PAGKAKALOOBAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng ‘subpoena power’ ang independent commission na mag-iimbestiga sa usapin ng flood control.“Noon po ay sinasabi po natin na mukhang walang subpoena power. Pero ang nais po ng Pangulo sa nasabing independent commission ay mabigyan po ng lakas, mabigyan ng ngipin para po mas mapatupad kung ano ang mandato ng independent commission na ito,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
“At nais po ng Pangulo na magkaroon po ng subpoena power ang independent commission,” aniya pa rin.
Winika ni Castro na ang pagpapalabas ng executive order na magtatatag ng independent body ukol sa flood control probe ay isinasapinal na.
Sa ngayon, tanggap naman ni Castro na may ilang indibidwal kabilang na ang mga kontratista na iniuugnay sa tinatawag na “ghost” flood control projects, ay maaaring umalis ng bansa lalo pa’t wala pa namang kaso na isinasampa laban sa mga ito.
“Sa ngayon po, since wala naman kasing kaso pang naisasampa, hindi talaga natin mapipigilan ang sinumang lumabas ng bansa dahil may freedom of movement po tayo at ‘yun ay nire-respeto,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, inanunsyo ni Castro na kagyat na gumawa ng aksyon si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, kabilang na rito ang hilingin ang immigration lookout bulletin order laban sa mga agency officials at mga kontratista na nauugna sa maanomalyang flood mitigation projects.
Sa katunayan, ipinag-utos ni Dizon ang perpetual blacklisting ng contractors Wawao Builders at SYMS Construction Trading kasunod ng natuklasan na non-existent flood control projects sa Bulacan province.
Ipinag-utos din ng Kalihim ang pagpapaalis sa puwesto at paghahain ng criminal charges laban kay DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara dahil sa pagkakasangkot nito sa maanomalyang flood control projects. ( Daris Jose)







