• October 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 6th, 2026

DBM, tiniyak sa mga guro na ‘no unnecessary delays’ sa paglalabas ng 2024 performance bonus

Posted on: October 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINIYAK ng Department of Budget and Management (DBM) sa mga public school teachers na walang pagkaantala sa paglalabas ng kanilang performance-based bonus (PBB) para sa fiscal year 2024.

Sa katunayan, minamadali na ng departamento ang proseso ng nasabing insentibo.

Ayon sa DBM, hinihintay lamang nito ang receipt ng report ng Department of Education’s (DepEd) ukol sa ranking ng mga officers o delivery units, na tumutukoy sa mga opisyal at empleyado na karapat-dapat para sa FY 2024 PBB.

“Upon receipt of DepEd’s complete and accurate submission, the DBM will immediately review and process the necessary Special Allotment Release Order and Notice of Cash Allocation, consistent with applicable rules and procedures,” ang sinabi ng DBM sa isang kalatas.

“We assure our beloved teachers that there will be no unnecessary delay on the part of the DBM,”ayon pa rin sa DBM.

Matatandaang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na matatanggap na ngayong taon ng mga kuwalipikadong kawani ng gobyerno ang kanilang 2024 Performance-Based Bonus (PBB) matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalabas nito.

Sa katunayan, sisimulan na ang pagproseso ng bonus at maaaring mas maagang maipamahagi ito sa ilang ahensiya depende sa bilis ng kanilang proseso.

Sinabi rin ni Castro na nakalaan na ang pondo para rito sa 2026 General Appropriations Act (GAA).

Para maging kwalipikado sa PBB, kailangang makakuha ang isang ahensiya ng hindi bababa sa 70 puntos sa performance assessment.

Inaasahang maglalabas ng hiwalay na guidelines ang mga kinauukulang ahensiya para sa implementasyon at pagpapalabas ng bonus sa mga kwalipikadong empleyado. 

( DARIS JOSE)

PBBM, nagbigay-pugay sa mahalagang papel ng mga guro

Posted on: October 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKIISA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagdiriwang ng National Teachers’ Day nitong Lunes bilang pagkilala sa mga sakripisyo at mahalagang papel na ginagampanan ng mga guro, lalo na sa paghubog sa kinabukasan ng bansa.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Pangulong Marcos na nasa puso ng bawat silid-aralan ang mga guro na gumagabay sa mga kabataang Pilipino sa kanilang pag-aaral, pagtuklas sa sariling kakayahan, at pagtupad sa kanilang mga pangarap.

“Bawat silid-aralan ay naglalaman ng pangako para sa kinabukasan ng ating bansa. Dito natututo ang mga kabataan na magtanong, tumuklas, at mangarap sa mga bagay na maaari nilang makamit balang-araw,” pahayag ng Pangulo.

“Sa puso ng marangal na misyong ito ay ang ating mga guro, na may tungkuling paunlarin ang kakayahan ng ating mga mamamayan at gabayan sila tungo sa mas maraming oportunidad sa buhay,” dagdag pa ng Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Marcos na hindi lamang nagtatapos sa mga araling itinuturo ng mga guro ang kanilang impluwensiya kundi sa kanilang pagtulong sa pagtuklas at paglinang ng mga bata ng kanilang kakayahan at paghubog ng uri ng lipunang nais itatag ng bansa.

Kinilala rin ng Pangulo ang mga sakripisyong kaakibat ng pagiging guro at nanawagan ng patuloy na pagsisikap upang matiyak na may maayos na kapaligiran ang mga guro sa pagtupad sa kanilang tungkulin at may kumpiyansa at pag-asa ang mga mag-aaral sa paghahanap ng kaalaman.

“Sa okasyong ito, kinikilala natin ang mga sakripisyong kaakibat ng propesyong ito at pinagtitibay ang ating responsibilidad na pahalagahan at itaguyod ang mga taong bahagi ng ating buhay,” ayon pa sa Pangulo.

Hinimok din ni Pangulong Marcos ang mga guro na patuloy na hubugin ang mga Pilipino para maging mas “mapanuri sa pag-iisip, may paninindigan sa pagkilos, at isinasaalang-alang ang kapakanan ng nakararami.

Tiniyak ng Pangulo na kaagapay ng mga guro ang kanyang administrasyon sa pagtugon sa nagbabagong pangangailangan sa edukasyon at sa paghahanda ng mga paaralan sa mga hamong kinakaharap ng susunod na henerasyon.

