• September 1, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 29th, 2026

Maternity benefits ng mga kababaihang naghahanapbuhay sa kalye, dapat palawakin hiling ng mambabatas

Posted on: June 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MARAPAT lamang na isama at palawakin ang maternity benefits ng mga kababaihang naghahanapbuhay sa kalye.

Ito ang pinanukala ni House Senior Deputy Minority Leader and Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 11210 at isama sa coverage ng maternity benefits ang mga vendor o tindera na naglalako sa kalye o palengke, at mga nagtratrabaho sa mula sa informal economy.

Sa inihaing House Bill No. 9904 o “Maternity Benefit for Women in the Informal Economy Act,” sinundan ni De Lima ang Senate Bill No. 1579 ni Sen. Risa Hontiveros na bigyan ng one-time maternity cash benefit per delivery ang mga babaeng hindi miyembro ng Social Security System (SSS), katumbas ng 44 araw niyang kita, o batay sa daily minimum wage ng rehiyon kung saan siya naninirahan.

“Marami sa ating mga kababaihan ang marangal na naghahanapbuhay bilang mga street vendors, domestic helpers, mananahi, labandera, driver, micro-entrepreneurs at iba pang pagkakakitaan. Gayunpaman, ang kanilang mga pagsisikap at sipag sa pagbabanat ng buto ay hindi natutumbasan ng sapat na benepisyo at seguridad sa trabaho,” pahayag ni De Lima.

“Sa pagsasabatas ng panukalang ito, hangad po natin na walang ina na mapag-iiwanan at mapagkakaitan ng karapatan at nararapat na serbisyo sa kanilang pagdadalang-tao at pag-aruga sa kanilang mga anak,” dagdag ng kongresista. 

Ayon kay De Lima, manggagaling ang pondo mula sa excise taxes sa sweetened beverages, alcohol, tobacco products, heated tobacco products, at vapor products, at maari pang madagdagan pa ito mula sa General Appropriations Act (GAA). 

(Vina de Guzman)

Para sa mabilis na serbisyo sa Navoteños, NavApp inilunsad

Posted on: June 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PORMAL na inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang NavApp—ang opisyal nitong digital gateway na isang hakbang tungo sa mas mabilis, mas accessible, at mas responsive na serbisyo-publiko para sa lahat ng Navoteños.

Pinangunahan nina Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco ang paglulunsad ng NavApp na ginanap sa Navotas Convention Center, bilang bahagi ng pagwawakas ng week-long na pagdiriwang ng ika-19th Navotas Cityhood Anniversary.

“Ang NavApp ay patunay ng ating pangako na gawing mas mabilis, mas maginhawa, at mas accessible ang serbisyo ng Pamahalaang Lungsod para sa bawat Navoteño,” ani Mayor Tiangco.

Sa pamamagitan aniya ng NavApp, mas madali nang makipag-ugnayan sa Pamahalaang Lungsod—mula sa pag-book ng appointments, pagbayad ng city transactions, pagproseso ng business permits, hanggang sa pagtanggap ng mahahalagang balita at anunsyo ang mga Navoteño.

Kung wala pang NavApp, i-download na ito at gumawa ng inyong NavoRehistro account para masimulan nang gamitin ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaang lungsod.

Maaaring i-download ang NavApp sa Apple App Store: https://apps.apple.com/ph/app/navapp-city-of-navotas/id6760896424 at

Google Play Store: https://play.google.com/store/apps/details?id=ph.ncg.navapp&pcampaignid=web_share

Pinasalamatan naman ng magkapatid na Tiangco ang lahat ng nakiisa sa paglulunsad ng NavApp kabilang ang mga konsehal ng lungsod, department heads, barangay officials, partners, at mga kawani ng pamahalaang lungsod. (Richard Mesa)

Matutuloy na…Pinaka-aabangang impeachment trial ni VP Sara Duterte sa July 6 na

Posted on: June 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

AYON kay House impeachment trial spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, matutuloy na ang pinaka – aabangang impeachment trial ni VP Sara Duterte sa July 6 dahil natapos at nakumpleto na ang pre trial proceedings na ginanap sa Senado.

 “Ang pagtatapos po ng pre-trial conference ay isang malaking hudyat na wala pong maaaring hadlang sa pag-umpisa ng actual impeachment trial sa nalalapit na July 6 na naaayon sa ating Saligang Batas,” pahayag ni Adiong sa isang press briefing. 

Ayon kay Adiong, ang prosecution ay naghahanda na isumite ang kanilang komento matapos ang pre-trial conference na natapos Huwebes ng gabi.

Idinagdag ni Legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na ang prosecution ay nakumpleto ang limang araw na pre-trial proceedings mula June 18, June 22 hanggang 25, kaya tuluyang uusad ang impeachment case.

“The good news is that with the completion of the pre-trial proceedings, the impeachment trial is now set to commence on July 6,” sinabi ni Tolosa. 

Sa ginanap na pre-trial proceedings, nakumpleto ng prosecution at defense panel ang pagmamarka ng documentary exhibits, kung sino ang mga tetestigo, at iba pang dapat gawin bilang preparasyon sa gagawing impeachment trial sa Senado.

“We welcome this (completion of pre trial as an) important milestone because it allows the constitutional process to move forward and gives the Filipino people the opportunity to hear the evidence, examine the facts, and know the truth through a fair, transparent, and orderly trial,” sabi ni Tolosa.

Nagpaabot ng pasasalamat si Tolosa sa Secretariat of the Senate impeachment court sa ginawang tulong sa prosecution at defense panel na makumpleto ang pre-trial process sa gitna ng dami ng dokumento na isusumite bilang ebidensya.

“We express our sincere appreciation to the Secretariat of the Impeachment Court for its guidance and accommodations that it extended to both parties, which enabled us to complete this extensive process despite the thousands of documentary exhibits involved, particularly those relating to the articles of impeachment, unexplained wealth, and confidential funds,” sabi ni Tolosa. 

Natapos ang pre-trial conference nitong Huwebes, sampung araw bago pormal na isagawa ang impeachment trial sa July 6.

Ayon kay Adiong, may natitirang sampung araw ang mga senador na maghanda sa paghuhukom, “maririnig, makikita, at masusuri ang ebidensya ng bawat panig na naaayon sa prinsipyo ng due process.” 

“Ang taumbayan po ay nakikinig, nagbabantay at nagmamatyag. Deserve nila ang katotohanan at pawang katotohanan lamang. At iyan po ang panata ng prosecution team. Ang ilatag ang katotohanan at pawang katotohanan lamang sa sambayanang Pilipino sa nalalapit na paglilitis kay Vice President Sara Duterte,” dagdag ng kongresista.

(Vina de Guzman)