• September 1, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 29th, 2026

North Korea magpapadala ng mahigit 100 atleta sa Asian Games

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAGPAPADALA ang North Korea ng mahigit na 100 atleta para sumbak sa Asian Games na gaganapin sa Japan sa susunod na buwan.

Lalahukan ng mga North Korean athletes ang nasa 14 sporting event.

Kinabibilangan ito ng mga events ng men’s at women’s football,weightlifting,boxin at wrestling.

Noon kasagsagan ng pananalasa ng COVID-19 ay hindi lumahok ang North Korea sa nasabing international sporting competitions.

Bumalik lamang sila noong 2023 Asian Games na ginanap ito sa China ganun din sa Paris Olympics.

Sa 2023 Asian Games ay nakapag-uwi sila ng 11 gold medals sa weightlifting.

Gilas Pilipinas handa ng makabawi laban sa Jordan

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HANDA na ang Gilas Pilipinas para sa pagharap nila kontra sa Jordan para sa window 4 ng FIBA World Cup Asian Qualifier ngayong araw, Agosto 28,2026.

Desidido ang national basketball team ng bansa na makabawi matapos na talunin sila ng Jordan noong 19th Asian Games sa Hangzhou China noong 2023.

Ang nasabing pagkatalo noon sa score na 70-60 ay maituturing na isang malaking sampal para sa Gilas Pilpinas dahil ito ang nagtapos sa 61-taon na pagkamit nila ng gintong medalya sa quadrennial event.

Ilan sa mga manlalaro noon ng Gilas Pilipinas na nakaharap ng Jordan sa Asian Games ay sina Chris Newsome at Scottie Thompson.

Isang araw bago ang laro ay inilabas na ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang final 12 na kinabibilangan nina June Mar Fajardo, Justine Baltazar, AJ Ed, Juan Gomez De Liano, Newsome, CJ Perez, Kevin Quiambao, Dwight Ramos,Troy Rosario, Kai Sotto, Carl Tamayo at Scottie Thompson.

Naniniwala naman si Gilas coach Tim Cone na makakaya nila ang Jordan kahit wala si Justin Brownlee na nagpapagaling pa sa kaniyang injury.

Confidential funds, hindi dapat gamitin upang proteksyunan ang isang opisyal

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANG confidential funds ay ginagamit para protektahan ang sambayanang Pilipino, hindi para proteksyunan ang isang opisyal.

Ito ang iginiit ni Deputy Speaker Janette Garin ng Iloilo bilang pagtukoy sa testimonya ni Office of the Vice President (OVP) Assistant Secretary and Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio.

Sa impeachment court sa Senado, ipinaliwanag ni Ortonio ang paggamit ng confidential funds para sa protective intelligence operations kaugnay sa security ni Bise Presidente Sara Duterte. 

Ayon kay Garin, ang personal security ni Duterte at hiwalay at may sariling pondo. Aniya, ang confidential funds ay hindi dapat gamitin upang proteksyunan ang isang opisyal.

Sa ilalim ng Under Joint Circular No. 2015-01, ang confidential funds ay maaring gamitin kung may kailangan gastusin upang makakuha ng intelligence information, pananatili ng safe houses, o pambayad sa mga pabuya ng mga impormante.

Ayon kay Garin, dapat may kaakibat na resibo na nagpapakita kung nasaan napunta ang pondo.

“It’s as simple as that. Hindi na ito dapat pinapahaba. Marami nang tanong ang nasagot. Isa na lang ang hindi nasasagot: totoo ba ang pinaggamitan o hindi?” tanong ni Garin.

Kaugnay nito, tinukoy ni Garin ang tila walang kaalaman ni Ortonio at Gina Acosta, dating special disbursing officer (SDO) ni Duterte, kung sino talaga ang may pananagutan sa pondo.

 “Pero ang commonality at ang nakikita natin, hindi pababa, patagilid, pakaliwa o pakanan ang pinupuntahan ng direksyon. Ito ay paakyat sa taas,” sinabi ni Garin. 

