• October 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 14th, 2026

HERBOSA OUT, Pujalte in bilang Health Secretary – Malakanyang

Posted on: July 14th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUMPIRMA ng Malakanyang na nagbitiw na sa puwesto si dating Health Secretary Ted Herbosa.

Idinahilan ni Herbosa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang kondisyon sa kalusugan.

“Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw bilang Kalihim ng Department of Health si Dr. Jose S. Pujalte Jr. baon ang malawak na karanasan at natatanging pamumuno bilang doktor, hospital administrator, guro at lingkod-bayan na may mahigit na tatlong dekada sa pagsusulong ng pampublikong pangkalusugan, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Tinanggap aniya ng Pangulo ang resignation letter ni Herbosa.

Sa kabilang dako, naging bahagi ng DOH si Dr. Pujalte Jr. taong 1991 at natapos ang kaniyang orthopedic residency sa Philippine Orthopedic Center noong 1994.

Nagtapos si Dr. Pujalte Jr. sa kursong medisina sa University of the Philippines College of Medicine at kalaunan ay nagtamo ng Master’s Degree sa Hospital Administration mula sa Ateneo Graduate School of Business.

Noong 2028 kinilala rin bilang Career Executive Service Eligible, isang patunay ng kaniyang kakayahan at kahandaan sa parehong larangan ng paggamot at public administration.

Nagsilbi rin siyang guro sa University of the Philippines-Manila, FEU Nicanor Reyes Medical Foundation at San Beda College of Medicine.

“Sa kanyang pagpasok sa DOH, inaasahang pangungunahan ni Dr. Pujalte Jr. ang ahensiya sa pagpapatuloy ng mga hakbang ni Pangulong Marcos Jr. upang higit na mapatatag ang healthcare system sa bansa, maisulong ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan at maisulong ang mabuting kalusugan para sa lahat,” ang sinabi ni Castro.

Sa ulat, sinabi di umano ni Herbosa na kailangan niyang sumailalim sa tatlo hanggang apat na buwan na extensive rehabilitation matapos ang isang kamakailang medical procedure.

Sinabi pa umano ni Herbosa na “I find it unfair that I will not be able to devote my full time and effort to important matters of the DOH.”

Matatandaang itinalaga si Herbosa bilang kalihim ng DOH noong 2023 matapos magsilbi bilang isa sa mga pangunahing public health adviser ng administrasyong Marcos.

Kung tatanggapin ang kanyang pagbibitiw, magtatapos ang kanyang panunungkulan na nasabayan ng ilang reporma sa sektor ng kalusugan at mga kontrobersiya.

Kabilang sa mga kinakaharap ng kalihim ang mga reklamong may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa P1.8 bilyong mobile clinic procurement program, mga isyu sa mga expired medicine, at paggamit umano ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program para sa layuning pampulitika.

Mariin namang itinanggi ni Herbosa ang anumang gawain, habang iginiit ng DOH na ang mga programa nito ay sumusunod sa umiiral na mga regulasyon ng pamahalaan at layuning mapabuti ang serbisyong pangkalusugan.

Patuloy namang iniimbestigahan ang mga naturang reklamo laban sa opisyal.

Sinabi naman ni Castro na hindi nabanggit ang patungkol sa mga kaso ni Herbosa at ang isinaalang-alang ng Pangulo ay ang kalusugan ng dating Kalihim. (DARIS JOSE)

Hiling ng Malakanyang…Mas mabigat na parusa at malaking multa sa mga mahuhuling pasaway na nagtatapon ng basura 

Posted on: July 14th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINOKONSIDERA ng Malakanyang na magpataw ng mas mabigat na parusa at malaking multa sa mga pasaway na nagtatapon ng basura sa kung saan-saan lang.

Bahagi ito ng pagsisikap ng gobyerno na tugunan ang pagbaha.

