• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 17th, 2026

Ombudsman Remulla, kinuwestiyon ang kalidad ng mga proyektong itinatayo ng DPWH

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUWESTYON ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang kalidad ng mga proyektong itinatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Sa kanyang programa, sinabi ni Remulla na maaaring mas maayos ang malalaking proyekto kung isasagawa sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP).

Kabilang sa binanggit niya ang mahigit P9-billion UP-Philippine General Hospital Cancer Center, na wala umanong nakuhang bidder.

Kinuwestiyon din ni Remulla ang Bureau of Immigration building project na nagkakahalaga ng mahigit P8 billion, na aniya ay matagal nang ginagawa.

Iminungkahi rin niya sa National Bureau of Investigation na sa halip na magpatayo ng bagong gusali, maaari na lamang itong bumili ng existing building sa pribadong sektor.

Sumang-ayon naman si DPWH Secretary Vince Dizon sa ilang punto ni Remulla, partikular sa paggamit ng PPP para sa malalaki at komplikadong proyekto.

Inamin din ni Dizon na hindi siya nasiyahan sa kalidad ng ilang proyektong ginagawa ng DPWH, kabilang ang Bureau of Immigration building.

Sinabi rin niyang handa ang DPWH na itigil ang kasalukuyang NBI building project upang makahanap ang ahensya ng mas praktikal na opsyon para sa bagong headquarters nito. ( DARIS JOSE)

NEWS 3 

50 lugar nasa state of calamity dahil sa Luis, Maymay at habagat

Umaabot na sa 50 lugar ang isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding epekto ng tropical cyclones Luis, Maymay at southwest monsoon o habagat, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Linggo, Agosto 16.

Kabilang sa mg lugar na apektado ay ang Central Luzon (Region 3) kabilang ang Pampanga – 21 siyudad at bayan; Bulacan – Calumpit, Hagonoy, Bulakan.

Sa CALABARZON (Region 4A) ay buong lalawigan ng Cavite (23 lungsod at bayan); Rizal – Montalban; Ilocos Region (Region 1) kabilang ang Dagupan City at Sta. Barbara.

Sa report ng OCD, umabot na sa 23 katao ang death toll – 15 sa Benguet, 3 sa Batangas, 1 sa Rizal, tig-isa sa La Union at Quezon).

Sa PNP tally ay 25 katao ang nasawi. Nasa 17 katao ang sugatan at 3 nawawala.

( DARIS JOSE)

DILG iniimbestigahan ‘wait lang’ na 911 response, palpak na ambulansiya

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGSASAGAWA na ng imbestigasyon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa umano’y “wait lang” na 911 emergency hotline sa isang medical emergency, matapos mag-viral sa social media ang reklamo ng isang netizen na humingi ng agarang tulong para sa kanyang ama.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, hindi maaaring ibalewala ang viral Facebook post ng isang Basti Askri tungkol sa umano’y naging karanasan nila sa paghingi ng emergency assistance.

Sa FB post ni Askri, halos 10 minuto siyang paulit-ulit na tumawag sa 911 ngunit walang sumagot. Nang may sumagot umano, paulit-ulit lamang siyang sinabihang “wait” habang naririnig niya ang tawanan at kuwentuhan sa background. Nang dumating ang ambulansya, wala itong automated external defibrillator (AED) at iba pang mahahalagang kagamitang medikal na kinakailangan sa emergency response.

Dahil dito, napilitan umano ang pamilya na magsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) sa kanyang ama habang hinihintay ang kinakailangang medical assistance. Kalaunan ay namatay ang pasyente

Dagdag pa ni Remulla, patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang mga pangyayari upang matukoy kung nagkaroon ng pagkukulang sa pagtugon at emergency services. ( DARIS JOSE)

Nagpapakita ito ng kawalang-galang niya sa institusyong konstitusyonal…VP Sara 15 beses nang iniisnab trial

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINAWAG ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na “kawalang-galang” sa proseso ng Konstitusyon ang patuloy na hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial sa Senado na nasa 15 araw na.

Sa Saturday News Forum sa Quezon City, sinabi ni Abante na ang hindi pagharap ni Duterte ay kapareho ng kanyang naging saloobin sa Kamara bago siya ma-impeach, nang tumanggi itong personal na humarap sa mga imbestigasyon kaugnay ng confidential funds.

“Ang kanyang pagliban ay nagpapakita ng kawalang-galang niya sa institusyong konstitusyonal na dapat magsagawa ng proseso sa impeachment complaint laban sa kanya,” ani Abante, chairman ng House Committee on Human Rights.

Isa si Abante sa mga nag-endorso ng impeachment complaint na naging batayan ng Articles of Impeachment na ipinadala ng Kamara sa Senado. Bahagi ng reklamo ang mga imbestigasyon sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, na parehong pinamunuan ni Duterte mula 2022 hanggang 2024.

Hindi rin dumalo si Duterte sa mga pagdinig ng House committees, at mula nang magsimula ang impeachment trial noong Hulyo 6, tanging kanyang mga abogado ang regular na humaharap sa Senado.

“Mahirap na hindi humaharap ang Vice President sa Kongreso. Hindi tama ang ginawa ng Vice President na ininsulto niya ang Kongreso tungkol dito. Ginawa niyang walang saysay ang Kongreso,” ani Abante.

( VINA de GUZMAN)

Kinondena ang insidente at tiniyak na matutuloy ang halalan…PBBM iniutos na imbestigahan Ang ambush sa BARMM Chief Minister

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIUTOS ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Linggo ang masusing imbestigasyon sa pananambang kay Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua at sa kanyang convoy.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang lahat ng kaukulang ahensiya na paigtingin ang seguridad sa Bangsamoro communities at tukuyin ang mga nasa likod ng pag-atake. Nanawagan din siya sa publiko na manatiling mahinahon at igalang ang karapatan ng bawat Filipino.

Kinondena ng Pangulo ang insidente at tiniyak na matutuloy ang halalan sa BARMM.

Samantala, inatasan ni Comelec Chair George Erwin Garcia ang PNP at AFP na imbestigahan ang pananambang at panagutin ang mga salarin.

Naganap ang insidente nitong Sabado ng hapon sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, matapos dumalo si Macacua sa isang public engagement. Pinaputukan ng mga armadong lalaki ang tatlong sasakyan ng convoy ngunit ligtas si Macacua at ang kanyang mga kasama.

Bago ang ambush, nanumpa si Macacua bilang pangulo at chairman ng Bangsamoro Federalist Party (BFP), isa sa mga bagong regional political parties na lalahok sa kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM sa Setyembre 14. (DARIS JOSE)

Lalaking nanghuhuli ng aso para katayin, timbog

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGWAKAS na ang maligayang araw ng isang lalaking nanghuhuli at kumakatay ng mga aso para ibenta sa iba’t-ibang lugar matapos maaresto ng pulisya sa Navotas City.

Hindi na nakapalag ang akusado na si alyas “Ogag”, nasa hustong gulang nang posasan ng mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela makaraang makorner sa kahabaan ng C-4 Road, Brgy. Bagumbayan South.

Sa kanyang ulat kay NPD Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi Col. Pinuela na inaresto nila si ‘Ogag’ sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Navotas Regional Trial Court (RTC) dahil sa mga kasong Theft at paglabag Section 9 ng Animal Welfare Act of 1998 na inamiyendahan ng RA 10631 na may kaugnayan din sa ginagawa niyang pagbebenta ng karne ng aso.

Nakuhanan ng CCTV ang akusado noong buwan ng Pebrero ng kasalukuyang taon, kasama ang kanyang asawa habang sinisilo ang isang aso sabay pukpukin sa ulo bago isilid sa sako.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Navotas Police Station ang akusado habang hinihintay pa ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Navotas City Jail. (Richard Mesa)

‎HVI drug suspect, tiklo sa P374K droga sa Valenzuela

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LAGLAG sa selda ang isang drug suspect na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) nang makuhanan ng mahigit P.3 milyong halaga ng shabu makaraang maaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, Sabado ng umaga.

Kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek bilang si alyas “Michael”, 35, ng Brgy., Punturin na mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Sa imbestigasyon ni Police Investigator P/MSg Ana Liza Antonio, isa sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang nagawang makipagtransaksyon kay alyas Michael kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil pagbebenta umano nito ng illegal na droga.

