• August 13, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 11th, 2026

Kamara, handang magbigay ng tulong sa mga apektado ng pagbaha dulot ng Habagat

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

“NAKAHANDA ang Kamara at ang mga miyembro nito na magbigay ng tulong kung saan kinakailangan.”

Ito ang ginawang paniniguro ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III kasunod ng tuluy-tuloy na pag ulan at pagbaha dulot ng habagat.

Ayon sa Speaker, bukod sa pagmo-monitor sa kondisyon ng mga apektadong lugar ay may koordinasyon din sa mga local governments at kaukulang national agencies upang masiguro na maipapaabot ang tulong sa mga apektadong komunidad.

“Ang ating mga kongresista ang direktang nakakaalam sa sitwasyon sa kani-kanilang distrito. They are closely monitoring the situation on the ground and coordinating with the appropriate agencies so that we can respond immediately to the needs of our people,” anang Speaker.

“Para makaiwas sa sakuna, hindi natin kailangang hintayin na lumala muna ang sitwasyon bago tayo kumilos. Kung may abiso na lumikas, sumunod po tayo. Kung delikado ang pagbiyahe, manatili muna tayo sa ligtas na lugar. Ang pinakamahalaga sa ngayon ay ang kaligtasan ng bawat isa,” dagdag ni Dy.

(VINA de GUZMAN)

YORME ISKO, INATASAN ANG LAHAT NG AHENSIYA NG MAYNILA NA KUMILOS DAHIL SA HABAGAT

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPATAWAG si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ng emergency meeting ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) habang patuloy na nakararanas ang Maynila ng malalakas na pag-ulan dulot ng pinalakas na Habagat.

Sa pulong pinakikilos ng alkalde ang mga ahensiya ng lungsod upang tiyakin ang sapat na pagkain sa mga evacuation center, paglilinis ng mga kalsada, maayos na pamamahala ng trapiko, kahandaan ng pulisya at paghahanda ng mga ospital.

Alam ko walang pasok ngayon, pero wala namang aasahan ang tao kundi tayong gobyerno, ayon kay Domagoso.

Inatasan din niya ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) upang tiyakin na tuloy-tuloy ang pamamahagi ng pagkain sa apat na aktibong evacuation center ng lungsod.

Inutusan din niya ang Department of Engineering and Public Works (DEPW ) at Department of Environment and Public Services (DEPS) na agad alisin ang mga natumbang puno, basura, at iba pang debris sa mga lansangan upang maiwasan ang aksidente.

Bukod sa baha, maaaring magdulot ng aksidente ang mga debris. Kahit holiday o walang pasok, kailangan nating magtrabaho sa mga lansangan ng Maynila,” aniya.

Inatasan din ni Domagoso ang DEPW na makipag-ugnayan sa Meralco upang agad na maalis ang mga nasirang poste at kable ng kuryente. Ayon sa Meralco, wala namang malawakang pagkawala ng kuryente sa Maynila, maliban sa ilang hiwa-hiwalay na insidente.

Pati ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ay inatasan niyang magtalaga ng mga traffic enforcer sa iba’t ibang bahagi ng lungsod upang tumulong sa mga motorista at pedestrian sa kabila ng masamang panahon.

Samantala, inilagay ni Domagoso sa high alert ang Manila Police District (MPD) upang mapigilan ang anumang krimen na maaaring samantalahin ang sitwasyon.

Inatasan din niya Manila Health Department (MHD) na tiyakin ang sapat na suplay ng gamot at iba pang kagamitang medikal, habang pinayuhan ang mga ospital na magtulungan sa paglilipat ng mga kinakailangang kagamitan kung kinakailangan.

Inatasan din ng alkalde ang lahat ng pinuno ng mga departamento na magsumite ng kanilang ulat bago mag-6:00 ng gabi upang mapaghandaan ang magiging tugon ng lungsod sa susunod na araw. 

(Gene Adsuara)

Mayor Jeannie, nanawagan sa mga residente na lumikas dahil sa pagtaas ng tubig sa Tullahan River

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGSAGAWA ng maagap na hakbang ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval upang protektahan ang mga residente sa posibleng epekto ng pagtaas ng tubig sa Tullahan River, kabilang ang paghikayat sa mga residente sa mga lugar na madalas bahain na lumikas bilang pag-iingat sa gitna ng malakas na ulang dala ng Habagat.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng pinakahuling pagsubaybay sa antas ng tubig; ang La Mesa Dam ay umabot sa 80.13 metro 12:00 ng tanghali habang ang Angat Dam naman ay nasa 161.81 metro alas-9:00 ng umaga. Naitala rin ang antas ng tubig sa Tinajeros Bridge sa 11.0 metro alas-1:00 ng hapon, ayon sa Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

“Nitong mga nakaraang araw ay nakaranas tayo ng malakas na pag-ulan. Bagama’t tayo ay nakahanda para sa anumang magiging epekto nito, inaanyayahan natin ang bawat tahanang Malabueño na siguruhin ang kaligtasan ng bawat pamilya. Hindi biro ang malakas na pag-ulan at pagbaha kaya dapat lagi tayong alerto. Patuloy tayong nakikipag-ugnayan sa mga barangay, mga ahensiya, at organisasyon upang masiguro ang kaayusan at sistema para sa kapakanan ng ating mga kababayan,” ani Mayor Jeannie.

