Pagbabalangkas ng panukalang P7.2-trillion national budget for 2027 dapat walang sikreto, panawagan ng mambabatas
- Published on August 17, 2026
- by Francis Paolo Torres
PANAWAGAN ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. sa Kamara sa pagbabalangkas ng panukalang P7.2-trillion national budget for 2027.
“Walang dapat na sikreto sa budget. Whether it be unprogrammed funds or automatic appropriations ‘yan, kinakailangan malaman ng taong-bayan kung saan nagmumula ‘yan, kung saan nanggagaling ‘yan, kung anong klaseng project ‘yan, kung paano i-implement ‘yan, at kung magkano na budget ang ibinigay diyan, at kung sino ang mag-i-implement,” sinabi ni Abante.
Sa lingguhang Saturday News Forum sa Quezon City, iginiit ni Abante ang karapatan ng mga taxpayers kung saan napupunta ang binabayad nilang buwis.
Ang nasabing national budget for 2027 ay mas mataas ng 6 percent mula sa P6.793-trillion national budget for 2026. Nakapaloob dito ang P111.9 billion na unprogrammed appropriations na maari lamang ipamahagi kung masusunod ang mga pamantayan sa paggastos nito.
“Nagpapasalamat ako sa leadership na ginagawa naming transparent ang deliberation. Ibig sabihin, dapat malaman ng taong-bayan kung saan napupunta ‘yung budget ng gobyerno. Sapagkat ‘yan ay pera ng mga nagbabayad ng buwis. At dapat lang nilang malaman lahat ng mga bagay na ‘yan,” sinabi ni Abante.
Sinuportahan din ni Abante ang hakbang na magkaroon ng open bicam sa pagitan ng House of Representatives at Senate upang maitugma ang kanilang mga bersiyon ng 2027 budget.
“Dapat lang. Palagay ko dapat maging transparent tayo sa bicam,” sabi ni Abante.
Aniya, dapat imbitahin ang religious groups, educators at civil society na obserbahan ang pagbabalangkas ng national budget “para makita nila na wala tayong anumang tinatago sa taumbayan.” (VINA de GUZMAN)