Lalaking nanghuhuli ng aso para katayin, timbog
- Published on August 17, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGWAKAS na ang maligayang araw ng isang lalaking nanghuhuli at kumakatay ng mga aso para ibenta sa iba’t-ibang lugar matapos maaresto ng pulisya sa Navotas City.
Hindi na nakapalag ang akusado na si alyas “Ogag”, nasa hustong gulang nang posasan ng mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela makaraang makorner sa kahabaan ng C-4 Road, Brgy. Bagumbayan South.
Sa kanyang ulat kay NPD Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi Col. Pinuela na inaresto nila si ‘Ogag’ sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Navotas Regional Trial Court (RTC) dahil sa mga kasong Theft at paglabag Section 9 ng Animal Welfare Act of 1998 na inamiyendahan ng RA 10631 na may kaugnayan din sa ginagawa niyang pagbebenta ng karne ng aso.
Nakuhanan ng CCTV ang akusado noong buwan ng Pebrero ng kasalukuyang taon, kasama ang kanyang asawa habang sinisilo ang isang aso sabay pukpukin sa ulo bago isilid sa sako.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Navotas Police Station ang akusado habang hinihintay pa ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Navotas City Jail. (Richard Mesa)