• November 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 10th, 2026

Caloocan CSWDD, agad tumugon sa mga pangangailangan ng mga nasunugan 

Posted on: November 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KAAGAD tumugon ang Caloocan City Social Welfare and Development Department (CSWDD) sa pangangailangan ng mahigit 70 indibidwal na naapektuhan ng sunog sa Velasco Street, Barangay 7, at tiniyak din nito ang funeral at burial assistance sa pamilya ng nasawing mag-ina at tulong medikal sa mag-amang nasugatan.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa pamilya ng mga nasawi habang nagbigay na ng direktiba si Mayor Along sa CSWDD na tutukan ang iba pang posibleng pangangailangan ng mga naapektuhang pamilya. (Richard Mesa)

Sa gitna ng patuloy na paghahanda ng pamahalaan sa El Nino:Tubig sa mga dam at water sources sa bansa, sapat – Malakanyang

Posted on: November 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINIGURO ng Malakanyang na sapat ang suplay ng mga pinagkukunan ng tubig sa bansa sa harap ng nararamdaman ng init na hagip ng El Nino.

Sinabi ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro habang patuloy ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr na gawing tuloy – tuloy ang paghahanda ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para sa tagtuyot.

Ani Castro, hindi lang pagkain at kuryente ang pinatitiyak ng Pangulo na kailangang masigurong may sapat na suplay kundi pati na din ng suplay ng tubig sa mga dam gaya na lamang ng Angat dam

Tinatayang, nasa 208.70 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam na aniyay mas mataas sa minimum operating level na 180 meters.

Maliban sa Angat ay nasa normal high water level din ang iba pang dam sa bansa gaya ng Ipo, La mesa, Magat, Pantabangan, San Roque, Ambuklao at Binga base na rin sa monitoring ng PAG-ASA. (DARIS JOSE)

Agri dept, naghigpit ng pork imports sa gitna ng malaking pagkalugi mula sa local producers

Posted on: November 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGTAKDA ang Department of Agriculture (DA) ng 60-day restriction sa pag-aangkat ng ilang produktong baboy matapos matuklasan sa preliminary investigation ang pagtaas ng foreign shipments na labis na nakapinsala sa domestic hog industry.

Winika ng DA na ang malaking shipments ng imported pork ay nagresulta ng P27.9 bilyon na pagkalugi sa unang pitong buwan ng 2026.

Saklaw ng provisional measure ang ‘specified fresh at frozen pork cuts, carcasses, at edible offal.’ nakabinbin ang pormal na Tariff Commission investigation.

Sa kabilang dako, tinintahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang department order na pinahihintulutan ang provisional safeguard measure sa ilalim ng Republic Act 8800, o Safeguard Measures Act. 

Ang hakbang ay kasunod ng 42% na pagtalon sa pag-angkat ng baboy mula sa 589,675 metriko tonelada noong 2023 hanggang 836,240 MT noong 2025, “lifting imports’ share of domestic production to 65 percent in the first half of 2026.”

“The preliminary findings show that the surge in pork imports is putting severe pressure on our local producers. We cannot allow an import surge to undermine an industry that is still struggling to recover from years of ASF-related losses,” ayon kay Tiu Laurel.

“The surge has deepened domestic dependence on foreign meat, dragging self-sufficiency down from 74.3 percent in 2021 to just 54 percent between January and August 2026, ” ang tinuran ng DA.

Sinabi pa rin ng departamento na “frozen pork inventories hit 121,000 MT in July—with imported products comprising 94 percent of total stocks—triggering a drop in average farmgate prices from P198.30 per kilogram in 2025 to P175.75 in mid-2026. Some producers reported severe plunges down to P120 per kg.”

Kaya nga nagbabala ang DA na maaaring madoble ang full-year producer losses sa P55.8 billion kapag nanatili ang depressed prices habang ang mga pagtatantya ng industriya na pinsala ay umabot sa P100 bilyon. Ang sektor ay patuloy na nahaharap sa disruption o pagkagambala mula sa African Swine Fever (ASF) simula pa noong 2019.

“Rebuilding the hog industry requires more than short-term price interventions. We are working through the necessary legal, regulatory, and industry reforms to bring the national hog population back to its pre-ASF level of about 13 million heads by the end of 2028,” ang sinabi ng Kalihim.