Kaagad namang bumuo ng team si SDEU Chief P/Lt. Sherwin Dascil bago ikinasa ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-7:25 ng umaga sa harap ng isang Junskshop sa Bignay-Punturin Bypass Road Brgy. Bignay, ng lungsod. 

Nakumpiska sa kanya ang humigi’t kumulang 55 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P374,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money, coin purse na itim at P350 cash.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili ang operating team sa matagumpay na operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga sa area ng CaMaNaVa. (Richard Mesa)

Libreng Manok at Gulay, Personal na Ibinahagi nina Gov. Sol, Mayor Benjo Agarao, at Mayor Queen Alarva sa Pila at Santa Cruz, Laguna

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LAGUNA — Mistulang dinagsa ng “dagat ng tao” ang magkasunod na isinagawang pamamahagi ng libreng manok at sariwang gulay na personal na pinangunahan ni Laguna Governor Sol Aragones, kasama sina Santa Cruz Mayor Benjo Agarao at Pila Mayor Queen Alarva, ngayong Biyernes, ika-14 ng Agosto 2026.

Naging punong-abala ang mga bayan ng Pila at Santa Cruz sa pagtanggap sa libu-libong mamamayan mula sa ikaapat na distrito ng lalawigan. Mula pa madaling-araw ay masayang nag-abang ang mga residente upang makatanggap ng sariwang supply ng pagkain na malaking bawas sa kanilang pang-araw-araw na gastusin sa kusina.

Bukod sa paghahatid ng agarang tulong at relief sa mga pamilya, tampok sa programang ito ang “double-barrel impact” sa lokal na ekonomiya. Sa halip na sa malalaking supplier bumili, mismong ang mga ani at produkto ng mga lokal na magsasaka at magmamanok sa lalawigan ng Laguna ang binili ng pamahalaan. Sa pamamagitan nito, direktang natulungan ang kabuhayan ng mga lokal na prodyuser habang nabibigyan naman ng masustansyang pagkain ang taumbayan.

Ipinakita sa naturang aktibidad ang matibay na pagkakaisa ng Pamahalaang Panlalawigan at ng mga Lokal na Pamahalaan (LGU) upang maiparating ang mabilis, tapat, at direktang serbisyo sa bawat pamilyang Lagunaense. Tiniyak ng mga pinuno na magpapatuloy ang mga inisyatibong tulad nito na nakatuon sa seguridad sa pagkain at pag-alalay sa sektor ng agrikultura.

Samantala, inihayag ng pamahalaang panlalawigan na hindi nagtatapos sa Pila at Santa Cruz ang naturang programa. Kaya naman, abangan sa inyong lugar ang susunod na mga pag-ikot at pamamahagi ng libreng manok at gulay! 

(Jeremiah Solomon/ Photos by Boy Morales Sr.)

Pagbabalangkas ng panukalang P7.2-trillion national budget for 2027 dapat walang sikreto, panawagan ng mambabatas

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PANAWAGAN ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. sa Kamara sa pagbabalangkas ng panukalang P7.2-trillion national budget for 2027.

“Walang dapat na sikreto sa budget. Whether it be unprogrammed funds or automatic appropriations ‘yan, kinakailangan malaman ng taong-bayan kung saan nagmumula ‘yan, kung saan nanggagaling ‘yan, kung anong klaseng project ‘yan, kung paano i-implement ‘yan, at kung magkano na budget ang ibinigay diyan, at kung sino ang mag-i-implement,” sinabi ni Abante.

Sa lingguhang Saturday News Forum sa Quezon City, iginiit ni Abante ang karapatan ng mga taxpayers kung saan napupunta ang binabayad nilang buwis.

Ang nasabing national budget for 2027 ay mas mataas ng 6 percent mula sa P6.793-trillion national budget for 2026. Nakapaloob dito ang P111.9 billion na unprogrammed appropriations na maari lamang ipamahagi kung masusunod ang mga pamantayan sa paggastos nito.

“Nagpapasalamat ako sa leadership na ginagawa naming transparent ang deliberation. Ibig sabihin, dapat malaman ng taong-bayan kung saan napupunta ‘yung budget ng gobyerno. Sapagkat ‘yan ay pera ng mga nagbabayad ng buwis. At dapat lang nilang malaman lahat ng mga bagay na ‘yan,” sinabi ni Abante.