“At sa ngayon ay pinag-uusapan na lakihan ang penalty para sa mga pasaway na nagtatapon ng basura kung saan-saan lang. Itabi ang inyong basura at i-dispose nang tama. Sa ganitong paraan ay makakatulong kayo na mapanatiling malinis ang paligid at ligtas ang mga komunidad mula sa baha,” ayon kay Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Aniya pa, may mga mamamayan aniya na nahuli sa CCTV na nagtatapon ng basura sa mga creek. May mga mamamayan din aniya na nagtatapon din ng kanilang basura sa labas ng bintana habang umaandar ang sasakyan.

“Ang administrasyon ay ginagawa ang lahat pero ang iba, dumadagdag pa sa problema. Maging responsable para sa sarili at para sa bayan,” ani Castro.

“Kung hindi man po kayo makatulong sa paglilinis ng mga drainage ay huwag na pong maging sanhi ng pagbaha. Tumulong na lang po kayo. Kapag nahuli kayong nagtatapon ng basura, papanagutin kayo,” diing pahayag ni Castro.

Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na may mga ahensiya ng pamahalaan ang kaliwa’t kanan ang trabaho sa flood control works.

Ito’y upang tiyakin ang kaligtasan ng mga komunidad at mapanatiling mabilis ang daloy ng trapiko sa mga lansangan.

Tinukoy ni Castro ang walang patid na trabaho ng MMDA sa pamumuno ni Chairman Don Artes at GM Nic Torre, at DPWH sa pamumuno ni Sec. Vince Dizon nitong mga nakaraang araw bilang paghahanda sa epekto ng Bagyong Inday.

“Alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang mabilis na pagbaba ng tubig sa mga bahaing lugar. Kaya naman kahit umuulan o hindi ay patuloy ang trabaho ng mga kawani ng MMDA at DPWH upang linisin ang mga daluyan ng tubig, panatilihing operational ang mga pumping station at clearing and dredging activities sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila,” ang sinabi pa ni Castro.

“Ang resulta? Mas mabilis na humupa ang baha at nanatiling passable sa mga commuter at motorista ang mga kalsada. May mga lugar na hindi pa rin agad humuhupa ang baha kaya’t hindi titigil ang administrasyon na maisaayos ang lahat ng lugar sa Pilipinas na lubhang bahain,” aniya pa rin.

Kaya nga aniya “Tuluy-tuloy lang ang trabaho. Pero hindi ito natatapos dito, kailangan ng pamahalaan ang tulong ng bawat Pilipino.”

“Tuluy-tuloy po ang aksiyon ng pamahalaan upang labanan ang baha. Tumulong po tayong lahat para maiwasan natin ang panganib at abala dulot ng maling pagtatapon ng basura. Responsibilidad natin lahat na maging maayos ang ating bansa,” ang winika ni Castro. 

( DARIS JOSE)

Mambabatas, hindi pabor sa isinusulong ni Defense Sec Gibo Teodoro na taasan ang DND Budget 

Posted on: July 14th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI pabor si Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio sa isinusulong ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro na taasan ang Department of National Defense (DND) budget katumbas sa 4% ng gross domestic product (GDP).

Naniniwala ang mambabatas na ito ay isang direct imposition ng interes ng US at pagsisilbi nito bilang mouthpiece umano ng US sa Pilipinas.

“Si Gibo ang numero unong tagapagsalita ng US sa Pilipinas. Ang kanyang panawagang pagtaas ng military spending ay hindi para sa ating mga pangangailangan kundi para sa interes ng US kontra sa China. Ang gusto ng US, Pilipinas ang gumastos para sa pagdepensa ng interes ng US, sa balangkas ng mapanlinlang nitong iskema ng ‘collective defense, ani Tinio.

Tinukoy nito ang May 2026 Shangri-La Dialogue sa Singapore, kung saan hiniling ni U.S. Secretary of Defense Pete Hegseth sa mga kaalyado sa Asia-Pacific na maglaan ng 3.5%- 5% ng GDP sa defense.

