• April 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 1st, 2025

Pahayag ni Cong. Toby Tiangco sa pagbuo ng maliit na committee at budget transparency

Posted on: August 1st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGLABAS ng kanyang pahayag si Navotas Representative Toby Tiangco hinggil sa pagbuo ng maliit na committee at budget transparency at sinagot din nito ang tanong ng Spokesperson ni Speaker Romualdez; “Bakit ngayon ka lang nagsalita tungkol sa Small Committee sa budget?”
          “Sinubukan ko na yan noong una akong pumasok sa Kongreso, pero hindi umobra. Ngayong malinaw ang panawagan mismo ni President Bongbong Marcos sa SONA—transparency, lalo na sa budget—baka may pag-asa na,” sagot ni Tiangco.
Ayon sa Spokesperson ni Speaker Martin Romuladez, gusto rin daw nila ng open bicam, pero ako daw ang gumawa ng motion na gawin ang individual amendments sa plenary at wag sa Small Committee.
          Sinabi naman ni Cong. Tiangco na dalawang beses ang pagpasok ng budget amendments; una sa Small Committee, pangalawa sa bicam.
Nais din niya ipaalala ang Section 56 ng House Rules Amendments: “After the close of debate, the House shall proceed to the consideration of committee amendments subject to the five-minute rule. A Member who desires to speak against a committee amendment shall also have five (5) minutes. AFTER THE COMMITTEE AMENDMENTS, INDIVIDUAL AMENDMENTS SHALL BE CONSIDERED AND SHALL LIKEWISE BE SUBJECT TO THE FIVE-MINUTE RULE. THE FIVE-MINUTE RULE SHALL ALSO APPLY IN THE CONSIDERATION OF AN AMENDMENT TO AN AMENDMENT, OR OF AN AMENDMENT BY SUBSTITUTION.”
“Ang ibig sabihin ay base sa aming Rules, ang individual amendments ay talagang ginagawa sa plenary session. Sa lahat ng nakaraang budget, ang mayorya ang naghahain ng motion na amyendahan ang rules para gumawa ng Small Committee na binubuo ng apat na tao lamang. At sa lahat ng ipinapasang batas, sa General Appropriations Bill o budget lang ito ginagawa. Sa lahat ng ibang batas, walang Small Committee,” ani Tiangco.
“Hindi naman lahat ng amendment masama. Meron talagang mga amendment na kailangan para mapabuti ang batas. Ang problema, ang budget insertion ay isang anyo ng amendment, at nangyayari ang budget insertions sa Small Committee. Kaya kung walang tinatago, anong ikinatatakot nilang pag-usapan ito nang hayagan sa open session? Ang matatakot lang sa public discussion ng individual amendments ay yung may itinatago. Kung maganda ang intensyon, bakit ayaw nilang gawin din ito sa harap ng taumbayan sa Plenary Session?” dagdag niya.
“Halos isang buwan pinag-uusapan ang budget. Bakit dedesisyonan ng apat na tao sa tagong paraan ang amendments dito kung puwedeng lantaran itong pag-usapan? Apat na tao lang ang bumubuo ng Small Committee, sila na lang ba ang Kongreso?” sabi pa niya.
Sinabi rin ni Tiangco na kung seryoso talaga sa transparency, i-post sa website ng House of Representatives ang minutes ng Small Committee sa 2025 Budget. Kung walang minutes, anong transparency ang sinasabi nila at bakit pa nila ito ipagpapatuloy sa 2026 Budget? Anong klaseng proseso ang hindi pwedeng i-record o i-review ng publiko?
Tanong pa niya, gusto ba talaga nilang sundin ang panawagan ng Pangulo para sa reporma sa budget? O nagkukunwari lang? (Richard Mesa)

Trust, performance ratings ni PBBM, tumaas – OCTA Research survey

Posted on: August 1st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PAREHONG tumaas ang trust at performance ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. base sa resulta ng OCTA Research survey na ginawa mula July 12 hanggang 17.
Makikita sa pinakabagong Tugon ng Masa survey na ang trust ratings ni Pangulong Marcos na 64% ay tumaas ng apat na notches mula sa dating 60% rating.
Ang kanyang performance rating ay tumaas din ng tatlong puntos dahilan para maging 62%
“These gains in trust and performance ratings represent an apparent reversal of the downward trend observed since the fourth quarter of 2024. They underscore a renewed confidence in the President’s leadership,” ayon sa polling firm.
“Marcos received the highest trust and performance ratings among the top officials surveyed for this quarter,” ayon sa OCTA.
Ang nasabing second quarter survey ay gumamit ng face-to-face interviews na may 1,200 respondents, may edad na 18 at pataas.
Mayroon itong margin of error na ±3 percent sa 95% confidence level.

BAGONG TESTIGO SA ‘NAWAWALANG SABUNGERO’ ISASAILALIM SA WITNESS PROTECTION PROGRAM

Posted on: August 1st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
ISANG bagong  testigo ang posibleng  isailalim sa Witness Protection Program  sa kaso ng nawawalang mga sabungero.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na sa ngayon ay binubuo o tinatapos na lang ang affidavit ng hindi muna pinangalanang testigo.
Ayon pa kay Remulla, tinitignan pa ng kagawaran kung kwalipikado ang bagong testigo lalo na’t marami pa siyang kailangang pagdaanang proseso.
Batay din aniya sa batas, kailangan munang makasuhan ang testigo at kailangang makapasa sa evaluation ang kanyang salaysay para matanggal siya bilang akusado para maging testigo.
Kumpiyansa ang DOJ na maisasampa nila sa korte ang reklamo sa mga suspek sa lalong madaling panahon.
Umaasa rin ang DOJ na maaresto ang itinuturong utak ng krimen at tuluyan na ring lulutang ang iba pang sangkot o may kinalaman sa missing sabungeros.
Sinabi ni Remulla na kasong murder , kidnapping with murder at paglabag sa international humanitarian law ang kanilang ihahain sa korte laban sa mga suspek.
Kinumpirma rin ng DoJ na nasa kustodiya na ng Philippine National Police ang bagong testigo na magpapatibay din sa mga pahayag ni Julie Patindogan o Alyas Totoy.
(Gene Adsuara)

LTO, SINUSPINDI MUNA ANG MULTA PARA SA LATE REGISTRATION NG SASAKYAN, LISENSYA AT TRAFFIC VIOLATIONS SA MGA LUGAR NA TINAMAAN NG KALAMIDAD

Posted on: August 1st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGLABAS ng kautusan ang Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, na i-waive ang multa para sa late registration ng sasakyan at renewal ng driver’s license sa mga lugar na matinding tinamaan ng kalamidad.
Batay sa memorandum na nilagdaan ni Acting Assistant Secretary Atty. Greg G. Pua Jr., sakop nito ang weekly surcharge para sa late motor vehicle registration at driver’s license renewal mula Hulyo 21 hanggang 25.
“Ang bisa ng vehicle registration at driver’s license na sakop ng petsang Hulyo 21–25 ay pinalawig hanggang Agosto 8, 2025,” ayon sa memorandum na ipinadala sa mga Regional Director ng LTO at iba pang opisyal at kawani ng ahensya.
Sa parehong memo, binanggit din ni Pua na ang multa para sa mga sasakyang nabili (kasama na ang motorsiklo) mula Hulyo 21 hanggang 25 ngunit hindi nairehistro sa takdang panahon ay hindi na rin ipapataw.
Nilinaw din ni Pua na ang bilang ng araw batay sa Sales Invoice para sa mga nabanggit na sasakyan ay magsisimula na lamang sa Agosto 8, 2025, upang maiwasan ang anumang parusa para sa late registration ng mga bagong sasakyan.
Bilang karagdagang tulong sa mga apektadong motorista, sinabi ni Pua na pinalawig din ang 15-araw na palugit para sa pag-areglo ng lahat ng traffic apprehensions na may petsang Hulyo 21–25.
“Dahil dito, ang huling araw para magbayad ng kaukulang multa na walang karagdagang parusa ay sa Agosto 8, 2025,” saad sa memo na nilagdaan ni Pua.
Ang desisyong ito ay kasunod ng tatlong sunod-sunod na weather disturbances na tumama sa Luzon at iba pang bahagi ng bansa simula sa “Crising,” sinundan ng “Dante,” at pagkatapos ay “Emong.”
Nagbunsod ng matinding pagbaha ang mga pag-ulang dala ng tatlong bagyo, kasabay ng pinalakas na habagat.
Tinatayang mahigit 2.7 milyong katao ang naapektuhan ng pagbaha at iba pang epekto ng pananalasa ng mga bagyo. (PAUL JOHN REYES)

Matapos ang working visit sa Washington, D.C. .. PBBM, byaheng India naman sa susunod na linggo

Posted on: August 1st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
BYAHENG INDIA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa kanyang five-day State Visit doon.
Ang state visit ng Pangulo ay magsisimula ng Agosto 4 hanggang 8, bilang tugon na rin sa imbitasyon ni Prime Minister Narendra Modi.
Matapos ang opisyal na mga pagpupulong at events sa New Delhi, ang Pangulo at ang kanyang delegasyon ay ba-byahe naman patungong Bangalore. Makakapulong niya ang business
sectors sa dalawang lungsod.
Inaasahan din na magkakaroon ng ‘meet and greet’ ang Pangulo sa Filipino Community sa New Delhi.
Sa kabilang dako, ang huling State Visit sa India ng Philippine President ay nangyari sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong October 2007.
Samantala, nagsagawa naman ng kanyang state visit sa Pilipinas si dating Indian President Ram Nath Kovind noong October 2019.
Kapwa naman ipinagdiriwang ng Pilipinas at India ang kanilng 75th anniversary ng pagkakatatag ng diplomatic relations noong 2025.
( Daris Jose)

Kai Sotto, dumalo sa Gilas Tune-Up Game habang patuloy na nagpapagaling mula sa Injury

Posted on: August 1st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
Bakas ang kalungkutan ni Kai Sotto habang pinapanood ang tune-up game ng Gilas Pilipinas kontra Macau Black Bears noong Lunes ng gabi sa Araneta Coliseum.
Bagama’t masigla siyang nakipag-selfie sa mga fans sa halftime, ramdam ang lungkot ng manlalaro habang hindi siya makalaro upang tulungan ang koponan.
Sa ngayon hindi pa maibabalik si Sotto dahil sa patuloy na recovery mula sa ACL injury na kanyang natamo noong Enero habang naglalaro para sa Koshigaya Alphas sa Japan B.League.
Sa kabila ng kanyang kondisyon, nagpahayag siya ng kumpiyansa sa Gilas, na bumangon mula sa 21 points na pagkakalamang ng kalaban at nagtala ng 103-98 panalo.

Caloocan LGU, nagbigay ng 3 bagong sasakyan sa CCPS SWAT Team

Posted on: August 1st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
TATLONG bagong pickup trucks ang ibinigay ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan para sa Special Weapons and Tactics (SWAT) Team ng Caloocan City Police Station (CCPS), bilang bahagi ng pagtataguyod nito ng peace ond order sa lungsod.
Gayundin, plano rin ng pamahalaang lungsod na magbigay ng 30 pang police vehicle sa pagtatapos ng taon upang palakasin ang kakayahan ng CCPS sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at sa pagtugon sa mga emergency na tawag sa iba’t ibang lokalidad ng lungsod.
Nagpahayag naman ng kanyang pasasalamat si CCPS Chief P/Col. Joey Goforth sa administrasyon ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan at hinikayat ang mga miyembro ng lokal na puwersa ng pulisya na patuloy na itaguyod ang panuntunan ng batas habang nagpapakita ng pakikiramay at paggalang sa mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.
“Malaking tulong ang bagong sasakyan na ipinagkaloob sa atin ng pamahalaang lungsod lalo na para sa ating mga anti-criminality operations. Makakaasa po ang lahat na patuloy na gagampanan ng CCPS ang mandato nito na linisin ang krimen mula sa Caloocan at panatilihing ligtas ang ating mga komunidad,” ani Col. Goforth.
Bukod sa pagkuha ng mga bagong kagamitan at sasakyan para sa lokal na puwersa ng pulisya, ang pamahalaang lungsod ay patuloy na nagpatupad ng iba pang mga hakbangin sa kaligtasan ng publiko, kabilang ang street lighting projects, disaster and emergency response programs, at pagdagdag ng mga tauhan para sa traffic safety operations. (Richard Mesa)