Mag-ina nasawi, mag-ama sugatan sa sunog sa Caloocan
- Published on November 10, 2026
- by Francis Paolo Torres
NASAWI ang 50-anyos na ina at walong taong gulang niyang anak na babae habang sugatan naman ang kanyang mister at binatilyong anak sa naganap sa Caloocan City, Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ni BFP investigator FO1 Samuel Rentillo Jr. kay Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP) Chief F. Supt. Jacky Ngina, nagsimulang sumiklab ang apoy sa hindi pa batid na dahilan dakong alas-3:50 ng madaling araw sa isang bahay sa Velasco St., Brgy., 7 ng lungsod.
Kaagad itinaas sa unang alarma ang sunog dakong alas-3:59 ng madaling araw na mabilis na nirespondehan ng may 25-firetrucks, kabilang ang mga fire volunteers kung saan alas-4:46 ng madaling araw nang idiklara itong under control at tuluyang naapula 5:25 ng umaga.
Ayon sa BFP, natagpuan ang bangkay ng isa sa nasawi sa dulong bahagi sa 2nd floor ng dalawang palapag na bahay habang sa unang palapag na nakita ang isa pa nang bumagsak na ang sahig ng nasunog na bahay.
Isinugod naman sa pinakamalapit na pagamutan ang 49-anyos na mister at 13-anyos nilang anak na lalaki nagtamo ng mga sugat sa bahagi ng kanilang katawan nang makalabas sa nasusunog nilang bahay.
Sa pahayag ni F/Insp. Niño Villafuerte ng BFP Caloocan Central Fire Substation, karamihan sa mga apektadong pamilya ay walang naisalbang gamit dahil bukod sa natutulog ang karamihan, mabilis din ang paglaki ng apoy.
Umabot sa 23 pamilya ang naapektuhan ng sunog habang inaalam pa ng mga arson investigator ang sanhi ng sunog na tumupok sa tinatayang P200K halaga ng ari-arian.
Pansamantala namang nanunuluyan sa covered court ng Barangay 7 ang mga nasunugan pamilya kung saan kaagad silang pinadalhan ng mainit na pagkain at pangunahing pangangailangan ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan. (Richard Mesa)