“Ito ang bagong estratehiya ng imperyalismong US—ang pag-uudyok sa ating bansa na gumastos ng bilyun-bilyong piso para suportahan ang kanilang geopolitical competition laban sa China,” pahayag ni Tinio. 

“Habang nagtutulak si Gibo para sa dagdag na pera para sa mga missile, fighter jet, barko, at submarine, nag-aaral sa mga siksikang klasrum na walang libro at internet ang ating kabataan, walang access sa sapat na healthcare ang napakarami, at walang disenteng pabahay ang mga maralita.”

Sinabi nito na hindi tulad ng Japan, South Korea, o European NATO members, di kakayanin ng Pilipinas ang malaking gastos para sa military expenditures ng walang sinasakripisyong importanteng social services.

“Mas kailangang unahin ang pagtataas ng budget sa edukasyon katumbas sa 6% ng ating GDP ayon sa UN. Gayon din sa serbisyong pangkalusugan na dapat ay 5% ayon naman sa WHO,” dagdag ni Tinio.

Nanawagan naman ang mambabatas sa gobyerno na ibasura ang pressure ng US at iprayoridad ang tunay na pangangailangan ng sambayanang Pilipino.

(Vina de Guzman)

3 DAYUHAN, INARESTO NG BI

Posted on: July 14th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong dayuhan sa magkakahiwalay na operasyon sa Luzon at Visayas dahil sa paglabag sa mga batas sa imigrasyon.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mga naarestong dayuhan na sina Henri Joel Atanga Betayene, 35, ng Cameroonian; Murat Fentci, 53, isang Turkish national; at Mario Angelai, 60, isang Italian national.

Pinangunahan ang operasyon ng BI Intelligence Division at ng mga Regional Intelligence Operations Units sa magkakahiwalay na lugar sa Cainta, Rizal; Sagbayan, Bohol; at Baguio City.

Naaresto si Betayene sa isang subdivision sa Cainta, Rizal matapos makumpirma ng mga intelligence operative na nag-overstay na siya sa Pilipinas.

Samantala, inaresto naman si Fentci sa Barangay Canmaya Diot, Sagbayan, Bohol matapos mapatunayan sa beripikasyon na nanatili siya sa bansa lampas sa itinakdang panahon ng kanyang pananatili.

Sa Baguio City, inaresto ng mga intelligence operative si Angelai na nahuling nagtatrabaho bilang chef sa isang lokal na restawran sa kabila ng pagkakaroon lamang ng tourist visa. Isinagawa ang operasyon matapos ang surveillance at beripikasyon na aktibo siyang nagtatrabaho nang walang kaukulang work visa o permit.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bureau of Immigration ang tatlong dayuhan para sa booking at dokumentasyon at sasailalim sa deportation proceedings dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act. 

(Gene Adsuara)

2 kelot, naaktuhang gumagamit ng droga sa Valenzuela

Posted on: July 14th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki matapos maaktuhang gumagamit umano ng droga sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Batay sa ulat, nagsasagawa ng anti-criminality operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Jospeh Talento nang maaktuhan nila ang isang lalaki na sumisinghot umano ng droga sa Karuhatan Public Cemetery sa Padrigal St., Brgy., Karuhatan pasado ala-1:45 ng madaling araw.

Kaagad nila itong nilapitan sabay nagpakilala bilang mga pulis na nakatalaga sa Police Sub-Station 9 bago inaresto at nakumpiska sa suspek na si alays “Rey”, 37, ang isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng umano’y shabu at mga drug parapernalya.

Nauna rito, alas-11:30 ng gabi nang mahuli din sa akto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 2 si alyas “Alvin”, 35, na gumagamit din umano ng droga sa loob ng isang bahay sa Urutia St., Brgy., Gen T De Leon.

Nakumpiska rin sa kanya ang isang nakabukas na plastic sachet na may bahid umano ng hinihinalang shabu at mga drug parapernalya.

