Caloocan LGU, nagbigay ng 3 bagong sasakyan sa CCPS SWAT Team
- Published on August 1, 2025
- by @peoplesbalita
TATLONG bagong pickup trucks ang ibinigay ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan para sa Special Weapons and Tactics (SWAT) Team ng Caloocan City Police Station (CCPS), bilang bahagi ng pagtataguyod nito ng peace ond order sa lungsod.
Gayundin, plano rin ng pamahalaang lungsod na magbigay ng 30 pang police vehicle sa pagtatapos ng taon upang palakasin ang kakayahan ng CCPS sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at sa pagtugon sa mga emergency na tawag sa iba’t ibang lokalidad ng lungsod.
Nagpahayag naman ng kanyang pasasalamat si CCPS Chief P/Col. Joey Goforth sa administrasyon ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan at hinikayat ang mga miyembro ng lokal na puwersa ng pulisya na patuloy na itaguyod ang panuntunan ng batas habang nagpapakita ng pakikiramay at paggalang sa mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.
“Malaking tulong ang bagong sasakyan na ipinagkaloob sa atin ng pamahalaang lungsod lalo na para sa ating mga anti-criminality operations. Makakaasa po ang lahat na patuloy na gagampanan ng CCPS ang mandato nito na linisin ang krimen mula sa Caloocan at panatilihing ligtas ang ating mga komunidad,” ani Col. Goforth.
Bukod sa pagkuha ng mga bagong kagamitan at sasakyan para sa lokal na puwersa ng pulisya, ang pamahalaang lungsod ay patuloy na nagpatupad ng iba pang mga hakbangin sa kaligtasan ng publiko, kabilang ang street lighting projects, disaster and emergency response programs, at pagdagdag ng mga tauhan para sa traffic safety operations. (Richard Mesa)