LTO, SINUSPINDI MUNA ANG MULTA PARA SA LATE REGISTRATION NG SASAKYAN, LISENSYA AT TRAFFIC VIOLATIONS SA MGA LUGAR NA TINAMAAN NG KALAMIDAD
- Published on August 1, 2025
- by @peoplesbalita
NAGLABAS ng kautusan ang Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, na i-waive ang multa para sa late registration ng sasakyan at renewal ng driver’s license sa mga lugar na matinding tinamaan ng kalamidad.Batay sa memorandum na nilagdaan ni Acting Assistant Secretary Atty. Greg G. Pua Jr., sakop nito ang weekly surcharge para sa late motor vehicle registration at driver’s license renewal mula Hulyo 21 hanggang 25.
“Ang bisa ng vehicle registration at driver’s license na sakop ng petsang Hulyo 21–25 ay pinalawig hanggang Agosto 8, 2025,” ayon sa memorandum na ipinadala sa mga Regional Director ng LTO at iba pang opisyal at kawani ng ahensya.
Sa parehong memo, binanggit din ni Pua na ang multa para sa mga sasakyang nabili (kasama na ang motorsiklo) mula Hulyo 21 hanggang 25 ngunit hindi nairehistro sa takdang panahon ay hindi na rin ipapataw.
Nilinaw din ni Pua na ang bilang ng araw batay sa Sales Invoice para sa mga nabanggit na sasakyan ay magsisimula na lamang sa Agosto 8, 2025, upang maiwasan ang anumang parusa para sa late registration ng mga bagong sasakyan.
Bilang karagdagang tulong sa mga apektadong motorista, sinabi ni Pua na pinalawig din ang 15-araw na palugit para sa pag-areglo ng lahat ng traffic apprehensions na may petsang Hulyo 21–25.
“Dahil dito, ang huling araw para magbayad ng kaukulang multa na walang karagdagang parusa ay sa Agosto 8, 2025,” saad sa memo na nilagdaan ni Pua.
Ang desisyong ito ay kasunod ng tatlong sunod-sunod na weather disturbances na tumama sa Luzon at iba pang bahagi ng bansa simula sa “Crising,” sinundan ng “Dante,” at pagkatapos ay “Emong.”
Nagbunsod ng matinding pagbaha ang mga pag-ulang dala ng tatlong bagyo, kasabay ng pinalakas na habagat.
Tinatayang mahigit 2.7 milyong katao ang naapektuhan ng pagbaha at iba pang epekto ng pananalasa ng mga bagyo. (PAUL JOHN REYES)