Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
MULING tiniyak ng administrasyong Marcos ang pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga matapos ilahad ng mga awtoridad ang paunang resulta ng imbestigasyon sa 521-kilong kargamento ng droga na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon na nasabat sa Laos habang patungo sa Pilipinas.
Sa press briefing sa Malacañang nitong Biyernes, ibinahagi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang pagkakakilanlan ng ilang personalidad na umano’y may kaugnayan sa operasyon ng nasabat na droga.
Ayon kay Remulla, nagtutulungan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng isang joint task force upang matigil ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Inilabas din ng Department of the Interior and Local Government ang isang link chart na nagpapakita ng umano’y ugnayan ng 11 persons of interest, mula sa pagbili ng pribadong eroplano hanggang sa tangkang pagpapadala ng droga sa Pilipinas.
Sinabi naman ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na nasa kustodiya na ng pulisya ang isa sa mga persons of interest, habang patuloy na minomonitor ang iba pa.
Gayunman, wala pang nakabinbing kaso o warrant of arrest laban sa 11 persons of interest, kaya hindi pa sila maaaring arestuhin, ayon kay Nartatez. ( DARIS JOSE)
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Joint National and Regional Peace and Order Council (NPOC-RPOC) Meeting para sa ikalawang semestre ng 2026 upang talakayin ang mga hakbang sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa bansa.
Iniutos ng Pangulo sa mga kinauukulang ahensya at lokal na pamahalaan na higpitan ang seguridad sa mga paaralan at magpatupad ng malinaw na proseso sa pag-uulat at pagtugon sa bullying, karahasan at mga emergency.
Iminungkahi rin ni Pang. Marcos na pag-aralan ang karanasan ng ibang bansa sa regulasyon sa paggamit ng social media ng mga kabataan.
Samantala, iniulat na 55,375 persons deprived of liberty (PDLs) ang napalaya mula Enero hanggang Setyembre 2026 sa pamamagitan ng mga serbisyong paralegal.
Tinalakay rin sa pulong ang pagpapalakas ng police visibility, pagpapabilis ng emergency response at pagpapahusay sa mga hakbang laban sa krimen upang maprotektahan ang mga komunidad at mapanatili ang kaayusan sa bansa.
( DARIS JOSE)