• November 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 24th, 2026

Ads November 24, 2026

Posted on: November 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Sigaw ng mambabatas…Lubhang nakababahala ang dami ng mga fake news, kasinungalingan at maling paratang

Posted on: November 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

WALA ako sinabi na “Wala nang lugar ang mga Duterte sa Mindanao,” o anuman doon, nilinaw ni Lanao de Sur Rep. Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng House prosecution impeachment team.

Aniya, ang pagpapakalat ng gawa-gawang nilalamang ito ay isang sinasadya at malisyosong pagtatangka upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa kabiguan ng depensa na maayos na ipagtanggol ang kaso ni Bise Presidente Sara Duterte sa harap ng korte sa nagpapatuloy na paglilitis sa impeachment sa Senado.

Habang hinahanap ng bansa ang katotohanan sa pamamagitan ng isang pormal na impeachment trial, sinabi ni Adiong na lubhang nakababahala ang dami ng mga fake news, kasinungalingan, maling paratang, at mga gawa-gawang kuwento na ipinapakalat sa labas ng impeachment court.

“These tactics do not serve the search for accountability. They only aim to confuse the public and shift the focus away from the evidence and arguments being presented in the proper forum” ani Adiong. 

“I urge everyone to be discerning and to reject unverified content that only seeks to sow division. The proceedings before the court, and the facts that will be established there, must remain the basis of public judgment,” dagdag ng kongresista.

Nagbabala si Adiong na habang palapit ng palapit ang pagdedesisyon ng korte — padami ng padami ang fake news.

 (VINA de GUZMAN)

DA sa di umano’y kasunduan kay Trump: “Kung mag-aalok ang Estados Unidos ng mababang presyo, bakit hindi natin ito tanggapin?”

Posted on: November 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na kung mag-aalok ang Estados Unidos ng mas murang mga produktong agrikultural, magiging magandang kasunduan ito para sa Pilipinas na bumili mula sa Amerika.

Ito ang reaksiyon ni Tiu Laurel sa pahayag ni US President Donald Trump, na nagsabing pumayag ang Pilipinas na kunin ang 100 porsiyento ng pangangailangan nito sa enerhiya at mga produktong agrikultural mula sa Estados Unidos sa halip na bumili sa ibang mga bansa tulad ng Brazil.

“If somebody gives me a low price, I will buy everything from that person kasi at the end of the day, makikinabang tayo,” ang sinabi ng Kalihim sa mga mamamahayag sa sideline Asia-Pacific Conference on Sustainable Agricultural Mechanization.

Ngunit inamin ni Tiu Laurel na hindi siya dumalo sa pagpupulong nina Trump at Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Gayunman, sinabi niya na maaaring makinabang ang Pilipinas kung magbebenta ang Estados Unidos ng mga produktong tulad ng soya o trigo na hindi naman naipoprodyus sa bansa.

Sa kabuuan, naniniwala rin ang Tiu Laurel na mahalagang magkaroon ang bansa ng iba’t ibang pinagkukunan ng pagkain upang matiyak ang seguridad sa pagkain ng Pilipinas.

“We have to have multiple sources to be food secure. Mas magandang mas marami tayong iba ibang sources, but of course kung mura naman ibebenta siguro sa atin ang agri products like soya, wheat na hindi naman finafarm, why not?,” ang winika nito.

Sa kabilang dako, hindi naman sinabi ni Pangulong Marcos kung talagang pumayag ang bansa na bumili ng 100 porsiyento ng mga produktong agrikultural mula sa Estados Unidos. 

Aniya, kabilang sa mga paksang napag-usapan nila ni Trump ang paghahanap ng Pilipinas ng mas murang mapagkukunan ng mga produktong pagkain.

Samantala, sinabi naman ni Energy Secretary Sharon Garin na wala pang pinal na kasunduan tungkol sa sinasabing kasunduan sa enerhiya sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Ayon kay Garin sa isang panayam, ang “deklarasyon” ni Trump ay nagpapakita lamang ng kung ano ang nais niyang mangyari. 

Dagdag pa niya, karaniwang nakikipagnegosasyon ang bansang Kanluranin upang mapangalagaan ang pinakamabuting interes ng Estados Unidos. 

( DARIS JOSE)

DBM, pinaalalahanan ang publiko laban sa kumakalat na pekeng SRI Circular

Posted on: November 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAALALAHANAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang publiko, lalo na ang mga government employees, na huwag basta maniwala o mag-share ng mga kumakalat na post tungkol sa FY 2026 Service Recognition Incentive (SRI).

Nilinaw ng DBM na ang kumakalat na larawan ng isang dokumentong nagpapanggap na opisyal na DBM Budget Circular para sa FY 2026 SRI, na may binabanggit na Administrative Order (AO) No. 40 na may petsang November 11, 2026 ay hindi opisyal na DBM issuance.

At para malinaw, sinabi ng departamento na ang AO No. 40 ay inilabas noong December 11, 2025 at may kaugnayan sa FY 2025 SRI. Hindi ito bagong kautusan para sa FY 2026.

“Nauunawaan ng DBM na maraming government employees ang naghihintay ng balita tungkol sa SRI. Kaya mahalagang tama at beripikado ang impormasyong nakakarating sa lahat,” ayon sa DBM.

“Magbibigay kami ng update tungkol sa FY 2026 SRI sa sandaling mayroon nang kumpirmadong impormasyon na maaari nang ilabas,” ang sinabi pa rin ng DBM.

Kaya ang paalala ng DBM sa lahat ay huwag agad maniwala sa mga screenshot o dokumentong walang opisyal na kumpirmasyon, iwasang mag-share o magbahagi ng hindi beripikadong impormasyon upang hindi makapagdulot ng kalituhan at maling pag-asa at mangyaring abangan ang mga opisyal na anunsyo sa DBM website at verified social media pages. 

( DARIS JOSE)

Ebidensiya, hirit ng Malakanyang na pagpapatunay na may thumbprint ang mga katutubong Aeta sa mga dokumento ng Pax Silica

Posted on: November 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANAWAGAN ang Malakanyang nitong Linggo na beripikahin at tiyakin ang pagiging tunay ng mga sinasabing thumbprint o tatak-daliri ng mga miyembro ng komunidad ng Aeta na nakalagay sa mga dokumentong may kaugnayan sa inisyatibong Pax Silica na pinangungunahan ng Estados Unidos.

Binigyang diin ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi papayagan ng pamahalaan na may sinuman na malagay sa dehadong sitwasyon o mapapirma sa mga dokumentong hindi nila nauunawaan ang nilalaman.

“Sa anumang transaksyon, ang Pangulong Marcos Jr. ay hindi hahayaang may maagrabyado sa ating bansa o ang sinumang mga kababayan natin,” ayon kay Castro sa isang video statement, bilang tugon sa mga ulat na ilang miyembro ng komunidad ng Aeta ang umano’y naglagay ng kanilang mga thumbmark o tatak-daliri sa mga dokumentong may kaugnayan sa inisyatibong Pax Silica.

“Kailangan itong ma-authenticate. Hindi nararapat na pumirma ang isang tao kung hindi niya naiintindihan ang nilalaman nito,” aniya pa rin.

Sinabi ni Castro na sisiyasatin ni Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President at CEO Ariel Nepomuceno ang pagiging tunay ng mga naiulat na dokumento.

Noong Abril, inanunsyo ng Estados Unidos na kabilang na ang Pilipinas sa Pax Silica, isang inisyatibong pinangungunahan ng US na naglalayong palakasin ang mga supply chain para sa mga semiconductor at rare earth elements o mga bihirang mineral na ginagamit sa iba’t ibang teknolohiya.

Saklaw ng iminungkahing Pax Silica hub ang 1,620 ektarya (4,000 acres) ng lupain sa New Clark City, Tarlac.

Nagpahayag ng pangamba ang mga miyembro ng komunidad ng Aeta sa posibleng pagkawala ng kanilang lupang ninuno. Nauna nang sinabi ng kanilang pinunong pantribo na nag-alok ang BCDA ng ₱30 kada metro kuwadrado para sa naturang lupain, ngunit tinanggihan ng lahat ng miyembro ng komunidad ang alok.

Sa unang bahagi ng linggong ito, nagdulot ng mga protesta ang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas, kabilang ang pagtutol sa pagsali ng bansa sa inisyatibong Pax Silica. ( DARIS JOSE)

Panawagan ng mambabatas…Mga lugar na matinding naapektuhan ng El Niño, isailalim sa state of calamity

Posted on: November 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANAWAGAN si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima kay Pangulong Bongbong Marcos na Jr. na ideklarang nasa state of calamity ang mga lugar na matinding naapektuhan ng El Niño.

Sa House Resolution 1629, sinabi ni De Lima na kailangan ng maagang deklarasyon, base sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at base sa Republic Act No. 10121 o “Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, upang agad na maipatupad ang mga kinakailangang remedial measures at paglalaan ng tulong sa mga apektadong komunidad.

Sinabi pa nito na ang deklarasyon ng State of Imminent Disaster sa mga lugar na tinatayang kakaharap sa matinding epekto ng El Niño ay makakatulong upang maagapan at makapagpatupad ng aksyon at preventive response upang maiwasan ang matinding epekto nito.

“There is an urgent need for coordinated national action to address the immediate humanitarian, agricultural, economic, and environmental consequences of El Niño, particularly in vulnerable communities and areas facing prolonged drought, water shortages, and threats to food security,” nakasaad sa resolusyon.

Iniulat ng Department of Agriculture (DA) na ang nagaganap na El Niño ay nakaapekto ng tinatayang ₱9.99 bilyong agricultural damage at pagkalugi, nakaapekto sa 324,327 magsasaka at 323,419 hektarya ng agricultural land sa buong bansa, na may production losses na umaabot sa 288,424 metric tons, kabilang na ang mga lugar na pinangangambahang walang tiyansang makabawi.

Upang matugunan ang mga problema, inaatasan ng HR 1629 ang Department of Budget and Management (DBM), NDRRMC, at iba pang kaukulang government agencies na agad tukuyin at magpalabas ng pondo mula sa 2026 budget, kabilang ang NDRRM Fund at Quick Response Funds, upang mapondohan ang priority El Niño preparedness, mitigation, and response measures.

“Hindi dapat nag-aalangan at abutin nang siyam-siyam ang gobyerno bago kumilos at ibigay ang pondo para sa mga nangangailangan at inaasahan pang tamaan ng matinding El Niño. Sa mga serbisyong tunay na makapagpapagaan sa pasanin ng ating mga kababayan – lalo na sa panahon ng kalamidad – dapat mabilis naibibigay ang pondo, hindi sa pagpapalakas ng mga padrino at pagpapagawa ng mga palsipikadong proyekto,” giit ni De Lima. (VINA de GUZMAN)