Nagsagawa ang MDRRMO, kasama ang army reservist ng monitoring at koordinasyon sa mga Brgy. ng Tinajeros, Niugan, Longos, at Potrero para hikayatin ang mga residente, lalo na ang mga nasa mabababang lugar na madalas bahain na lumikas nang maaga sa halip na hintayin pang umabot sa mapanganib na antas ang tubig-baha.

Tiniyak din ng Pamahalaang Lungsod na bukas ang nasa 43 evacuation center sa buong lungsod, habang inihahanda naman ang mga relief pack na ipamamahagi sa mga pamilyang nakalikas na.

Ayon sa MDRRMO, as of 1:00pm ng August 10, may 29 pamilya o 119 individuals ang pansamantalang lumikas sa tatlong evacuation center sa lungsod habang tiniyak din ni Mayor Jeannie na nananatiling gumagana ang 40 pumping station ng lungsod upang tumulong sa pagbaba ng tubig ng pagbaha.

Patuloy rin ang pagtanggal ng bara at paglalagay ng mga sandbag kabilang ang ilang bahagi ng Tullahan River. Nagsasagawa rin ang CENRO ng mga paglilinis at paghahakot ng basura upang matiyak na walang bara ang mga pangunahing kalsada, daluyan ng tubig, at drainage systems.

“Ang mahalaga ngayon ay huwag na nating hintayin na lumala ang sitwasyon bago tayo kumilos. Ang maagang paglikas ay isang preventive measure upang maprotektahan ang buhay at kaligtasan ng ating mga kababayan. Hinihikayat namin ang ating mga residente na makipag-ugnayan sa kanilang barangay at sundin ang mga abiso ng ating mga awtoridad.,” ani City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)

Hindi paggana ng Tumana, Iwahig Pumping Stations, pinabubusisi

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAIIMBESTIGAHAN ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo ang hindi paggana ng Tumana at Iwahig pumping stations sa kasagsagan ng Southwest Monsoon o Habagat nitong Agosto 9, kung saan pinasok ng tubig baha ang kalsada at kabahayan sa Barangay Tumana.

Sa House Resolution No. 1342, inatasan ni Quimbo ang kaukulang komite sa Kamara na alamin ang dahilan kung bakit hindi gumana ang pumping stations at panagutin ang contractor at operator nito.

“This is precisely when flood-control infrastructure should be working—not sitting idle or unattended while our people are facing rising floodwaters,” ani Quimbo.

Nakasaad sa resolusyon na ang Barangay Tumana, ang ikalawa sa mga barangay na may pinakamalaking populasyon sa Marikina City na may 49,950 residente.

Ang Tumana at Iwahig pumping stations ay itinatag ng Department of Public Works and Highways-Unified Project Management Office (DPWH-UPMO) upang tumulong sa pangangasiwa at pagbawas ng baha sa Tumana at kalapit na komunidad, partikular tuwing malakas ang ulan at pagtaas ng antas sa Marikina River.

Ngunit, iniulat ng mga residente noong August 9 na dalawang pumping stations ang hindi umano gumana habang kasagsagan ng pagbaha.

Matapos ang ulat, nakita sa isinagawang on-site inspection na ang naturang pasilidad ay lumalabas na non-operational at unattended, ng walang personnel mula sa construction company sa nasabing site.

“What happened in Tumana raises a very basic question: when our communities needed these pumping stations the most, why were they not operating?” pahayag ni Quimbo. “Flood-control infrastructure is not just another government facility. It is there to protect lives, homes, livelihoods, and property. It cannot be left unattended or neglected precisely when the flood risk is highest.”

Sa ilalim ng resolution, layon ng imbestigasyon na mabatid ang dahilan sa non-operation ng Tumana at Iwahig pumping stations sa naganap na pagbaha nitong Agosto 9 at ang pananagutan ng contractor and operator.

(VINA de GUZMAN)

3 ‘durugista’, laglag sa selda sa Valenzuela 

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BAGSAK sa kulungan ang tatlong hinihinalang drug personalities matapos maaresto ng pulisya sa magkahiwalay na operation sa Valenzuela City.

Nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga operatiba ng Valenzuela Police Sub-Station 1 nang maaktuhan nila ang tatlong individuals na nagsusugal umano ng ‘lucky 9’ sa M. Gregorio St., Bypass Road, Brgy., Canumay West dakong alas-8:30 ng gabi.

