Gobyerno, patuloy na isinusulong ang mga hakbang para matugunan ang kakapusan ng mga nars sa bansa
- Published on October 20, 2026
- by Francis Paolo Torres
PATULOY na isinusulong ng pamahalaan ang mga hakbang upang matugunan ang kakulangan ng mga nars sa bansa, mapabuti ang kanilang kalagayan sa trabaho, at mabigyan ng mas maraming pagkakataon ang mga Pilipinong nais pumasok at umunlad sa propesyon ng nursing.
Sa Philippine Nurses Association (PNA) National Annual Convention 2026, na dinaluhan ng tinatayang 2,500 nurses at iba pang healthcare professionals bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-104 na anibersaryo ng PNA at ika-69 na Nurses’ Week, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga hakbang ng pamahalaan upang mapalawak ang oportunidad para sa mga nurse at mas maraming Pilipino ang mahikayat na pumasok sa propesyon.
Kabilang dito ang pagtaas ng alokasyon para sa Health Emergency Allowance mula ₱6.8 bilyon noong 2022 na umabot sa ₱110.11 bilyon ngayong 2026, at ang Clinical Care Associates Program na nagbibigay ng pagkakataon sa mga nursing graduate na makapagtrabaho sa mga ospital habang naghahanda para sa licensure examination. Pinalawak din ang pagkakataong makapag-aral ng nursing matapos alisin ang moratorium sa pagbubukas ng mga bagong Bachelor of Science in Nursing program noong 2022.
Mula 354 noong Hulyo 2022, umabot sa 425 ang mga paaralang nag-aalok ng programang ito noong Hunyo 2026.
Samantala, kasalukuyang sinusubukan sa piling paaralan ang isang taong master’s degree program na naglalayong makapagsanay ng mas maraming nursing instructor.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, layunin ng pamahalaan na mas maraming Pilipino ang magkaroon ng pagkakataong maging nurse, mas maraming nurse ang makapaglingkod sa mga ospital, at higit na mapabuti ang kanilang kalagayan habang patuloy silang nangangalaga sa kalusugan ng bawat Pilipino. (DARIS JOSE)