Hindi paggana ng Tumana, Iwahig Pumping Stations, pinabubusisi
- Published on August 11, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINAIIMBESTIGAHAN ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo ang hindi paggana ng Tumana at Iwahig pumping stations sa kasagsagan ng Southwest Monsoon o Habagat nitong Agosto 9, kung saan pinasok ng tubig baha ang kalsada at kabahayan sa Barangay Tumana.
Sa House Resolution No. 1342, inatasan ni Quimbo ang kaukulang komite sa Kamara na alamin ang dahilan kung bakit hindi gumana ang pumping stations at panagutin ang contractor at operator nito.
“This is precisely when flood-control infrastructure should be working—not sitting idle or unattended while our people are facing rising floodwaters,” ani Quimbo.
Nakasaad sa resolusyon na ang Barangay Tumana, ang ikalawa sa mga barangay na may pinakamalaking populasyon sa Marikina City na may 49,950 residente.
Ang Tumana at Iwahig pumping stations ay itinatag ng Department of Public Works and Highways-Unified Project Management Office (DPWH-UPMO) upang tumulong sa pangangasiwa at pagbawas ng baha sa Tumana at kalapit na komunidad, partikular tuwing malakas ang ulan at pagtaas ng antas sa Marikina River.
Ngunit, iniulat ng mga residente noong August 9 na dalawang pumping stations ang hindi umano gumana habang kasagsagan ng pagbaha.
Matapos ang ulat, nakita sa isinagawang on-site inspection na ang naturang pasilidad ay lumalabas na non-operational at unattended, ng walang personnel mula sa construction company sa nasabing site.
“What happened in Tumana raises a very basic question: when our communities needed these pumping stations the most, why were they not operating?” pahayag ni Quimbo. “Flood-control infrastructure is not just another government facility. It is there to protect lives, homes, livelihoods, and property. It cannot be left unattended or neglected precisely when the flood risk is highest.”
Sa ilalim ng resolution, layon ng imbestigasyon na mabatid ang dahilan sa non-operation ng Tumana at Iwahig pumping stations sa naganap na pagbaha nitong Agosto 9 at ang pananagutan ng contractor and operator.
(VINA de GUZMAN)