• July 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June, 2026

PBBM, idineklara ang June 24 bilang special non-working days sa Maynila at Lian, Batangas

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IDINEKLARA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang June 24, 2026, bilang special non-working day sa Lungsod ng Maynila para sa pagdiriwang ng 455th Founding Anniversary nito.

Sa ilalim ng Proclamation No. 1320, sinabi ng Pangulo na “it is but fitting and proper for the people of the City of Manila be given full opportunity to participate in the occasion and enjoy the celebration.”

Tinintahan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto ang proklamasyon na may pahintulot ng Pangulo nito lamang Hunyo 16.

Samantala, idineklara naman ni Pangulong Marcos ang June 24 bilang special non-working day sa Munisipalidad ng Lian, Batangas, sa pamamagitan ng Proclamation No. 1321 sa pagdiriwang ng Sambuhos Festival, isang tradisyonal na water-dousing festival bilang pagkilala sa patron saint ng bayan na si Saint John the Baptist.

Ang pangalan ng kapistahan ay nagmula sa mga salitang Filipino na isa at buhos, tinutukoy ang tradisyon ng pagbabasa o paghuhugas ng tubig sa mga residente at mga bisita.

Ang kasanayan ay sumisimbolo sa biblical baptism na ginawa ni Saint John the Baptist sa Jordan River. (DARIS JOSE)

PBBM, Putin pinag-usapan ang pagpapalakas sa trade ties sa bilateral meeting sa Russia

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Ang bilateral meeting ay isinagawa sa ASEAN-Russia Commemorative Summit na iko-chair ng dalawang lider.

“Apparently, we are approaching the present threshold with an immense capital of mutual beneficial cooperation underpinned by good traditions of mutual respect and respect for legitimate interest of each other. Last year, bilateral trade exceeded $.5 billion. Of course, this is far from the limit. And of course, there is a good potential to enhance supplies of agriculture and energy resources,” ayon kay Putin.

Bilang tugon, sinabi ni Pangulong Marcos na ikinagagalak niya ang “forward-looking exchange on the different structural issues” na nakaaapekto sa kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.

“And as you have mentioned, Your Excellency, we – there are many potential areas that I think we should explore and I think that the present level of trade, although it is steady, I think that this is – there is a great deal more that we can do,” aniya pa rin.

Winika pa ng Pangulo na sa isinagawang Joint Commission on Trade and Economic Cooperation (JCTEC) sa Moscow noong September 2025, lumitaw na ang energy security at food security ang kanilang mutual concern.

“We note that during the JCTEC meeting held in Moscow, energy and food security emerged as a mutual – one of the mutual priorities of both our countries. And that is why we again, that B2B component at the sidelines of the JCTEC enabled Philippines and Russia to establish networks and to explore joint ventures,” ang sinabi pa ni Pangulong Marcos.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Putin na ito ang unang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Russia, na nagkataon o natapat sa chairship ng Pilipinas sa ASEAN.

Gugunitain naman ng regional bloc at Russia ang 35 taon ng relasyon, na rerebisahin sa panahon ng ASEAN-Russia Commemorative Summit.

Binati naman ni Putin ang mga mamamayang Filipino sa pagdiriwang ng ika-128 na deklarasyon ng Philippine Independence noong Hunyo 12, na aniya’y isa ring national holiday sa Russia.

Binanggit din ni Putin ang naging pagbisita ng ama ni Pangulong Marcos na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Russia noong 1976.

Mamarkahan naman ng Pilipinas at Russia ang 50 taon ng diplomatic relations ngayong buwan.

Matapos ang bilateral meeting, dumalo naman sina Putin at Pangulong Marcos sa gala kasama ang ibang pinuno ng gobyerno.

(DARIS JOSE)

Liderato ng Kamara, tiwalang uusad ang Senado sa ilalim ni SP Gatchalian

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINUPORTAHAN ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ng Ilocos Norte ang paghalal kay Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President na aniya, ay isang hudyat sa mga senador sa isantabi na nila ang hidwaan at mag focus na lang sa kanilang trabaho.

“On behalf of the House, we would like to congratulate Senate President Sherwin Gatchalian. We look forward to working with him,” pahayag ni Marcos sa isang ambush interview.   

Ayon kay Marcos, ang pagkakahalal ni Gatchalian ay naging oportunidad sa Senado na bumawi sa trabaho matapos ang ilang linggong sigalot sa liderato nito.

Aniya, kilala niya sa Gatchalian at pinuri nya ito sa kanyang istilo ng pamumuno. “I have worked with him and I know how level-headed he can be. So I think that’s exactly what this current political climate needs, especially there in the Senate, level-headedness and just the need for all of us to really get back to work,” aniya. 

Ayon kay Marcos, ang sigalot sa Senado ay nakaantala sa kumpirmasyon ng ilang opisyal ng militar na nakatakdang ma-promote bago ang kanilang mandatory retirement sa serbisyo.

 “I believe it’s the 7 or 8, the generals who were due for promotion but as a result of the leadership struggle in the Senate were not able to be confirmed, so that is what we are waiting for now,” sinabi ni Marcos. 

(Vina de Guzman)

Sa gitna ng umano’y ICC warrant…Sen. Bong Go, itinangging lumabag sa batas

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IGINIIT ni Senador Christopher “Bong” Go na wala siyang nilabag na batas at ipinauubaya na lamang niya sa Diyos ang lahat, kasunod ng mga ulat na umano’y naglabas ang International Criminal Court ng warrant of arrest laban sa kanya.

Ayon kay Go, hindi kailanman naging bahagi ng kanyang mandato ang mga usaping pangkapulisan at umaasa siyang hindi mapupulitika ang isyu.

Lumabas ang usapin matapos sabihin ni Davao City First District Representative Paolo “Pulong” Duterte na may impormasyon siyang naglabas na umano ang ICC ng arrest warrant laban kay Go at sa dalawa pang dating opisyal ng pulisya.

Gayunman, sinabi ng Department of the Interior and Local Government na wala pa silang natatanggap na pormal na abiso tungkol dito.

Si Go at Senador Ronald Dela Rosa ay kabilang sa mga opisyal na pinangalanan ng ICC bilang mga umano’y kasamang may pananagutan sa mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng war on drugs ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, muling itinanggi ni Go ang mga alegasyon at sinabing wala siyang anumang kinalaman, kaalaman, o awtoridad sa mga paratang na iniuugnay sa kanya.

 ( DARIS JOSE)

PBBM, inimbitahan si Vladimir Putin sa Maynila para sa 21st East Asia Summit

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIMBITAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Russian President Vladimir Putin na bumisita sa Maynila para sa 21st East Asia Summit, isa sa mga pagpupulong sa pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summits ngayong taon.

Sa isang Facebook post, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na nagdaos sina Pangulong Marcos at Putin ng bilateral meeting sa sidelines ng ASEAN-Russia Commemorative Summit sa Kazan, Russia.

Si Pangulong Marcos, sa pagsasalita bilang ASEAN chair, “also invited President Putin to the 21st East Asia Summit in Manila, underscoring the role of the forum in promoting a stable, secure, and prosperous region,” ayon sa PCO.

Pinag-usapan naman ng dalawang lider ang potensiyal para sa pagpapalawak ng pagtutulungan habang tinukoy naman ng Pangulo ang halaga ng “regular political consultations.”

Aniya pa, mayroong “a great deal more that we can do” pagdating sa usapin ng energy at food security bilang ‘shared priorities’ kasama ang Russia.

Samantala, itinuro naman ni Putin ang “longstanding tradition” ng mutual respect sa pagitan ng Maynila at Moscow at nagpahayag na mayroong potensiyal para sa higit na pagtutulungan sa kalakalan, agrikultura at enerhiya.

“He also underscored the importance of existing mechanisms, including the Joint Russia-Philippine Commission on Trade and Economic Cooperation,” ayon pa rin sa PCO. 

( DARIS JOSE)

Mas ligtas na Digital Space sa mga kabataan sa ilalim ng ‘Digital Safety of Minors Act’

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIHAIN ni Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez ang House Bill No. 9825, o “Digital Safety of Minors Act,” na nagsusulong na magkaroon ng mas ligtas na paggamit ng digital media sa mga batang pinoy sa pamamagitan ng paghihigpit sa pagbuo at maintenance ng social media accounts sa mga edad 16 anyos pababa.

“We are not banning technology or restricting children’s rights to learn and express themselves. We are simply making sure that digital spaces are designed with children’s developmental needs and safety in mind,” paliwanag ng Deputy Speaker. 

Nire-require sa panukala na magpatupad ang mga social media platforms ng resonable at naaayon, privacy-preserving age-assurance mechanisms mula sa pagbuo ng account at pagsasagawa ng peryodikong pagrebyu.

Mandato rin ang paglalagay ng safety-by-default settings sa mga users na 16 o 17 taong gulang , pagbabawal sa behavioral and targeted advertising na natuon sa mga users na mababa sa 18 taon gulang at pagkakaroon ng limitadong exceptions kapag mayroong verifiable parental o guardian consent.

“This bill ensures that the platforms profiting from our children’s attention finally take real responsibility through age assurance, safety-by-default settings, and strong privacy protections,” anang mambabatas.

“Social media and the internet have opened up tremendous opportunities for Filipino youth to learn, create, connect with others, and access information that can enrich their lives and future prospects. However, these same platforms also expose our children to serious risks that can harm their mental health, development, and safety. This bill ensures we protect them from those risks without taking away the genuine benefits of the digital world.” (Vina de Guzman)

IMBESTIGASYON SA PAGKAMATAY NG 2 ATHLETE, PALALAWAKIN PA

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PALALAWAKIN pa ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang student athlete ng Ateneo de Manila University noong June 8.

Ayon sa DOJ, kanila ring iimbestigahan ang pananagutan at responsibilidad nang mismong pamunuan ng unibersidad sa pagkasawi ng Ateneo Blue Eagles player na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.

Binigyang-diin ni Justice Secretary Frederick Vida na ang paaralan ang pangalawang tahanan ng mga estudyante, obligasyon at responsibilidad nito na tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Ayon kay Vida, hindi lamang nakatuon ang imbestigasyon ng justice department sa head coach ng Ateneo basketball team at sa iba pang assistant coach kundi maging sa posibleng pagkukulang at kapabayaan ng unibersidad kaya sa pagpili ng lugar kung saan idinaos ang kanilang training.

Nanawagan naman ang Kalihim sa publiko na iwasan ang pagiging judgemental kaugnay sa nasabing kaso.  (Gene Adsuara)

Sandoval, pinalakas ang Adolescent Health, Malabon KONEK at Healthy Workplace Initiative

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINATIBAY ni Mayor Jeannie Sandoval ang pangako ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon na isulong ang adolescent health and fostering healthy, produktibong kapaligiran sa trabaho sa pamamagitan ng paglagda sa Commitment Letter at Commitment Wall para sa Healthy Workplaces Initiative at ang pamamahagi ng Malabon Kabataan One Network for Empowerment at Kalusugan (KONEK).

Pinangunahan ni Mayor Jeannie, kasama sina Mr. Jomark Thom Agno, HEPO III at Healthy Workplaces Focal Person ng Department of Health at Mr. Reginald Santiago, HEPO II at Healthy Settings Lead ng DOH – Metro Manila Center for Health and Development; City Administrator Dr. Alexander T. Rosete; mga pinuno ng kagawaran ng lungsod; at mga kinatawan mula sa mga kasosyong ahensya at organisasyon ang ceremonial signing ng Commitment Letter at Commitment Wall para sa Healthy Workplaces Initiative noong Lunes.

Pormal na itinatag ang paglagda ng pangako ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon at ng mga katuwang nitong ahensya na lumikha at mapanatili ang malusog at ligtas na kapaligiran sa trabaho.

Ang Commitment Letter ay sumasagisag sa pananagutan ng institusyon at dedikasyon sa kagalingan sa lugar ng trabaho, habang ang Commitment Wall ay sumasalamin sa sama-samang suporta at pagkakaisa ng mga kalahok na ahensya at organisasyon.

Binigyang-diin ni Mayor Sandoval na ang pamumuhunan sa kalusugan at kapakanan ng empleyado ay direktang nag-aambag sa pagpapabuti ng produktibidad, mas malakas na paghahatid ng serbisyo publiko, at napapanatiling pag-unlad ng komunidad.

“Bilang isang lider, naniniwala ako na ang lakas ng isang lungsod ay hindi nasusukat sa laki ng gusali o dami ng proyektong naitayo. Nasusukat ito sa kalagayan ng mga taong bumubuo rito. Kung malusog ang manggagawa, mas matatag ang pamilya. Kung matatag ang pamilya, mas matibay ang komunidad. At kung matibay ang komunidad, mas malakas ang lungsod,” ani alkalde.

Samantala, inilunsad din ng lungsod ang Malabon KONEK Manual, na kilala bilang Integrated Information Service Delivery Network for Adolescent Health and Development Manual of Referral.

Sa pamamagitan ng manual, hinahangad ng lungsod na pahusayin ang koordinasyon at mga sistema ng referral sa mga kagawaran ng lokal na pamahalaan, mga ahensya ng pambansang pamahalaan, mga paaralan, pasilidad ng kalusugan, at mga kasosyong organisasyon.

Magsisilbi rin itong gabay upang matiyak na ang mga residente, partikular na ang kabataan, ay may access sa mga mahahalagang programa at serbisyong pangkalusugan. (Richard Mesa)

Bebot, niratrat ng nakasalubong, dedbol

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HUMANDUSAY ang duguang katawan ng 26-anyos na bebot nang pagbabarilin hindi kilalang salarin na kanyang nakasalubong habang naglalakad sa Caloocan City, Miyerkules ng gabi.

Wala ng buhay ang biktimang residente ng 619 Aurora St. Barrio Concepcion, Brty. 188 Tala, North Caloocan nang datnan ng mga nagrespondeng tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 14 habang nakahandusay sa Langit Road, Barrio San Isidro, Brgy. 188 Tala.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director Benliner Capili, naglalakad sa Langit Road ang biktima dakong alas-6:15 ng gabi nang tatlong beses umanong paputukan sa ulo at katawan ng nakasalubong niyang salarin.

Ilang saksi ang nakakita sa suspek na nakasuot ng itim na jacket, itim na cap, puting pantalon, at puting sapatos na nagmamadaling tumakas patungo sa Phase 5, Brgy 176 Bagong Silang, bitbit ang ginamit na armas.

Ayon sa isang opisyal ng barangay, kilala sa kanilang lugar ang biktima bagama’t hindi siya residente ng kanilang barangay kundi pasulpot-sulpot lang.

Nagsasagawa na ng backtracking ang pulisya sa kuha ng mga CCTV sa lugar upang matukoy ang pagkakilanlan ng salarin habang inaalam pa ang motibo sa pamamaslang. 

(Richard Mesa)

LTFRB IPINATAWAG ANG KUMPANYA NG BUS MATAPOS ANG MALALANG AKSIDENTE SA BAGUIO, 24 NA BUS SINUSPINDE

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PANSAMANTALANG sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang operasyon ng 24 na bus ng isang kumpanya matapos ang naganap na aksidente sa Baguio City na ikinasawi ng dalawang katao.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, mananatiling suspendido sa loob ng 30 araw ang mga unit habang isinasagawa ang imbestigasyon upang matukoy kung may paglabag sa mga kondisyon ng kanilang Certificate of Public Conveyance.

“Tinitiyak natin ang patas at masusing imbestigasyon sa insidenteng ito. Hindi lamang ito bahagi ng ating mandato kundi usapin din ng kaligtasan at buhay ng mga komyuter,” ani Chairman Mendoza.

Sangkot sa aksidente ang isang bus ng North Genesis Bus Line, Inc. na bumangga sa isang nakaparadang truck sa Kilometer 6 ng Marcos Highway sa Baguio City noong madaling-araw ng Hunyo 16 habang patungo sa lungsod.

Batay sa ulat, dalawa ang nasawi matapos maipit sa loob ng bus, habang anim na iba pa ang nasugatan.

Sa inilabas na Show Cause Order, inatasan ang kumpanya na isailalim sa drug test ang lahat ng kanilang bus driver at ipasailalim sa roadworthiness inspection ang 24 na suspendidong unit.

Pinagpapaliwanag din ang kumpanya sa pamamagitan ng isang notarized na paliwanag kung bakit hindi sila dapat mapatawan ng kaukulang parusa kaugnay ng insidente, habang ipinag-utos naman ng LTFRB ang pagsusuko ng mga plaka ng lahat ng suspendidong bus upang matiyak ang pagsunod sa kautusan.

Kasabay nito, binigyang-diin ni Chairman Mendoza ang agarang pagbibigay ng insurance claims sa mga pamilya ng mga nasawi at sa mga nasugatan. Inatasan din niya ang mga opisyal ng LTFRB sa rehiyon na bantayan ang pagtupad ng kumpanya sa obligasyong ito.

Nanawagan naman si Chairman Mendoza sa mga operator at driver ng pampublikong sasakyan na patuloy na unahin ang kaligtasan sa kalsada, at suklian ang tiwalang ibinibigay ng kanilang mga pasahero sa pamamagitan ng ligtas na biyahe. (PAUL JOHN REYES)

One attachment  •  Scanned by Gmail