• July 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May, 2026

CHINESE NATIONAL NA INARESTO, WALANG KAUGNAYAN SA ADMINISTRASYON NI ISKO

Posted on: May 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANG Chinese national na inaresto dahil sa pekeng dokumentong Pilipino ay walang kaugnayan sa kasalukuyang administrasyon ng Maynila.

Itinanggi ni Manila City Administrator Atty. Eduardo “Wardee” P. Quintos XIV ang anumang koneksyon ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa isang Chinese national na inaresto ng Bureau of Immigration (BI) dahil umano sa paggamit ng pekeng dokumentong Pilipino.

Itinuro ni Quintos si dating City Administrator Bernardito Ang—isang pangunahing opisyal sa ilalim ng administrasyon ni dating Mayor Honey Lacuna—bilang taong dapat tanungin kaugnay ng naturang mga dokumento.

Naglabas ng pahayag ang city administrator upang idistansiya ang kasalukuyang administrasyon ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso kay Peter B. Zhuang, na inaresto noong Marso 30, 2026 dahil umano sa maling pagpapakilala at paggamit ng pekeng dokumentong Pilipino.

Binigyang-diin ni Quintos na si Zhuang ay “walang anumang koneksyon, kaugnayan, trabaho, pakikipag-ugnayan, o awtorisasyon mula sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.”

Dagdag pa ng city administrator, anumang ID, sertipikasyon, o dokumentong sinasabing ibinigay pabor kay Zhuang ay “lampas sa awtoridad, partisipasyon, at opisyal na kaalaman ng kasalukuyang administrasyon.”

Sinabi rin ni Quintos na hindi kukunsintihin ng pamahalaang lungsod ang “anumang uri ng maling pagpapakilala, hindi awtorisadong paggamit ng mga pangalan o tanggapan ng mga opisyal ng lungsod,” o pagsasamantala sa pagkakakilanlan at mga institusyon ng lokal na pamahalaan ng mga dayuhan.

Aniya, nananatiling nakatuon ang administrasyon ni Domagoso sa pangangalaga ng pambansang seguridad at pagtataguyod sa Konstitusyon.

Inaresto ng Bureau of Immigration si Zhuang noong Marso 30 dahil umano sa maling pagpapakilala at paggamit ng pekeng dokumentong Pilipino. (Gene Adsuara)

Forthwith sa impeachment, gawin na request ng mambabatas 

Posted on: May 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIHAYAG ni Kabataan Partylist

Rep. Renee Co na dapat simulan at ituloy agad ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

“The impeachment must proceed at once. It is a disservice to the Filipino people if the impeachment hearing is delayed any longer,” anang House Assistant Minority Leader.

Ang panawagan ay ginawa ng mambabatas kasabay ng pagsisimula nang pagpupulong ng impeachment court sa Senado.

Makaraang isinumite ang articles of impeachment sa Senado ng Kamara, umaasa ang mga grupo na magpupulong at tatalakayin agad nito ang usapin.

“Hindi dapat mahadlangan ng anumang gulo sa Senate leadership ang proseso ng impeachment. ” giit ni Co. 

“Oras na ng pananagutan, hindi ng simpatiya o pamumulitika.”

Sinabi pa nito na iisa lang ang panawagan ng taumbayan, ang pagulungin na ang impeachment at pagulungin na ang mga kurakot.

(Vina de Guzman)

Dating UP prof at dating DBM Usec na si Kim Robert De Leon, bagong DBM Sec- Malakanyang

Posted on: May 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUMPIRMA ng Malakanyang ang pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa UP Professor at dating dating DBM Undersecretary Kim Robert De Leon bilang bago at permanenteng kalihim ng Department of Budget and Management (DBM).

Si De Leon ang pinakabatang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Marcos.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro na inaasahan na manunumpa sa kanyang bagong tungkilin si De Leon, bukas, Mayo 19, 2026.

Isang career public servant, kinilala si De Leon para sa kanyang trabaho sa fiscal management, organizational reform, at digital transformation.

Nagtapos si De Leon ng magna cum laude at valedictorian mula UP-NCPAG. Nanguna rin siya sa 2016 Environmental Planning Licensure Examination at nagtamo ng Master’s degrees in urban and regional planning and public safety administration with academic honors.