Samantala, ang mataas na presyo ng baboy ay masasabing bahagyang responsable para sa mataas na inflation rates sa mga nakalipas na mga taon, ang pagkain ay bumubuo ng isang malaking bahagi ng consumer price index. Ang industriya ay labis na tinamaan ng African swine fever sa nakalipas dahil ng pagkawasak ng kawan ng mga baboy. (DARIS JOSE)

SUWELDO, YEAR-END BONUS AT CASH GIFTS NG MGA EMPEYADO SA MAYNILA SABAY NA ILALABAS SA BIYERNES

Posted on: November 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INANUNSYO ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na sabay na matatanggap ng mga empleyado ng pamahalaang lungsod ang kanilang suweldo, year-end bonus at limang libong pisong cash gift sa Biyernes, Nobyembre 13.

Ginawa ni Domagoso ang anunsyo sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall nitong Lunes, Nobyembre 9.

Ayon sa alkalde, inagahan ang paglalabas ng suweldo at mga benepisyo dahil sa paparating na holiday break.

Mahigit 817 milyong piso ang inilaan ng lungsod para sa year-end bonus at cash gift ngayong taon.

Mahigit 762 milyong piso rito ang para sa bonus, habang 54 milyon at 850 libong piso ang para sa cash gift.

Tiniyak din ni Domagoso na may nakalaan para sa mga manggagawang nasa ilalim ng Contract of Service at Job Order. Wala pang tinukoy na halaga o petsa ng pamamahagi para sa kanila.

Samantala, naghahanda rin ang lungsod na mamahagi ng mga pamaskong handog sa 700 libong pamilya sa Maynila. May hiwalay ding pamaskong pakete na inihahanda para sa mga senior citizen.

Pinaalalahanan ni Domagoso ang mga empleyado na magtabi ng bahagi ng kanilang bonus dahil ilang linggo pa bago mag-Pasko. (Gene Adsuara)

Kinilala ni PBBM…Mga guro, kabilang sa ‘most important’ partners sa nation-building

Posted on: November 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINILALA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga guro bilang “most important partners” ng bansa sa nation-building.

Partikular na kinilala ng Pangulo ang pagsisikap ng mga guro mula sa paghahanda ng mga aralin sa mas maaga o late hour para gabayan ang kanilang mga estudyante.

“You become the second parents to your students. You believe in them. You remind them of what they are capable of, especially when they need it the most,” ang sinabi ng Pangulo sa kanyang naging talumpati.

“And that is why we recognize our teachers as among the most important partners in nation-building,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, may kabuuang 5,211 personnel sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System ang nanumpa sa kanilang mga bagong tungkulin, kabilang na ang 4,972 mga guro at 239 school heads.

Ang ECP System ay nagbibigay ng tinatawag na expanded career pathways para sa mga public school teachers at school leaders, mula Teacher I hanggang Teacher VII, Master Teacher I hanggang V, at School Principal I hanggang IV.

Tinuran naman ni Education Secretary Sonny Angara na mahigit sa 80,000 school personnel ang na-promote ngayong taon habang 132,000 ang maaaring ma-promote sa susunod na taon.

Samantala, may 234 na itinalagang School Counselor Associates (SCAs) ang nagpartisipa rin sa oathtaking ceremony.

Sinabi ni Pangulong Marcos na mahigit sa 82,100 mga guro at school heads ang ni-reclassify sa buong bansa sa pamamagitan ng ECP System ‘as of November.’ Sa Pangasinan lamang, mahigit sa 10,200 personnel ang nakinabang mula sa inisyatiba.

Hindi rin lingid sa kaalaman ng Pangulo ang kakapusan ng school counselors at nagwika na ginagawa na ng gobyerno ang makakaya nito para itaas ang bilang.

“As we pay greater attention to the mental health of our youth, their role has become more crucial, more important than ever,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“These concerns require concrete measures, and that is precisely what this administration is working to deliver,” aniya pa rin.

Nauna rito, sinabi ng Department of Education (DepEd) na kailangan nitong mag-hire ng 48,000 school counselor associates sa buong bansa para palakasin ang mental health at psychosocial support para sa mga mag-aaral.

Plano naman ng departamento na mag-deploy ng 10,000 counselor associates sa pagtatapos ng taon laban sa pinakabagong pigura ng DepEd. 

(Daris Jose)

Mag-ina nasawi, mag-ama sugatan sa sunog sa Caloocan

Posted on: November 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASAWI ang 50-anyos na ina at walong taong gulang niyang anak na babae habang sugatan naman ang kanyang mister at binatilyong anak sa naganap sa Caloocan City, Lunes ng madaling araw.

Sa ulat ni BFP investigator FO1 Samuel Rentillo Jr. kay Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP) Chief F. Supt. Jacky Ngina, nagsimulang sumiklab ang apoy sa hindi pa batid na dahilan dakong alas-3:50 ng madaling araw sa isang bahay sa Velasco St., Brgy., 7 ng lungsod.

