Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
NAGPAABOT nang pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pamilya ng isang Pinay na kumpirmadong nasawi sa naganap na missile attack sa Haifa, Israel nitong nagdaang Linggo ng gabi, April 5.“Kasama nating nagluluksa ang kanyang pamilya sa gitna ng isang trahedyang hindi dapat maranasan ninuman,” ayon kay Pangulong Marcos.Sinabi pa ng Pangulo na inatasan na niya ang mga ahensiya ng gobyerno na magpaabot ng ‘full assistance’ sa pamilya at tiyakin ang agarang repatriation sa labi ng Pinay na hindi pinangalanan dahil humiling ang pamilya ng biktima ng privacy para makapagluksa, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).“Nakaantabay ang ating Embahada upang maibigay ang lahat ng kinakailangang tulong,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.Sinabi pa ni Pangulong Marcos na patuloy na binabantayan ng gobyerno ang sitwasyon sa rehiyon. “Ang kaligtasan ng bawat Pilipino ang ating pangunahing prayoridad,” ang winika ng Chief Executive.“Nakikiisa ang buong sambayanan sa kanilang pagdadalamhati. Nawa’y matagpuan nila ang lakas at kapanatagan sa gitna ng trahedyang ito,” aniya pa rin. ( Daris Jose)
OPISYAL nang inilunsad ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNP) ang inisyatibong “Safer Cities,” na magsisimula sa Metro Manila at nakatakdang palawakin sa mga pangunahing sentro ng lungsod sa buong bansa. Ang paglulunsad ay naganap sa isang press briefing na pinangunahan ni Secretary of the Department of the Interior and Local Government (DILG), Juanito Victor C. Remulla, kasama si PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., PMGEN Anthony Aberin, NCRPO Regional Director, at PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr., Acting Director for Operations.Ang inisyatibo ay nakatuon sa pagpapalakas ng visibility at presensya ng pulisya sa mga urban area, kung saan nagaganap ang karamihan sa mga krimen, upang matiyak na mas ligtas ang mga komunidad sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang hakbang na ito ay naaayon sa Focused Agenda ng PNP sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations, bilang suporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang mga hakbang sa kaligtasan ng publiko.Sentro ng programa ang proteksyon ng mga estudyante, kung saan nangangako ang PNP na magtatalaga ng mga tauhan ng pulisya sa lahat ng paaralan sa buong Metro Manila. Ang mga force multiplier, kabilang ang mga barangay tanod, ay makikipagtulungan sa mga opisyal ng pulisya upang mapanatili ang ligtas na kapaligiran sa pag-aaral. Hinihikayat ang publiko na tumawag sa 911 kung walang maobserbahang presensya ng pulisya sa mga paaralan.Kasama rin sa inisyatibo ng Safer Cities ang increased deployment in transportation hubs sa mga paliparan, daungan, terminal ng bus, at mga istasyon ng MRT/LRT, pati na rin sa mga lugar na mataas ang trapiko, mga mall at iba pang lugar na pinagtatagpuan ng mga pulis. Magkakaroon ng mga Police Assistance Desk na madaling magagamit at paiigtingin ang mga pagpapatrolya sa mga lugar na maraming turista, kabilang ang Bonifacio Global City, Makati, Pasay at Parañaque.Mahigpit na ipatutupad ang mga ordinansa sa curfew, partikular para sa mga menor de edad, kasabay ng pagtaas ng presensya ng pulisya sa mga nightlife areas. “Mas magiging visible ang mga pulis sa mga lugar na may gimikan. Andito kami para magpaalala at panatilihing ligtas at maayos ang ating komunidad,” sabi ni PGEN Nartatez.Binigyang-diin naman ni Kalihim Remulla ang pagpapatupad ng mga patakaran sa kaayusan ng publiko, kabilang ang pagbabawal sa pag-inom ng alak sa mga lansangan at paglalagay ng mga pansamantalang mesa para sa mga inuman, na kadalasang iniuugnay sa mga panggugulo at panliligalig. Binigyang-diin din niya ang pagsunod sa mga oras ng curfew, pagbabawal sa mga lalaking naglalakad nang walang damit sa mga pampublikong lugar at mga regulasyon sa ingay tulad ng mga limitasyon sa videoke lampas sa alas-10 ng gabi.Tiniyak ng PNP sa publiko na ang inisyatibo ng Safer Cities ay patuloy na magbabago habang inilulunsad ito sa buong bansa, na magpapalakas sa isang proaktibo at nakatuon sa komunidad.(PAUL JOHN REYES)
BALIK na sa paglalaro si NBA superstar Stephen Curry matapos ang mahigit dalawang buwan na pagpapahinga dahil sa kaniyang minor injury sa kanang tuhod.
Hindi nakapaglaro ang 4-time NBA champion sa loob ng 21 games mula noong January 30, 2026 at sa kaniyang pagbabalik sa hardcourt ay nananatili siya sa minutes restriction o limitadong oras ng paglalaro.
Samantala, sa naging laban ng Warriors at Houston Rockets, hindi naging sapat ang comeback ng GS sa huling bahagi ng laban upang ibulsa sana ito bilang isang panalo.
Hawak pa ng GS ang 5-point lead sa pagtatapos ng unang quarter, 31-26, ngunit tuluyan itong binawi ng Rockets sa ikalawang quarter sa tulong ng 29-22 dominant run.
Umabot pa sa 10 points ang kalamangan ng GS sa pagtatapos ng 3rd quarter ngunit pinilit ng 2022 NBA champion na bumawi sa 4th quarter.
Nagawa ng Warriors na hawakan ang 1-pt lead, 16 secs bago tuluyang matapos ang 4th quarter, 116-115. Gayonpaman, nagawa ni Houston shooter Alperen Sengun na ipasok ang isang layup, dalawang segundo bago matapos ang laban.
Tinangka pa ni Curry ang isang stepback jump shot 3-pointer bago tuluyang matapos ang regulation ngunit hindi na ito pumasok, daan upang matapos ang laban sa score na 116-117.
Sa pagbabalik ni Curry, naipasok niya ang 11 field goals – lima dito ay pawang mga 3-pointers. Sa kabuuan, nagbulsa ang NBA superstar ng 29 points.
Nanguna naman si Kevin Durant sa panalo ng Rockets sa kaniyang 31 points, walong assists, at walong rebounds, kasama ang tatlong blocks.
NAKAMIT ni Karl Eldrew Yulo ang bronze medal sa horizontal bar finals sa Cairo leg ng Artistic Gymnastics World Cup noong Lunes na dumagdag sa kanyang medal tally para sa Pilipinas.
Ito na ang ikalawang bronze medal ni Yulo sa Cairo, matapos makuha ang third place sa floor exercise finals noong Linggo.
Nakapuntos ang batang gymnast ng 13.733 sa horizontal bar, na halos dikit lang nina Li Hongyan na nanalo ng ginto na may 14.400, at Marios Georgiou na kumuha ng silver na may 13.900.
Noong nakaraang buwan sa Antalya leg ng World Cup, napanalunan ni Yulo ang gold medal sa floor exercise.
Ang susunod na stop ng Gymnastics World Cup series ay gaganapin sa Osijek, Croatia, sa katapusan ng linggong ito.
NAKATAKDANG simulan ng Kamara ngayong Abril 8 ang multi-panel hearing bilang tugon sa oil price crisis.
Gagawin ng 13 key committees ang high-level joint hearing ngayong Miyerkules, April 8, upang mapabilis ang mga panukala na naglalayong magbigay solusyon sa tumataas na presyo ng gasolina at matulungan ang publiko sa agaran at long-term solutions.
Ang hearing, nakatakda ng alas-9:30 ng umaga sa People’s Center Building, na pangungunahan ni Marikina City Rep. Miro Quimbo, chairman ng Committee on Ways and Means.
Inatasan ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang mga komite na pagsama-samahin ang mga datos, makipag-coordinate sa Executive, at magbuo ng konkretong policy interventions bilang tugon sa krisis sa presyo ng langis.
Inaasahang dadalo sa hearing ang mga chairpersons ng 12 iba pang komite kabilang sina Palawan Rep. Jose C. Alvarez (Energy), Quezon Rep. Mark Enverga (Agriculture and Food), Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela B. Suansing (Appropriations), Camarines Sur Rep. Tsuyoshi Anthony “Hori” Horibata (Aquaculture and Fisheries Resources), Antique Rep. Antonio B. Legarda Jr. (Economic Affairs), Pangasinan Rep. Maria Rachel J. Arenas (Foreign Affairs), Camarines Sur Rep. Miguel Luis R. Villafuerte (Information and Communications Technology), Cavite Rep. Ramon “Jolo” Revilla III (Labor and Employment), Agimat Party-list Rep. Bryan Revilla (Overseas Workers Affairs), Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel D. Almario (Social Services), Mountain Province Rep. Maximo Y. Dalog Jr. (Trade and Industry), at Quezon City Rep. Franz S. Pumaren (Transportation).
Pagtutuunan sa pagdinig ang sitwasyon sa langis at energy supply kasunod ng tensiyon sa Middle East.
Inimbitahan sa pagdinig ang miyembro ng gabinete, regulators, at economic managers.
Inaasahang dadalo sina Energy Secretary Sharon Garin, Finance Secretary Frederick Go, Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, Economy, Planning and Development Secretary Arsenio Balisacan, Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, at Budget Secretary Rolando Toledo.
Inimbitahan din sina Energy Regulatory Commission Chairperson Francis Saturnino Juan, National Electrification Administration Administrator Antonio Mariano Almeda, Philippine National Oil Company representative Ma. Cristina Sheila Cabaraban, at PNOC-Exploration Corporation official Atty. Adrian Ferdinand Sugay.
Kasama rin sa inimbitahan sina Bureau of Internal Revenue Commissioner Charlito Martin Mendoza, Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, at National Treasurer Sharon Almanza.
Opisyal mula sa Overseas Workers Welfare Administration, Bangko Sentral ng Pilipinas, at National Tax Research Center at representante mula sa World Bank at Asian Development Bank.
Una ng sinabi ni Quimbo na layon ng joint hearings na makakuha ng datos at maihanay ang tugon ng Kamara sa hakbang ng Executive upang agad na maipatupad ang mga solusyon at programa upang protektahan ang bulnerableng sektor.
(Vina de Guzman)
NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tutugunan ang mga hamong kinakaharap ng mga local government units (LGUs), kabilang ang kakulangan sa kapasidad sa administrasyon, pananalapi, at teknikal na aspeto na nakaaapekto sa kanilang serbisyo.
Sa panunumpa ng mga opisyal ng Vice Mayors’ League of the Philippines sa Malakanyang, araw ng Lunes, sinabi ng Pangulo na isinusulong ng pamahalaan ang pag-amyenda sa Local Government Code katuwang ang Union of Local Authorities of the Philippines, Department of the Interior and Local Government, at Department of Economy, Planning, and Development upang mapabuti ang pamamahala at pananagutan.
Sinabi ng Pangulo na batay sa datos, 29 percent lamang ng LGUs ang nakapasa sa Seal of Good Local Governance noong 2023, habang ang iba ay may kakulangan sa pamamahala ng pondo, kahandaan sa sakuna, at serbisyong panlipunan.
Inihayag din ng Pangulo na 64 percent ng LGUs noong 2021 ay umaasa sa National Tax Allotment (NTA), at 71 percent ng kanilang kita ay mula sa panlabas na pinagkukunan.
Binanggit din ng Pangulo na marami rin ang nahaharap sa problema sa digital governance gaya ng mahinang internet, kakulangan sa ICT, at hindi malinaw na paghahati ng tungkulin sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan.
Bilang tugon, pinapalakas ng administrasyon ang koordinasyon ng pambansa at lokal na pamahalaan at itinutulak ang digitalisasyon ng serbisyo sa pamamagitan ng Electronic LGU System (eLGU).
Kabilang sa mga hakbang ang pagpapatupad ng Automatic Income Classification of LGUs Act at pagpapalawak ng Local Government Support Fund sa ilalim ng programang “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang,” upang pondohan ang mahahalagang proyekto tulad ng distribusyon ng bigas, imprastraktura sa kalusugan, at elektripikasyon sa kanayunan.
Maglalaan din ng tulong sa mga barangay sa pamamagitan ng Socio-Civic Projects Fund, kung saan bawat barangay ay makatatanggap ng tig-P100,000 na educational grant at kaparehong halaga para sa mga proyektong pang-imprastraktura.
“This will equip LGUs with the tools, the resources, and the clarity of mandate that they need to serve effectively,” ayon sa Pangulo.
“More importantly, they are designed to unlock the full potential of LGUs: make you more self-reliant, make you more responsive, and more competitive,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Itinatag noong 1988, ang Vice Mayors’ League of the Philippines (VMLP) na binubuo ng 1,634 na kasaping LGU ay isang organisasyon ng lahat ng mga bise alkalde sa bansa.
Pangunahing tungkulin nito ang makipagtulungan sa pambansa, lokal, at pandaigdigang mga katuwang upang maisulong ang epektibong lokal na batas, bumuo ng mga programa para sa pagpapalakas ng kakayahan sa paggawa ng batas, at itaguyod ang lokal na otonomiya.
( Daris Jose)