Na-inquest na ang mga suspek kaugnay sa kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)

Rapist na No. 5 most wanted sa NCRPO, nabitag ng Malabon Police sa Bulacan

Posted on: July 14th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGWAKAS na ang halos limang taon na pagtatago ng isang most wanted na rapist sa Lungsod ng Malabon nang matunton ng pulisya sa manhunt operation sa Malolos, Bulacan.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang 44-anyos na akusado ay nakatala din bilang No. 2 sa Top Ten Most Wanted Person sa NPD at No. 1 sa Malabon City Police Station.

Kaagad ikinasa ng mga tauhan ni Malabon Police P/Col. Kenneth Mission ang operation laban sa akusado kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa kinaroroonan nito

Hindi na nakapalag ang akusado nang masukol ng pinagsamang mga operatiba ng Malabon Police Warrant and Subpoena Section at WCPD sa Barangay Tikay, Malolos, Bulacan

Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Family Court, Branch 4, Malabon City, noong September 24, 2021, para sa 2 counts of Qualified Rape, Acts of Lasciviousness in relation to Section 5(b) of R.A. 7610 at Section 5(b) of R.A. 7610 (Lascivious Conduct) ay pinosasan ng pulisya ang akusado.

Walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa Qualified Rape habang may inilaang piyansa na P180K sa Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610 at P200K para sa R.A. 7610 (Lascivious Conduct).

Pinuri ni Gen. Capili ang operating team sa kanilang pagsisikap na natugisin ang mga wanted person at tiyaking maihaharap sa hukuman ang mga taong may kinahaharap na mabibigat na kaso. (Richard Mesa)

3K Malabueños, nag-uwi ng tig-10 kilong bigas sa Hapag Sigurado: Rice Distribution

Posted on: July 14th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINANGUNAHAN ni Mayor Jeannie Sandoval at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos ang pamamahagi ng tig-10 kilong bigas sa humigit-kumulang 3,000 Malabueños sa ilalim ng Hapag Sigurado: Rice Distribution na binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng matibay na samahan at pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan.

Ang huling batch ng mga benepisyaryo sa ilalim ng unang tranche ng programa ay kinabibilangan persons with disabilities (PWDs) at mga miyembro ng iba pang vulnerable sectors habang patuloy ang pagsisikap ng pamahalaang lungsod na magbigay ng food assistance sa gitna ng pagtaas ng gastusin.

Nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Jeannie sa Unang Ginang sa personal na pagsali sa pamamahagi at binigyang-diin na ang patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan ay nagbigay-daan sa Malabon na palawakin ang food security initiatives, maghatid ng responsive at inklusibong serbisyo sa mas maraming pamilya.

“Malaking bagay ang patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan sa ating mga programa para sa mga Malabueño. Sa pamamagitan ng ating pagtutulungan, mas napapalawak natin ang naaabot na tulong at mas natitiyak nating walang tahanang maiiwan sa ating mga inisyatiba para sa food security, mas maayos na kabuhayan, at pag-unlad,” Mayor Sandoval said.

Ang pamamahagi ng bigas ay bahagi ng Bawat Bayan Makikinabang Program ng pambansang pamahalaan, na ipinatupad sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF).

Target ng pamahalaang lungsod na makumpleto ang apat na bahagi ng pamamahagi ng bigas sa ilalim ng programa upang matiyak na makakarating ang tulong sa mas maraming pamilyang Malabueño.

Tiniyak ni Mayor Jeannie na patuloy ipapatupad ng pamahalaang lungsod ang mga susunod na batch ng rice distribution program hanggang ang lahat ng natukoy na benepisyaryo sa ilalim ng unang tranche ay makatanggap ng tulong, bilang bahagi ng patuloy na pangako nito sa pagpapalakas ng food security at pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng bawat Malabueño.

