• August 13, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 11th, 2026

Eala, nagtapos na ang kampanya sa Canada Open matapos talunin ni Bencic

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGTAPOS na ang kampanya ng Pinay tennis star na si Alex Eala, kasalukuyang World No. 20, sa Canada Open 2026 matapos siyang talunin ng dating Olympic champion at World No. 12 na si Belinda Bencic ng Switzerland sa straight sets, 6-4, 6-0.

Sa unang set, dikit ang laban at nagpalitan ng puntos ang dalawang manlalaro, ngunit kinapos si Eala kaya’t nakuha ni Bencic ang set.

Pagdating sa ikalawang set, tuluyang nakontrol ni Bencic ang momentum ng laro, dahilan para mahirapan si Eala na makapuntos.

Bago pa man ang laban, iniinda na ni Eala ang ankle injury na nakuha sa kanyang huling laro kontra Caty McNally, ngunit itinuloy pa rin niya ang laban.

Sa pagkatalo, nagtapos ang kampanya ng Pinay star sa Round of 16.

Gayunman, mainit pa rin siyang sinuportahan at pinalakpakan ng mga Filipino fans sa kanyang laban sa Canada Open.

Rematch sa pagitan nina Joshua Van at Alexandre Pantoja, kasado na sa Sep. 19

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAL na ang rematch sa pagitan ng dalawang bigating martial artist na sina Joshua Van at Alexandre Pantoja.

Batay sa inilabas ng Ultimate Fighting Champion (UFC) na fight details, magaganap ang laban sa pagitan ng dalawa sa Crypto.com Arena sa Los Angeles, Setyembre 19 ng kasalukuyang taon.

Ang 24-anyos na si Van ay isang flyweight champion at hawak ang win-loss record na 17-2. Huli niyang nakuha ang 125-pound title nitong nakalipas na buwan ng Disyembre (2025) laban kay Pantoja sa pamamagitan ng first-round technical knockout (TKO).

Ang naturang laban ay nagtagal lamang ng 26 na segundo matapos magtamo si Pantoja ng arm injury dahil na rin sa agresibong strikes ng bagitong challenger.

Matapos ang matagumpay na laban, muli ring sumabak si Van sa isang match nitong May (2026) sa pamamagitan ni Tatsuro Taira. Natapos ang naturang laban pabor kay Van via fifth-round TKO.

Sa pagbabalik ng 36-anyos na Brazilian legend, hawak niya ang 30-5 win-loss record.

Historic silver sinikwat ng Alas Women sa SEA V CupHUMATAW ng kasaysayan ang Alas Pilipinas Women sa Southeast Asia (SEA) V Cup Women’s Voll­eyball Championship.

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Tinakasan ng mga Pinay spikers ang Indonesia, 25-13, 23-25, 25-19,c33-31, para angkinin ang silver medal sa Leg 2 ng SEA V Cup kahapon sa 700th Anniversary Chiang Mai Sports Complex sa Chiang Mai, Thailand.

Humataw si Leg 1 Best Opposite Spiker Alyssa Solomon ng 19 points habang may tig-17 markers sina Bella Belen at Eya Laure para sa ikalawang sunod na panalo ng tropa ni Japanese coach Taka Minowa.

Ito ang kauna-unahang pilak na medalya ng Alas Women sa seven-year, 11-leg history ng regional tournament matapos makuntento sa anim na tanso.

Bokya ang kampanya ng koponan sa Leg 1 sa Hanoi, Vietnam.

Nanggaling ang Natio­nals sa 22-25, 25-23, 25-21, 25-22 panalo sa Vietnam noong Sabado matapos ang 19-25, 17-25, 19-25 pagyukod sa Leg 1 winner Thailand noong Biyernes.

Nakaganti rin ang mga Pinay hitters sa mga Indo­nesians na tumalo sa kanila, 20-25, 19-25, 22-25, 16-25, sa agawan sa bronze medal sa Leg 1.

Inaasahang dadalhin ng Alas Women ang momentum sa pagsabak sa parating na Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan na nakatakda sa Setyembre 16.

Makakasama ng mga Pinay sa Pool B ang nine-time Asian Games champion China at Kazakhstan na runner-up sa Vietnam sa 2024 AVC Nations Cup na idinaos sa Manila.

Estudyante na wanted sa rape sa Caloocan, laglag sa selda

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BINITBIT sa selda ang 22-anyos na estudyante na wanted sa kasong Rape matapos maaresto ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Caloocan City.

Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili hinggil sa kinaroroonan ng akusado na residente ng Brgy., 11 ng lungsod.

Sa koordinasyon sa District Women and Children Protection Desk (DWCPD), kaagad nagkasa ang mga operatiba ng District Anti-Carnapping Unit (NPD-DACU) hanggang masukol ang akusado sa Brgy., 14 ng lungsod.

Isinilbi ng pulisya sa akusado ang arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 232, Caloocan City, para sa kasong Rape under Article 266-A, Paragraphs 1 and 2 of the Revised Penal Code na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng NPD-DACU habang hinihintay ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail.

Ayon kay BGen. Capili, ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga wanted na indibidwal at sa patuloy na pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan at hustisya sa buong lugar ng CaMaNaVa. (Richard Mesa)

Request ng US na i-extradite si Quiboloy, pinag-aaralan pang mabuti ng gobyerno ng Pinas- Malakanyang

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ng Malakanyang na pinag-aaralan pang mabuti ng gobyerno ng Pilipinas ang kahilingan ng gobyerno ng Estados Unidos na extradition ng lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy na kasaluku­yang nakakulong sa Pasig City Jail.

Nahaharap kasi si Quiboloy sa mga kasong child sex trafficking, malawakang pagpupuslit ng malaking halaga ng salapi (bulk cash smuggling), at iba pang mga kaso sa Amerika bukod pa sa mga lokal na kaso rito sa Pilipinas na qualified human trafficking at child abuse.

“Sinabi po niya (Pangulong Ferdinand Marcos Jr.) na kailangan ‘tong pag-aralang mabuti. Pero in a couple of weeks ay magbibigay po sila ng anunsyo kung ano ang magiging desisyon para dito,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Ani Castro, ang extradition ay isang opsyon sa ilalim ng Philippines-US Extradition Treaty, nagbibigay nagbibigay para sa pansamantalang pagsuko ng isang tao na inuusig o nagse-serve na ng sentensiya sa requested country.

Sinasabing pormal nang ipinadala ng US Department of State ang extradition request sa Department of Justice (DOJ).

Sa ulat, sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, naipadala na ang pormal na kahilingan ng gobyerno ng Amerika sa Department of Justice.

Nagpalabas ang isang pederal na hukuman sa US ng warrant of arrest laban kay Quiboloy noong Nobyembre 10, 2021 matapos siyang kasuhan ng conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion at sex trafficking of children.

Inaakusahan si Quiboloy ng pakikilahok sa isang labor trafficking scheme kung saan dinala sa Estados Unidos ang mga miyembro ng simbahan gamit ang mga visa na umano’y nakuha sa pamamagitan ng panlilinlang, at pagkatapos ay pinilit silang ­mangalap ng donasyon para sa isang huwad na charity.

Ang mga donasyong ito ay sinasabing ginamit upang “finance church operations and the lavish lifestyles of its leaders.”

Inaresto si Quiboloy sa Davao City noong ­Setyembre 8, 2024 at mula noon ay naghain na siya ng not guilty na plea sa kasong qualified human trafficking. ( DARIS JOSE)

Alegasyon ni VP Sara na pro-China si PBBM, katawa-tawa- Malakanyang

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NATAWA na lang ang Malakanyang sa alegasyon ni Vice President Sara Duterte na maaring kabilang si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga opisyal ng gobyerno na pinaghihinalaang pro-China kung ang listahan ng di umano’y ‘sympathizers’ ay hindi ilalabas.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang pahayag ni VP Sara ay katawa-tawa dahil walang katotohanan lalo pa’t kung ang pagbabasehan ay ang rekord ni Pangulong Marcos sa pagdepensa sa soberanya ng Pilipinas at karapatan sa West Philippine Sea (WPS).

“Nakita po natin kung paano ipaglaban ng Pangulo ang interes ng bansang Pilipinas at interes ng ating mga kababayan,” ang sinabi ni Castro.

“Marami na ang humanga at ipinakita na sang-ayon sila kung anong instance ng Pangulo, patungkol sa ating soberanya, kung papaano natin ipaglalaban, poproteksyunan, especially ang ating karapatan sa West Philippine Sea,” dagdag na wika nito.

Kinuwestiyon naman ni Castro kung bakit si VP Sara at kapatid nitong si Davao City Rep. Paolo Duterte, ang mga tanging tumutol sa panawagan ni Defense Secretary Gilbert Teodoro para sa opisyal na magbitiw sa puwesto kung hindi mapaninindigan ang interest ng Pilipinas sa WPS.

“Hindi natin alam bakit silang dalawa lamang na magkapatid ang umaalma,” ani Castro.

“Minsan kasi kapag ikaw ay natutumbok, kahit hindi ka pinangangalanan, most probably ikaw ay nare-react,” dagdag na wika nito.

Sa ulat, hinamon ni VP Sara si Teodoro na pangalanan ang mga opisyal ng gobyerno na sinasabi niyang tagapagtanggol ng posisyon ng China sa isyu ng West Philippine Sea.

“Dapat pangalanan kung sino ‘yung mga officials na tinutukoy niya na nananati­ling nagde-defend sa China over the West Philippine issue,” ang sinabi ni VP Sara.

Iginiit ni VP Sara na ang paggawa ng malawak na akusasyon nang hindi pinapangalanan ang mga indibidwal ay maaring lumikha ng mga hindi kinakailangang haka-haka, kabilang ang mga pagsasangkot sa mga opisyal na hindi naman tinukoy ang pagkaka­kilanlan.

Idinagdag pa niya na maging si Pangulong Marcos ay maaaring isa sa paghinalaan kung walang babanggiting mga pangalan.

“Kasi hindi puwedeng magbitaw ka ng ganung salita, hindi mo naman pangalanan ‘yung mga official,” aniya.

Una nang nanawagan si Teodoro sa mga opisyal ng gobyerno na tumatangging suportahan ang polisiya ng Pilipinas sa WPS at sa halip ay pumapanig sa Tsina, na magbitiw sa kanilang mga posisyon.

 (DARIS JOSE)

NEP, isinumite na ng DBM kay PBBM

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISINUMITE ng Department of Budget and Management (DBM) sa pangunguna ni Secretary Kim Robert De Leon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngayong Lunes, Agosto 10, 2026 ang P7.2 Trillion National Expenditure Program (NEP) para sa taong 2027.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nakatuon ang budget sa edukasyon, kalusugan, kabuhayan, seguridad at pagpapalakas ng mga komunidad.

Alinsunod aniya ito sa tema na “Peoples centered growth for an inclusive and resilient future”.

Layunin nitong gawing mas kapaki- pakinabang ang bawat pisong pampublikong pondo sa pamamagitan ng mas mahusay na serbisyo at mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino.

Samantala, bukas, Agosto 11 ay pormal nang isusumite ang NEP sa Kongreso bilang susunod na hakbang sa proseso ng pambansang budget. ( DARIS JOSE)

Pujalte out, Dr. Mercado In bilang Kalihim ng DoH- Malakanyang

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INANUNSYO ng Malakanyang na itinalaga araw ng Lunes, Agosto 10, ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Dr. Edwin Mercado bilang bagong kalihim ng Department of Health.

Si Dr. Mercado ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ay kasalukuyang Acting President and Chief Executive Officer ng PhilHealth.

Itinalaga sa PhilHealth si Dr. Mercado noong February 2025. 

Bago pa naging Kalihim ng DOH, nagsilbing medical director si Dr. Mercado sa Daniel Mercado Medical Center noong 1998 hanggang 2000. At nagsilbing president and CEO ng iba’t ibang hospital mula taong 2000 hanggang 2016. 

Nagtapos si Dr. Mercado ng Medicine sa University of the Philippines. Nagtapos ng Master of Medical Science in Global Health Delivery sa Harvard Medical School noong 2023 at mayroon din siyang Executive Master’s Degree in Healthcare Administration mula sa University of North Carolina sa US.

Papalitan ni Dr. Mercado si outgoing DOH Secretary Jose Pujalte Jr.

Samantala, papalit naman kay Dr. Mercado sa PhilHealth bilang acting president and chief executive officer si Dr. Beverly Lorraine C. Ho, na kasalukuyang chief health officer ng Ayala Healthcare Holdings Inc. 

Bago ang kanyang appointment sa PhilHealth, nagsilbi rin sa DOH si Dr. Ho bilang assistant secretary noong January 2023 hanggang January 2024 at undersecretary mula July 2022 hanggang December 2022. Nagsilbi rin deputy spokesperson si Dr. Ho ng DOH mula March 2020 hanggang December 2023.

Kusang nagbitiw sa puwesto si Pujlate at hindi siya sinipa sa posisyon ni Pangulong Marcos. Ang pag-alis ni Pujalte sa posisyon ay dahil sa kalusugan nito.

Sa ngayon ay hindi pa masagot ni Castro kung ang tunay na dahilan ng pag-alis sa puwesto ni Pujalte ay dahil sa alegasyon na sangkot siya sa pagsusugal.

At sa tanong kung kinokonsidera ng gobyerno na ituloy ang imbestigasyon sa alegasyon laban kay Pujalte, ang tugon ni Castro ay “Kung ito naman po ay nakasampa na po sa Ombudsman, nasa kamay na po ng Ombudsman ang pag-iimbestiga kung ano man po ang nai-reklamo laban kay dating Secretary Pujalte.”

Samantala, ang marching order ng Pangulo kay Dr. Mercado ay “Ganun pa rin po, dahil ang nais po ng Pangulo ay unahin ang kapakanan ng ating mga kababayan pagdating po sa kanilang kalusugan. At hindi naman din po bago si Dr. Mercado dahil siya rin po ang tumayo na President and CEO ng PhilHealth. So, alam po ni Dr. Mercado ang gusto at nais ng Pangulo para sa ating mga kababayan.” 

 ( DARIS JOSE)

OCD, bineberipika pa ang 12 kataong nasawi sanhi ng Luis, Maymay, ‘habagat’

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BINEBERIPIKA pa ng Office of Civil Defense (OCD) ang napaulat na may 12 katao ang nasawi sanhi ng serye ng tropical cyclones at malakas na southwest monsoon, o habagat sa nakalipas na araw.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator for Operations Lawrence Mina na bineberipika pa rin nila ang ulat na may 12 katao ang nasugatan habang 8 naman ang nawawala dahil sa tropical cyclones Luis at Maymay at ulan na dala ng habagat.

Aniya, ang report ay mula sa Region 1 (Ilocos Region), Cordillera Administrative Region at Region 4A (Calabarzon).

Ang mga apektadong pamilya ay 384,520, may katumbas na 1,310,000 indibiduwal.

“Of these, 16,130 families or 58,650 persons or individuals were served inside 624 evacuation centers. While there are 11,360 families or 39,290 individuals being served outside ECs (evacuation centers). These are in regions NCR (National Capital Region) 1, 2, CAR, 3, Calabarzon, Mimaropa, 5, 6, and Region 9,” ang sinabi ni Mina. ( DARIS JOSE)

Kaligtasan ng mga bata online at pangangalaga sa kabundukan ng Sierra Madre nasa priority status na panukala sa Kamara

Posted on: August 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KALIGTASAN ng mga bata online at pangangalaga sa kabundukan ng Sierra Madre ang ilan sa mga panukala sa Kamara na inangat sa “priority status” ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III.

“These proposals are intended to complement existing priority legislation to respond to the evolving needs of our people and advancing the nation’s long-term development goals,” sinabi ni Dy sa kanyang presentasyon ng dalawang panukala sa LEDAC meeting na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Kabilang sa priority bills sa LEDAC ay ang House Bill No. 9965, o Children’s Social Media Safety Act, na inakda nila Dy, Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos.

Ang nasabing panukala ay magtatag ng isang komprehensibong regulatory framework sa pag-access ng mga bata sa social media sa pamamagitan ng age verification, mas estriktong parental controls, enhanced platform accountability, at digital safety standards. 

“Today, our children are growing up in a digital world that exposes them to cyber bullying, online exploitation, harmful content, addictive platform design, and algorithm-driven manipulation,” paliwanag ni Dy sa LEDAC meeting. 

“The law we propose seeks to establish clear safety standards, strengthen parental controls, improve platform accountability, and promote responsible digital citizenship while protecting the best interests of every Filipino child.” 

Kasama sa mga priority na panukala ang Sierra Madre Conservation and Development Act, kung saan magtatatag ng unified governance framework para sa pangangalaga at konserbasyon ng Sierra Madre Mountain Range.

“The Sierra Madre is not only a bastion of biodiversity but also a vital natural defense against typhoons, a cornerstone of water security, and an indispensable ally in combating climate change. By adopting a unified governance approach and a long-term development strategy, we aim to safeguard this national treasure while fostering sustainable livelihoods for the communities that rely upon it,” pahayag ni Dy. (VINA de GUZMAN)