“So again, bumabalik tayo, sino ba ’yung merong responsibility, sino ba ’yung nagsabi, sino ba ’yung nag-order na kung sino ’yung magdi-disburse,” dagdag ng kongresista. (VINA de GUZMAN)

Economic team, itinutulak ang mas mabilis na procurement, project implementation

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ITINUTULAK ng economic team ng bansa ang mas mabilis na procurement at implementasyon ng mga proyekto at programa ng gobyerno para makapaghatid ng konkretong benepisyo sa mga Filipino.

Sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert de Leon na ang gobyerno ay committed na pabilisin ang infrastructure projects habang pinalalakas ang pangangalaga para sa paggamit ng pondo.

Tiniyak ni De Leon sa mga mambabatas na ang infrastructure spending ay mapapadali nang hindi nakokompromiso ang ‘budgeting, procurement, accounting at auditing safeguards na dinisenyo para protektahan ang public funds.

“We are not proposing any relaxation of safeguards. In fact, we want more safeguards,” ang sinabi ng Kalihim nang tanungin kahit na ang pagkontrol sa ‘audit at validation’ ng infrastructure projects ay makapagpapabilis sa government spending.

“What we are looking at is how we can hasten implementation and procurement. The issue is not the safeguards. We need to implement. We have to start implementing,” ani De Leon.

Tinukoy naman ni De Leon ang pagkakaantala sa procurement, awarding at implementasyon ng ‘already-funded infrastructure projects’ kabilang sa agarang hamon na kailangang tugunan ng gobyerno.

Ani De Leon, tinatrabaho ng economic managers ang pagbawi sa infrastructure activity na magsisimula ngayong third quarter ng 2026, sabay sabing ginawa ng available ng DBM ang allotments na kailangan ng Department of Public Works and Highways para maisulong ang mga proyekto nito.

Ang layunin aniya ay “not simply to spend more or faster, but to ensure appropriated funds translate into “well-planned, properly implemented, and beneficial infrastructure projects.”

Binigyang diin naman ni Department of Economy, Planning, and Development (DepDev) Secretary Arsenio M. Balisacan ang pangangaiangan na i-fast-track ang implemetasyon at i-translate ang reporma sa konkretong resulta.

“Our direction remains anchored in the Philippine Development Plan. Over the administration’s final two years, the focus is an accelerating execution, resolving implementation bottlenecks, and translating reforms into concrete results,” ani Balisacan.

Nangako naman si Finance Secretary Finance Go ng responsableng fiscal management sa pamamagitan ng “stronger revenues, prudent expenditure management at fiscal buffers against future shocks.”

Tiniyak din ni Go na ang government resources ay dapat na direkta tungo sa investments na makalilikha ng hanapbuhay at makalilikha ng pangmatagalang economic value.

“Our national budget can work harder if we invest in programs and projects that can help shape our future. We must look beyond the present and invest in high multiplier programs and projects that create lasting economic value, those that create jobs,” ayon kay Go. ( DARIS JOSE)

Malakanyang, hinikayat si Pulong Duterte na magsumite ng flood control project documents

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINIKAYAT ng Malakanyang si Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte na boluntaryong magsumite ng mga dokumento na magpapatunay na nakumpleto ang flood control projects na ipinatupad sa ilalim ng kanyang liderato sa lungsod.

“Siya naman po ang nagboluntaryo. May mga dokumento siya para patunayan na kumpleto ang flood control projects na kanyang ginawa,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Mas maganda nga aniya kung naisumite ni Duterte ang mga dokumento nang hilingin sa kanya ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga ito.

“Mas maganda po kung nasumite niya ’to, mas nakatulong kasi makikita siguro na sampung taon na walang dredging sa Davao City,” ani Castro.

Nauna rito, pinalagan ni Duterte ang akusasyon ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na ang Davao City umano ang epicenter ng flood control corruption.

Ani Duterte, dapat munang tingnan ng Ombudsman ang record ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Huwag sana tayong padalos-dalos sa (pagbibitiw ng) mga salita at baka ikasisira lang ito ng kredibilidad ng institusyon,” ang buwelta ni Duterte.

Gayunman sinabi ni Castro, na kung ang mga opisyal na mga dokumento lamang ang ipagwawagwagan ni Duterte, hindi aniya mae-establish na ang proyekto ay nakompleto nga sa ground.

“Iba po kasi ‘yung dokumento lang at iba naman po yung talagang totoo, nakikita, nararamdaman at nakakatulong sa problema ng baha,” ang winika ni Castro.

At nang hingan naman ng komento si Castro sa naging pahayag ni Remulla, ang tugon ni Castro ay ‘ang Ombudsman ay isang independent body at ang executive branch ay hindi makikialam at makikisawsaw sa imbestigasyon nito.’

Aniya pa, patuloy na tinutugunan ng administrasyon ang mga pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang na ang Davao City.

Sa katunayan, agad na kumilos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Public Works Secretary Vince Dizon para tulungan ang Davao matapos na lumala ang pagbaha roon. (DARIS JOSE)

Mahigit 450 pasyente ng leptospirosis, naka-admit sa mga ospital ng DOH sa NCR

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PUMALO na sa mahigit 450 na pasyente ng leptospirosis ang kasalukuyang nakatatanggap ng gamot at atensyong medikal sa iba’t ibang ospital ng Department of Health (DOH) sa National Capital Region (NCR).

Ang pagdami ng mga nao-ospital ay kasunod ng mga serye ng malawakang pagbaha na naranasan sa Metro Manila nitong mga nakalipas na araw.

Batay sa pinakabagong quick count ng Health Emergency Management Bureau ng DOH, umabot na sa kabuuang 856 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa buong bansa mula Enero 4 hanggang Agosto 22 ngayong taon.

Mababa man ito nang 66 porsyento kumpara sa 2,546 na kasong naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taong 2025, patuloy pa ring nag-iingat ang ahensiya sa posibleng pagdami ng mga magkakasakit dahil sa 15-day incubation period ng bacteria.

Tiniyak naman ng kawanihan na nakahanda ang mga pampublikong pasilidad at may mahigpit na monitoring upang mabilis na maayos ang paglilipat ng mga pasyente kung kinakailangan.

Sa pamamagitan ng hakbang na ito, naiiwasan ang overcrowding o labis na pagdami ng pasyente sa iisang ospital habang pinananatiling sapat ang supply ng mga kinakailangang gamot para sa lahat ng apektado. ( DARIS JOSE)

3 PATAY, 4 NAKALIGTAS AT 3 PA PINAGHAHANAP SA TUMAOB NA BANGKA

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPAPATULOY ng search and rescue (SAR) operation ang Philippine Coast Guard (PCG) upang mahanap ang tatlo pang pasahero na sakay ng bangkang tumaob sa Mapanuepe Lake, San Marcelino, Zambales, kahapon, ika-27 ng Agosto 2026.

Ayon kay Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, naganap ang insidente habang pauwi ang mga pasahero matapos tumanggap ng gamot at bakuna sa isang community health center.

Ayon kay Commodore Cayabyab, katuwang dito ang mga PCG divers, gayundin ang mga kinatawan ng PNP at NDRRMO.

Sa 13 pasahero ng naturang bangka: anim ang binawian ng buhay, (tatlong matanda at tatlong bata), apat ang nakaligtas, habang tatlo pa (isang matanda at dalawang bata) ang patuloy na hinahanap sa katubigan. (Gene Adsuara)

Bagong Ayos na Hanging Bridge sa Brgy. San Isidro, Tiaong, Pormal Nang Binasbasan at Binuksan

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BAYAN NG TIAONG, QUEZON — Mas ligtas at mas maayos na ngayon ang araw-araw na biyahe at pagtawid ng mga residente matapos pormal na basbasan at buksan ang bagong ayos na Hanging Bridge sa Barangay San Isidro nitong Lunes, Agosto 24, 2026.

Pinangunahan ang pagpapala at pagbabasbas ng tulay ni Fr. Edwin Baruelo upang hingin ang kaligtasan ng mga motorista, mag-aaral, at mga mamamayang gagamit nito.

Pagkakaisa para sa Kaunlaran

Dinaluhan ang opisyal na pagbubukas ng mga nangungunang lider ng bayan at komunidad, sa pangunguna nina Mayor Vincent RJ Mea, Executive Assistant Diego Mea, at Brgy. Captain Gavino Marasigan. Kasama rin sa mahalagang kaganapan ang mga miyembro ng Sangguniang Barangay.

Ang sama-samang presensya ng lokal na pamahalaan at barangay ay patunay ng kanilang patuloy na pagtutulungan at dedikasyon para sa mas ligtas, matatag, at maunlad na Tiaong.

Pangunahing Daanan ng Komunidad

Inaasahan na malaking tulong ang pinagandang Hanging Bridge sa Barangay San Isidro upang mapabilis at mapanatili ang ligtas na pag-uugnayan ng mga komunidad sa lugar, lalo na sa panahon ng pang-araw-araw na transaksiyon at paghahatid ng mga produkto at serbisyo. (Kim Bornella/ Photo Boy Morales Sr)

3 miyembro ng pamilya sugatan sa sumabog na LPG sa Valenzuela

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SUGATAN ang tatlong miyembro ng isang pamilya, kabilang ang isang ama at dalawang anak matapos sumabog ang sumingaw nilang liquefied petroleum gas (LPG) sa loob ng inuupahang apartment sa Valenzuela City.

Inoobserbahan sa Valenzuela Medical Center ang mga biktimang sina alyas “Rodolfo”, 70, dalawang anak na sina alyas “Ludivina”, 40, at alyas “Roderick” 44, sanhi ng tinamong mga lapnos sa mga kamay, paa at bahagi ng katawan.

Sa inisyal na ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Benliner Capili, dakong alas-9:13 Huwebes ng umaga nang gulantangin ng malakas na pagsabog ang mga residente ng Brgy. Bagbaguim na mula sa inuupahang apartment ng biktima sa 1378 B. Santol St. na dahilan ng pagsiklab ng sunog.

Kaagad namang nakapagresponde ang Barangay Volunteer Fire Brigade at Valenzuela Bureau of Fire Protection (BFP) sa lugar kayat naapula ang apoy dakong alas-9:43 ng umaga habang mabilis namang isinugod sa nasabing pagamutan ang mga biktima.

Wala namang ibang bahay ang nadamay sa sunog bagama’t naabo ang mga gamit at ang inuupahang apartment ng mag-aama habang nabaklas din ang bakal na grill sa bintana ng kanilang kapitbahay at nasira ang ilang gamit sa eskinita dulot ng malakas na pagsabog. (Richard Mesa)

Lolang street sweeper na kinaladkad ng delivery van, tinulungan ni Mayor Wes

Posted on: August 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPAABOT kaagad ng tulong ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa isang lolang street sweeper na malubhang nasugatan matapos makaladkad ng isang delivery van sa Valenzuela City.

Kinailangang operahan sa balikat at mga paa ang 63-anyos na si alyas “Cora” sa Philippine Orthopedic Center matapos siyang ipalipat dito ni Mayor Wes Gatchalian mula sa Valenzuela Medical Center kung saan una siyang isinugod noong Martes ng umaga, Agosto 25, 2025.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dumaraan ang delivery van ng J&T Express na minamaneho ng 51-anyos na tsuper sa Brgy., Gen. T. De Leon alas-6:49 ng umaga nang sumabit sa hulihang bumper nito ang nakalaylay na kable na aksidenteng pumulupot sa katawan ng biktima na dahilan upang makaladkad siya at tumama pa ang katawan sa poste ng Meralco.

Noong Huwebes, personal na dinalaw ni Mayor Wes sa pagamutan ang biktima bago nagpatawag ng pagpupulong sa mga kinatawan ng courier service at Meralco upang alamin ang kabuuang detalye sa nangyaring insidente.

Nangako naman ang J&T na sasagutin ang gastusin sa operasyon ng biktima at kaagad nagpadala ng paunang tulong na P200,000.00 habang tiniyak din ng Meralco na magbibigay sila ng tulong kahit na naglabas sila ng patunay na hindi sa kanila ang kableng nakalaylay na ikinabit sa kanilang poste.

Sa kabila nito, mahaharap pa rin sa kasong Reckless Imprudence Resulting In Serious Physical Injuries ang driver ng delivery van habang inatasan na rin ni Mayor Gatchalian ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) na magkaloob ng kinakailangang pinansiyal na tulong sa pamilya ng biktima upang makatulong sa kanilang mga gastusin. (Richard Mesa)