Kaagad itinaas sa unang alarma ang sunog dakong alas-3:59 ng madaling araw na mabilis na nirespondehan ng may 25-firetrucks, kabilang ang mga fire volunteers kung saan alas-4:46 ng madaling araw nang idiklara itong under control at tuluyang naapula 5:25 ng umaga.

Ayon sa BFP, natagpuan ang bangkay ng isa sa nasawi sa dulong bahagi sa 2nd floor ng dalawang palapag na bahay habang sa unang palapag na nakita ang isa pa nang bumagsak na ang sahig ng nasunog na bahay.

Isinugod naman sa pinakamalapit na pagamutan ang 49-anyos na mister at 13-anyos nilang anak na lalaki nagtamo ng mga sugat sa bahagi ng kanilang katawan nang makalabas sa nasusunog nilang bahay.

Sa pahayag ni F/Insp. Niño Villafuerte ng BFP Caloocan Central Fire Substation, karamihan sa mga apektadong pamilya ay walang naisalbang gamit dahil bukod sa natutulog ang karamihan, mabilis din ang paglaki ng apoy.

Umabot sa 23 pamilya ang naapektuhan ng sunog habang inaalam pa ng mga arson investigator ang sanhi ng sunog na tumupok sa tinatayang P200K halaga ng ari-arian.

Pansamantala namang nanunuluyan sa covered court ng Barangay 7 ang mga nasunugan pamilya kung saan kaagad silang pinadalhan ng mainit na pagkain at pangunahing pangangailangan ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan. (Richard Mesa)

Pagkawala ng hanapbuhay ng ilang negosyosa Pasay City kasabay nang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN summit, ikinalungkot ng mambabatas

Posted on: November 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IKINALUNGKOT ng isang mambabatas ang pagkawala ng hanapbuhay ng ilang negosyo sa Pasay City kasabay nang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN summit.

Reaksyon ito ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña matapos pagbawalan na mag-operate ang mga negosyo sa Pasay City bilang bahagi ng seguridad kaya walang kita ang maraming manggagawa, vendors at maliliit na negosyo.

Ayon kay Cendaña, nababahala siya na marami ang nawawalan ng hanapbuhay dahil sa papaghost ng bansa sa ASEAN Summit.

“Naiintindihan naman natin na may security measures na dapat sundin para panatilihing ligtas ang mga delegado at mga staff. Pero dapat kasali sa pondo na ginastos natin para sa hosting ang tulong sa mga taong mawawalan ng hanapbuhay dahil sa summit,” anang mambabatas.

Maaari aniyang ipakita ng Pilipinas ang Filipino hospitality ng hindi nito isasakripisyo ang manggagawang Pilipino at MSMEs.

(VINA de GUZMAN)

Lolo na wanted sa Valenzuela, natunton sa Sorsogon

Posted on: November 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGWAKAS na ang pagtatago ng isang lolo na wanted sa kaso na may kaugnayan sa droga sa Valenzuela City makaraang matunton ng pulisya sa pinagtataguang lugar sa isang bayan sa Sorsogon.

Sumugod sa lalawigan ng Sorsogon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili nang makatanggap ng impormasyon na doon nagkakanlong ang 62-anyos na lolo na nahatulan na sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga sa Valenzuela City.

Katuwang ang mga tauhan ng Barcelona Municipal Police Station at San Manuel Municipal Police Station sa Sorsogon, inaresto ang akusado dakong alas-10:10 ng umaga sa Brgy. Poblacion Sur, sa Bayan ng Barcolona.

Bitbit ng mga operatiba ng Station Intelligence Section at Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela Police Station ang arrest warrant na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 284 ng Valenzuela laban sa akusado para sa kasong paglabag sa Section 12 ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na may kalakip na service of sentence.

Nagpaabot naman ng papuri ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano sa NPD at kay Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento sa masigasig na pagtugis sa akusado na pansamantalang nakadetine sa Barcelona Municipal Police Station habang pinoproseso pa ang pagbiyahe sa kanya sa Valenzuela City. (Richard Mesa)

MGA PINOY, HINIKAYAT NA MAGPABAKUNA KONTRA TRANGKASO BAGO ANG HOLIDAY SEASON DAHIL SA PAGTAAS NG KASO NG INFLUENZA-LIKE ILLNESS

Posted on: November 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINIKAYAT ng mga eksperto sa kalusugan ang publiko na magpabakuna laban sa influenza o trangkaso ngayong opisyal nang nagsimula ang panahon ng Amihan at patuloy na tumataas ang mga kaso ng influenza-like illness sa bansa.

Ayon sa pinakahuling datos, umabot na sa 10,269 ang naitalang kaso ng influenza-like illness, katumbas ng 16 porsiyentong pagtaas. Inaasahan pang madaragdagan ang mga kaso habang papalapit ang kapaskuhan.

Nagbabala si Dr. Maria Liela Peñalosa, Medical Head ng Sanofi Vaccines, na hindi dapat balewalain ang trangkaso dahil maaari itong magdulot ng malulubhang komplikasyon, partikular sa mga bata, senior citizen, buntis at mga taong may karamdaman tulad ng diabetes at sakit sa puso.

Ipinaliwanag na naipapasa ang influenza sa pamamagitan ng respiratory droplets mula sa pag-ubo at pagbahing ng taong may impeksyon. Mas mataas din ang panganib ng hawahan sa mga mataong lugar gaya ng malls at transport terminals.

Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, ubo, pananakit ng lalamunan at katawan, at panghihina. Maaari rin itong mauwi sa pulmonya, sinus infection at bronchitis.

Ayon kay Peñalosa, maaaring umabot sa ₱10,000 hanggang ₱30,000 ang gastusin sa isang pagpapaospital dahil sa trangkaso, kaya mahalagang magpabakuna bago ang mga pagtitipon at paglalakbay sa holiday season.

Samantala, nag-aalok ang Healthway Medical Network (HMN), sa pamamagitan ng VaxHub network nito, ng mga serbisyo sa pagbabakuna sa mga mall, ospital at iba pang pasilidad pangkalusugan upang mas mapadali ang access ng publiko sa bakuna.

Hinimok naman ni Dr. Gina Nazareth, Chief Medical Officer ng HMN, ang mga Pilipino na gawing bahagi ng kanilang regular na pangangalagang pangkalusugan ang pagbabakuna bilang proteksyon sa sarili at pamilya.

Ang kampanya ay bahagi ng pakikipagtulungan ng Sanofi Philippines at Healthway Medical Network upang palawakin ang kaalaman at access ng mga Pilipino sa adult vaccination.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga bakuna at lokasyon ng VaxHub, maaaring bisitahin ang opisyal na VaxHub page ng Healthway Medical Network.

(Gene Adsuara)

Witness ni VP Sara…“Inconsistent and biased at ‘nuknukan ng sinungaling’ ang saksi, ayon sa mambabatas 

Posted on: November 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MISERABLENG nabigo ang saksi ng depensa na makontra ng ebidensiya ang alegasyon ng undeclared property and unexplained wealth ni Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Prosecution spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na nabigo si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin na ma-establish na ang property na nakarehistro sa pangalan ng asawa ni Duterte, abogadong si Manases Carpio, ang nakalagay sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

“What is certain now is that their witness failed miserably in trying to prove to the court and to the people that the vice president has been consistent with her declaration,” ani Alonto Adiong.

Idinagdag pa nito na “inconsistent and biased; si Adalin habang sinabi naman ni House prosecutor Rep. Joel Chua na ‘nuknukan ng sinungaling’ ang saksi.

“Nakita po natin ‘yung unang testigo ng depensa na nuknukan ng sinungaling,” ani Chua.

Ang pinagtatalunang property ay ang 379-square-meter lupain sa Juna Subdivision, Matina Crossing, Barangay 74-A, Talomo District, Davao City, na sakop ng Transfer Certificate of Title No. 146-2024-01-0775.

Sinabi ni Chua na nabido ang depensa na ipaliwanang kung bakit nakalagay sa deed of sale ay P6 milyong ang acquisition cost habang sa 2024 SALN ni Duterte ay nakalista ito sa halagang P10 million sa magkapareho umanong property.

Nakalagay pa sa SALN entry na ang lupain ay isang residential lot habang sa property records na iprinisinta ng depensa ay lupa na may kasamang improvements.

Kinuwestiyon din ng prosekusyon ang residential description matapos na maiprisinta ang litrato na nagpapakita ng isang commercial establishment sa nasabing lupain.

“So doon lang, sa mga pagkakaibang iyon, very glaring,” pahayag ni Chua.

Sinabi naman ni Alonto Adiong na pinalakas ng testimonya ang kaso kaysa pahinain ito.

“The witness of the defense did not hurt the case of the prosecution. Ang nangyari, mas lalo pong pinalakas ang kaso ng prosecution,” ani Alonto Adiong.

Si Adalin ang unang saksi na iprinisinta ng depensa sa impeachment case na kinasasangkutan ng P817 million na umanoy unexplained wealth. 

(VINA de GUZMAN)