Sinuportahan din ni Abante ang hakbang na magkaroon ng open bicam sa pagitan ng House of Representatives at Senate upang maitugma ang kanilang mga bersiyon ng 2027 budget.

“Dapat lang. Palagay ko dapat maging transparent tayo sa bicam,” sabi ni Abante.

Aniya, dapat imbitahin ang religious groups, educators at civil society na obserbahan ang pagbabalangkas ng national budget “para makita nila na wala tayong anumang tinatago sa taumbayan.” (VINA de GUZMAN)

LTO, NAGLABAS NG SCO LABAN SA ACTOR-BUSINESSMAN NA MAY-ARI NG SUPERCAR NA GUMAMIT NG PEKENG PLAKA

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INISYUHAN ng Show Cause Order (SCO) ang rehistradong may-ari at itinalagang driver ng isang supercar matapos matukoy na gumagamit ito ng pekeng plaka habang bumibiyahe sa pampublikong kalsada.

Sa isinagawang beripikasyon ng LTO, natukoy na ang plate number na ginagamit ng naturang sasakyan ay may ibang alphanumeric combination kumpara sa orihinal na motor vehicle license plate number na nakatalaga rito. Kaugnay nito, inatasan ang rehistradong may-ari at itinalagang driver na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) at magsumite ng beripikado o sinumpaang paliwanag kaugnay ng posibleng paglabag sa Use of Number Plates, gayundin upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanilang lisensya dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Samantala, isinailalim sa 90-araw na preventive suspension ang driver’s license ng itinalagang driver at inatasang isuko ito sa IID. Ang naturang supercar ay inilagay rin sa alarm status, at inatasan ang Law Enforcement Service (LES) na ipatupad ang pag-impound sa nasabing sasakyan.

“Walang VIP sa pagpapatupad ng batas. Kahit sino pa ang sangkot, kapag napatunayang lumabag, haharap sa kaukulang pananagutan. Hindi magdadalawang-isip ang LTO na kumilos laban sa sinumang lalabag sa ating mga patakaran. Walang palakasan, walang palusot, at walang exemption. Ang paggamit ng pekeng plaka at pag-iwas sa mga obligasyong dapat tuparin ay hindi pinapalampas ng LTO,” pahayag ni Asec. Lacanilao.

Patuloy na pinaaalalahanan ng LTO ang lahat ng motorista at rehistradong may-ari na tiyaking lehitimo ang kanilang mga dokumento, plaka, at rehistrasyon at tuparin ang lahat ng kaukulang obligasyon bago gamitin ang kanilang mga sasakyan sa pampublikong kalsada. Hindi magiging dahilan ang katayuan, pangalan, o halaga ng sasakyan upang makaiwas sa pagpapatupad ng mga patakaran. Tinitiyak ng LTO na mahigpit nitong susuriin at aaksyunan ang mga paglabag upang mapanatili ang integridad ng sistema ng pagpaparehistro ng mga sasakyan at mapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag. 

(PAUL JOHN REYES)

Tax deadline hanggang August 18 – BIR

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINALAWIG ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang deadline ng paghahain at pagbabayad ng buwis matapos maapektuhan ng Habagat at mga teknikal na aberya sa eBIRForms Offline Package.

Batay sa Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 95-2026, ang mga filing, payment, remittance, registration, at submission na orihinal na nakatakda mula ­Agosto 10 hanggang 16 ay maaari nang ihain hanggang Agosto 18, 2026 nang walang penalty.

Saklaw ng extension ang mga taxpayers na naapektuhan nang malakas na ulan at baha, gayundin ang mga nakaranas ng technical unavailability ng eBIRForms.

Kasama sa extension ang mga filing ng withholding tax returns, income tax returns, ONETT transactions, at iba pang obligasyong nakasaad sa circular.

Naglabas din ang BIR ng Bank Bulletin na nag-aatas sa mga Authorized Agent Banks (AABs) na tumanggap ng bayad hanggang Agosto 18 nang walang penalty.

Nilinaw ng BIR na ang mga taxpayers na kinakailangang gumamit ng Electronic Filing and Payment System (eFPS) at hindi saklaw ng RMC No. 89-2026 ay hindi kasama sa extension.