“Makatitiyak kayo na kasama ninyo ang pamahalaang ito sa paghubog ng Bagong Pilipinas kung saan binibigyan ang bawat guro ng kakayahang maging bukal ng pag-asa at lakas para sa ating mga anak at sa ating bansa,” aniya pa rin sabay sabing “Sa lahat ng ating mga guro, nawa’y manatiling pinakamahalagang pamana sa sambayanang Pilipino ang mga buhay na inyong nahuhubog.” ( DARIS JOSE)

ISKO SA NCAP 2.0; WALANG PALUSOT, TEKNOLOHIYA NA ANG HUHULI

Posted on: October 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BINIGYAN-DIIN ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso na tapos na ang panahon ng pakiusap at palusot sa muling pagpapatupad ng mas pinaigting na No Contact Apprehension Program o NCAP 2.0 sa lungsod dahil teknolohiya na ang huhuli.

Sa kanyang unang termino sinabi ni Domagoso na subok na ang NCAP kung saan nahuli ang daan-dang motorista.

Sa NCAP 2.0 ngayon , mas malinaw at mas matalas, gagamit ng high-resolution cameras na kayang kumuha ng bawat paglabag.

Bawat kuha ay dadaan muna sa validation ng awtorisadong NCAP personnel bago padalhan ng Notice of Violation ang motorista.

Ang multa na sinumang may paglabag ay nakabatay sa Metro Manila Traffic Code of 2023.

Pinaalalahanan din ang mga motorista na maaaring maghain ng online protest sa NCAP portal kung may reklamo , puwedeng bayaran online o personal sa city hall kung saan nangyari ang violation.

Babala ng alkalde , huwag balewalain ang notice sa bahay, dahil lalaki lang ang penalty kapag hindi agad inaksyunan.

At higit sa lahat, pantay-pantay aniya ang batas — mayaman, middle class, mahirap, o kahit opisyal at empleyado ng gobyerno. Kapag lumabag, titiketan.

Wala nang areglo sa kanto, wala nang tawag sa kakilala. Kamera na ang kalaban ng mga pasaway.

Kaya panawagan ni Isko, lalo na sa mga kawani ng gobyerno: Sumunod at maging ehemplo sa kalsada . (Gene Adsuara)

Sa pagdiriwang ng 2026 National Teachers’ Day…PBBM, tiniyak ang dagdag na allowance at iba pang benepisyo para sa mga guro

Posted on: October 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na pag-iibayuhin ng pamahalaan ang pagbibigay ng suporta, allowance at iba pang benepisyo para sa mga gurong Pilipino.

Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng 2026 National Teachers’ Day na “Teacher, Ikaw Naman” sa Smart Araneta Coliseum, sinabi ng Pangulo na patuloy na naghahanap ng mga paraan ang administrasyon para mapabuti ang kalagayan ng mga guro.

“At hindi tayo titigil doon. Patuloy nating hahanapan ng paraan kung paano pa mapabubuti ang suporta, benepisyo, at mga oportunidad para sa ating mga guro,” ang bahagi ng pahayag ni Pangulong Marcos.

Katunayan, sinabi ng Pangulo na pinalawak ng pamahalaan ang oportunidad sa career advancement at aabot na sa 82,105 guro at school heads ang na-promote sa ilalim ng Expanded Career Progression System hanggang nitong Setyembre kabilang ang 4,125 education personnel sa Region II.

“At dahil ang pagsuporta sa ating mga guro ay nangangahulugan ng pamumuhunan sa kanilang pag-unlad, pinalawak natin ang mga oportunidad para sa pag-unlad ng kanilang karera,” dagdag pa ng Pangulo.

Sinabi ng Pangulo na kabilang din sa mga hakbang ng pamahalaan ang pagpapabuti ng pagbibigay ng allowance at iba pang benepisyo gayundin ang insentibo bilang pagkilala sa kanilang serbisyo.

“Kabilang dito ang World Teachers’ Day Incentive Benefit na matatanggap ninyo sa tuwing ika-lima ng Oktubre,” ayon kay Pangulong Marcos.

Patuloy din ang proseso para sa 2024 Performance-Based Bonus upang mas mabilis itong maibigay sa mga kwalipikadong guro.

“Patuloy din natin gagampanan ang tungkuling pangalagaan ang mga karapatan, kapakanan, at patuloy na pag-unlad ng ating mga guro,” ani Pangulong Marcos.

Dumalo sa pagdiriwang ang libo-libong guro mula sa iba’t ibang rehiyon at lalawigan, kasama ang mga alkalde sa Metro Manila, House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at DepEd Secretary Juan Edgardo J. Angara Jr. 

( DARIS JOSE)