• May 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April, 2026

PCO, dumulog sa DoJ para paimbestigahan ang mga nagpapakalat ng fake news sa social media

Posted on: April 8th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PERSONAL na dumulog sa Department of Justice (DoJ) si acting Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez para paimbestigahan ang nasa likod ng Facebook page na Malasakit News Pilipinas na nagpapakalat aniya ng fake news.
Tinukoy ni Gomez ang naka-post sa nasabing Facebook page na nagsasabing magkakaroon ng energy lockdown, o magkukulang ang suplay ng langis sa bansa na labis na ikababahala ng mga mamamayang Filipino.
Aniya pa, dahil sa sa mga ganitong pekeng balita ay magiging dahilan ito ng panic buying ng mga Filipino at mag-hoarding ng suplay ng mga produktong petrolyo.
Bukod dito, mayroon din aniya sa mga nagpakalat ng pekeng balita na ginagamit ang deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na energy emergency para magbenta sila ng produktong may kaugnayan sa solar power.
Winika ni Gomez na inatasan sila ni Pangulong Marcos na kagyat na aksyunan ang ganitong mga malinaw na panloloko, dahilan ng paghiling sa nasabing departamento na imbestigahan ang mga nasa likod ng fake news.
Para naman sa DoJ, hindi pa maituturing na complaint ang idinulog ng PCO kundi referral kay Justice Secretary Frederrick Vida para maimbestigahan ang insidente.
Samantala, tinuran ni Gomez na hindi ligtas ang iba pang nagpapakalat din ng fake news laban sa first family lalo na kay Pangulong Marcos ukol sa tunay na lagay ng kalusugan nito.
Tiniyak ni Gomez, walang malilibre o maliligtas sa imbestigasyon at kapag nakakita ng matibay na ebidensiya ay makakasuhan. (Daris Jose)

Ang ” AMA ” ng kaayusan sa Barangay, Hon.Brgy Ch. Efren B. Dela Cruz ng Pampano St. Caloocan

Posted on: April 8th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINDI matatawaran ang pagiging masigasig ni Brgy.Chairman Efren B. Dela Cruz sa kanilang komunidad pagdating sa kalinisan at kaayusan sa kanilang nasasakupan. Siyempre higit sa lahat ang kaligtasan ng kanyang mga residente. Sa ilalim kasi ng kanyang pamumuno, nagpalagay agad siya ng may halos 200 CCTV sa kanilang barangay upang ma-monitor ang anumang kaganapan sa kanyang mga nasasakupan. Gayundin, prayoridad niya ang kaligtasan ng kanyang mga kabarangay.
Sa kalinisan naman nagpa de- clogging ang masipag na kapitan Dela Cruz upang maalis ang mga nakabara sa bawat drainage. Ayon pa sa kanya ” pinapanatili ko talaga ang kalinisan at pag de-clogging nang sa gayon kung dumating man ang tag-ulan at least hindi kami gaanong maperwisyo dahil bababa agad ang tubig ulan!”.

Concerned rin ang nasabing kapitan sa mga kabataan lalo na sa mga estudyante may libreng school supplies ang mga ito mula Grade-1 hanggang High school!
Sa katunayan nga sa darating na pasukan nakahanda na ang mga school supplies para sa kanila,” saad pa ng butihing ” AMA” ng Brgy. Pampano, Caloocan at hindi lang yan, may Scholarship Program pa si kap sa kanyang mga estudyante.
Sa kasalukuyan, ang kanilang pamayanan ay tahimik naman at may kaayusan. Bilang patunay makikita ang Award of Recognition ipinagkaloob sa kanyang pagmamalasakit at pagtulong sa mga nangangailangan.
Ang nasabing Barangay ay may 22,500 populations at may 14,000 mga botante. Ito ang pinakamalaking barangay sa Caloocan sa ilalim ng administration ng Malapitan!

Nagpapasalamat din ang mabait na KAP. Efren B.Dela Cruz sa kanyang mga KABARANGAY sa kanilang pakikiisa at pakikipagtulungan sa kanyang mga proyekto na inilunsad para sa kabutihan ng lahat!
( Sonny Asignacion/Photos by Boy Morales Sr.)

PINOY NA BIKTIMA NG ILLEGAL RECRUITMENT, NASABAT NG BI

Posted on: April 8th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NASABAT ng Bureau of Immigration (BI) ang isang pasaherong Pinoy na hinihinalang biktima ng illegal recruitment at human trafficking sa Davao International Airport. Napigil ng Immigration officers ang pag-alis ng isang 39-anyos na babaeng biktima na nakatakdang sumakay ng Cebu Pacific flight biyaheng Thailand. Ini-refer ng BI ang biktima para sa secondary inspection dahil sa pabago-bago ang kanyang mga salaysay gayundin ang kanyang mga travel documents. Base sa ulat, sumama ang biktima sa kanyang tiyahin sa biyahe gayunman, walang maipakitang travel document sa kanyang trabaho sa isang sangay ng gobyerno. Sa secondary inspection ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES), dito inamin ng biktima na patungo siya sa Albania, kung saan na-recruit siya sa Facebook na magtrabaho bilang cleaner. Sinabihan siya ng biktima na titigil ito sa Thailand ng 45 na araw habang pinoproseso ang kanyang employment documents at babayaran nito ang kanyang placement fee na katumbas ng kalahati ng kanyang buwanang sahod na P50,000.00. “This case highlights the evolving schemes of illegal recruiters who exploit vulnerable Filipinos through deceptive travel arrangements,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.

“We will not allow our ports to be used as gateways for human trafficking. Our officers remain vigilant in detecting red flags, and we will continue to protect our kababayans from falling prey to these illegal activities,” dagdag pa nito.Ang biktima ay in-tun over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa assistance at case build-up. (Gene Adsuara)

5 PUGANTENG JAPANESE NATIONAL, PINA-DEPORT

Posted on: April 8th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINA-DEPORT ng Bureau of Immigration (BI) ang limang puganteng Japanese national na sangkot sa fraud syndicate patungong Tokyo.

Ayon kay BI Warden Facility Chief Velasco Felix, ang mga pina-deport ay kinilalang sina Iwamoto Miyako, 34; Osawa Ayumi, 33; Norichika Harada, 48; Nobuyuki Arima, 45; at Yuya Yano, 34 na sakay ng Japan Airlines flight patungong Tokyo mula sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Nauna nang inaresto ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI ang grupo sa magkahiwalay na operasyon sa Bulacan at Quezon dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga aktibidad na panloloko at pagnanakaw sa Japan.

Kinilala ng mga awtoridad na ilan sa kanila ay miyembro ng humiwalay na grupo ng kilalang “JP Dragon” syndicate, na sangkot sa malakihang scam operations na target ang mga biktima, kabilang ang mga nakatatanda.

Naglabas na ng arrest warrants ang mga awtoridad ng Japan laban sa kanila kaugnay ng mga kasong fraud at theft, kabilang ang mga modus kung saan nililinlang ang mga biktima upang ibigay ang kanilang bank information at pera. Kinumpirma rin ng BI na ang mga pugante ay sangkot sa kahina-hinalang aktibidad sa Pilipinas, kabilang ang pagpapatakbo ng mga online workstation na may kaugnayan sa scamming operations.

“Ibinabalik namin sila upang harapin ang hustisya. Magsilbi sana itong malinaw na babala — hindi pahihintulutan ng Pilipinas na gawing kanlungan ng mga sindikatong kriminal ang bansa. Hahanapin namin kayo, at ipapa-deport namin kayo,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Kasama rin ang kanilang pangalan sa blacklist ng BI, na nagbabawala na muling makapasok sa bansa sa hinaharap.
(Gene Adsuara)

Kelot, isinelda sa baril, pagnanakaw sa Caloocan

Posted on: April 8th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BINITBIT sa selda ang isang kelot matapos nakawin ang perang pangpagamot sa chemotherapy ng kalugar at makuhanan pa ng hindi lisensyadong baril sa Caloocan City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang suspek na si alyas “Pakyaw”, 22, na mahaharap sa kasong Theft at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Lumabas sa imbestigasyon na madaling araw, habang natutulog ang biktima sa loob ng kanyang bahay sa Brgy., 12, nang looban ng suspek makaraang magawa nitong mapasok dahil hindi nakakandado.
Kinuha ng suspek ang ₱30,000 na pangpagamot ng biktima sa chemotherapy, stand fan at isang pares ng sapatos bago mabilis na tumakas habang ini-report naman ng biktima sa Caloocan Police Sub-Station 4 ang insidente.
Kaagad namang nagsagawa ng follow up operation ang SS4 sa pangunguna ni P/Capt. Ronald Soriano, kasama ang mga tanod ng Brgy. 12, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa Kanduli Street, Dagat-Dagatan Avenue, sa nasabing Barangay dakong alas-6:30 ng umaga.
Nakumpiska sa suspek ang isang hindi lisensyadong kalibre .38 revolver na kargado ng isang bala habang hindi na nabawi ang ninakaw nitong pera at mga gamit ng biktima. (Richard Mesa)

E-bike driver na nangholdap, at pumatay sa pasaherong bebot sa Caloocan, timbog

Posted on: April 8th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ARESTADO ang 26-anyos na e-bike driver na nangholdap at pumatay sa kanyang pasaherong bebot matapos inguso sa pulisya ng nakasaksing testigo sa Caloocan City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang suspek na si alyas “Rodman”, residente ng Gen. Luis St. Brgy. 13.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-6:05 ng uamaga, sakay ng e-bike na minamaneho ng suspek ang 33-anyos na biktimang si alyas “Angelica”, galing ng Monumento nang magkaroon ng komosyon matapos umanong magdeklara ng holdap ang suspek pagsapit sa 4th Avenue.

Tinangka umanong manlaban ng biktima na naging dahilan upang pagsasaksakin siya ng suspek hanggang makatakbo palayo para humingi ng tulong sa mga residente sa C. Namie Street.

Subalit, dahil sa dami ng tinamong tama ng saksak sa leeg at iba’t-ibang bahagi ng katawa, humandusay na lamang ang duguang biktima hanggang mawalan ng buhay sa isang eskinita sa C. Namie St. Brgy. 38.

Isang testigo naman na nakakilala sa suspek ang nagturo kay P/Capt. Zoilo Lopez, hepe ng Tuna Police Sub-Station 1 na agad nagsagawa ng manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Rodman.

Nakuha naman ng mga tauhan ng Northern Police District Forensic Unit (NPD-FU) sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang patalim na ginamit ng salarin na may bahid pa ng dugo. (Richard Mesa)

Malabon Exec, ibinida ang pinakamahuhusay na kasanayan sa pamamahala sa Japan conference

Posted on: April 8th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

IBINIDA ni Malabon City Administrator Dr. Alexander T. Rosete ang pinakamahuhusay na pamamahala ng lungsod sa digital governance sa 17th International Conference on E-Education, E-Business, E-Management at E-Learning na ginanap sa Fukuoka, Japan mula Abril 1 hanggang 4, 2026.

Sa panahon ng kumperensya, inihatid ni Dr. Rosete ang kanyang presentasyon na pinamagatang “Digitalizing Governance: Implementing a SMART City Framework for Enhanced Public Services and Citizen Engagement in Malabon,” na itinatampok kung paano pinalakas ng integrasyon ng teknolohiya ang paghahatid ng mahahalagang serbisyo sa lungsod.

Binigyang-diin niya na ang isang “smart city” ay hindi lamang tinukoy ng advanced na teknolohiya, ngunit sa pamamagitan ng kung gaano epektibo ang mga pagbabagong ito na nagpapabuti sa buhay ng mga mamamayan. Para sa developing cities tulad ng Malabon, sinabi niya na ang tunay na hamon ay nakasalalay sa pagtiyak na ang digital solutions ay nakasentro sa mga tao, inklusibo, at tumutugon.

“Around the world, cities are rapidly transforming through digital technologies. SMART cities use ICT and IoT to improve services and efficiency. But more than systems or infrastructure, SMART cities are about people. Their success depends on how well they improve everyday life—making services faster, more transparent, and more accessible,” ani Dr. Rosete.

Sa kanyang presentasyon, binigyang-diin ni Dr. Rosete ang digital initiatives ng pamahalaang lungsod, kabilang ang Malabon Ahon Blue Card (MABC), isang flagship program ni Mayor Jeannie Sandoval na nag-streamline sa paghahatid ng mga serbisyong panlipunan kabilang ang Burial and Hospitalization Assistance, at Eskwela Savings Project.

Itinampok din ang Malabon AHON 24/7 Alert Application, na nagbibigay-daan sa mga residente na direktang makipag-ugnayan sa pamahalaang lungsod sa panahon ng emerhensiya.

Ang isa pang inisyatiba na ipinakita ay ang Electronic Business One-Stop Shop (EBOSS) system, na nagpapahintulot sa mga may-ari ng negosyo na mag-renew ng mga permit at magproseso ng mga buwis online, para mas mabilis, mas maginhawa, at mas madaling ma-access ang mga transaksyon.

Binigyang-diin din ni Dr. Rosete ang pagpapatupad ng lungsod ng Procurement and Inventory Management System (PIMS), na nagpapalakas ng transparency at accountability sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga mapagkukunan ng pamahalaan ay maayos na nasusubaybayan, pinamamahalaan, at natutugunan.
(Richard Mesa)

PNP, IPINAGPATULOY ANG FULL-SCALE LAW ENFORCEMENT OPERATIONS NITONG HOLY WEEK PERIOD

Posted on: April 8th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

IPINAGPATULOY ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNP) ang malawakang operasyon sa pagpapatupad ng batas nitong Semana Santa, upang matiyak ang kaligtasan ng publiko habang patuloy ang pinaigting na kampanya laban sa lahat ng uri ng kriminalidad.

Mula 8:00am ng Abril 3 hanggang 8:00am ng Abril 4, 2026, nakapagtala ang mga unit ng pulisya sa buong bansa ng mahahalagang nagawa, kabilang ang pag-aresto sa 16 na wanted persons na sangkot sa mga mabibigat na krimen tulad ng pagpatay, panggagahasa, pagnanakaw, at sa mga sangkot sa ilegal na droga.

Kabilang sa mga naaresto ay apat na Top 2 most wanted persons, isang Top 3, apat na Top 4, at isang Top 7, kasama ang anim na iba pa. Marami sa kanila ang nahaharap sa mga kasong hindi maaaring piyansahan at ngayon ay nasa ilalim ng kustodiya ng pulisya.

Sa mga operasyon kontra-iligal na droga, apat na suspek kabilang ang tatlong mga kilalang high-value individuals ang naaresto sa magkakahiwalay na buy-bust operations. Nakumpiska ng mga awtoridad ang mga ilegal na droga na tinatayang aabot sa halagang ₱31.6-M, kabilang ang mahigit 3.28 kilogramo ng shabu na narekober sa Quezon at mahigit 1.2 kilogramo na narekober sa Cavite at Caloocan. Sa Benguet, isang malawakang operasyon sa pagpuksa ng marijuana ang nagresulta sa pagkawasak ng 5,920 na tumubong halaman ng marijuana na tinatayang aabot sa halagang ₱1.18-M.

Binigyang-diin ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., na ang mga resultang ito ay sumasalamin sa patuloy at nakatutok na mga operasyon ng pulisya sa lugar.

“Ito ay resulta ng masigasig at tuloy-tuloy nating operasyon. Bawat naaresto at bawat na-sugpuang ilegal na aktibidad ay hakbang patungo sa mas ligtas na pamayanan, We will continue to press forward, especially under our PNP Focused Agenda on Enhanced Managing Police Operations. Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., mas pinalalakas natin ang ating kakayahan para masigurong nararamdaman ng taumbayan ang presensya ng pulis”, dagdag pa nya.

Tiniyak ng PNP sa publiko na mananatiling walang humpay ang mga operasyon at nakabatay sa impormasyon upang matugunan ang lahat ng uri ng kriminalidad.

Ang mga nagawang ito ay sumasalamin sa pangako ng PNP na maghatid ng mga resulta at itaguyod ang kaligtasan ng publiko, na ginagabayan ng prinsipyo nito: Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.
(PAUL JOHN REYES)

Tigil biyahe ng mga dyip nakaamba

Posted on: April 8th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NASA kalahati na ng bilang ng mga operator ng passenger jeep na may ruta sa mga pangunahing lansangan ang nagtigil pasada na simula kahapon dahil sa hindi na makayanang taas na halaga ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Orlando Marquez, national president ng Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP), mas darami pa ang bilang ng mga passenger jeep na magtitigil pasada sa mga darating na araw dahil sa epekto ng mataas na halaga ng petrolyo.
Aniya, magsasagawa sila ng national assembly sa Miyerkules para desisyunan ang gaga­wing work stoppage ng mga operator ng passenger bus at mga trak.
Kahapon Martes, April 7, madadagdagan pa ng mula P17 hanggang P19 kada litro ang taas-presyo ng diesel na gamit ng mga pampasaherong sasakyan.

Kinastigo rin nito ang hindi paggamit ng pamahalaan sa emergency powers na naipagkaloob dito ng Kongreso.
Una nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Marso 25 ang pagsuspinde at pagbawas sa excise tax sa oil imports. Ang batas umano ay epektibo ng 15 araw makaraan ang anunsyo rito. Maaari umanong maglabas si Pangulong Marcos ng executive order para rito sa April 12 o sa April 13.

Kinondena rin ni Marquez ang aniya’y hindi na makayanang pagkakaloob umano ng pamahalaan ng fuel subsidy sa mga driver ng pampasaherong sasakyan na nasa P5,000.
Aniya, nagsumite ang isang chapter ng LTOP ng 168 qualified members pero 31 lamang ang nakatanggap ng cash aid.

Pagpapalawig sa paid leave, isinulong ng mambabatas

Posted on: April 7th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ISANG panukalang batas para palawakin ang bayad na leave para sa mga manggagawang Pilipino ang isinulong kasunod ng mga ulat ng palala at palalang stress sa mga propesyunal sa at bumababang produktibidad dahil sa kakulangan ng balanse sa trabaho at buhay.

“Marami sa mga manggagawa ngayon ang sobra ang trabaho at kulang sa pahinga, kaya naaapektuhan ang kanilang kalusugan, trabaho, at oras para sa pamilya,” pahayag ni Cong. Nat Oducado ng 1Tahanan Partylist, awtor ng panukalang batas.

Ayon aniya, sa isang pag-aaral ng DOLE-ILS, 72% ng mga manggagawang Pilipino ang nakakaranas ng stress, at nananatiling mataas ang antas ng stress nitong mga nakaraang taon, na patunay na maraming empleyado ang napapagod at kulang sa pahinga.

Ang HB 8741 o “Service Incentive Leave Act of 2026,” ay naglalayong dagdagan ang taunang service incentive leave (SIL) mula limang (5) araw na may bayad, gawing sampung (10) araw para sa mga empleyadong nakapagtrabaho na ng hindi bababa sa isang taon.

“Sa panukalang ito, masisiguro na may sapat na oras ang mga manggagawa para magpahinga at maalagaan ang kanilang sarili at pamilya,” dagdag ni Oducado.

Pinapayagan din ng panukala na hanggang limang (5) hindi nagamit na leave lang ang maaaring gawing pera. Mananatili rin ang mga exemption para sa mga kumpanyang nagbibigay na ng kapareho o mas magagandang benepisyo, at para sa maliliit o kapos sa pondo na negosyo.

“Ito ay praktikal at makataong solusyon na sumusuporta sa mga manggagawa nang hindi masyadong nagpapabigat sa mga employer,” sabi ni Oducado.
(Vina de Guzman)