Para maibsan ang gastusin ng mga estudyante:Abot-kayang dormitoryo, itatayo sa limang state universities and colleges
- Published on November 13, 2026
- by Francis Paolo Torres
PLANO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magtayo ng mga abot-kayang dormitoryo sa ilalim ng Project BALAY (Building Access to Learning for Students).
Layon nito na mapababa ang gastusin sa tirahan at makapagbigay ng ligtas na matutuluyan para sa mga estudyanteng nag-aaral sa kolehiyo at isang malaking pakinabang sa mga magulang at pamilyang nagpapaaral ng kanilang mga anak sa kolehiyo.
Sasaklawin ng programa ang limang state universities and colleges (SUCs), kung saan binibigyang-prayoridad ang mga estudyante na mula sa mga pamilyang kapos sa buhay at iba pang sektor na nangangailangan ng tulong.
Nauna rito, inilunsad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Project BALAY upang mabawasan ang pinansiyal na pasanin ng mga pamilyang Pilipino at matulungan ang mas maraming estudyante na makapagpatuloy at makapagtapos ng kolehiyo.
Ipatutupad ang programa sa pamamagitan ng Commission on Higher Education (CHED) at Pag-IBIG Fund upang makapagbigay ng ligtas, madaling ma-access at abot-kayang matutuluyan, partikular sa mga estudyanteng malayo ang tirahan sa kanilang paaralan at nagmula sa mga pamilyang kapos sa buhay.
Kabilang sa mga bibigyang-prayoridad ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), mga katutubo (Indigenous Peoples), persons with special needs, mga anak ng solo parents, mga estudyanteng kapus-palad at mga unang miyembro ng kanilang pamilya na makapapasok sa kolehiyo (first-generation college students).
Samantala, sinabi ng CHED, tinatayang aabot sa PhP165.6 milyon ang halaga ng bawat planong dormitoryo kung saan sasagutin ng pamahalaan ang paunang 30 porsyento o 10 porsyento ng kabuuang halaga ng proyekto, habang popondohan naman sa pamamagitan ng Pag-IBIG Fund ang natitirang halaga.
Sa ilalim ng 30-porsiyentong paunang pondo, kakailanganin ng pamahalaan ng P51.85 milyon para sa bawat SUC o kabuuang
P259.27 milyon para sa limang paaralan.
May 10% ng opsyon, aabot sa P19.35 milyon ang paunang pondong kakailanganin para sa bawat SUC o kabuuang P96.35 milyon para sa limang institusyon.
Nauna nang pinagtibay ng CHED at Pag-IBIG Fund ang kanilang kasunduan sa pamamagitan ng memorandum of understanding na nilagdaan noong Enero 23, 2026. Saklaw ng kasunduan ang pagpapaunlad ng mga pabahay para sa mga estudyante, gayundin ang tulong-pabahay para sa mga guro at non-teaching personnel.
Binigyang-diin ng CHED na mahalaga ang pagkakaroon ng ligtas at maayos na matutuluyan upang mapabuti ang pagganap ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral at mapataas ang kanilang posibilidad na makatapos ng kolehiyo.
Naglaan naman ang Pag-IBIG Fund ng PhP6.3 bilyong pondo para sa mga proyekto ng dormitoryo at paupahang pabahay sa ilalim ng Rental Housing Construction Loan Program. Nag-aalok ang programa ng tatlong porsiyentong interes sa unang 10 taon at palugit na hanggang 30 taon para sa pagbabayad ng utang.
Makikipag-ugnayan muna ang dalawang ahensiya sa mga pangulo ng mga SUC sa Regions I, II, III at Cordillera Administrative Region upang talakayin ang programa at hikayatin ang kanilang pakikilahok.
(DARIS JOSE)