• July 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 22nd, 2026

BI HINARANG ANG DAYUHANG NASA INTERPOL TERROR WATCHLIST

Posted on: July 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAPIGILAN ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpasok sa bansa ng isang 49-anyos na Omani national na nasa INTERPOL terror watchlist.

Natukoy ng Advance Passenger Information System (APIS) Operations Center ng BI ang INTERPOL alert noong Hulyo 10 bago dumating ang dayuhan sa NAIA Terminal 3 sakay ng flight mula Doha, Qatar.

Agad na bineripeka ang impormasyon at magsagawa ng kaukulang operasyon. Sa pagdating ng dayuhan, agad siyang hinarang at isinailalim sa imbestigasyon.

Batay sa natanggap na impormasyon, pinaniniwalaang bumiyahe ang dayuhan upang makilahok sa mga gawaing may kaugnayan sa terorismo. Dahil dito, hindi siya pinayagang makapasok sa Pilipinas alinsunod sa umiiral na batas sa imigrasyon at mga protocol sa pambansang seguridad.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ipinakikita ang kahalagahan ng Advance Passenger Information System (APIS) sa maagap na pagtukoy at pagpigil sa mga indibidwal na maaaring magdulot ng banta sa pambansang seguridad bago pa man sila makarating sa teritoryo ng Pilipinas. (Gene Adsuara)

Ginawang pananakit ng China Coast Guard sa marino ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal, kinondena ng mga mambabatas 

Posted on: July 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINONDENA ng House Young Guns, na kinabibilangan nina Deputy Speaker Paolo Ortega V, Deputy Speaker Jay Khonghun, Rep. Ernix Dionisio at Rep. Zia Alonto Adiong, ang ginawang pananakit ng China Coast Guard sa marino ng Philippine Navy malapit sa BRP Sierra Madre sa may Ayungin Shoal.

“Tinitindigan namin ang karahasan na ito! Hindi ito tama!” pahayag ng mga ito.

Nilapitan at inikutan ng China Coast Guard na may walong personnel ang BRP Sierra Madre, at kinuhanan ng litrato at video. Nang sinamahan ng Philippine Navy rubber boats ang sasakyang pandagat ng Tsina, isa sa personnel ng China Coast Guard ang namukpok ng kahoy na batuta sa ulo ng isang marino na nagresulta sa sugat sa ulo at pagkarisa sa Navy rubber boat.

“Hindi dapat nakakaranas ng ganitong karahasan ang isang Pilipino — sa loob ng ating Exclusive Economic Zone! We stand with our Armed Forces and the Filipino people in defending our maritime domain. Diplomacy must be matched with resolve. We will not back down,” anang mga mambabatas.

Sinabi naman ni Akbayan Partylist Rep. Dadah Kiram Ismula na nag-aastang riding-in-tandem sa karagatan ang China Coast Guard.

Ayon sa mambabatas, sila na nga iligal na nang-aangkin sa karagatan ng Pilipinas ay sila pa ang marahas laban sa mga Pilipino.

“The Chinese government is acting like pirates and bandits in our own seas. Hindi ito first time na may sinaktan ang China sa ating mga uniformed personnel na nagpapatrol sa West Philippine Sea. Noong 2024, naputulan ng daliri si Seaman First Class Jeffrey Facundo dahil sa China Coast Guard. We call on the President to expel the Chinese Ambassador to the Philippines to show their government that we are not blind to their violent acts,” pahayag ni Ismula.

Pahayag naman ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña na muli naman nasaksihan ang uri ng pang-aabusong ginagawa ng mga personnel ng China sa West Philippine Sea frontliners .

Ayon naman kay Pinoy Workers party-list Rep. Karl Fernandez Legazpi, dapat seryosohin at hindi dapat palampasin ang ginawang pag atake ng China sa mga tauhan ng Philippine Navy. 

“No Filipino serviceman should have to suffer violence for simply doing his duty of protecting our country’s sovereign rights. We strongly condemn any act that puts the lives and safety of our uniformed personnel at risk,” sinabi ni Legazpi.

Nanawagan din ito na pag ibayuhin ang tugon at tulong sa ating kasundaluhan na nangangalaga ng soberenya ng ating bansa habang pinaninindigan ang karapatan nito sa ilalim ng international law. 

(Vina de Guzman)

Caloocan, pinagtibay ang ugnayan sa ibang lungsod sa pamamagitan ng pagbisita sa Mandaue

Posted on: July 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAGTIBAY ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ang kanilang dedikasyon sa serbisyo-publiko sa pamamagitan ng pagbisita sa Lungsod ng Mandaue na isang hakbang sa pagpapalawak ng mga ugnayan ng Caloocan sa mga progresibong lokal na pamahalaan sa buong bansa.

Nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Along kay Mandaue City Mayor Jonkie Ouano at sa Pamahalaang Lungsod ng Mandaue dahil sa mainit na pagtanggap sa delegasyon ng Caloocan, gayundin sa naging palitan ng mga inisyatiba sa pamamahala at mga mahuhusay na pamamaraan (best practices).

“The exchange of ideas among local governments allows us to continuously improve the programs and services we deliver to our constituents,” ani Mayor Along.

Binigyang-diin din ng lokal na punong ehekutibo ng Caloocan na ang pagbisita ay higit pa sa pagbabahagi ng kaalaman; nagsisilbi itong simula ng mas matibay na ugnayan sa pagitan ng Caloocan at Mandaue na nagtataguyod ng pagtutulungan para sa kapakinabangan ng parehong lungsod.

“Daghang salamat, Mandaue City! Nawa’y magsilbi ang pagbisita na ito na simula ng mas matibay na ugnayan at pagtutulungan ng ating mga lungsod para sa kapakanan ng ating mga mamamayan,” pahayag ni Mayor Along.

Kasama niya sa pagbisita sina Vice Mayor Karina Teh, Congressman Oca Malapitan, Congressman Dean Asistio, mga piling miyembro ng Sangguniang Sangguniang Sangguniang, at mga kinatawan ng Caloocan City Filipino-Chinese Chamber of Commerce Inc. (Richard Mesa)

Mayor Along, agad nagbigay ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Caloocan

Posted on: July 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PERSONAL na binisita ni Mayor Along Malapitan para kamustahin at magbigay ng agarang tulong sa kanyang mga kababayang naapektuhan ng sunog sa Barangay 19, Caloocan City. Kabilang sa mga ipinamahagi ng alkalde ang relief goods, inuming tubig, hygiene kits, sleeping kits, at iba pang pangunahing pangangailangan. Patuloy din aniya ang pag-alalay ng social worker at iba pang tanggapan ng lungsod upang makatulong sa muling pagbangon ng bawat pamilyang apektado. (Richard Mesa)

𝐏𝐀𝐍𝐓𝐀𝐘 𝐍𝐀 𝐎𝐏𝐎𝐑𝐓𝐔𝐍𝐈𝐃𝐀𝐃 𝐏𝐀𝐑𝐀 𝐒𝐀 𝐋𝐀𝐇𝐀𝐓

Posted on: July 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UPANG magbigay-oportunidad at trabaho sa mga persons with disability (PWD) sa Caloocan, nilagdaan natin ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan at ng WSK Group of Companies, Big Brew Food and Beverage House, Eskina, Fruitas Holdings, at Table Group Inc. para sa Project Ability and Mobility. 

Tiwala po tayo sa kakayahan ng ating mga kababayan at titiyakin natin na sa ating liderato ay nabibigyan sila ng pantay na karapatan, oportunidad, at pagpapahalaga. 

(Richard Mesa)

Caloocan, pinalalakas ang programa sa waste segregation at recycling

Posted on: July 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINALALAKAS ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang mga programa nito sa waste segregation at recycling, sa pamamagitan ng kanilang Material Recovery Facility (MRF) para mabigyan ng panibagong halaga ang mga basura na maaari pang gawing kapaki-pakinabang na kagamitan.

Ayon kay Mayor Along Malapitan, ang bawat bote, papel, lata, kahoy, at plastik na maayos na naihihiwalay ay bahagi ng kanilang adhikain tungo sa mas malinis na Caloocan. Nagpapasalamat din siya sa City Environmental Management Department sa walang patid na paghahanap ng paraan para pangalagaan ang kalikasan. (Richard Mesa)

P2 taas-pasahe sa jeep hinirit

Posted on: July 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HUMIHILING ang ­ilang transport groups sa bansa ng hanggang P2 dagdag-pasahe at nagbabala na magdaraos ng panibagong nationwide transport strike kung hindi mapagbibigyan ang kanilang kahilingan.

Ayon kay Manibela chairperson Mar Valbuena, hindi sapat ang P1 fare increase lamang dahil hindi pa aniya nila nababawi ang kanilang mga lugi simula noong Marso.

Ganito rin naman ang hiling ni ACTO president Libay de Luna nang magpaunlak ng panayam sa radyo at sinabing kahit P1 o P2 taas-pasahe ay malaking tulong na sa kanila.

Kapwa rin sila nagbabala na magdaraos ng panibagong transport strike kung magpapatuloy ang pagtaas ng ­presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon kay Valbuena, pinag-iisipan na nila kung anong araw isasagawa ang tigil-pasada.

Aniya, nasa 100,000 drivers at operators nationwide ang inaasahan nilang dadalo sa transport strike.

Dagdag pa niya, nakatakda silang makipagpulong ngayong Martes, Hulyo 21, sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang talakayin ang hiling nilang taas-pasahe.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni De Luna na mino-monitor pa nila ang sitwasyon at kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng la­ngis ay mapipilitan silang magdaos ng transport strike.