• July 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 17th, 2026

Paghahanda ng Kamara sa SONA 2026 ‘on track’

Posted on: July 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MALAPIT nang matapos ang mga paghahanda ng Kamara kaugnay sa major facility upgrades at safety preparations para sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand R. Marcos Jr. s Huyo 27 sa kabila ng masikip na panahon ng preparasayon.

Tapos na ang mga ginagawa sa ikalawa at ikatlong palapag ng Main Building habang ang improvements sa main staircase at hallways ay nasa final stages. Ang inilalagay na bagong Al Fresco areas sa North at South Lounges na inaasahang matatapos bago ang SONA.

Sinabi ni House Engineering and Physical Facilities Department (EPFD) Deputy Secretary General Engr. Renato Dela Torre na medyo naantala ang pagsisimula ng preparasyon ng Kamara bunsod na rin sa ibang paghahandang ginawa nito kabilang na ang pagho-host ng bansa sa ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) General Assembly at mga requirements kaugnay naman sa impeachment proceedings.

“Ang dami nating ina-attend-an na activities. Pumasok ‘yung preparation natin sa AIPA kasi tayo ang host, tapos may preparation din tayo sa impeachment. But meron naman kaming ginawang group na nakatutok doon sa bawat activities. Although medyo late pero on-schedule pa rin naman tayo in terms of preparation for SONA 2026,” paliwanag ni Dela Torre.

Ayon kay Dela Torre, may mga kaukulang teams ang itinalaga sa bawat major na proyekto upang masiguro na matatapos ang lahat ng preparasyon sa SONA.

Sa loob ng plenary hall, mananatili pa rin ang kabuuang set-up. Ang seating arrangements, guest capacity, at holding areas ay isusunod sa nakalipas na kaayusan matapos ang konsultasyon sa inter-agency planning meetings.

Tapos na rin ang mga safety preparations kabilang na ang evacuation plan sa pakikipag-koordinasyon sa Legislative Security Bureau (LSB), habang inihahanda na ng Institutional Information and Design Service (IIDS) ang emergency preparedness video na ipalalabas bago ang SONA. Ipapalabas sa video para sa mga bisita ang evacuation routes at emergency procedures upang masiguro ang kaayusan at ligtas na pagkilos ng mga attendees kung magkaroon man ng hindi inaasahang sitwayon.

(VINA de GUZMAN)

PBBM, pinalawak ang UPLIFT, dagdag-ayuda para sa mga Pilipinong mababa ang kita

Posted on: July 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.,araw ng Huwebes ang pagpapalawak ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) assistance program, na magbibigay ng karagdagang ayuda sa milyun-milyong Pilipinong mababa ang kita na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Sinabi ni Pangulong Marcos na patuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga hakbang upang matulungan ang mga pamilyang Pilipino na makayanan ang tumataas na presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.

“Kapag tumataas ang gastusin, mas bumibigat ang pasanin ng bawat pamilyang nagsisikap tugunan ang kanilang pangangailangan, lalo na ang mga Pilipinong nasa laylayan ng lipunan,” ani Pangulong Marcos.

Batay sa Executive Order No. 110 na lumikha ng UPLIFT program, inilunsad ng pamahalaan ang UPLIFT Assistance, na inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 7.5 milyong kabahayan o tinatayang 37.5 milyong Pilipino sa buong bansa.

“Pangungunahan ang programang ito ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) kasama ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan,” dagdag ng Pangulo.

Sa ilalim ng pinalawak na programa, ang 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program ay tatanggap ng isang beses na karagdagang cash assistance na hanggang P2,000.

Magbibigay din ang pamahalaan ng ayuda sa 2.5 milyong mahihirap at near-poor na kabahayan na natukoy sa pamamagitan ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS), gayundin sa 1.5 milyong manggagawang mababa ang kita at kanilang mga pamilya na beripikado sa database ng Social Security System (SSS).

Ang mga benepisyaryo sa ilalim ng CBMS at SSS ay makatatanggap ng PhP2,000 bawat buwan mula Hulyo hanggang Disyembre.

“Layunin ng UPLIFT Assistance na mapangalagaan ang kakayahan ng mga pamilyang Pilipino na matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan,” ayon kay Pangulong Marcos.

Tiniyak din ng Pangulo na mabilis, maayos, at maginhawa ang pamamahagi ng ayuda sa pamamagitan ng mga digital na sistema.

“Sa ating pagkakaisa at pagtutulungan, mapapanatili natin ang katatagan ng ating bansa at maisusulong ang isang mas maunlad na kinabukasan para sa lahat sa ilalim ng isang Bagong Pilipinas,” ani Pangulong Marcos. (DARIS JOSE)

Imbestigasyon ng NBI sa 2019 SEA Games, hindi para manakot sa kahit na sinuman- Malakanyang

Posted on: July 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ng Malakanyang na ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa di umano’y anomalya sa bidding at funding ng mga proyekto para sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games ay hindi para manakot ng kahit na sinuman na wala namang ginawang masama.

Ang pahayag na ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ay tugon sa sinabi ni Senator Alan Peter Cayetano na ang plano ng NBI na imbestigahan ang 2019 SEA Games ay naglalayon na gipitin at takutin ang mga miyembro ng Senate impeachment court.

“Ang tao na walang dapat katakutan ay hindi nai-intimidate kahit kailan. Hindi ito pang-i-intimidate sa mga tao na wala namang ginawang mali,” ayon kay Castro.

Sinabi pa ni Castro na ang mandato ng pamunuan ng NBI ay mag-imbestiga kung mayroon itong naririnig, nalaman na anomalya.

“Hindi po kailangang utusan ng Pangulo, mandato po ‘yan ng NBI, ng CIDG, ng PNP – trabaho po nila ‘yan,” aniya pa rin.

Sa ulat, pumalag ang mga senator-judges na kasapi ng minority bloc sa Senado sa balak na pag-iimbestiga ng National Bureau of Investigation (NBI) sa 2019 South East Asian Games (SEA Games).

Inanunsyo ni NBI Director Melvin Matibag ang P10 billion unliquidated funds sa 2019 SEA Games kung saan noong panahon na iyon ay Chairman ng Philippine SEA Games Organizing Committee si Senator-judge Alan Peter Cayetano.

Bago magsimula ang oral arguments para sa subpoena ng tax at bank records ni VP Sara at asawa nitong si Atty. Mans Carpio, tumayo si Cayetano at tinanong kung ang intensyon ba ng pagsiyasat ng NBI ay para magdulot ng chilling effect sa kanilang mga senator-judges para sa nakatakdang pagharap ni Matibag sa Lunes sa impeachment trial. 

“Kung ito ay sinasabing panggigipit, ang akin pong narinig lamang ay ito ay paiimbestigahan ni NBI Director Matibag dahil kung inyo pong matatandaan, magtatayo po ng NBI Academy dito sa New Clark City. At that time na nagkaroon sila ng pagpupulong ay mayroong nakapagsabi sa kaniya na mayroong mga isyu patungkol sa korapsiyon noong ito daw ay isinagawa. So, ito’y nabanggit lang naman sa kanya at naisumbong,” litanya nito.  

(Vina de Guzman)

Ano ang Metro Rail Line 4 (MRT4)?

Posted on: July 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANG Ortigas Avenue hanggang sa Ortigas Extension mula sa Pasig hanggang Taytay ay isang pangunahing lansangan sa kalakhang Maynila. Ito ay may habang 13 kilometers humigit kumulang na babagtas sa mga lugar ng Eastern Metro Manila. Dito dumadaan ang mga buses, pribadong sasakyan, public utility jeepneys, modern jeepneys, at iba pang uri ng transportasyon tulad ng trucks palabas sa nasabing corridor. Kung kaya’t sa araw-araw na paglalakbay ng mga tao sila ay nakakaranas ng pagsisikip ng trapiko sa lansangan na ito. Kasama na rin sa dahilan ang mga shopping malls na nakatayo sa dadaanan ng lansangan na tinutukoy. Marami ring subdivisions at condos ang matatagpuan sa lugar na ito.

Kung kaya’t nagkakaroon ng pagsisikip ng trapiko simula sa lugar ng Ortigas Center,

Tiendesitas, Rosario, Cainta Junction, at Taytay.

Ang corridor na ito ay isa sa mga pangunahing proyekto ng pamahalaan na lalagyan ng isang diretsong rail connection sa pagitan ng probinsiya ng Rizal at EDSA-Ortigas na dadaan sa Ortigas Avenue Extension upang maging maluwag ang trapiko sa tinuturing na isa sa mga congested na lugar sa kalakhang Maynila.

Dito itatayo ang 13.4 kilometers na elevated railway na magdudugtong sa Taytay, Rizal hanggang Ortigas Avenue sa lungsod ng Quezon na magbibigay serbisyo sa mga 

pasahero mula sa Cainta, Taytay, at Pasig kasama na ang mga karatig na lugar. Ang kapasidad ng MRT 4 ay mahigit sa 400,000 na pasahero ang maisasakay kada araw.

