• August 13, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

226 NA SIRA AT MARURUMING TAXI AT BUS, HINULI NG LTFRB

PINAIGTING ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang operasyon laban sa mga sira at maruruming pampasaherong sasakyan upang matiyak ang ligtas, maayos, at komportableng biyahe para sa mga Pilipino.

Kabuuang 226 taxi at passenger bus ang nahuli sa Metro Manila at mga karatig na lugar sa loob ng dalawang buwang operasyon mula Hunyo hanggang Hulyo ngayong taon.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, magpapatuloy ang mas pinaigting na kampanya dahil nararapat lamang na mabigyan ng ligtas at disenteng serbisyo ang mga pasahero.

“Walang palusot para sa mga sirang, marumi at mabahong pampublikong sasakyan. Alam ng mga operator ang mga pamantayang dapat nilang sundin bago sila nabigyan ng awtoridad na mag-operate,” ani Chairman Vigor.

“Kung patuloy nila itong lalabagin, maaari nating bawiin ang kanilang pribilehiyong mag-operate dahil hindi lamang mga pasahero ang kanilang binabalewala kundi pati ang pagsisikap nating gawing mas maayos at propesyonal ang sistema ng pampublikong transportasyon,” dagdag niya.

Ayon kay Atty. Sherwin D. Vizconde, pinuno ng LTFRB Law Enforcement Division, 178 taxi unit ang nahuli sa Caloocan at Quezon City—mga lugar na madalas ireklamo ng mga pasahero dahil sa mga sirang at maruruming taxi.

Samantala, 48 passenger bus naman ang nahuli sa mga operasyon sa NIA Road, Robinsons Antipolo, Monumento, at Mindanao Avenue.

“Naipadala na natin ang show cause orders sa mga operator. Hiningi natin sa kanila na magpaliwanag kung bakit hindi dapat kanselahin o bawiin ang kanilang prangkisa dahil sa operasyon ng mga marumi at sirang unit,” ani Vizconde.

Bahagi ang operasyon ng patuloy na kampanya ng LTFRB na pagandahin at gawing moderno ang pampublikong transportasyon. Maging si Chairman Vigor ay nagsasagawa ng mga biglaang inspeksiyon sa mga taxi, jeepney, bus, at TNVS.

“Mas nararapat ang mas maayos para sa mga Pilipinong pasahero. Ang mga lumalabag sa mga pamantayan sa kalinisan at kaayusan ng mga sasakyan ay walang puwang sa ating pampublikong transportasyon,” pagtatapos ni Chairman Vigor. (PAUL JOHN REYES)