Nakumpiska sa kanila ang bet money, baraha at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano sa construction worker na si alyas “Bonjing”, 57.

Nauna rito, alas-6 ng gabi nang maaresto naman ng mga operatiba ng Police Sub-Station 7 si alyas “Atan”, 55, makaraang maaktuhan na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng isang Unit ng Disiplina Village sa Brgy., Bignay.

Pinosasan naman ng mga operatiba ng Police Sub-Station 2 si alyas “Jomar”, 32, nang maaktuhan na sumisinghot din umano ng shabu sa tabi ng isang bahay sa B. Lower Tibagan, Brgy., Gen. T De Leon pasado alas-8:30 ng gabi.

Nakumpiska sa kanila ang dalawang nakabukas na plastic sachets na may bahid ng umano’y shabu at ilang drug paraphernalias.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagan pa na kasong illegal na pagsusugal ang kakaharapin ni ‘Bonjing’. (Richard Mesa)

226 NA SIRA AT MARURUMING TAXI AT BUS, HINULI NG LTFRB

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAIGTING ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang operasyon laban sa mga sira at maruruming pampasaherong sasakyan upang matiyak ang ligtas, maayos, at komportableng biyahe para sa mga Pilipino.

Kabuuang 226 taxi at passenger bus ang nahuli sa Metro Manila at mga karatig na lugar sa loob ng dalawang buwang operasyon mula Hunyo hanggang Hulyo ngayong taon.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, magpapatuloy ang mas pinaigting na kampanya dahil nararapat lamang na mabigyan ng ligtas at disenteng serbisyo ang mga pasahero.

“Walang palusot para sa mga sirang, marumi at mabahong pampublikong sasakyan. Alam ng mga operator ang mga pamantayang dapat nilang sundin bago sila nabigyan ng awtoridad na mag-operate,” ani Chairman Vigor.

“Kung patuloy nila itong lalabagin, maaari nating bawiin ang kanilang pribilehiyong mag-operate dahil hindi lamang mga pasahero ang kanilang binabalewala kundi pati ang pagsisikap nating gawing mas maayos at propesyonal ang sistema ng pampublikong transportasyon,” dagdag niya.

Ayon kay Atty. Sherwin D. Vizconde, pinuno ng LTFRB Law Enforcement Division, 178 taxi unit ang nahuli sa Caloocan at Quezon City—mga lugar na madalas ireklamo ng mga pasahero dahil sa mga sirang at maruruming taxi.

Samantala, 48 passenger bus naman ang nahuli sa mga operasyon sa NIA Road, Robinsons Antipolo, Monumento, at Mindanao Avenue.

“Naipadala na natin ang show cause orders sa mga operator. Hiningi natin sa kanila na magpaliwanag kung bakit hindi dapat kanselahin o bawiin ang kanilang prangkisa dahil sa operasyon ng mga marumi at sirang unit,” ani Vizconde.

Bahagi ang operasyon ng patuloy na kampanya ng LTFRB na pagandahin at gawing moderno ang pampublikong transportasyon. Maging si Chairman Vigor ay nagsasagawa ng mga biglaang inspeksiyon sa mga taxi, jeepney, bus, at TNVS.

“Mas nararapat ang mas maayos para sa mga Pilipinong pasahero. Ang mga lumalabag sa mga pamantayan sa kalinisan at kaayusan ng mga sasakyan ay walang puwang sa ating pampublikong transportasyon,” pagtatapos ni Chairman Vigor. (PAUL JOHN REYES)

DOH nagbabala vs leptospirosis

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA GITNA ng walang tigil na pagbaha dulot ng habagat at bagyo, muling nagbigay ng babala ang Department of Health (DOH) hinggil sa panganib ng leptospirosis.

Sa mga kalsadang lubog sa tubig, hindi lamang pinsala sa ari-arian ang dapat ikabahala ng publiko. Ayon sa DOH, ang tubig-baha ay maaaring kontaminado ng ihi ng daga at iba pang hayop na nagdadala ng virus. Kapag nalantad dito ang tao, tumataas ang posibilidad ng pagkakasakit.

Ang leptospirosis ay isang seryosong karamdaman na maaaring magdulot ng komplikasyon at maging sanhi ng kamatayan. Kabilang sa mga sintomas ang mataas na lagnat, pamamanhid, pananakit ng kalamnan, pamumula ng mata, at iba pang senyales ng impeksyon.

Bilang pag-iingat, pinapayuhan ng DOH ang publiko na iwasang lumusong sa baha. Kung hindi maiiwasan, agad na maghugas o maligo gamit ang malinis na tubig at sabon. Mahalaga rin ang agarang pagkonsulta sa doktor upang mabigyan ng tamang lunas.

Para sa agarang tulong sa panahon ng sakuna, maaaring tumawag sa National Emergency Hotline 911.

Ads August 11, 2026

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments