• November 13, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 13th, 2026

Ads November 13, 2026

Posted on: November 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

55-anyos na tulak, kulong sa P102K droga sa Valenzuela 

Posted on: November 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT sa P.1 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa 55-anyos na tulak umano ng droga matapos maaresto sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Huwebes ng madaling araw.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Mate”, residente ng Brgy., Ugong.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas Mate kaya ikinasa nila ang buy bust operation sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil, sa koordinasyon sa PDEA.

Ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur buyer na positibo na ang transakyon ang naging hudyat upang agad lumapit ang back-up na operatiba at inaresto ang suspek dakong alas-3:00 ng madaling araw sa Feliciano Street corner Que Balag Street Barangay Ugong.

‎ 

‎Nakumpiska sa kanya ang humigi’t kumulang 15 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000, buy bust money na isang tunay na P500 at pitong pirasong P1,0000 boodle money, coin purse at P50 cash.

Ayon kay SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa Sections 5 at 1 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s office. (Richard Mesa)

KORTE SUPREMA, NAGPAABOT NG PAKIKIRAMAY SA PAMILYA NG PINASLANG NA JUDGE SA ZAMBOANGA CITY

Posted on: November 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MARIING kinondena ng Korte Suprema ang pagpaslang kay Judge Joseph Wee Sit na binaril sa Barangay Tumaga, Zamboanga City ngayong araw, Nobyembre 12, at nagpaabot ng pakikiramay sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at kasamahan.

Inatasan ni Chief Justice Rodil Zalameda ang Office of the Court Administrator na makipagtulungan sa pamilya ng hukom para maimbestigahan ang pangyayari at matukoy ang nasa likod nito. 

Ayon sa SC, tutulungan ang pamilya ni Wee Sit at nakikipag-ugnayan na ang Office of the Judiciary Marshals sa mga awtoridad. 

Nagtapos ng abogasya si Wee Sit sa Western Mindanao State University at kalaunan ay naging piskal at public attorney bago italagang judge noong Setyembre ng nakaraang taon.

Wala nang ibang detalyeng ibinigay ang SC para na rin hindi maapektuhan ang isinasagawang imbestigasyon.

Binigyang-diin naman ng Kataas-taasang Hukuman na walang hukom ang dapat mangamba para sa kanyang buhay dahil lamang sa pagtupad sa tungkulin. Ang pag-atake rin anila sa mga hukom ay hindi lamang banta sa kanilang kaligtasan kundi maging sa kakayahan ng hudikatura na maghatid ng patas na hustisya.

 (Gene Adsuara)

Para maibsan ang gastusin ng mga estudyante:Abot-kayang dormitoryo, itatayo sa limang state universities and colleges 

Posted on: November 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PLANO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magtayo ng mga abot-kayang dormitoryo sa ilalim ng Project BALAY (Building Access to Learning for Students).

Layon nito na mapababa ang gastusin sa tirahan at makapagbigay ng ligtas na matutuluyan para sa mga estudyanteng nag-aaral sa kolehiyo at isang malaking pakinabang sa mga magulang at pamilyang nagpapaaral ng kanilang mga anak sa kolehiyo.

Sasaklawin ng programa ang limang state universities and colleges (SUCs), kung saan binibigyang-prayoridad ang mga estudyante na mula sa mga pamilyang kapos sa buhay at iba pang sektor na nangangailangan ng tulong.

Nauna rito, inilunsad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Project BALAY upang mabawasan ang pinansiyal na pasanin ng mga pamilyang Pilipino at matulungan ang mas maraming estudyante na makapagpatuloy at makapagtapos ng kolehiyo.

Ipatutupad ang programa sa pamamagitan ng Commission on Higher Education (CHED) at Pag-IBIG Fund upang makapagbigay ng ligtas, madaling ma-access at abot-kayang matutuluyan, partikular sa mga estudyanteng malayo ang tirahan sa kanilang paaralan at nagmula sa mga pamilyang kapos sa buhay.

Kabilang sa mga bibigyang-prayoridad ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), mga katutubo (Indigenous Peoples), persons with special needs, mga anak ng solo parents, mga estudyanteng kapus-palad at mga unang miyembro ng kanilang pamilya na makapapasok sa kolehiyo (first-generation college students).

Samantala, sinabi ng CHED, tinatayang aabot sa PhP165.6 milyon ang halaga ng bawat planong dormitoryo kung saan sasagutin ng pamahalaan ang paunang 30 porsyento o 10 porsyento ng kabuuang halaga ng proyekto, habang popondohan naman sa pamamagitan ng Pag-IBIG Fund ang natitirang halaga.

Sa ilalim ng 30-porsiyentong paunang pondo, kakailanganin ng pamahalaan ng P51.85 milyon para sa bawat SUC o kabuuang 

P259.27 milyon para sa limang paaralan.

May 10% ng opsyon, aabot sa P19.35 milyon ang paunang pondong kakailanganin para sa bawat SUC o kabuuang P96.35 milyon para sa limang institusyon.

Nauna nang pinagtibay ng CHED at Pag-IBIG Fund ang kanilang kasunduan sa pamamagitan ng memorandum of understanding na nilagdaan noong Enero 23, 2026. Saklaw ng kasunduan ang pagpapaunlad ng mga pabahay para sa mga estudyante, gayundin ang tulong-pabahay para sa mga guro at non-teaching personnel.

Binigyang-diin ng CHED na mahalaga ang pagkakaroon ng ligtas at maayos na matutuluyan upang mapabuti ang pagganap ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral at mapataas ang kanilang posibilidad na makatapos ng kolehiyo.

Naglaan naman ang Pag-IBIG Fund ng PhP6.3 bilyong pondo para sa mga proyekto ng dormitoryo at paupahang pabahay sa ilalim ng Rental Housing Construction Loan Program. Nag-aalok ang programa ng tatlong porsiyentong interes sa unang 10 taon at palugit na hanggang 30 taon para sa pagbabayad ng utang.

Makikipag-ugnayan muna ang dalawang ahensiya sa mga pangulo ng mga SUC sa Regions I, II, III at Cordillera Administrative Region upang talakayin ang programa at hikayatin ang kanilang pakikilahok.

 (DARIS JOSE)

Dahil maaabala ng ilang araw:PBBM, humingi ng pasensiya sa publiko

Posted on: November 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HUMINGI ng pasensiya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa publiko na maaabala sa mga susunod na araw sanhi ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Sa Vlog ng Pangulo, sinabi nito na pansamantalang abala lamang naman ang mararanasan ng mga ito kapalit ng matatamasang benepisyo mga polisiyang mapagkakasunduan at sa mga trabahong malilikha. 

“Bagama’t may kaunting maaabala nitong susunod na araw, pansamantala lamang ito, kaunting pasensya lang. Tiyak ko na mas matimbang pa rin ang mga benepisyong matatamasa natin mula sa mga polisiyang mapagkakasunduan at sa mga trabahong malilikha,” ayon sa Pangulo. 

“Itong taon lamang na ito, dahil sa mga summit at related meetings na naganap sa buong bansa, bumuhos ang trabaho para sa ating mga local industries o MSME, mga maghahabi, mananahi, at mga designer na pinamalas ang kagandahan ng kasuotan natin, mga artista, mang-aawit, dancer, director at mga creative industry na bumubuo ng mga programa natin,” aniya pa rin.

Kasama na aniya ang buong produksyon, makeup artist, set designer, lighting at sound technician, writer, at maraming-marami pang iba. Ang mga culinary experts at local food manufacturers naman, dried mango man ‘yan, kornik o tsokolate. 

“Ang ating mga hotel at hospitality establishment at lahat ng mga tauhang ito, ang ating mga transport provider at driver, napakaraming vehicle requirement ng ASEAN. Ang mga gumagawa ng mga tarpaulin at iba pang branding materials, at syempre, ang mga souvenir items na mula sa ating mga craftsmen na karamihan ay mga munting negosyo lamang. Sila ay talagang hinahanap at metikulosong pinili para maipakita ang galing ng Pilipino,” litaniya ng Pangulo.

Nauna rito sinabi ng Pangulo na lubos siyang nananabik na salubungin at tanggapin ang mga bisita mula sa iba’t ibang bansa na dadalo sa 49th ASEAN Summit.

“Napakahalaga ang pagtitipong ito, lalo na sa panahon ngayon. Marami tayong kinakaharap na hamon hindi lamang dito sa Pilipinas, kundi sa iba’t ibang panig ng mundo. Ramdam natin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at langis, ang paghina ng ekonomiya sa ilang bansa, at ang mga usapin sa seguridad,” ang pahayag ng Chief Executive.

Inamin ng Pangulo na marami sa mga problemang kanyang binanggit ay hindi kayang solusyunan ng gobyerno na mag-isa, kaya aniya napakahalaga ng ASEAN. 

Ito aniya ang pagkakataon para sa mga bansa sa rehiyon na mag-usap, magkaunawaan, at magtulungan upang humanap ng mga solusyon sa mga problemang pare-parehong kinakaharap ng mga bansang kaanib ng ASEAN.

“At iba pa rin kapag personal na nagkikita ang mga leader. Mas malalim ang pag-uusap, mas napapalakas ang tiwala, at mas madaling magkasundo sa mga kongkretong hakbang. Bilang host ng 49th ASEAN Summit, mayroon din tayong napakalaking pagkakataong manguna sa paghubog ng agenda at bigyang prayoridad ang mga usaping pinakamahalaga sa ating mga kababayan tulad ng presyo ng langis at pagkain, seguridad, agrikultura, trabaho at kabuhayan,” ang pahayag ng Pangulo.

“Tapos na rin ang paghahanda at naging madetalye ang preparasyon. Tiyak na bibida ang galing at pagiging malikhain ng Pilipino. Isang napakalaking karangalan ang mag-host ng ASEAN Summit kaya’t ito ay magandang pagkakataon para sa atin na ipakita, hindi lang sa Southeast Asia, kung hindi sa buong mundo, kung gaano kaganda ang ating bansa, kung gaano kahusay ang ating lahi,” aniya pa rin.

Tinuran pa ng Pangulo na kabilang din ang pagkakataon para sa turismo sa bansa na maengganyo ang mga bisita na bumalik at tuklasin pa ang Pilipinas. 

Sa kabilang dako, sinabi ng Pangulo na ang ugnayan ng Pilipinas sa ASEAN ay napakahalagang haligi sa kalakalan, sa usaping seguridad, sa pagprotekta sa kapakanan ng mga mamamayang Filipino, mga OFW, mga negosyante, at simpleng turista. 

“Mas malalim pa sa pagiging visa-free natin sa mga ASEAN countries ang dalang benepisyo ng ugnayang ito. Lalong-lalo na sa panahong ito na marami tayong krisis na hinaharap mula sa pagtaas ng presyo ng langis, tapos ang ating mga security concerns, tapos itong parating na El Niño, ay kailangan buo ang paggalaw ng buong ASEAN. Kaya napakahalaga na magkaisa kami at makahanap kami ng mga plano at solusyon para matugunan ‘yang mga problemang ‘yan,” ang litanya ng Punong Ehekutibo.

Kaya ngayon aniya higit kailanman, kailangan ng gobyerno ang pakikiisa ng mga komunidad sa pagtanggap sa mga bisita. Tunghayan din aniya ang mga kaganapan at makibalita sa TV o social media. 

“We should all be very, very proud. Lahat tayo ay bahagi nito at may maiambag sa matagumpay ng pagdaraos nitong 49th ASEAN Summit,” ang diing pahayag ng Pangulo. (DARIS JOSE)

Kinumpirma ng DFA…Trump dadalo sa ASEAN- US Special Summit sa darating na Nobyembre 17

Posted on: November 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dadalo si US President Donald Trump sa Association of Southeast Asian Nations (Asean)-US Special Summit sa darating na Nobyembre 17.

Ang tatlong araw na pagtitipon mula Nobyembre 15 hanggang 18 sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City ay magdadala sa mga Southeast Asian leaders at dialogue partners para talakayin ang regional at global challenges.

Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang summit na magbubukas sa araw ng Linggo at dito ay pag-uusapan ang Asean priorities kabilang ang sitwasyon sa Myanmar.

Magpupulong din ang mga Asean leaders kasama ang mga mambabatas, business representatives at youth groups bilang bahagi ng summits.

Inaasahan na dadalo ang mga lider ng Vietnam, Cambodia, Brunei, Indonesia, Laos, Malaysia, Singapore, Thailand at Timor-Leste.

Habang ang Myanmar ay kakatawanin ng director general ng Asean Affairs Department ng kanilang Foreign Ministry.

Makikilahok bilang Guest of the Chair ang mga lider ng Brazil at Canada kasama ang kanilang mga kinatawan sa International Monetary Fund.

Magsisimula ang summits sa mga ASEAN dialogue partners sa Nobyembre 16 at magpapatuloy ito ng hanggang Nobyembre 17 kasama ang Australia, China, India, Japan, New Zealand, South Korea, Russia, United Nations at United States. (DARIS JOSE)