• July 14, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 11th, 2026

Victor Wembanyama, pumirma ng $252-M rookie max extension

Posted on: July 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Pumirma na ng maximum extension ang 7-foot center ng San Antonio Spurs na si Victor Wembanyama.

Umaabot sa $252 million ang kontrata ni Wembanyama sa kaniyang rookie extension na magtatagal ng limang taon.

Kalakip nito ay ang ‘player option’ sa ikalimang season. Ang naturang contract provision ay magbibigay ng pagkakataon kay Wemby na pumili kung mananatili siya sa Spurs sa kaniyang ikalimang taon o tuluyan nang lilipat sa ibang koponan.

Batay sa report ng mga NBA insider, pumayag si Wemby na pumirma ng 25% maximum sa halip na 30% supermax extension, matapos ang serye ng pag-uusap at negosasyon.

Kung natuloy sana ang supermax, aabot sana sa $303 million ang halaga ng kontrata ni Wembanyama sa loob ng karagdagang limang taon na kaniyang pananatili sa San Antonio.

Ang kontrata ng bagitong sentro ay ang ikatlong pinakamalaking rookie extension sa kasaysayan ng NBA. Nananatiling pinakamalaki rito ang naging extension noon ni Cade Cunningham sa Detroit Pistons at ni Evan Mobley ng Cleveland Cavaliers.

Kung babalikan ang pagtatapos ng 2025-2026 season, nagawa ni Wembanyama na dalhin ang San Antonio sa postseason sa tulong ng magandang win-loss record – ikalawang pinakamaganda sa Western Conference.

Umabot din ang Spurs sa NBA Finals matapos nitong pataubin ang defending champion na Oklahoma City Thunder sa conference finals, ngunit tuluyan ding natalo ang koponan sa New York Knicks.

Alex Eala, excited na sa fan meet sa Makati, matapos ang historic Wimbledon run

Posted on: July 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Magkakaroon ng pagkakataon ang mga Pilipinong tagahanga na personal na makita si Alex Eala matapos ang kanyang makasaysayang kampanya sa Wimbledon.

Gaganapin ang Alex Eala Fan Meet Experience sa Activity Center sa Makati sa darating na Hulyo 15, 2026.

Ang registration ay magsisimula ng 4:00 PM at ang programa ay nakatakdang magsimula ng 6:00 PM.

Sinabi ni Alex na excited siyang makita at makasamang muli ang mga kababayan na palaging nakasuporta sa kaniyang mga laban.

Matatandaang gumawa ng kasaysayan si Eala nang talunin ang defending champion na si Iga Swiatek sa Wimbledon bago siya tinalo ng Italian na si Jasmine Paolini sa Round of 16.

Sa kanyang pag-abot sa fourth round, nakakuha si Eala ng 240 WTA ranking points at tumanggap ng £300,000 (US$396,100) na premyo.

Bago pa man ang Wimbledon, nakapagtala na siya ng US$871,438 na prize money ngayong 2026 season o katumbas ng P53,616,477.

Bukod dito, naging matagumpay din ang kanyang grass-court season matapos masungkit ang WTA 125 title sa Birmingham at makarating sa semifinals ng Berlin Tennis Open.

Ang kanyang pagbabalik sa bansa ay inaasahang magiging inspirasyon sa mga kabataang manlalaro ng tennis at magbibigay ng pagkakataon sa mga tagahanga na ipakita ang kanilang suporta sa pambato ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado.

VP Sara, wala namang ginawa para tulungan ang administrasyong Marcos- Malakanyang

Posted on: July 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HABANG abala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gampanan ang kanyang tungkulin para sa bansa ay wala namang nagawa si Vice President Sara Duterte para tulungan ang administrasyon para makamit ang development agenda nito.

“Ano ba ang naitulong na ng Bise Presidente sa Pangulo patungkol sa kaayusan, kapayapaan, at kaunlaran ng bansa? Wala,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro bilang tugon sa pahayag ni VP Sara sa mga opisyal ng gobyerno na tigilan na ang manawagan para sa ‘transparency at accountability’ kung saan ang kanilang tunay na layunin ay ang kanilang pansariling “political interests.”

Nanawagan din kasi si VP Sara sa gobyerno na ituon ang kanilang pansin sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan at national development.

Ang buweltang tugon naman ni Castro ay nananatiling nakapokus ang administrasyong Marcos sa pamamahala habang patuloy na nagsisilbing gabay ng administrasyon ang ‘transparency, accountability, at pagsunod sa constitutional processes.

Aniya pa, makabubuti na manawagan na lamang si VP Sara sa kanyang mga kaalyado na tumigil na sa pamumulitika at tigilan na rin ang pagpapakalat ng false information laban sa Pangulo at sa administrasyon.

“Ang dapat pagsabihan ni VP Sara ay yung mga kaalyado niya na puro pamumulitika at pagkakalat ng fake news para sirain si Pangulong Marcos Jr. at ang administrasyon upang iluklok siya kaagad na Pangulo kahit wala pang 2028,” ayon kay Castro.

Dinepensahan naman ni Castro ang governance agenda ng administrasyon at pinanatili na wala ni isa man mula sa gobyerno ang namumulitika lamang.

“Bakit titigilan ang pagsulong ng transparency and accountability? Parte ito ng mandato at obligasyon ng bawat public servant,” aniya pa rin.

Tinuran pa ni Castro na ang tungkulin ni VP Sara bilang Bise-Presidente ay sagutin ang mga alegasyon na ibinabato sa kanya, sabay sabing ang nagpapatuloy na impeachment process ay nakapaloob sa Konstitusyon.

Pinasaringan naman ni Castro si VP Sara dahil sa “more often on vacation and traveling abroad,” habang ang Pangulo ay patuloy at walang kapagurang nagta-trabaho.

“Obligasyon niya bilang Bise Presidente na sagutin ang mga inaakusa sa kanya. Ang pagtatago ng katotohanan patungkol rito ay pagtataksil sa bayan. Walang namumulitika rito,” ani Castro.  ( DARIS JOSE)

Mga hakbang para sa upskilling at wage increase ng mga manggagawang Pilipino, pinatututukan ni PBBM sa DOLE

Posted on: July 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINATUTUTUKAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Labor Department Secretary Francis Tolentino ang mga programang magpapahusay sa kakayahan o kasanayan ng mga manggagawa gayundin ang wage increase.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ginagawa na ito ngayon ni Tolentino kasunod ng nasabing direktiba ng Pangulo.

Aniya, bahagi ito ng pagnanais ng Pangulo na palakasin ang labor sector at pangalagaan ang mga manggagawang Pinoy.

Batid naman aniya ng ahensiya na napapanahon ng paunlarin ang labor force ng bansa at mamuhunan sa employable skills para gawing future-ready ang mga Filipino workers. 

Winika pa ni Castro na kabilang din nais ng Pangulo ay ang palawakin pa ang Trabaho Agad job fairs na target na makapagbigay ng libo-libong job opportunities sa mga naghahanap ng trabaho sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas. ( DARIS JOSE)

CabSec Abalos, sumabak na agad sa trabahoKAAGAD na sumabak na sa trabaho si Cabinet Secretary Benhur Abalos.

Posted on: July 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Sa katunayan ay nag first public appearance na si Abalos kasama si Unang Ginang Liza Marcos ngayong umaga, araw ng Biyernes, Hulyo 10, sa Mandaluyong na kung saan ay namahagi sila ng libreng bigas sa may 3,100 beneficiaries sa ilalim ng Mula sa Puso para sa Pamilya initiative.

Sinabi ng Kalihim, malaking trabaho ang ibinigay sa kanya ni Pangulong Marcos bilang cabsec gayung bukod sa gagawing koordinasyon para sa Cabinet meetings ay bibisitahin niya ang iba’t ibang mga komunidad at makikinig sa public concern.

Aniya pa, kasama rin sa kanyang mandato na siguraduhing naipatutupad nang epektibo ang mga proyekto ng pamahalaan sa buong bansa.

Tiniyak ni Abalos na ipararamdam nila hanggang sa kasuluk-sulukan ng bansa ang mga programa ng gobyerno at titiyakin nilang maibababa at paiigtingin ang serbisyo sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

( DARIS JOSE)

AFP, binasura ang pinakahuling naratibo ng Tsina ukol sa Batanes, tinawag itong ‘baseless’

Posted on: July 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BINASURA ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pag-angkin na ginawa ng mga Chinese scholars kaugnay sa di umano’y ang Batanes ay bahagi ng Tsina.

Tinawag ito ng AFP na “baseless.”

“The AFP categorically rejects and dismisses the baseless assertion from a state-sanctioned symposia in China claiming that the northernmost Philippine province of Batanes belongs to Beijing as a ‘geographical extension of Taiwan,” ang sinabi ni AFP spokesperson for the West Philippine Sea Navy reservist Rear Admiral Roy Vincent Trinidad sa isang panayam.

Gayundin tinawag ni Trinidad ang pinakabagong Chinese disinformation bilang “salami slicing in the information domain.”

Aniya, ito ay isang “systematic manufacturing of false historical and legal narratives intended to desensitize the international community, gradually alter the status quo and establish a pretext for future expansion.”

Binigyang diin nito na ang soberanya ng Pilipinas sa Batanes ay “settled, indisputable at non-negotiable.”

“The province of Batanes is an integral part of our republic, protected by international law and entrenched in our historic national boundaries,” aniya pa rin

Tinuran pa ni Trinidad na hindi maaari at hindi hahayaan ng AFP ang mga pagtatangka na ito ng foreign malign na hayaan na lamang.

“Leaving these attacks on our cognitive domain unanswered allows revisionist history to take root,” ang sinabi ni Trinidad sabay sabing “the AFP remains fully committed to protecting the country’s cognitive domain, maintaining total Maritime Domain Awareness and defending the territorial integrity of the country.”

( DARIS JOSE)

Laban kay VP Sara…Impeachment trial nakaayon sa batas at hindi sa 2028 politics

Posted on: July 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ng Malakanyang na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay nakaayon sa batas at hindi para pigilan ito na tumakbo sa 2028 presidential elections.

Sa ulat, naniniwala si Davao City Mayor Baste Duterte na ang layunin ng impeachment laban kay VP Sara ay upang pigilan itong tumakbo sa 2028 elections.

Sa panayam habang nasa The Hague, Netherlands, inamin ng alkalde na hindi niya sinusubaybayan ang impeachment trial na nagsimula noong Lunes dahil, aniya, matagal nang nakaplano ang hakbang na ito ng administrasyon.

Ayon kay Duterte, itinutulak ang impeachment dahil nais ng mga sangkot na manatili sa kapangyarihan.

Samantala, aminado rin ang alkalde na wala silang magagawa kung mauuwi man sa impeachment ang kaso ng kanyang kapatid.

“Do they want the government not to take action, not to follow what the law says, and allow those accused of committing crimes against the nation to escape and get away with it?” ang tugon naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang Viber message sa mga mamamahayag.

Idinagdag pa ni Castro na “Why don’t they directly answer the accusations instead of just repeatedly claiming that they are being politically persecuted? Have they heard the Vice President deny the issue of misusing public funds and her admission that she was communicating with a killer to carry out a killing?”

Binigyang diin pa ni Castro na pinaiiral lamang ni Pangulong Marcos ang kapangyarihan nito alinsunod sa batas hindi kagaya ng nakalipas na administrasyon

“Let us remember that punching a sheriff who was merely performing his duty is the true abuse of power,” ayon kay Castro.

Tinukoy ni Castro ang isang court sheriff na sinuntok di umano noon ni Vice President Sara Duterte noong 2011 habang alkalde pa siya ng Davao City. ( DARIS JOSE)

Ang Batanes ay lalawigan ng Republika ng Pilipinas, walang basehan ang pag-aangkin ng China dito 

Posted on: July 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUWESTYON ng isang mambabatas ang basehan ng China na inaangkin ang mga isla sa Batanes sa hilagang bahagi ng Pilipinas.

Ayon kay Batanes Rep. Ciriaco B. Gato Jr., nakakabahala at nakaalarma ang mga alegasyon na ang mga isla ng Batanes ay “natural geographical extension” ng Taiwan, isang isla na sinasabing soberanya ng China.

“We treat any insinuation that seeks to question or undermine the absolute sovereignty of the Republic of the Philippines over our islands with utmost gravity,” sinabi ni Gato.

Iginiit ni Gato na ang Batanes ay lalawigan ng Republika ng Pilipinas at ang mga Ivatans na nakatira sa rehiyon ay mga Pilipino.

“ These are enduring truths established by history, affirmed by our Constitution and laws, and embodied in the identity and collective experience of our people,” dagdag ng kongresista.

Samantala, sinabi naman ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña na isa umanong malaking kahibangan ang pagsabi na pag-aari ng Tsina ang Batanes sa pamamagitan ng Taiwan.

Ayon kay Cendaña, desperado na umano ang China dahil habang papalapit ang 10th anniversary ng 2016 Arbitral Award victory sa West Philippine Sea ay parami nang parami ang kumikilala sa buong mundo na sa Pilipinas ang WPS.

“The Chinese government has long resorted to pseudo-science and pseudo-history to justify its pseudo-claim to the West Philippine Sea. Maliban sa basag na basag na internationally ang propaganda nila, dumadami na ang kumokondena sa pangha-harass nila sa Pilipinas. China should wake up to reality and respect our sovereignty,” ani Cendaña.

 (Vina de Guzman)

Safe shelters sa bawat siyudad at probinsiya para sa mga survivors ng gender-based violence, isinusulong

Posted on: July 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISINUSULONG ng isang mambabatas ang pagkakaroon ng mga halfway houses o safe shelters sa bawat siyudad at probinsiya para sa mga survivors ng gender-based violence at iba pang uri ng pang-aabuso.

Sa House Bill No. 10044 o “Bahay Kanlungan Act of 2026”, layon ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima na masiguro na ang lahat ng survivors, kahit anong idad, kasarian o sexual orientation, ay may madaling access ng proteksyon, temporary shelter, at support services para matulungan silang bumangon at maka-recover. 

“A nationwide halfway house system would provide a more inclusive and rehabilitative mechanism to protect survivors of violence and those vulnerable to abuse,” ani De Lima. “As a framework for protection, recovery, and reintegration, this measure ensures that all survivors receive guidance, care and sustained support.”

sa ngayon, ang mga residential care facilities ay pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kabilang na ang Haven for Women at Home for Girls, ngunit hindi sapat para makapaglaan ng proteksyon sa mga survivors ng pang aabuso partikular na yaong sexual orientation, gender identity, gender expression, and sex characteristics (SOGIESC).

Sinabi pa ni De Lima, na ang mga survivors na may diverse gender identities ay patuloy na dumaranas ng violence at systemic discrimination, pero walang sapat na proteksyon sa ilalim ng kasalukuyang batas.

Upang matugunan ang mga gaps nito, isinusulong ng mmbabatas na palakasin ang kapasidad ng local governments na maglaan ng integrated services para sa kaligtasan, dignidad at hustisya ng mga ito.

Sa ilalim ng HB 10044, ang DSWD ay naatasan na magbuo o mag- accredit ng isang (1) Inclusive Halfway House sa bawat siyudad at probinsiya sa buong bansa.

Ang mga survivors ay maaaring paglaanan ng pansamantalang accommodation sa safe shelters ng hanggang 90 araw na maaaring palawigin kung kinakailangan.

hindi rin dapat ibalik o palabasin ang survivor sa umanoy :perpetrator, abusive environment, orvunsafe setting.’

Naging inspirasyon ng panukala ang Quezon City’s Bahay Kanlungan, ang unang LGU-run shelter na nagbibigay ng comprehensive medical, psychological, police, at legal assistance sa kababaihan, bata at LGBTQ na itinuturing na victim-survivors ng gender-based violence. 

 “Victims of abuse or those at risk must have a safe place to go. This is essential not only to protect them from further harm, but also to provide a stable foundation where they can begin healing and rebuilding their lives. Walang sinuman ang dapat dumanas at magtiis ng karahasan at pang-aabuso. Obligasyon ng Estado hindi lang ang tuldukan ang pananakit o anumang uri ng dahas, kundi siguruhin din na mabibigyan ang mga biktima ng karampatang kalinga at serbisyo tungo sa pamumuhay na ligtas at may dignidad,” pahayag pa nito.

(Vina de Guzman)

13 wanted persons, nalambat sa manhunt ops sa CaMaNaVa

Posted on: July 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LABING-TATLONG wanted persons, kabilang ang walong most wanted person ang nalambat sa pinaigting na manhunt operation ng Northern Police District (NPD) at mga police station sa lugar ng CaMaNaVa.

Isang 23-anyos na college student na residente ng Barangay 27, Caloocan City, ang inaresto ng mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU) ng NPD sa bisa ng arrest warrant para sa kasong Attempted Rape na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 126, Caloocan City, na may inilaang piyansa na P120,000.

Nadakip naman ng mga operatiba ng District Intelligence Division – Intelligence Operations Section (DID-IOS) ang 38-anyos na lalaki na akusado sa Frustrated Murder na inisyu ng RTC, Branch 126, Caloocan City, na may inirekomendang piyansa na P200,000.

Sinilbihan ng mga operatiba ng Caloocan Police Warrant and Subpoena Section ng warrant of arrest para sa kasong Murder na inisyu ng RTC, Branch 126, Caloocan City, na walang inirekomendang piyansa ang 36-anyos na lalaki habang nakakulong sa BJMP ng Caloocan City.

Habang dinampot naman ng mga tauhan ng Bagong Bagong Barrio Police Sub-Station 5 sa bisa ng arrest warrant para sa paglabag sa RA 6539 (Anti-Carnapping Act) na inisyu ng RTC Branch 13, Malolos City, Bulacan, na may inilaang piyansa na P180,000 ang 29-anyos na babaeng cook at residente ng Barangay 5, ng lungsod.

Sa Malabon, isinilbi rin ng mga operatiba ng WSS-CCPS ang arrest warrant para sa kasong Murder na inisyu ng RTC Branch 126, Caloocan City, na walang inirekomendang piyansa laban sa 40-anyos na ginang na kasalukuyang nakapiit sa BJMP Female Dorm.

Inaresto naman ng mga operartiba ng WSS ng Navotas CPS ang 23-anyos na bartender na residente ng Barangay San Jose, Navotas City, sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Section 5(1) ng RA 9262 at Section 4(d) ng RA 9995 na inisyu ng Family Court, Branch 9, Navotas City.

Natimbog din ng mga operatiba ng WSS ng Valenzuela CPS ang 51-anyos na driver na residente ng Barangay Bancal, Meycauayan City sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng RTC Branch 172, Valenzuela City para sa kasong Frustrated Murder na may inirekomendang piyansa na P200,000.

Hinihikayat naman ni NPD Acting Director P/BGen. Benliner Capili ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga taong pinaghahanap ng batas at iba pang kahina-hinalang gawain. 

(Richard Mesa)