Magkakaroon ito ng 10 istasyon sa EDSA, Meralco, Tiendesitas, Rosario, Brookside, Cainta, Monteverde, Tikling, Manila East Road, at Taytay. May plano ang Department of Transportation (DOTr) na siyang namamahala sa gagawing MRT 4, na magkaroon ng interchange sa MRT 3 upang magkaroon ang mga pasahero ng diretsong paglalakbay papuntang Makati, Bonifacio Global City, at Quezon City.

Inaasahang pag natapos na ang nasabing proyekto ito ay magkakaroon ng travel time na 30 minuto na lamang mula sa dating 1 hanggang 3 oras na travel time galing sa

Taytay hanggang Ortigas sa EDSA.

Sa ngayon ang alignment ay hindi na itutuloy papuntang west sa San Juan at Quezon City dahil nagkaroon ng redesigning ang MRT 4.

Popondohan ng Asian Development Bark (ADB) ang MRT 4 sa pamamgitan ng isang loan habang ang pamahalaan ng Pilpinas ay magbibigay naman ng counterpart na pondo.

Ayon sa ADB, ang MRT 4 ay nasa pre-construction pa lamang na bahagi habang natapos na ang detailed engineering design nito patuloy pa frn ang ginagawang

negosasyon ng pamahalaan sa ADB para sa pondo.

Sa kasalukuyan ay inaasahang tataas ang project cost ng MRT 4 dahil sa desisyon ng

pamahalaan na magkaroon ng upgrading mula sa pagiging monorail at maging isang full metro rail system. Ginagawa na ang updated financing arrangement sa ADB bago pa man simulan ang proyekto

ng MRT 4 ay magiging isang importanteng east-west connection sa lumalaking rai etwork sa Metro Manila. Magsisilbing koneksyon ito sa ginagawang Metro Manil Subway at North-South Commuter Railway kasama na ang malapit ng matapos na MRT 7 at ganon din ang LRT 1 at LRT 2.

Inaasahan din na ang MRT 4 ay magsisibling suporta sa economic activity, pagbawas sa trapiko sa Ortigas Avenue at makakapagbibigay ng isang mabilis, ligtas, at maaasahang alternatibong transportasyon sa kalakhang Maynila. LASACMAR

HVI tulak na taga QC, nalambat sa Valenzuela, higit P.3M droga nasamsam 

Posted on: July 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT sa mahigit P.3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa high value drug personality matapos maaresto ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City, Miyerkules ng Umaga.

Sa kanyang ulat kay Northern Police (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek sa alyas “Bong”, 43, residente ng Quezon City.

Ayon kay Col. Talento, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation laban sa suspek sa koordinasyon sa PDEA, kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano nito ng droga.

Dakong alas-6:30 ng umaga nang maaresto ng mga operatiba ng SDEU ang suspek sa harap ng Pamilyang Valenzuelano Park, sa Pinalagad, Brgy. Malinta, nang dumayo pa umano ito sa lugar para magbenta ng shabu sa katransaksyon na isang pulis na nagpanggap na buyer.

Sinabi ni Lt. Dascil na aabot sa 50 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P340,000 ang nasamsam nila sa suspek, kasama ang buy bust money, wallet, coin purse, P200 cash, driver license at isang motosiklo na gamit umano nito sa pagdedeliber ng droga.

Ani SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang isinampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

Tambay, isinelda sa pagbabanta, panunutok ng baril sa kabarangay sa Valenzuela

Posted on: July 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng 24-anyos na tambay matapos tutukan ng baril at pagbantaan na papatayin ang kanyang kabarangay sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek sa alyas “John”, ng Brgy., Malinta na mahaharap sa kasong Grave Threats at paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions).

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, pasado alas-12:15 ng hating gabi nang tutukan ng baril at pagbantaan ng suspek na papatayin ang kabarangay na si alyas “Angelo”, 31, sa Area 4 Sitio Pinalagad, Brgy., Malinta.

Nang makarating naman sa mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 4 ang pangyayari, kaagad rumesponde sina Pat Jonathan San Pedro at Pat Roval Lambawan na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek .

Nakumpiska sa suspek ang walang lisensya at walang kaukulang dokumento na isang caliber .38 revolver na kargado ng dalawang bala. (Richard Mesa)

MAYNILA, TUMANGGAP NG PANDAIGDIGANG PARANGAL SA PAGGAMIT NG GEOSPATIAL TECHNOLOGY SA DISASTER MANAGEMENT

Posted on: July 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

GINAWARAN ang Lungsod ng Maynila ng Special Achievement in GIS (SAG) Award ng Esri, ang pandaigdigang nangungunang kumpanya sa Geographic Information Systems (GIS), sa ginanap na Esri User Conference sa San Diego, California kamakailan.

Personal na tinanggap ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang parangal. Ang Lungsod ng Maynila ang nag-iisang kinatawan ng Pilipinas na pinarangalan sa 197 organisasyong napili mula sa mahigit 700,000 Esri user organizations sa buong mundo.

Kabilang ang Maynila sa mga internasyonal na awardee tulad ng Land Transport Authority ng Singapore, Disaster and Emergency Management Presidency ng Turkey, Humanitarian Aid Unit ng Switzerland, Habitat for Humanity International, Wajima City ng Japan, at Regional Centre for Mapping of Resources for Development ng Kenya.

Iginagawad ang SAG Award sa mga pamahalaan at organisasyon sa buong mundo na nagpapakita ng natatanging inobasyon at kahusayan sa paggamit ng GIS technology upang mapahusay ang serbisyo publiko, paggawa ng mga desisyon, at kahusayan sa operasyon. Kinikilala rin ang mga nagwagi sa kanilang kakayahang makapaghatid ng konkretong benepisyo sa mamamayan at iba pang stakeholder.

“Hindi namin napanalunan ang parangal na ito nang basta-basta. Bunga ito ng sipag, inobasyon, at dedikasyon ng aming disaster risk reduction at GIS teams. Ipinagmamalaki ko ang bawat isa sa kanila,” ani Domagoso.

Dagdag pa ng alkalde, “Ang parangal na ito ay para sa mga kalalakihan at kababaihan ng **Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department**, sa pangunguna ni **Director Arnel Eustacio Angeles**, at sa bawat miyembro ng aming koponan na nagsumikap upang maisakatuparan ito.”

Kasama ni Domagoso sa San Diego sina Manila City Assessment Department Officer-in-Charge Atty. Ma. Cristina Fernandez, Manila GIS Team Leader Ramon Jefferson Verano, at Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department Research and Planning Chief Christian John Evangelista.

Sa pamamagitan ng paggamit ng GIS, higit pang napahusay ng Lungsod ng Maynila ang kakayahan nito sa paghahanda at pagtugon sa mga sakuna sa pamamagitan ng mga proyektong gumagamit ng digital mapping, spatial analysis, at real-time data monitoring upang mapalakas ang pamamahala sa mga pagbaha, sunog, at iba pang emergency sa anim na distrito ng lungsod.

Dumalo rin ang alkalde sa Executive Session ng Esri User Conference 2026, isang eksklusibong pagtitipon na dinaluhan ng mga lider sa larangan ng GIS mula sa iba’t ibang bansa upang magbahagi ng kaalaman, pinakamahuhusay na pamamaraan, at mga makabagong solusyon mula sa ArcGIS community.

 (Gene Adsuara)

PNP, PINAIGTING ANG KAMPANYA VS ONLINE BOMB THREATS

Posted on: July 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PATULOY na pinalalakas ng Philippine National Police (PNP), sa pamamagitan ng Anti-Cybercrime Group (ACG), ang kampanya nito laban sa mga indibidwal na gumagamit ng mga online platform upang magkalat ng mga banta ng bomba na nakakagambala sa mga paaralan at mga komunidad.

Mula noong Enero 2026, agad na kumilos ang PNP ACG kaugnay ng mga ulat ng banta ng bomba mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa pamamagitan ng mga imbestigasyon sa cyber na isinagawa katuwang ang mga local police units at iba pang kinauukulang kaso. Dahil dito, walong kaso na ang naipadala sa mga korte.

Ang mga pinakabagong insidente ay naiulat noong Hulyo 8 sa Cavite, kung saan ang mga online post na nagsasabing ang mga pampasabog ay inilagay sa ilang paaralan ay nagdulot ng pag-aalala sa mga estudyante, magulang, at mga opisyal ng paaralan. Sa pamamagitan ng digital investigation, natunton ng mga awtoridad ang social media account na umano’y sangkot at natuklasan na ito ay pinapatakbo ng mga menor de edad. Ang isang bata ay Conflict with the Law (CICL) ay nahaharap ngayon sa appropriate legal proceedings, habang ang isa pang menor de edad ay inilagay sa ilalim ng pangangalaga ng isang rehabilitation facility para sa kinakailangang interbensyon, alinsunod sa mga umiiral na batas na nagpoprotekta sa mga bata.

“Hindi biro ang bomb threat. Kapag nagpakalat tayo ng maling impormasyon na nagdudulot ng takot at pagkaantala sa klase, trabaho, at iba pang serbisyo, maraming inosenteng tao ang naaapektuhan. Walang puwang ang ganitong uri ng iresponsableng paggamit ng social media,” sabi ni PGEN Nartatez.

“Sa mga nag-aakalang hindi sila matutunton sa internet, tandaan ninyo na patuloy nating pinapalakas ang ating cyber capabilities. We will continue to investigate these incidents fairly, protect the rights of everyone involved, and ensure that those who violate the law are held accountable through due process,” dagdag pa ni PNP Chief.

Pinaalalahanan din ng PNP ang publiko na gamitin ng responsable ang social media at agad na iulat sa mga awtoridad ang mga online bomb threats. (PAUL JOHN REYES)

DOTr: Taas pasahe sa PUV inaaral na

Posted on: July 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAG- AARALAN na ng pamahalaan ang posibleng taas pasahe at cash aid sa gitna ng panibagong banta ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng muling pagtaas ng tensyon sa Middle East.

Ayon kay Palace Press Officer (PCO) Undersecretary Claire Castro, inatasan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez na i-assess ang sitwasyon at magrekomenda ng mga hakbang para maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis habang pinoprotektahan naman ang consumers mula sa mataas na transport at commodity costs.

“Ang nais ng ­Pangulo ay walang maiwan; kailangan matulungan ang lahat sa tamang pamamaraan at sa ­balanseng pamamaraan,” ayon pa kay Castro.

Kinikilala naman ­aniya ng gobyerno na ang mataas na persyo ng produktong petrolyo ay magdudulot ng pagtaas hindi lang ng pasahe kundi ng pangunahing presyo ng bilihin.

Tiniyak naman ni Castro na pinag-aaralan na ng gobyerno ang sakop ng apela ng transport group na Pasang Masda para ipatupad ang P1 provisional fare increase na sinuspinde nitong unang buwan ng taon.

“Kasabay po ito sa pag-aaralan sa ngayon para po tama ang ating pagbibigay ng ayuda sa ating mga kababayan sa transport sector para hindi sila maiwan,” ayon pa kay Castro.

Patuloy rin aniyang magbibigay ng tulong ang gobyerno sa mga consumers kahit na ikinokonsidera ang tulong sa transport operators.

6 arestado sa pambabato sa demolition team sa Valenzuela 

Posted on: July 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANIM na indibidwal ang inaresto ng pulisya matapos ang nangyaring pambabato sa demolition team sa gitna ng clearing operation sa naganap na demolisyon sa Valenzuela City, Martes ng umaga.

Nangyari ang insidente alas-11:40 ng umaga sa MacArthur Highway, Brgy. Dalandanan nang rumesponde ang mga tauhan ng Valenzuela Police Staton sa clearing operation ng mga tauhan ng City Demolition Unit ng City Engineer’s Office sa mga delikadong istraktura sa lugar.

Habang isinasagawa ang clearing operation, ilang mga residente ang naghagis ng mga bato sa backhoe ng City Engineer’s Office na dahilan ng pagkakaroon ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng driver at pagkabasag ng salamin ng backhoe na nagkakahalaga ng P80,000.00. 

Anim na kalalakihan ang inaresto ng pulisya na hinihinalang sangkot sa pambabato, kabilang ang senior citizen na kinuha at binitbit ng mga pulis palabas ng kanilang bahay na nakuhanan sa nag-viral na video.

Iprinisinta naman ng pulisya sa piskalya ng Valenzuela ang mga dinakip para sa pagsasampa ng kasong Malicious Mischief at Slight Physical Injuries.

Kaugnay nito, iniutos naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang masusi at patas na imbestigasyon sa viral video ng mga pulis na nagsagawa ng pagdakip sa anim na katao, kabilang ang isang senior citizen.

Ayon sa NPD, tiniyak nila na hindi kukunsintihin ang maling gawain, pang-aabuso sa tungkulin o hakbang na taliwas sa batas at panuntunan, pati na ang hindi tamang asal ng mga pulis.

Sa oras aniya na mapatunayang nakagawa ng paglabag ang kanilang mga tauhan, paanagutin nila ang mga pulis alinsunod sa mga umiiral na batas, panuntunan, at regulasyon. (Richard Mesa)