• October 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 17th, 2026

PNP, PINAIGTING ANG KAMPANYA VS ONLINE BOMB THREATS

Posted on: July 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PATULOY na pinalalakas ng Philippine National Police (PNP), sa pamamagitan ng Anti-Cybercrime Group (ACG), ang kampanya nito laban sa mga indibidwal na gumagamit ng mga online platform upang magkalat ng mga banta ng bomba na nakakagambala sa mga paaralan at mga komunidad.

Mula noong Enero 2026, agad na kumilos ang PNP ACG kaugnay ng mga ulat ng banta ng bomba mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa pamamagitan ng mga imbestigasyon sa cyber na isinagawa katuwang ang mga local police units at iba pang kinauukulang kaso. Dahil dito, walong kaso na ang naipadala sa mga korte.

Ang mga pinakabagong insidente ay naiulat noong Hulyo 8 sa Cavite, kung saan ang mga online post na nagsasabing ang mga pampasabog ay inilagay sa ilang paaralan ay nagdulot ng pag-aalala sa mga estudyante, magulang, at mga opisyal ng paaralan. Sa pamamagitan ng digital investigation, natunton ng mga awtoridad ang social media account na umano’y sangkot at natuklasan na ito ay pinapatakbo ng mga menor de edad. Ang isang bata ay Conflict with the Law (CICL) ay nahaharap ngayon sa appropriate legal proceedings, habang ang isa pang menor de edad ay inilagay sa ilalim ng pangangalaga ng isang rehabilitation facility para sa kinakailangang interbensyon, alinsunod sa mga umiiral na batas na nagpoprotekta sa mga bata.

“Hindi biro ang bomb threat. Kapag nagpakalat tayo ng maling impormasyon na nagdudulot ng takot at pagkaantala sa klase, trabaho, at iba pang serbisyo, maraming inosenteng tao ang naaapektuhan. Walang puwang ang ganitong uri ng iresponsableng paggamit ng social media,” sabi ni PGEN Nartatez.

“Sa mga nag-aakalang hindi sila matutunton sa internet, tandaan ninyo na patuloy nating pinapalakas ang ating cyber capabilities. We will continue to investigate these incidents fairly, protect the rights of everyone involved, and ensure that those who violate the law are held accountable through due process,” dagdag pa ni PNP Chief.

Pinaalalahanan din ng PNP ang publiko na gamitin ng responsable ang social media at agad na iulat sa mga awtoridad ang mga online bomb threats. (PAUL JOHN REYES)

DOTr: Taas pasahe sa PUV inaaral na

Posted on: July 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAG- AARALAN na ng pamahalaan ang posibleng taas pasahe at cash aid sa gitna ng panibagong banta ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng muling pagtaas ng tensyon sa Middle East.

Ayon kay Palace Press Officer (PCO) Undersecretary Claire Castro, inatasan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez na i-assess ang sitwasyon at magrekomenda ng mga hakbang para maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis habang pinoprotektahan naman ang consumers mula sa mataas na transport at commodity costs.

“Ang nais ng ­Pangulo ay walang maiwan; kailangan matulungan ang lahat sa tamang pamamaraan at sa ­balanseng pamamaraan,” ayon pa kay Castro.

Kinikilala naman ­aniya ng gobyerno na ang mataas na persyo ng produktong petrolyo ay magdudulot ng pagtaas hindi lang ng pasahe kundi ng pangunahing presyo ng bilihin.

Tiniyak naman ni Castro na pinag-aaralan na ng gobyerno ang sakop ng apela ng transport group na Pasang Masda para ipatupad ang P1 provisional fare increase na sinuspinde nitong unang buwan ng taon.

“Kasabay po ito sa pag-aaralan sa ngayon para po tama ang ating pagbibigay ng ayuda sa ating mga kababayan sa transport sector para hindi sila maiwan,” ayon pa kay Castro.

Patuloy rin aniyang magbibigay ng tulong ang gobyerno sa mga consumers kahit na ikinokonsidera ang tulong sa transport operators.

6 arestado sa pambabato sa demolition team sa Valenzuela 

Posted on: July 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANIM na indibidwal ang inaresto ng pulisya matapos ang nangyaring pambabato sa demolition team sa gitna ng clearing operation sa naganap na demolisyon sa Valenzuela City, Martes ng umaga.

Nangyari ang insidente alas-11:40 ng umaga sa MacArthur Highway, Brgy. Dalandanan nang rumesponde ang mga tauhan ng Valenzuela Police Staton sa clearing operation ng mga tauhan ng City Demolition Unit ng City Engineer’s Office sa mga delikadong istraktura sa lugar.

Habang isinasagawa ang clearing operation, ilang mga residente ang naghagis ng mga bato sa backhoe ng City Engineer’s Office na dahilan ng pagkakaroon ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng driver at pagkabasag ng salamin ng backhoe na nagkakahalaga ng P80,000.00. 

Anim na kalalakihan ang inaresto ng pulisya na hinihinalang sangkot sa pambabato, kabilang ang senior citizen na kinuha at binitbit ng mga pulis palabas ng kanilang bahay na nakuhanan sa nag-viral na video.

Iprinisinta naman ng pulisya sa piskalya ng Valenzuela ang mga dinakip para sa pagsasampa ng kasong Malicious Mischief at Slight Physical Injuries.

Kaugnay nito, iniutos naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang masusi at patas na imbestigasyon sa viral video ng mga pulis na nagsagawa ng pagdakip sa anim na katao, kabilang ang isang senior citizen.

Ayon sa NPD, tiniyak nila na hindi kukunsintihin ang maling gawain, pang-aabuso sa tungkulin o hakbang na taliwas sa batas at panuntunan, pati na ang hindi tamang asal ng mga pulis.

Sa oras aniya na mapatunayang nakagawa ng paglabag ang kanilang mga tauhan, paanagutin nila ang mga pulis alinsunod sa mga umiiral na batas, panuntunan, at regulasyon. (Richard Mesa)

Ads July 17, 2026

Posted on: July 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments