawaran ng World Cinema Dramatic Special Jury Award for Creative Vision sa 2026 Sundance Film Festival.

Samantala, ang “I’mPerfect” ni Sigrid Andrea P. Bernardo ay nagkukuwento nang buong-puso tungkol sa dalawang kabataang may Down syndrome na lumalaban para sa karapatang bumuo ng isang malayang buhay nang magkasama. 

Tumatalakay ito sa inklusyon na kung saan mga aktor na may Down syndrome. Nagwagi ng Best Picture sa ika-51 Metro Manila Film Festival at nagkaroon ng special screening sa 27th Lucania Film Festival sa Italy.Kabilang din sa pagpipilian ang “Manila’s Finest” ni Raymond Red, na isang period crime drama na nagaganap sa Maynila noong 1969 na pinanbidahan ni Piolo Pascual.

Nakatanggap ito ng ilang parangal sa ika-51 Metro Manila Film Festival at nagkaroon ng international premiere sa ika-25 New York Asian Film Festival.

Kasama rin ang “Quezon” ni Jerrold Tarog, na tungkol ang buhay ni Manuel L. Quezon—mula sa pagiging sundalo at abogado, naging senador at hanggang maging Pangulo ng Philippine Commonwealth. Nagwagi ang historical drama na ito ng Best Picture sa The 9th EDDYS (Entertainment Editors’ Choice), kung saan nanalo si Tarog at si Jericho Rosales nn Best Director at Best Actor.

Ang “Silenced Nights” naman ni Lawrence Fajardo, buhay ng isang manggagawa matapos niyang masaksihan ang extrajudicial killing o pagpatay ng walang angkop na prosesong legal sa isang tinedyer na lalaki sa kamay ng mga pulis. 

Gumawa ng kasaysayan ang sociopolitical thriller na ito bilang first Filipino film na napili para sa Platform Programme ng Toronto International Film Festival. 

Panghuli sa listahan ang “Sisa” ni Jun Robles Lana, na tungkol sa isang babaeng pinaghihinalaang baliw ngunit lihim na nagsisilbing espiya para sa mga rebolusyonaryong Pilipino noong Digmaang Pilipino-Amerikano. 

Nagbabalik ang batikang aktres na si Hilda Koronel sa makasaysayang thriller film na unang ipinalabas sa competitive section ng Tallinn Black Nights Film Festival at nagwagi ng Best Screenplay sa Director’s Week section ng ika-46 na Fantasporto International Film Festival.

Ayon sa naging pahayag ng FAP Director General na si Paolo Villaluna sa inililabas na press release kahapon, Agosto 28, 2026, “The films this year offer a spectrum of views of the Filipino experience.

“They look at our history, the issues we continue to face, and the ways Filipinos deal with questions of power, identity, love, freedom, and survival.

“Each one has its own voice and approach, showcasing our cinematic merit and any of them has the potential to connect with audiences beyond the Philippines.”

Paniniguro pa ni Villaluna“Whichever film we send to the Oscars will carry a Filipino

story that we can be proud of.”

Ang eight contenders ay kikilatisin ng National Selection Committee na kinabibilangan ng mga respetadong Filipino industry experts.

Aprubado ito ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences (AMPAS) na

masinsinang magsusuri sa mga isinumiteng pelikula base sa artistic merit, culture, relevance, at international campaign potential.

Ang announcement ng FAP sa mapipiling official entry ng ‘Pinas ay magaganap sa opening ceremony ng Philippine Film Industry Month sa Setyembre 4, Biyernes ng gabi, sa Shangri-La Plaza, EDSA, Mandaluyong City.

Goodluck sa walong natatanging pelikula and hopefully maganda at may global appeal ang mapili ng committee. 

Kinumpirma sa IG post na opisyal na siyang mommy…ALEX, isinilang na ang ‘baby boy’ nila ni VM MIKEE (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINANGANAK na ni Alex Gonzaga ang ‘baby boy’ nila ni Lipa City Vice Mayor Mikee Morada, ayon sa balita.

Sa Instagram account ng kanyang shapewear brand na Sizzies PH last Friday, ibinahagi nila ang isang post na may cover photo ni Alex na hawak ang kanyang big tummy.

Caption ng post, “Congratulations are in order. Our OG Sizzie is officially a mommy!,” saad nito sa caption.

Dahil dito, nagsagawa sila ng isang “celebration sale,” at nagbigay sila ng diskuwento sa ng mga favorite products ni Alex.

“With that we’re treating everyone to up to 50% off on Alex’s fave pieces. Consider this our way of sharing the love.”

Nitong Huwebes, nag-post ang Sizzies PH ng isang photo na magkasama ang mag-asawa. 

Nakalagay sa art card, ‘Our Sizzies family just got bigger! Congratulations, Alex!’

Mababasa naman sa caption, “sending the biggest, most heartfelt congratulations to our OG Sizzie.”

Samantala, pinag-usapan din ang pagbahagi ni Alex sa social media ng mga larawan na mula sa pregnancy shoot na kasama rin si Mikee.

Caption niya, “I’ll miss carrying you inside in my tummy, my baby.

“It was like having our own little world!”

At dahil sa post na ito, nagtalo-talo ang netizens, kung nanganak na ba si Alex base sa caption nito.  

Anyway, wala pang detalye sa kanyang panganganak, tulad ng eksaktong oras at pangalan ng anak nila.

Congrats Alex and Mikee!

May rason na ma-excite sa tuwing uuwi ng bahay…BEA, inamin na mas clingy kesa sa asawang si VINCENT (ni: REY PINEDA) 

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INAMIN ni Bea Alonzo na mas clingy siya kesa sa kanyang asawang si Vincent Co.

Siya raw kasi yung tipo na ma-hug, mapagmasahe, at mapagsabi ng “I love you”.     Samantala, iba naman daw ang love language ni Vincent.  

Mas marami raw itong act of service. Yung tipong pinagsisilbihan siya, at mahilig sa quality time na magkasama sila.     

At dahil mahigit isang buwan na silang kasal, aminado ang aktres na ibayong ligaya ang idinudulot nito sa kanya.     

Ngayon nga raw, mas may rason para ma-excite siyang umuwi ng bahay dahil alam niyang may isang nagmamahal ang naghihintay sa kanya.

***

TILA hindi pa nakakamove-on itong si Ryan Bang mula sa pakikipaghiwalay sa kanya ng ex niyang si Paola Huyong.

Kamakailan lang, sa isang segment ng “It’s Showtime” na “Attendance Check” hiningian ni vice Ganda ng mensahe ang ibang hosts na mag-deliver ng message sa kanilang mga ex.

At dahil nataon sa selebrasyon ng “Buwan Ng Wika” inatasan nitong i-deliver ang message sa makatang paraan.     

Nung tawagain si Ryan, medyo natawa ito at biglang naging seryoso.      

Madamdamin at punung-puno ng emosyon ng basahin nito ang kanyang mensahe.     “Ako ay may dating kasintahan. At dati kaming nagmamahalan. Pero ‘di pumayag ang tadhana. Kaya’t ‘di kami nag-tuloy sa dambana.” 

Mas lalong nagpakita ng matinding emosyon ang mainstay host, kaya’t pinaligiran ito ng kanyang mga kapwa co-host at niyakap.

Kilala si Ryan bilang isang energetic personality, yung humor niya at yung abilidad niyang mag-entertain ng mga audience.

Kung inyong matatandaan, engaged na sana sina Ryan at Paola.

Subali’t sa ‘di maipaliwanag na dahilan, naudlot iyon at nauwi sa hiwalayan. 

Aminado naman ang komedyanteng host na masaya siya ngayon bilang single.     

Sa kanyang mga pinagdaanan marami raw siyang natutunan kung pakikipagrelasyon ang pag-uusapan.

Ads August 29, 2026

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments