OPISYAL nang nanumpa sa harap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si dating Transportation Secretary Vince Dizon para sa kanyang bagong tungkulin bilang Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).Pinalitan ni Dizon si dating Sec. Manuel M. Bonoan, epektibo, Lunes, Setyembre 1, 2025.
Nauna rito, inatasan ni Pangulong Marcos si Dizon na magsagawa ng ganap na pagbabagong bihis ng departamento at tiyakin na ang pondo ng publiko ay gagamitin lamang para sa imprastraktura na tunay na magpoprotekta at mapakikinabangan ng mamamayang Filipino.
Upang igarantiya ang patuloy na service delivery sa Department of Transportation (DOTr), itinalaga ng Pangulo si Atty. Giovanni Z. Lopez bilang Acting Secretary.
Si Atty. Lopez ay nanumpa bilang Undersecretary for Administration, Finance, and Procurement noong February 2025. Nagsilbi siya bilang Chief of Staff sa Office of the Secretary mula 2020 hanggang 2022 at humawak ng senior positions na nangasiwa sa napakahalagang ‘railway, aviation, at maritime infrastructure projects.’
Bilang Acting Secretary, titiyakin ni Atty. Lopez na magpapatuloy at mapagtagumpayan ang mga sinimulan ng liderato ni Secretary Dizon partikular na ang pagsusulong sa transport modernization at suportahan ang inisyatiba na prayoridad ang ‘commuter safety, efficiency, at seamless project delivery.’
Upang mas palakasin ang pananagutan, itinatag ng Pangulo ang Independent Commission para imbestigahan ang Flood Control Anomalies. Ang body ay magsasagawa ng komprehensibong pagrerebisa ng proyekto, kilalanin ang mga iregularidad, at magrekomenda ng mga hakbang sa pananagutan upang tiyakin ang public trust sa infrastructure spending.
Ang mga desisyon na ito ay sumasalamin sa matatag na pagpapasya ng administrasyon na linisin ang korapsyon, palakasin ang institusyon at maghatid ng tapat at epektibong public service sa ilalim ng Bagong Pilipinas. ( Daris Jose)