Sinabi naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete na ang tuluy-tuloy na pagpapatupad ng programa ay sumasalamin sa pangako ng lungsod sa pagtiyak na ang food assistance ay makakarating sa mga nangangailangan nito sa pamamagitan ng epektibong pakikipagtulungan ng national at lokal na pamahalaan. (Richard Mesa)

NHA, NAGKALOOB NG PABAHAY SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG YOLANDA SA SAMAR

Posted on: July 14th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

OPISYAL nang ipinagkaloob ng National Housing Authority (NHA) ang nasa 366 yunit na pabahay sa mga pamilyang naapektuhan ng Super Typhoon Yolanda sa isang seremonyang ginanap sa Villareal, Samar noong July 8, 2026.

Ang mga yunit na bahagi ng Villareal Housing Project ay ipinagkaloob sa mga residente na dating naninirahan sa mga mapanganib at itinalagang “no-build zones.”

Ang proyekto ay ipinatupad sa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Program (YPHP) na may layuning mabigyan ng permanente at dekalidad na tirahan ang mga pamilya tungo sa kanilang pangmatagalang pagbangon. Ang bungalow-type na mga yunit ay may floor area na 26 sq.m hanggang 28.4 sq.m. at mayroong mga pasilidad tulad ng sala, kwarto, kusina, at banyo, pati na rin koneksyon sa kuryente, tubig, drainage, at sewerage system. 

Bukod sa opisyal na pamamahagi ng mga yunit, nagsagawa rin ang NHA ng ceremonial signing ng Deed of Donation and Acceptance (DODA) at Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng ahensya at ng lokal na pamahalaan ng Villareal, sa pangunguna ni Mayor Marilou R. Latorre. Nagkaroon din ng paggawad ng mga Certificates of Award sa mga benepisyaryo bilang tanda na ganap na nilang pag-aari ang mga ipinagkaloob na tahanan. 

Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng pasasalamat si RM Dayot sa mga stakeholders ng ahensya, habang kinikilala ang matiyagang paghihintay ng mga ito hanggang sa pagtatapos ng proyekto. Sinulong din nito ang responsableng pagmamay-ari ng mga tahanan at ang kahalagahan ng pananatili sa maayos na kondisyon ng mga naipamahaging yunit. 

Dumalo rin sa kaganapan sina Hon. Rita Elena A. Lim at Hon. Cleofe S. Camilon bilang kinatawan ng Sangguniang Bayan at representante ng Villareal Municipal Vice Mayor Carlo Jefferson Latorre,iba pang lokal na opisyal. 

Ang inisyatiba ay sumisimbolo sa patuloy na ugnayan ng NHA at ng iba’t ibang ahensya ng lokal at pambansang pamahalaan tungo sa pagbuo ng mas marami pang matatag at sustenableng komunidad, ayon na rin sa bisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na isang Bagong Pilipinas. 

(PAUL JOHN REYES)

Isko tinanggap 100 Smart TV mula sa PAGCOR

Posted on: July 14th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINANGGAP ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang 100 Smart TV units na donasyon mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) nitong Miyerkules, bilang suporta sa pagpapalakas ng digita­lisasyon at mas episyenteng paghahatid ng serbisyo publiko.

Personal na tinanggap ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kasama si Vice Mayor Chi Atienza mula kay PAGCOR Assistant Vice President Eric Balcos at Senior Manager Rydel De Guzman ang mga Smart TV na makatutulong sa patuloy na moder­nisasyon ng City Hall at sa paggamit ng makabagong teknolohiya upang higit pang mapahusay ang operasyon ng lokal na pamahalaan at ang paghahatid ng mga serbisyo sa publiko

Nagpasalamat si Domagoso sa patuloy na pakikipagtulungan ng PAGCOR sa pamahalaang lungsod, at sinabi na patunay ang donasyong ito ng matibay na ugnayan ng mga ahensiya ng pamahalaan para sa kapakinabangan ng mga Manileño.

Tiniyak din ni Domagoso na ang mga donasyong kagamitan mula sa PAGCOR, gayundin ang iba pang natatanggap ng lungsod, gagamitin nang maayos, responsable, at direktang makikinabang ang mga residente ng Maynila.

Ads July 14, 2026

Posted on: July 14th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments