• October 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 1st, 2026

15 anyos na nagbuwis buhay para iligtas ang mga kaklase sa pamamaril…Fabian, ginawaran ng posthumous Gold Gallantry and Heroism Award, mga mambabatas nagbigay pugay

Posted on: October 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGBIGAY pugay ang mga mambabatas sa isang 15 anyos na estudyante na nagbuwis ng buhay para mailigtas ang kanyang mga kaklase sa pamamaril na naganap sa Tacloban City noong June 22.

Sa ipinasang House Resolution No. 1176, pinarangalan si Scout Chris Lorenz Tanglao Fabian na nagbuwis ng kanyang buhay upang iligtas ang kanyang mga kaklase sa nagaganap na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Napatay si Fabian habang tinatangka nitong isara ang pinto ng kanilang silid aralan kung saan nakatakas ang kanyang mga kaklase.

Tatlong estudyante ang napatay samantalang lima naman ang nasugatan sa naganap na pamamaril na kinasangkutan ng dalawang menor de edad na kalaunan ay nadakip ng mga rumespondeng pulis sa tulong ng ilang residente sa lugar.

“In the midst of a dangerous situation, Chris thought of his classmates’ safety. He was young, but his courage and love for others were great. Through this resolution, the entire House honors his life and sacrifice,” pahayag ni Tingog partylist Rep. Jude Acidre, isa sa lumagda sa House Resolution No. 1176.

“No honor can replace the life of a child. To Chris’s family, we stand with you in your grief. We will not forget his courage, his kindness, and his love for his classmates,” dagdag ng kongresista.

Nauna dito, nagbigay pugay ang Boy Scouts of the Philippines kay Fabian na ginawaran ng posthumous Gold Gallantry and Heroism Award. Samantala, idineklara si Fabian bilang “Young Hero” ng Tacloban City government noong August 13. 

(VINA de GUZMAN)

 POSIBLENG ELECTORAL SABOTAGE SA MALUSO BASILAN, INIIMBESTIGAHAN NG COMELEC

Posted on: October 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINISILIP ng Commission on Elections (COMELEC) ang posibleng electoral sabotage sa Maluso, Basilan matapos mabuking ang pre-shading at pag-tamper sa mga balota para sa BARMM parliamentary elections.

Aabot sa 36 na presinto ang apektado, na may kabuuang 16,543 balota ang sangkot sa insidente.

Dahil dito, agad na pinahinto ng COMELEC ang distribusyon ng mga apektadong balota at nagpa-reprint ng bago para maipagpatuloy ang halalan.

Gayunman, hindi doon natapos ang aksyon ng komisyon matapos nagalabas ng subpoena ang COMELEC laban sa ilang opisyal — kabilang ang Provincial Election Supervisor, Election Officer ng Maluso, Municipal Treasurer at Mayor — para magpaliwanag sa insidente.

Nilinaw ni COMELEC Chairman George Garcia na hindi nangangahulugang guilty na ang mga pinatawag. Kailangan aniyang makuha ang kanilang panig para makumpleto ang imbestigasyon.

Babala ni Garcia, kung mapatutunayang sinadya ang pag-tamper at mahigit 10,000 boto ang sangkot, maaari itong ituring na electoral sabotage — isang mabigat na election offense.

Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng COMELEC para matukoy kung sino ang nasa likod at kung sino ang dapat managot. (Gene Adsuara)

BI, INARESTO ANG AMERIKANONG SANGKOT UMANO SA RACIST NA GULO SA ISANG MALL SA ANGELES

Posted on: October 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANGELES CITY, Pampanga – Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Amerikanong nationals sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga, dahil sa umano’y undesirability at paglabag sa mga batas sa imigrasyon ng Pilipinas kasunod ng isang iniulat na gulo sa isang mall.

Iniulat ni BI Intelligence Division Chief Fortunato S. Manahan Jr. kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang pagkakaaresto kay Patrick Ndukwuegbulam Obison, na kilala rin bilang Dr. Patrick Ndukwuegbulam Obison, 69, base sa Mission Order No. 2026-341 na inilabas noong Setyembre 24.

Nagsimula ang kaso matapos ang isang iniulat na komprontasyon sa isang mall kung saan umano’y nagpakita ang dayuhan ng mapang-abuso, racist at mapanirang asal laban sa mga Pilipino.

Ayon sa ulat, hinarass umano niya ang isang Pilipino at tinawag na animal ang isang lokal na babae sa harap ng publiko.

Nahaharap ang dayuhan sa deportation proceedings dahil sa pagiging undesirability batay sa alegasyong nilait o hinamak niya ang mga Pilipino at nagsagawa ng pampublikong mapang-abuso, racist at mapanirang pag-uugali na umano’y nakasasama sa interes, kaligtasan at kaayusan ng publiko.

Mayroon din siyang kinakaharap na immigration charges dahil umano sa panggugulo sa isang commercial establishment, pag-abala sa public peace, at pangha-harass sa mga lokal na mamamayan.

Natuklasan din ng BI na lumabag din siya sa paglabag sa Section 5 ng Republic Act No. 562 o Alien Registration Act of 1950.

Matapos ang pagkakaaresto, dinala ang dayuhan sa BI Warden’s Facility sa Bicutan, Taguig City , kung saan mananatili siya habang hinihintay ang resolusyon ng kanyang deportation proceedings.

 (Gene Adsuara)

MALABON LGU, NAGTURN-OVER NG 30 RADIOPHONES SA CITY POLICE

Posted on: October 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINANGUNAHAN ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang seremonya ng pagturn-over ng 30 Push-to-Talk over Cellular (POC) radiophone sa Malabon City Police Station (MCPS) bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lungsod na palakasin ang komunikasyon, koordinasyon, at mga operasyon sa pagtugon sa emergency.

Layon nito na bigyan ang mga tauhan ng pulisya ng karagdagang kagamitan sa komunikasyon na magpapadali sa mas mabilis na koordinasyon at mas mahusay na pagbabahagi ng impormasyon sa panahon ng mga operasyon ng pulisya, mga emergency, at iba pang sitwasyong nangangailangan ng agarang pagtugon.

“Napakahalaga ng mabilis at maayos na komunikasyon sa pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad ng ating mga Malabueño. Sa pamamagitan ng mga radiophone na ito, mas mapapadali ang koordinasyon ng ating kapulisan at mas mapapabilis ang kanilang pagtugon sa mga insidente. Mahalaga na masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga kababayan,” ani Mayor Sandoval.

Binigyang-diin niya na ang pagbibigay ng angkop na kagamitan sa mga frontline personnel ay bahagi ng patuloy na suporta ng pamahalaang lungsod para sa mga nakaatang tungkuling panatilihin ang kapayapaan at kaayusan, pati na ang pagtugon sa mga emergency sa buong Malabon.

Ang 30 POC radiophone ay gagamitin ng mga tauhan ng pulisya upang mapadali ang komunikasyon at koordinasyon sa field nang real-time. Inaasahang makatutulong ang mga aparatong ito sa mas mahusay na paghahatid ng mahahalagang impormasyon, koordinasyon ng mga operasyon, at pagpapakilos sa mga angkop na tumutugon kung kinakailangan.

Dumalo sa turnover ceremony sina Councilor Leslie Yambao, City Administrator Dr. Alexander T. Rosete, Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission, PSSg. Renz Joseph Pamplona, PLt. Jairus Montero, at ang Officer-in-Charge ng Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na si G. Roderick Tongol.

Sinabi ni Dr. Rosete na ang pagpapalakas sa kakayahan sa komunikasyon ng mga frontline personnel ay makatutulong upang mapabilis ang paghahatid ng mahahalagang impormasyon at ang pagpapakilos sa mga angkop na tumutugon.

“Patuloy nating susuportahan ang ating mga kapulisan at iba pang frontliners upang magkaroon sila ng mga kagamitan na makatutulong sa kanilang araw-araw na serbisyo. Ang bawat hakbang na ginagawa natin ay nakatuon sa mas ligtas at mas maayos na Malabon,” ani Rosete.

Muling tiniyak ni Mayor Sandoval na patuloy na magbibigay ng suporta at mga kagamitan ang pamahalaang lungsod upang mapalakas ang kakayahan ng mga frontline personnel sa paghahatid ng mabilis at epektibong serbisyo sa mga mamamayan ng Malabon. (Richard Mesa)

DOTr SEC. LOPEZ AT CANADIAN AMBASSADOR, TINALAKAY ANG PH TRANSPORT INITIATIVES

Posted on: October 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKIPAGPULONG si Transportation Secretary Banoy Lopez noong Lunes kay Canadian Ambassador to the Philippines, His Excellency David Hartman, upang talakayin ang mga inisyatibo ng Department of Transportation at malalaking proyekto sa imprastraktura ng transportasyon na magpapagaan sa pang-araw-araw na pag-biyahe ng mga Pilipino.

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DOTr na makipagtulungan at palawakin ang pakikipagsosyo sa ibang mga bansa upang mapaunlad at gawing moderno ang mga sistema ng transportasyon ng Pilipinas.

Binanggit ni Sec. Lopez ang pag-unlad ng mga pangunahing proyekto sa imprastraktura ng transportasyon sa sektor ng riles, aviation, kalsada, at maritime sectors, at sinabing ang pag-unlad ng sistema ng transportasyon ng Pilipinas ay titiyak sa pagpapanatili ng mobilidad at konektibidad ng bansa.

“International partnerships with developed countries play a crucial role in upgrading our transportation networks, which we know will result in enhanced connectivity and promote sustainability. With our long-standing partnership with Canada, we’re confident that they can help us develop our transport system for the benefit of the Filipinos,” sabi ni Secretary Lopez.

Sa kanyang bahagi, tiniyak ni Canadian Ambassador Hartman kay Secretary Lopez na ilalaan ng Canada ang tulong nito sa pagpapalakas ng sistema ng transportasyon ng Pilipinas, partikular sa sektor ng maritima at sa Philippine Coast Guard (PCG).

“We particularly support the DOTr and your mandate from a marine perspective with maritime domain awareness—coastal illegal fishing monitoring, port modernization—so there’s a lot of work to be done collaborately from an inter-agency perspective and again most importantly around disaster resilience,” sabi ni Canadian Ambassador Hartman. (PAUL JOHN REYES)

SMEs may P60 wage subsidy sa gobyerno

Posted on: October 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NILINAW ng Malakanyang na magbibigay ang gobyerno ng P60 kada araw na wage subsidy sa mga small and medium enterprises (SMEs) na hirap ipatupad ang bagong minimum wage increase.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, na nakatakdang maglunsad ng Sagip Trabaho Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Layon ng nasabing programa na maiwasan ang tanggalan ng empleyado at pagsasara ng maliliit na negosyo. Tatagal ang ayuda ng tatlong buwan, saklaw ng Oktubre, Nobyembre at Disyembre.

Kailangan lamang na magsumite ang mga negosyo ng Department of Trade and industry (DTI) certificates, financial records, at listahan ng mga empleyado sa online portal o DOLE regional offices para maging kwalipikado. Habang maglalabas naman ang DOLE ng kabuuang guidelines para sa naturang programa ngayong linggo.

Ang hakbang ng Palasyo ay kasunod ng P60 daily minimum wage increase sa National Capital Region (NCR) sa P755 para sa non-agricultural workers at P718 sa agricultural at small retail establishments, na tinatayang makikinabang ang 1.1 milyong manggagawa.

Ads October 1, 2026

Posted on: October 1st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments