Malaking karangalan ito sa Philippine cinema…‘I’mPerfect’, first-ever Filipino film na na-invite sa Lucania Film Festival, (ni: ROHN ROMULO)
- Published on August 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
ANG “I’mPerfect” na mula sa Nathan Studios, ang first-ever Filipino feature film na pinagbibidahan ng actors with Down syndrome na naka-receive ng official invitation sa Lucania Film Festival.
Isa nga itong malaking karangalan para sa Pilipinas. At malaking hakbang para sa patuloy na pag-angat ng Philippine independent cinema sa world stage.
Dumating na sa Italy ang cast na kinabibilangan ni MMFF Best Actress Krystel Go, Earl Amaba, Javi Sarmiento at Angela Batallones. Ka-join din ang premyadong aktres na si Sylvia Sanchez at ang creative team ng award-winning Filipino independent film na “I’mPerfect” upang opisyal na i-represent ang Pilipinas sa 27th Lucania Film Festival na ginaganap ngayon (August 2-5) sa Pisticci, Italy na kung saan kabilang ang pelikula sa official international line-up ng prestihiyosong festival.
Ang Lucania Film Festival ay isa sa mga kinikilalang international festivals na nagbibigay-pugay sa independent films at nagtitipon ng filmmakers, producers, at artists mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Isa itong napakalaking milestone para sa “I’mPerfect”, na patuloy ang pag-ani ng international recognition matapos ang matagumpay nitong festival run noong Disyembre 2025 na kung saan nagwagi ng Best Picture.
Habang nasa Italy, nakibahagi ang Philippine delegation sa iba’t ibang festival activities kasama ang filmmakers at industry professionals mula sa Europa, Asya, at iba pang mga bansa.
Sinamantala rin ng grupo ang pag-iikot sa tourist spots sa Rome, Pisa at iba pang kalapit na lugar bago ang filmfest. Naka-attend din sila ng thanksgiving mass sa St. Peter’s Basilica sa Vatican City.
Samantala, sa pamamagitan ng “I’mPerfect” na mula sa direksyon ni Sigrid Andrea Bernardo, naipakita sa international audience ang isang natatanging kuwentong Pilipino, pati na rin ang world-class creativity at husay ng ating mga filmmakers.
Ayon kay Ria Atayde-Marudo, CEO ng Nathan Studios, ang pagkakapili ng pelikula ay bunga ng dedikasyon at pagsisikap ng buong production team at isang pagkakataon upang maipakita ang galing ng mga Pilipino sa mas malaking pandaigdigang entablado.
Higit pa sa festival screening, ang paglahok ng “I’mPerfect” sa Lucania Film Festival ay patunay na lalo pang kinikilala ang Philippine cinema sa international film community, kung saan patuloy na nakakakuha ng invitations, awards, at magandang reviews ang mga pelikulang Pilipino.
Ngayong nasa ika-27 taon na ang Lucania Film Festival, nananatili itong isa sa mga mahalagang international events na nagsusulong ng independent filmmaking at cultural exchange sa pamamagitan ng pelikula.