Idagdag pa rito, nakakuha si De Leon ng sertipiko sa business process management mula sa Queensland University of Technology nong 2021, sa ilalim ng Australia Awards scholarship program.

Sa kabilang dako, sa tanong kung bakit si De Leon ang napisil ng Pangulo na italagang Kalihim ng DBM, ang sagot ni Castro ay ‘prerogative’ iyon ng Pangulo.

Samantala, si DBM former acting secretary Rolando Toledo ay itinalaga naman sa Board of Trustees, kakatawanin ni Toledo ang nangungunang orgaisasyon asosasyon ng mga government employees retirees o GSIS. (Daris Jose)

Ads May 20, 2026

Posted on: May 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Harapin ang alegasyon kung para talaga siya sa ‘transparency at accountability’

Posted on: May 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANAWAGAN ang Malakanyang kay Vice President Sara Duterte na harapin ang alegasyon na ibinabato laban sa kanya kung para talaga siya sa ‘transparency at accountability.’

Kasunod ito ng pormal na pag-convene ng Senado bilang impeachment court para sa paglilitis kay VP Sara kaugnay ng mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust matapos mapanatili ni Senate President Alan Peter Cayetano ang pamumuno sa Senado sa kabila ng isang linggong kaguluhan sa loob ng Mataas na Kapulungan.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro, ito ang tamang bagay na magagawa ni VP Sara kung talagang itinutulak nito ang ‘transparency at accountability’ sa gobyerno.

“Si Bise Presidente naman ay nagsusulong ‘di umano ng transparency and accountability. Kung naniniwala siya sa transparency at accountability, harapin niya po ‘yung mga ibinibintang at inaakusa sa kanya,” ayon kay Castro.

Sa ulat, nag-convene na ang Senado bilang impeachment court, araw ng Lunes, Mayo 18.

Suot ang kanilang maroon robes, nanumpa ang mga senador bilang senator-judges ilang araw matapos matanggap mula sa House of Representatives ang Articles of Impeachment.

Kapansin-pansin namang hindi dumalo sa proceedings si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ang pagliban ni Dela Rosa ay kasunod ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court kaugnay ng anti-drug campaign ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“I will do impartial justice according to the Constitution, and the laws of the Philippines, so help me God,” bahagi ng panunumpa ni Cayetano.

Pagkatapos nito ay magkakasabay na pinanumpa naman ni Cayetano ang 22 senator-judges.

Kaugnay nito, magpapadala ang Senado ng “writ of summons” kay Duterte na inatasan na maghain ng kanyang sagot sa loob ng 10 araw.

“The court, having been organized and the Articles of Impeachment having been presented, let a writ of summons be issued to Vice President Sara Duterte who is directed to file an answer within a non-extendible period of 10 days from receipt, pursuant to Article 7 of the rules of procedure of impeachment trial,” ani Cayetano.

Inatasan din si Duterte na magpakita sa session hall ng Senado sa sandaling siya ay ipatawag.

Ang Sergeant-at-Arms ng Senado ang inatasan na magdala ng summos kasama ang kopya ng Articles of Impeachment.

Sinabi rin ni Cayetano na ang prosecution panel ay maaring mag-file ng kanilang sagot sa loob ng limang araw pagkatapos matanggap ang sagot.

Ang mga pleadings at annexes ay maaaring dalhin ng personal o sa pamamagitan ng email. Ang lahat ng pleadings, motions na puwedeng ihain electronically. ( DARIS JOSE)

PBBM, masaya sa economic growth ng Pinas, tinukoy ang malakas na investor interest

Posted on: May 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KUMPIYANSA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mananatiling matibay ang ekonomiya ng Pilipinas at magpapatuloy na lalawig sa kabila ng global headwinds.

Tinukoy ng Pangulo ang investor confidence at government measures para pagaanin ang epekto ng krisis sa Gitnang Silangan.

Sa pagsasalita sa Japanese media sa Palasyo ng Malakanyang, sinabi ni Pangulong Marcos na “the government is recalibrating its approach to augment and stabilize the country’s fuel supply.”

Sinabi pa nito na nagtatrabaho ang Pilipinas kasama ang Southeast Asian nations at international partners para paghusayin ang energy security mechanisms, kabilang na ang emergency security mechanisms, supply coordination, at potensyal na joint stockpiling arrangements.

Idinagdag pa ng Pangulo na ang pakikipag-ugnayan sa kapwa Association of Southeast Nations (ASEAN) member-states at major economies ay pananatilihin upang masiguro ang matatag na energy supply.

“We will continue to do so, because we are really redefining the way that we do things when it comes to oil, when it comes to petroleum, when it comes to petroleum products. The effects are, as everybody knows, are widespread,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“As to the economy, the concern that we have is the concern about stagnation, which is when the GDP (gross domestic product) growth is stagnant, but inflation continues to increase. And so this is what we have been trying to control,” aniya pa rin.

Pagkilala sa inflationary pressures, partikular na sa pagkain at langis, sinabi ni Pangulong Marcos na nakatuon ang gobyerno sa pagpigil sa pagtaas sa presyo sa mga mahahalagang kalakal.

Tinukoy naman ng Chief Executive ang ilang interbensyon, kabilang na ang pagsisikap na panatilihin na matatag ang presyo ng mga basic goods, pagpapatupad ng price cap sa imported rice, at magbigay ng targeted subsidies para sa vulnerable sectors gaya ng public transport workers.

Binigyang diin naman nito ang pangangailangan na magsaliksik at magtatag ng mga bagong hakbang para panatilihin na nagpapatuloy ang transport sector sa gitna ng global oil volatility.

“The transport sector is the largest user of fuel. And so that is very important because we want to keep the system, the economic system, continuing to function,”ang winika pa rin ni Pangulong Marcos.

Binigyang diin naman ni Pangulong Marcos ang kahalagahan na panatilihin ang public spending para suportahan ang economic growth, sabay sabing ang government expenditures ay “being accelerated and redirected toward direct support for citizens and infrastructure programs.”

Tinuran pa niya na ang fiscal adjustments, kabilang na ang cost-saving measures sa iba’t ibang ahensiya ay naipatupad sa tulong ng fund subsidies at social support programs nang hindi nagagambala ang pangkalahatang economic activity.

“With all the spending that we are doing for providing benefits for people who need assistance, for providing subsidies, for providing discounts, the fuel discounts, we have tried very, very hard,” ayon sa Pangulo.

“Public spending is what will keep the economy rolling, and that will continue to support GDP growth,” aniya pa rin. 

(Daris Jose)

Caretaker ng fishpond, huli sa pagbabanta at panunutok ng baril

Posted on: May 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ARESTADO nina P/SSg Melvic Pingad at P/SSg Ricardo Santos Jr., kapwa nakatalaga sa Valenzuela Police Sub-Staion 5 si alyas “Jeffrey”, 25, ng Brgy. Tagalag nang tutukan ng baril at pagbantaan papatayin si alyas “Lyn” 29, na kanyang sinita dahil sa pagtapon ng tissue paper sa binabantayan niyang fishpond sa Tagalag Fishing Village, Rosal St., Brgy., Tagalag, Valenzuela City. Nakuha sa suspek ang isang calibre .38 revolver na kargado ng isang bala. (Richard Mesa)

Mahigit 141-K na PUVs inaprubahan para sa P10-per-liter fuel discount subsidy

Posted on: May 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAGUMPAY na na-upload ng LTFRB ang kabuuang 141,724 yunit ng pampasaherong jeepney at UV Express na kwalipikado sa ₱10 kada litro na diskwento sa gasolina.

Ayon kay LTFRB Chairman Vigor D. Mendoza II, ang bilang ay sumasaklaw sa lahat ng rehiyon batay sa database ng mga kwalipikadong benepisyaryo. Sa kasalukuyan, 12,688 transaksyon na ang naitala bilang matagumpay.

Nagsimula ang programa sa piling gasolinahan sa Metro Manila, katuwang ang Department of Energy (DOE).

Mula sa mahigit 50 gasolinahan, lumawak na ito sa 4,299 gasolinahan sa buong bansa.

Umabot na sa ₱13.3 milyon ang naipamahagi ng pamahalaan mula nang simulan ang programa.

Noong Abril, sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan, nakipagpulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa mga pinuno ng DOTr, DOE, at LTFRB upang talakayin ang iba’t ibang tulong para sa sektor ng pampublikong transportasyon, kabilang ang karagdagang fuel subsidy.

“Patunay ito na patuloy na inaalagaan ng pamahalaan ang sektor ng PUV kahit bumaba na ang presyo ng produktong petrolyo,” ani Chairman Mendoza.

Inaprubahan ni Pangulong Marcos ang ₱5,000 fuel subsidy para sa mga PUV drivers at operators.

Pinalawak din ang Service Contracting Program upang mas mapakinabangan ng mga commuter.

Ang mga gasolinahan ay ikokonekta sa database ng pamahalaan sa pamamagitan ng mobile app.

Tanging mga PUV na may balidong prangkisa ang makakakuha ng benepisyo, na may 150-litro kada linggo na limitasyon bawat yunit.

Kapag nakumpirma ang plaka, awtomatikong ibabawas ang diskwento sa presyo ng gasolina.

Ang LTFRB ang mangangasiwa sa pondo at maglalaan ng budget sa Land Bank of the Philippines para sa settlement at crediting ng fuel subsidy sa mga accredited gasolinahan. (PAUL JOHN REYES)

DOJ: Estrada, Bonoan kasuhan ng plunder, graft

Posted on: May 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIREKOMENDA ng Department of Justice (DOJ) na kasuhan sina Sen. Jinggoy Estrada, dating Public Works Secretary Manuel Bonoan at ilang personalidad na sangkot sa umano’y maanomalyang flood control projects. 

Kabilang sa mga kasong inirekomenda ng DOJ ang plunder, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, direct bribery, receiving gifts by public officers, at corruption of public officials.

Kabilang din sa mga respondents sina dating DPWH officials Bong Dinglasan, Engr. Denryl Caesar Cortuna, Asst. Engr Manny Bulosan, at Engr. Arturo Gonzales Jr. 

Ibinasura naman ang reklamo laban sa yumao nang si dating DPWH undersecretary Catalina Cabral.

Hindi rin isinama sina dating DPWH officials Roberto Bernardo, Henry Alcantara, at Gerard Opulencia sa isinapinal na criminal information na ihahain sa korte, kapalit ng pagtestigo.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, nag-ugat ang resolusyon kaugnay ng reklamong inihain ng National Bureau of Investigation-Department of Justice (NBI-DOJ) Public Works and Bid-Rigging Task Force.

Saklaw umano ng imbestigasyon ang iba’t ibang ebidensya kabilang ang legislative records, Position Description Forms, at sworn transcripts mula sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong ­Nobyembre 14, 2025, na nagdetalye ng umano’y ilegal na pagmamaniobra at sinasabing 30% cuts kaugnay ng regional flood control projects.

( Daris Jose)

Caretaker na nagbanta at nanutok ng baril sa sinitang bebot sa Valenzuela, isinelda

Posted on: May 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BINITBIT sa selda ang 25-anyos na caretaker ng isang fishpond nang tutukan ng baril at pagbantaang papatayin ang sinita niyang bebot sa Valenzuela City.

Sinampahan na ng mga tauhan ni P/Capt. Doddie Aguirre, hepe ng Valenzuela Police Sub-Station 5 ng ksong Grave Threat at paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang suspek na si alyas “Jeffrey”, 25, ng Brgy. Tagalag ng lungsod.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento na nangyari ang panunutok ng baril at pagbabanta sa biktimang si alyas “Lyn” 29, residente ng Brgy. Arkong Bato alas-4:30 ng Linggo ng hapon.

Nakita umano ng suspek na nagtapon ang biktima ng tissue paper sa binabantayan niyang fishpond sa Tagalag Fishing Village, Rosal Street, Barangay Tagalag kaya sinita niya ang babae.

Pinagsabihan ng suspek si alyas Lyn na bawal ang ginawa niya dahil hindi aniya ito basurahan subalit, dinedma umano ito ng biktima na dahilan para tutukan siya ng baril at pagbantaang papatayin.

Sa takot ay nagtatakbo ang biktima hanggang makahingi ng tulong kina P/SSg Melvic Pingad at P/SSg Ricardo Santos Jr., kapwa nakatalaga sa SS5 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakakumpiska sa isang kalibre .38 revolver na kargado ng isang bala. 

(Richard Mesa)