• September 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 3rd, 2026

Mga mambabatas, humingi ng Congressional Inquiry sa Pax Silica Agreement

Posted on: August 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGHAIN ng House Resolution si Caloocan City 2nd District Representative Edgar Erice, kasama sina Representatives Leila de Lima, Cielo Krisel Lagman, Presley De Jesus, at Elijah San Fernando na nag-uutos sa naaangkop na Committee ng House of Representatives na magsagawa ng inquiry, in aid of legislation, sa Pax Silica Agreement at sa pagpapatupad nito.

Ang proposed inquiry ay naglalayong tukuyin ang mga implikasyon ng kasunduan sa pambansang soberanya, pambansang seguridad, pamamahala ng datos, proteksyon sa kapaligiran, seguridad sa ekonomiya, at kasapatan ng mga umiiral na batas ng Pilipinas na namamahala sa artificial intelligence, estratehikong digital na imprastraktura, at pakikilahok ng dayuhan sa critical industries.

Binigyang-diin ni Rep. Erice na ang resolusyon ay hindi naglalayon na pigilan ang mga pamumuhunan, sa halip ay upang matiyak na ang mga proyekto ng pambansang kahalagahan ay magpapatuloy nang may ganap na transparency, pananagutan, at mga pananggalang para sa mamamayang Pilipino.

“The Philippines should welcome investments that create jobs, advance innovation, and strengthen our position in emerging technologies. However, Congress has a constitutional duty to ensure that projects of this magnitude are economically sound, fiscally responsible, environmentally sustainable, legally transparent, and genuinely beneficial to the Filipino people.” aniya.

Ayon sa mga mambabatas, layon nito na itatag kung mayroong sapat na legal at regulatory safeguards bago ganap na maipatupad ang mga malakihang estratehikong proyekto.

Kabilang sa mga pangunahing isyu na inaasahang susuriin ay: ang total projected public and private investments and the extent of firm financial commitments; Government incentives and the expected return on public investment; Ownership, operation, and control of strategic infrastructure; National security, cybersecurity, and data governance safeguards; Adequacy of power and water resources without adversely affecting existing consumers, Environmental impacts and sustainability measures;Technology transfer commitments and development of Filipino expertise; Employment opportunities for Filipinos across all skill levels; Participation of local enterprises in the project’s supply chain; and

Measurable public benefits and accountability mechanisms over the life of the project.

Layon ng resolusyon na tukuyin kung ang mga kasalukuyang batas ng Pilipinas ay nananatiling sapat upang pamahalaan ang mabilis na umuusbong na mga teknolohiya tulad ng artificial intelligence at strategic digital infrastructure, o kung kailangan ng mga legislative reforms.

Binigyang-diin ng mga may-akda na ang Kongreso ay may mahalagang tungkulin sa pagbabantay sa pagtiyak na ang mga pamumuhunan na kinasasangkutan ng mga kritikal na industriya ay sumusulong sa pangmatagalang pambansang interes ng bansa. (Richard Mesa)

“Pantay na hustisya lamang ang hinihingi ko,” – Leyte Rep. Romualdez

Posted on: August 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ITO ang naging pahayag ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez sa gitna ng mga ulat na sasampahan na siya ng kasong plunder ng Office of the Ombudsman.

Aniya, pinipilit ng Ombudsman ang kaso sa kanya at gagamitin ang mga testigo na nauna na nilang na- discredit at sinampahan pa ng kasong cyberlibel at perjury.

“Ito ba ang patas na imbestigasyon? Mga testigong ibinasura na, kinasuhan pa ng cyberlibel at perjury — gagamitin pa rin para lang ituro ako at ako lamang. Hindi ako uurong sa laban na ito. Hindi ako matitinag. Gawin natin ang tama,” giit ng dating Speaker.

Naunang nagpahayag ng katiyakan ang Ombudsman na sasampahan nila ng kasong plunder si Romualdez kaugnay ng umano’y iregularidad sa pambansang budget.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, ang kaso laban sa dating Speaker ay “ready for preliminary investigation.” (Vina de Guzman)

PCG, PDEA, NASAMSAM ANG P510 MILYONG HALAGA NG SHABU SA BATANGAS CITY

Posted on: August 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASAMSAM ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 75 kilo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na ₱510 milyon sa magkasanib na operasyon ng mga awtoridad sa Batangas Port, Batangas City.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, hinarang at hinalughog ng mga awtoridad ang isang puting van na nagresulta sa pagkakarekober ng 75 pakete na gawa sa foil na naglalaman ng puting mala-kristal na hinihinalang shabu. 

Tatlong suspek—dalawang lalaki at isang babae—ang naaresto sa operasyon. na pawang mga residente ng Barangay Talon-Talon, Zamboanga City, ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Dinala at itinurn-over sa PDEA ang mga naarestong suspek, kasama ang mga nakumpiskang ebidensya, para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng mga naaangkop na kaso. (Gene Adsuara)

Mayor Jeannie, ginawaran ng ‘Eternal Flame of Governance Trophy’ ng RPMD

Posted on: August 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

GINAWARAN si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ng Eternal Flame of Governance Trophy ng RP Mission and Development Foundation Inc. (RPMD) para sa unang ranking survey ng organisasyon sa mga top performing mayors sa Pilipinas, na kinikilala ang kanilang namumukod-tanging serbisyo publiko, integridad, pagbabago, at patuloy na pangako sa pagpapabuti ng buhay ng kanilang mga nasasakupan sa pamamagitan ng epektibong pamamahala.

Ang pagkilala ay iginawad kay Mayor Jeannie matapos niyang makakuha ng 88.02% Index of Governance, 87.85% Trust Rating, at 88.20% Performance Rating No. 1 sa Ang “Boses ng Bayan” na sumusukat sa tiwala ng publiko, pamamahala, at pagganap ng pamumuno sa mga lokal na punong ehekutibo sa buong bansa.

Pormal na tinanggap ni Mayor Sandoval ang Eternal Flame of Governance Trophy mula sa mga opisyal ng RPMD na sina Mr. DJ Villanueva, Mr. Ivan Vargas, at Mr. Phyns Patalinghug sa isang awarding ceremony kasabay ng kanyang ikaapat na State of the City Address.

Ayon sa RPMD, ang independent, non-commissioned survey ay isinagawa noong Abril 2026, kung saan 5,000 rehistradong botante ang random na nakapanayam sa bawat rehiyon at lahat ng socioeconomic classes respondents ay tinimbang ang proporsyonal na bilang ng mga rehistradong botante sa bawat lungsod at mga barangay nito upang matiyak na ang resulta ay tumpak na sumasalamin sa mga damdamin ng kani-kanilang mga nasasakupan.

Ani Sandoval, ang pagkilala ay inialay niya sa bawat Malabueño at sa mga masisipag na empleyado ng Pamahalaang Lungsod, na sumasalamin sa sama-samang pagsisikap ng komunidad sa pagbuo ng mas matatag na lungsod.

“Ang parangal ay para sa bawat Malabueño at sa bawat kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon na patuloy na nagbibigya ng dekalidad at maaasahang serbisyo para sa patuloy na paglago at pag-ahon. Patunay ito na kapag nagkakaisa ang pamahalaan at mamamayan, mas marami tayong nagagawang makabuluhang pagbabago. Patuloy nating isusulong ang isang mas matatag, maayos, at mas maunlad na Malabon para sa lahat,” ani Mayor Jeannie.

Dagdag niya, ang pagkilala ay higit na nagpapatibay sa patuloy na pag-unlad ng lungsod sa ilalim ng kanyang administrasyon na naka-angkla sa Lucky 9-Point Agenda, ang transparent na pamamahala, proteksyong panlipunan, paglago ng ekonomiya, de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, pagpapaunlad ng imprastraktura, pagpapanatili ng kapaligiran, katatagan ng sakuna, at inklusibong mga pagkakataon para sa bawat Malabueño. (Richard Mesa)

622 SA 720 SCOs NA INILABAS MULA ENERO HANGGANG HULYO 31, 2026 NALUTAS NA NG LTFRB

Posted on: August 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NALUTAS na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang 622 sa 720 Show Cause Orders (SCOs) na inilabas mula Enero 1 hanggang Hulyo 31, 2026.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ang mahigit 86 porsiyentong resolution rate ay patunay ng mas mabilis at mas epektibong pagtugon ng ahensya sa mga reklamong may kaugnayan sa kaligtasan sa kalsada at disiplina ng mga pampublikong sasakyan.

“Mahalaga ring nasasabayan ng mabilis na pagresolba sa mga kaso ang mataas na complaint resolution rate nang hindi isinasantabi ang due process at pagiging patas,” ani Chairman Vigor.

Dagdag pa niya, layunin ng LTFRB na maalis ang backlog sa lahat ng kasong dinidinig ng ahensya.

“Layunin nating walang maiwang nakabinbing kaso o reklamo sa LTFRB. Maganda ang ating naging takbo simula ngayong taon at naniniwala akong nasa tamang direksyon tayo upang makamit ito,” dagdag niya.

Batay sa tala ng LTFRB, sa 622 kasong nalutas, 389 ang may kaugnayan sa paglabag sa Certificate of Public Convenience (CPC), 127 ay kaugnay ng mga road crash, 98 ang mula sa law enforcement operations, at walo ang may kinalaman sa paglabag sa mga patakaran sa PUV terminals.

Samantala, 71 kaso ang nakatakdang dinggin, habang 27 ang nakabinbin para sa resolusyon.

Muling nagpaalala si Chairman Vigor sa mga operator ng PUV na mahigpit na sumunod sa mga kondisyon ng kanilang CPC, at iginiit na ang prangkisa ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan.

Aniya, ang mga seryosong paglabag, gaya ng pagkuha ng mga iresponsableng drayber at hindi maayos na pagpapanatili ng mga sasakyan, ay maaaring magresulta sa suspensyon o pagbawi ng kanilang Certificate of Public Convenience o awtoridad na mag-operate. 

(PAUL JOHN REYES)

153K estudyante, sumabak sa UPCAT 2027

Posted on: August 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PANSAMANTALANG isinara kahapon ang mga recreational biking at jogging sa UP Diliman Campus sa Quezon City para sa libu-libong estudyante na inaasahang kukuha ng University of the Philippines College Admission Test (UPCAT) 2027 na nagsimula kahapon Sabado, August 1 hanggang August 2, Linggo.

Ayon kay UP Office of Admissions Director Gerald Pio Franco, inaasahan nilang aabot sa 153,000 na aspiring Iskolar ng Bayan sa buong bansa ang susubok sa two-day entrance ­examination, kasama na ang 53,000 applicants na kukuha sa testing centers sa UP Diliman.

Inaasahang madadagdagan pa ito mula sa additional walk-in applicants.

Isinasagawa ang UPCAT sa 118 testing centers sa buong bansa sa siyam na UP campuses at 109 partner schools at non-UP testing centers.

Nanatili namang competitive ang UP undergraduate programs. Bukod sa UPCAT performance, sinusuri ang mga aplikante base sa Grades 8 hanggang 11 academic records, kasama ang socioeconomic, at geographic factors.

Kasama sa UPCAT ang apat na subtests tulad ng Language Proficiency in English and Filipino, Science, Mathematics, and Reading Comprehension in English and Filipino. Ilalabas ang UPCAT results sa first half ng 2027.

Malaking karangalan ito sa Philippine cinema…‘I’mPerfect’, first-ever Filipino film na na-invite sa Lucania Film Festival, (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: August 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANG “I’mPerfect” na mula sa Nathan Studios, ang first-ever Filipino feature film na pinagbibidahan ng actors with Down syndrome na naka-receive ng official invitation sa Lucania Film Festival.

Isa nga itong malaking karangalan para sa Pilipinas. At malaking hakbang para sa patuloy na pag-angat ng Philippine independent cinema sa world stage.

Dumating na sa Italy ang cast na kinabibilangan ni MMFF Best Actress Krystel Go, Earl Amaba, Javi Sarmiento at Angela Batallones.  Ka-join din ang premyadong aktres na si Sylvia Sanchez at ang creative team ng award-winning Filipino independent film na “I’mPerfect” upang opisyal na i-represent ang Pilipinas sa 27th Lucania Film Festival na ginaganap ngayon (August 2-5) sa Pisticci, Italy na kung saan kabilang ang pelikula sa official international line-up ng prestihiyosong festival.

Ang Lucania Film Festival ay isa sa mga kinikilalang international festivals na nagbibigay-pugay sa independent films at nagtitipon ng filmmakers, producers, at artists mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Isa itong napakalaking milestone para sa “I’mPerfect”, na patuloy ang pag-ani ng international recognition matapos ang matagumpay nitong festival run noong Disyembre 2025 na kung saan nagwagi ng Best Picture.

Habang nasa Italy, nakibahagi ang Philippine delegation sa iba’t ibang festival activities kasama ang filmmakers at industry professionals mula sa Europa, Asya, at iba pang mga bansa. 

Sinamantala rin ng grupo ang pag-iikot sa tourist spots sa Rome, Pisa at iba pang kalapit na lugar bago ang filmfest.  Naka-attend din sila ng thanksgiving mass sa St. Peter’s Basilica sa Vatican City.

Samantala, sa pamamagitan ng “I’mPerfect” na mula sa direksyon ni Sigrid Andrea Bernardo, naipakita sa international audience ang isang natatanging kuwentong Pilipino, pati na rin ang world-class creativity at husay ng ating mga filmmakers.

Ayon kay Ria Atayde-Marudo, CEO ng Nathan Studios, ang pagkakapili ng pelikula ay bunga ng dedikasyon at pagsisikap ng buong production team at isang pagkakataon upang maipakita ang galing ng mga Pilipino sa mas malaking pandaigdigang entablado.

Higit pa sa festival screening, ang paglahok ng “I’mPerfect” sa Lucania Film Festival ay patunay na lalo pang kinikilala ang Philippine cinema sa international film community, kung saan patuloy na nakakakuha ng invitations, awards, at magandang reviews ang mga pelikulang Pilipino.

Ngayong nasa ika-27 taon na ang Lucania Film Festival, nananatili itong isa sa mga mahalagang international events na nagsusulong ng independent filmmaking at cultural exchange sa pamamagitan ng pelikula.

Payo ni Nadia, magpahinga at mag-enjoy…Sen. ROBIN, ‘di apektado dahil manhid na sa pambabatikos (ni: REY PINEDA) 

Posted on: August 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

AYON kay Nadia Montenegro, wala na raw itong balak na muling balikan ang naiwang posisyon sa opisina ni Senator Robin Padilla.

Tungkol naman sa bali-balitang tatakbo si Senator Robin para sa mas mataas na posisyon sa darating na eleksiyon, maikli pero makahulugan ang mga tinuran ng aktres.

“Thy will be done. Only God knows.     

“Ang tanong, gusto ba niya? Ako, hindi ko alam, basta alam ko ang gusto ko para sa kanya magpahinga siya at mag-enjoy ng life niya.”   

Paalala ng isang tunay na kaibigan para sa isang malapit na kaibigan.     

Ito lang daw ang hangad ni Nadia para sa kaibigan, ang maging masaya at maging stress-free at malayo sa demands ng public service.     

Sa rami nga nang bumabatikos ngayon sa senador online, nararamdaman daw ni Nadia na hindi apektado ang senador sa ingay ng mga kritiko.

Bilang isang dating political affairs officer, kilala na raw niya ang senador.

Manhid at sanay na sanay na raw ang senador na ipagwalang bahala ang mga negatibong kritisismo at mas pagtuunan nang pansin ang pagbibigay ng serbisyo sa sambayanang Pilipino.

***

NAMATAAN si Bea Alonzo na nanonood para sa pagtatanghal ng “Ang babae sa Septic Tank 4” sa PETA theater Center Philippines. 

Sa mga photos na naglabasan tila wala ang kanyang mister na si Vincent Co.     

Ayon kay Bea, natuwa siya dahil sa ang gagaling daw ng buong cast ng nabanggit na stage play.    

Idagdag pa raw dito ang husay at galing ni Eugene Domingo pagdating sa comedy.  

Sa isang uploaded video kung saan na-interview ang aktres, sinabi nitong hindi pa siya nakakagawa ng stage play.    

Pero alam niya na hindi ito nalalayo sa paggawa ng pelikula o ng serye sa telebisyon.     Kumbaga, pareho naman daw art form ang mga ito.

At ‘yun daw ang kagandahan ng mundo ng showbiz, puwedeng pagtawanan ang isa’t isa, at mag-celebrate.

At sa gabing iyon, isa si Bea sa mga taong nakipag-celebrate.

Loveless pa rin dahil wala pang dumarating…CLAUDINE, nakipag-date kay MILANO pero ‘di umabot sa relasyon (ni: ROMMEL GONZALES) 

Posted on: August 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG birthday surprise ang inihandog kay Claudine Barretto ng mga taong nagmamahal sa aktres.

“Ayoko sana kasi nga, siyempre, nawala yung kuya ko, yung mommy ko.

“Parang… sabi ko, pass muna siguro itong birthday na ito. Pero alam mo, parang na-realize ko, dapat talaga siguro every birthday, mag-celebrate kahit maliit.

“Pero yun, sobrang happy. Sobrang happy ako,” bulalas ni Claudine na July 20 ang kaarawan.

Hindi raw tungkol sa pagkakaroon muli ng lovelife ang birthday wish ni Claudine.

“Wala muna! Ano muna, pause after 12 years. Nag-try naman talaga ako na, I mean, mag-date and all.

“Pero parang hindi pa para sa akin. Hindi pa siguro talaga dumarating.”

Nilinaw ni Claudine na hindi sila nagkaroon ng relasyon ni Milano Sanchez na kapatid ni Korina Sanchez.

“Hindi naman talaga naging kami ni Milano. We were dating, we were dating and hindi kami umabot ng two months.

“So… but we’re good friends. We still talk. We see each other from time to time. So, walang ano.”

Si Claudine ang choice ng may-ari ng Maddox Jewelry na si Miss Charo Cordial na gumanap kapag isinalin sa pelikula ang buhay ng Diamond Queen na si Charo.

At rebelasyon ni Claudine, “Ginawa ko na yung buhay ni Miss Charo… hindi ko pa alam kay Miss Charo kung saan niya ipapalabas.

“Pero may isa pa kaming shooting day. And sobrang ganda ng buhay niya. Nakakatuwa, kasi nga isa rin siyang Claudinian.

“So parang nakakatuwa lang na siyempre, pag nakikita mo, ‘di ba, isang Claudinian na nagiging successful sa buhay.

“Parang feeling mo, ikaw rin. Naka-contribute ka dun sa buhay niya.

“So parang na-inspire ka,  naging inspirasyon ka niya kahit konti.

“So, malaking bagay sa akin, kaya tinanggap ko agad.”

Bukod sa pagganap bilang si Charo, isa rin si Claudine sa mga celebrity na rumampa sa Maddox Iconic Runway: Diamond Jewelry Fashion Show kasama sina Ryza Cenon, Diego Loyzaga, AJ Raval, Aljur Abrenica, Kris Bernal, Edgar Allan Guzman, Polo Ravales, Sheree Bautista, Pancho Magno, Negi, Aubrey Miles, Troy Montero, Katrina Halili, Diana Zubiri, Katya Santos, James Blanco, Nadine Samonte, Daiana Menezes, Geneva Cruz, Giselle Sanchez, Jiana Avery Cordial, Ara Mina, Beauty Gonzales, Maureen Larrazabal, DJ Durano, Ynez Veneracion, Regine Tolentino, Jeric Raval, Gary Estrada, Alma Concepcion, Pokwang, Amy Austria, Jackie Lou Blanco, Yayo Aguila, Gardo Versoza, Epy Quizon, Eric Quizon at sina Roderick Paulate at Carmi Martin.

Ads August 3, 2026

Posted on: August 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments