Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang dating pinuno ng LTO na si Lacanilao bilang bagong administrador ng Marina
Itinaas naman ni Pangulong Marcos ang posisyon ni Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Markus Lacanilao at itinalaga siya bilang bagong administrador ng Maritime Industry Authority (Marina), na may ranggong Undersecretary, ayon sa Malakanyang.
Kasabay ng kanyang pagkakatalaga, nagkaroon din ng pagbabago sa mga posisyon ng iba pang opisyal sa Department of Transportation (DoTr), ang sinabi naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Ang paglilipat kay Lacanilao sa Marina ay naganap habang nagsasagawa ng transport strike ang grupong Manibela bilang protesta sa pagtanggal sa kanya bilang pinuno ng LTO.
Nauna rito, kinalampag ng Grupong Manibela ang tanggapan ng LTO, araw ng Lunes, November 23 para tutulan ang umano’y pagpapalit ng liderato sa LTO.
Sa programang ikinasa ng Manibela, kinukwestiyon ng grupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Department of Transportation o DOTr Secretary Vince Dizon, kung ano ang dahilan sa umano’y pagpapalit kay LTO Chief, Assistant Secretary Marcus Lacanilao at sino ang nagrekomenda rito.
Sa kabilang banda, pumasok naman si Valbuena sa tanggapan ng LTO, para sumali sa closed-door meeting ni Lacanila at Dizon.
Samantala, lumahok naman umano sa kilos-protesta ang 600 hanggang 700 katao mula sa mga tsuper ng Manibela, kasama ang mga MC Taxi riders, TNVS, UV Express, at mga truck driver sa Meteo Manila. ( DARIS JOSE)
MALUGOD na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Martes ang pagbabalik sa bansa ng tennis star na si Alex Eala.
Binati niya ito matapos makamit ang pinakamataas na ranggo sa kanyang karera bilang No. 15 sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings.
Kasama si Kalihim ng Department of Education (DepEd) na si Sonny Angara, nakibahagi si Pangulong Marcos sa isang seremonyal na palitan ng bola sa tennis kasama si Eala sa Eusebio Gymnasium ng Pasig Central Elementary School upang ipagdiwang ang kanyang makasaysayang mga tagumpay at patuloy na pag-angat sa pandaigdigang larangan ng tennis.
Inilarawan ni Pangulong Marcos si Eala bilang karangalan ng bansa at inspirasyon sa mga kabataang Pilipino.
“Malugod nating tinatanggap ang ating kampeon na si Alex Eala, na nagdala ng karangalan at dangal sa Pilipinas saanman siya magpunta,” pahayag niya.
“Isa siyang napakagandang halimbawa para sa ating mga kabataan. Alex, lagi kaming natutuwa na malugod kang tinatanggap sa iyong pagbabalik sa bansa, makita ka muli, at muling batiin sa lahat ng iyong nagawa at mga kahanga-hangang tagumpay. Lubos kaming ipinagmamalaki ka,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Sinabi rin niya na ang mga tagumpay ni Eala ay hindi lamang nagdudulot ng pagmamalaki sa mga Pilipino kundi nagpapaalala rin sa kanila na ipagmalaki ang kanilang pagiging Pilipino.
Hindi lamang kami ang ipinagmamalaki mo. Ipinaaalala mo rin sa mga Pilipino na dapat nilang ipagmalaki ang pagiging Pinoy,” aniya.
Samantala, sinabi ni Eala na ang malalaki niyang pangarap ang patuloy na nagbibigay sa kanya ng motibasyon at inspirasyon upang pagsikapang makamit ang kahusayan.
Nagpasalamat din siya sa kanyang pamilya dahil sa walang sawang suporta at matibay na pundasyong ibinigay ng mga ito sa kanyang paglalakbay tungo sa tagumpay.
“Napakalaki ng aking mga pangarap noon pa man hanggang ngayon. Iyon ang nagbibigay sa akin ng motibasyon. Ang aking mga pangarap talaga ang nagsisilbing inspirasyon sa akin,” pahayag niya.
“Sa aking personal na paglalakbay, maraming bagay ang nagsimula sa tahanan. Napakaswerte ko dahil mayroon akong pamilyang lubos na sumusuporta, nagmamahal, at nagbibigay ng matibay na pundasyon upang magtagumpay ang isang tao sa buhay,” dagdag ni Eala.
Naging tampok sa pandaigdigang entablado si Eala ngayong taon matapos niyang makuha ang una niyang kampeonato sa WTA singles sa Washington, D.C., at makapasok sa nangungunang 20 manlalaro sa mundo.
Nagtapos din siya bilang runner-up sa Hong Kong Open at nakarating sa semifinals ng mga paligsahan sa Berlin at Auckland.
Sa Wimbledon, gumawa ng kasaysayan si Eala bilang kauna-unahang Pilipinang manlalaro sa Open Era na nakarating sa ikaapat na round ng isang Grand Slam tournament.
Tinapos niya ang kanyang makasaysayang season sa pamamagitan ng pagkamit ng pinakamataas na ranggo sa kanyang karera bilang No. 15 sa buong mundo.
Dumalo rin sa pagdiriwang ng kanyang pagbabalik sa bansa sina Olympic gold medalist Hidilyn Diaz at Olympic pole vaulter EJ Obiena.
Patuloy ding nagsisilbing inspirasyon sa mga Pilipinong atleta at mga nangangarap na maging kampeon ang kanilang mga tagumpay sa pandaigdigang paligsahan.
Bilang pagkilala sa kanyang mga ambag sa larangan ng palakasan sa Pilipinas at sa kanyang mga makasaysayang tagumpay, pinarangalan ng DepEd at MILO Philippines si Eala sa pamamagitan ng paggawad ng Gawad Sulo ng Simula at Tagumpay.
Iginawad ang parangal nina Kalihim Sonny Angara, Nestlé Philippines CEO Mauricio Alarcón, at MILO Philippines Senior Vice President Veronica Cruz. ( DARIS JOSE)
NAGSIMULA na ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng pamamahagi ng Pamaskong Handog para sa bawat pamilyang Batang Kankaloo, kabilang ang mga senior citizens.
Kamakailan, pinangunahan ni Mayor Along Malapitan ang pamamahagi ng Pamaskong Handog para sa mga senior citizens mula sa Barangay 170.
Ayon sa alkalde, nawa’y sa pamamagitan ng mga munting regalo ay nakapaghatid ang Pamahalaang Lungsod ng saya at naiparamdam ang pagpapahalaga sa mga lolo at lola sa Caloocan.
Abangan aniya ang pamamahagi ng Pamahalaang Lungsod ng pamaskong handog sa kanilang mga barangay sa mga susunod pang araw. (Richard Mesa)
HINAMON ng Malakanyang si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na manguna sa pagdo-donate ng P170,598 para mabayaran ang mahigit P19 trilyong utang ng bansa.
Ang nasabing halaga ay batay sa pag-kuwenta ng senador kung paghahatian ng mga Pilipino ang mahigit sa P19 trilyong utang ng bansa, sinasabing aabot di umano sa P170,598 ang katumbas na bahagi ng bawat isa.
Sa ulat, ito ang ipinunto ni Cayetano kasabay ng kanyang panawagang magkaroon ng malawakang pag-uusap tungkol sa kalagayang pinansiyal ng Pilipinas, partikular sa pagresolba ng utang ng bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na dapat na magsilbing modelo si Cayetano sa kanyang naging pahayag.
Sa kabilang dako, sinabi pa ni Castro na mas magiging maganda rin aniya kung si Senador Cayetano mismo ang gagawa ng batas sa halip na hilingin sa Bangko Sentral ng Pilipinas at Department of Finance (DoF) na gumawa ng mekanismo para maging posible ito.
“Mas maganda po siguro kung siya mismo ang gagawa ng batas at may mga generous hearts na kanyang sinasabi. At katulad ng sinabi natin, maaaring magsimula mismo ito kay Senator Alan Cayetano. At na-compute niya naman po yata, 170,000 per Filipino,” anito.
“Voluntary, sabi niya. So mahirap gumawa naman ng batas kung ima-mandatory mo ito. Pero kung may mga mababait na puso at siya naman nagpasimula nito, mas maganda siguro makita mismo natin, mismo kay Senator Alan Cayetano, pasimulan na po niya,” giit ni Castro.
Sa ulat, sa deliberasyon ng Senado para sa panukalang 2027 national budget, sinabi ni Cayetano na kailangang masusing suriin kung saan napupunta ang pondo ng pamahalaan at tiyaking nakabatay ang paggasta sa aktuwal na pangangailangan ng mga komunidad.
“If we really want an efficient budget, we have to see the reality on the ground,” wika niya.
Hinimok ni Cayetano ang pamahalaan na pag-isipang mabuti ang paraan ng pangungutang at paggamit nito ng pondo, kasabay ng pagpapalawak ng kaalaman ng publiko tungkol sa laki ng utang ng bansa at epekto nito sa pananalapi ng pamahalaan.
Iminungkahi niya ang pagkakaroon ng mas malawak na pakikilahok ng pribadong sektor at publiko upang mapalakas ang ekonomiya at makatulong sa pagtugon sa mga obligasyong pinansyal ng bansa.
Gayunman, iginiit niyang dapat itong sabayan ng responsableng paggasta at pangungutang ng pamahalaan.
“Our economy is not going that fast but pataas nang pataas [ang] debt payment natin,” sabi niya. (DARIS JOSE)