• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2026

Valenzuela, inilunsad ang PANATAG Mental Health Program sa mga estudyante sa ValTech

Posted on: September 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INILUNSAD ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pangunguna ni Mayor WES Gatchalian ang kauna-unahang on-campus mental health initiative, ang “PANATAG Mental Health Program,” sa Valenzuela Technological College na layong itaguyod ang mental health at wellness ng mga kabataan sa pamamagitan ng paggawa ng mga serbisyong magagamit at naa-access sa lahat.

Sa pakikipagtulungan sa Mindscapes ng PhilCare, ang PANATAG Mental Health Program ay magsisilbing isang “one-stop shop” para sa lahat ng uri ng mental health at wellness services, na nakatuon sa mas madaling karanasan ng customer sa pamamagitan ng malalim na pag-unawa sa mental well-being ng bawat kliyente at nag-aalok ng mga serbisyo para higit pang matulungan ang kanilang mga pangangailangan.

Tinitiyak din ng programa ang data at privacy ng bawat kliyente sa buong proseso. Ilan sa mga serbisyo sa ilalim ng PANATAG Mental Health Program ay ang psychological consultations, nutritionist consultations, social worker consultations, MindCheck, at isang 24/7 MS Chat at Helpline Support. 

Upang ma-access ang mental health services sa ilalim ng programa, ang mga mag-aaral ay kinakailangang magparehistro gamit ang mga email address na ibinigay ng Mindscapes. Ang pagpaparehistrong ito ay magbibigay-daan sa kanila na ma-access ang mga magagamit na serbisyo at matiyak na ang kanilang paggamit ng programa ay maayos na pinadali at secure.

Sa ilalim ng komprehensibong programa sa mental health, ang pagtatatag ng PANATAG Mental Health Hubs sa PLV at ValTech campus ay magsisilbing accessible at dedikadong espasyo para sa pamamahala ng mga alalahanin ng mga mag-aaral na naghahanap ng mental health support sa loob ng kanilang school environment.

Maaaring maabot ng mga kliyente ang isang taong handang makinig, magbigay ng mental health assistance, at mag-navigate sa kanilang sitwasyon gamit ang isang propesyonal na diskarte. Layon nitong lumikha ng isang bukas, mainit, at matulungin na kapaligiran sa bawat kampus kung saan ang mga mag-aaral ay maaaring humingi ng tulong nang hindi natatakot sa hatol para matugunan ang kanilang mga alalahanin na may naaangkop na mga interbensyon.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor WES ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mental health program sa loob ng mga kampus. “Hindi natin maibabalik ang mga buhay na nawala. Pero maaari nating tiyakin na sa susunod na kabataang magsasabing, “Hindi na ako okay,” may makikinig. May tutulong. May masasandalan. Kaya naman, hindi sapat na sabihin nating: “Nandito kami para sa inyo.” Kailangan nating tiyaking may tunay silang malalapitan. Kaya sa Valenzuela City, inilunsad natin ang kauna-unahang LGU-supported, school-based mental health program sa Pilipinas, na sisimulan natin sa Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela at ValTech.” aniya. (Richard Mesa)

6 drug personalities, nadakma sa pot-session sa Valenzuela

Posted on: September 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KALABOSO ang anim na hinihinalang drug personalities nang maaktuhang gumagamit umano ng droga sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento nang maaktuhan nila si alyas “Julius”, 40, na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng isang barong-barong sa Angeles St., Brgy., Gen T De Leon alas-1:05 ng madaling araw.

Nilapitan siya nina Pat Dominic Dela Cruz at Pat Juluis Cesar Demition sabay nagpakilala bilang mga pulis na nakatalaga sa Police Sub-Station 2 bago inaresto.

Nauna rito, alas-6 ng gabi nang maaktuhan naman ng mga rumespondeng sina PSSg Andrae Flavin at PCpl Marion Manalad, kapwa ng Sub-Station 6 ang construction worker na si alyas ‘Renato”, 43, na sumisinghot din umano ng shabu sa loob ng isang abandonadong bahay sa isang bakanteng lote sa Acacia St., Brgy., Lingunan.

Naaresto rin nina PCpl Inglis Balagtas at PCpl John Melo De Paz, kapwa ng Police Sub-Station 3 si alyas “Robin’, 35, habang sumisinghot din umano ng droga sa loob ng isang abandonadong Pumping Station sa Encarnacion St., Brgy., Marulas pasado alas-8:30 ng gabi.

Huli rin sa akto nina Pat San Pedro at Pat Labawan, kapwa ng Police Sub-Station 4 ang 39-anyos na delivery rider na si alyas “Ian” habang humihithit din umano ng droga sa harap ng isang bahay sa Pinagpala St., Area 3, Sitio Pinalagad, Brgy., Malinta dakong alas-5:00 ng hapon.

Samantala, alas-10:50 ng gabi nang maaresto naman nina Pat Verano at Pat Caballero, kapwa ng Police Sub-Station 8 sina alyas “Gary”, 46, factory worker at alyas Alex, 32, na bumabatak din umano ng shabu sa Madisto St., Brgy., Mapulang Lupa.

Nasamsam sa mga suspek ang tig-isang nakabukas na plastic sachet na may laman ng bahid ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalias.

Sinampahan na ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

PDEA AT MGA KATUWANG NA AHENSYA NAKAKUMPISKA NG ₱1.02-B HALAGA NG ILLEGAL NA DROGA SA BUONG BUWAN NG AGOSTO

Posted on: September 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKAKUMPISKA ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP) at iba pang mga katuwang sa pagpapatupad ng batas, ng humigit-kumulang ₱1.02-B halaga ng iligal na droga at nakahuli ng 4,381 na personalidad sa droga sa buong bansa sa buong Agosto 2026.

Mula Agosto 1 hanggang 31, 2026, ang PDEA at ang mga katuwang na ahensya nito ay nagsagawa ng 3,535 na operasyon na humantong sa pagbuwag ng 52 drug den at pag-aresto sa mga indibidwal na sangkot sa iba’t ibang ilegal na aktibidad ng droga.

Kabilang sa mga nakumpiskang mapanganib na droga ay:

o 91.04 kg ng shabu

o 0.28 grams cocaine

o 3,870 pcs ng ecstasy

o 124.27 kgs. dried marijuana leaves at bricks

Kabilang sa mga naaresto ang mga indibidwal na kinilala bilang mga high-value at target-listed na personalidad, kabilang ang:

o 173 High-Value Targets (HVTs) ang naaresto sa mga High Impact Operations (HIO)

o 18 iba pang HVT

o 49 na tagapangalaga ng drug den

o 3 empleyado ng gobyerno

o Mga personalidad na nakalista sa target sa rehiyon at bansa, mga indibidwal na wanted, at mga personalidad na may kaugnayan sa mga rebelde

Ang mga nagawang ito ay nagpapakita ng patuloy na pagtutok ng PDEA sa mga priority personality at mga drug distribution networks, habang pinapalakas ang koordinasyon sa mga partner agency upang maiwasan ang pagkalat ng mga iligal na droga sa mga komunidad.

Sinabi ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez na mananatiling nakatutok ang ahensya sa pagtugis sa mga indibidwal at grupong sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga at sa pagpapalakas ng joint enforcement efforts.

“Every successful operation means one less opportunity for dangerous drugs to reach our communities. We will continue to work with our law enforcement partners to pursue priority targets, dismantle drug networks, and protect the Filipino people. This is our shared commitment to a safer, more secure, and drug-free Bagong Pilipinas,” sabi ni DG Nerez.

Nananawagan din ang PDEA sa publiko na manatiling mapagbantay at mag-ulat ng impormasyon tungkol sa mga aktibidad ng ilegal na droga sa pamamagitan ng PDEA Hotlines sa 0995-354-7020 at 0931-027-8212, o sa pamamagitan ng mga social media channel nito, kabilang ang PDEA Facebook page, “Isumbong Mo sa PDEA”. (PAUL JOHN REYES)

DepEd nagpasaklolo na sa DICT, DILG

Posted on: September 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HUMINGI ng tulong ang Department of Education (DepEd) at sa iba pang ahensiya ng gobyerno upang siyasatin ang umano’y “true crime community” na kinaaniban ng suspek sa pamamaril sa Banga National High School, South Cotabato.

Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, makikipag-ugnayan ang kagawaran sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para masuri ang posibleng impluwensiya ng naturang online community sa insidente.

Aminado si Angara na hindi handa ang DepEd sa ganitong uri ng insidente dahil nakatuon ang ahensiya sa akademikong performance ng mga mag-aaral.

Kaya’t pinag-aaralan na ngayon ang mas mahigpit na security measures, kabilang ang pamamahagi ng metal detectors at pag-hire ng mas maraming school counselor associates para sa mental health support ng mga estudyante.

Kinondena ng DepEd ang pamamaril at nagpaabot ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima at sa buong komunidad ng paaralan

Proposed 2027 budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT), hinarang ng Kamara

Posted on: September 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINAGPALIBAN muna ng Kamara ang proposed 2027 budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT) dahil sa tila kawalan nito ng kakayahan na tugunan ang problema sa online scams ng social media platforms.

“Kaya nga sinususpinde ’yung deliberation ng kanilang budget kasi nakukulangan ng tapang, nakukulangan ng ngipin. ’Yan ang pananaw ng karamihan ng ating mga mambabatas,” sinabi ni Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin sa isang pagpupulong.

Ayon kay Garin, hinahanap ng mga mambabatas mula sa DICT ang isang kongretong plano kung papaano tutugunan ang problema sa online scams at harmful online content sa mga social media platforms.

“Eh nakita mo nang nagpapatayan, nakita mo nang may mga kulto at recruitment na nangyayari, at ang isasagot natin is beyond our pay grade, beyond our capability. Mukhang hindi katanggap-tanggap ’yun. There’s always a whole-of-government approach, at diyan tayo nakukulangan,” sinabi ni Garin.

Aniya, nakahanda naman ang Kamara na suportahan ang DICT subalit kailangan nila ipakita kung ano ang plano nila laban sa online sexual abuse at exploitation of children, child sexual abuse materials, illegal gambling, cyberbullying, at social media addiction.

“Eh nakita mo nang nagpapatayan, nakita mo nang may mga kulto at recruitment na nangyayari, at ang isasagot natin is beyond our pay grade, beyond our capability. Mukhang hindi katanggap-tanggap ’yun. There’s always a whole-of-government approach, at diyan tayo nakukulangan,” sabi ni Garin. (VINA de GUZMAN)

Istasyon sa T3 ng MMSP nagkaroon ng groundbreaking

Posted on: September 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINANGUNAHAN ni President Ferdinand E. Marcos, Jr. ang groundbreaking ng itatayong istasyon sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ng Metro Manila Subway ng nakaraang linggo.

Ang nasabing istasyon ay kasama sa Contract Package 109 na gagamitin ang existing na NAIA expressway piers.

“Building a subway beneath a dense and highly developed city is no simple undertaking. That is why CP 109 will also introduce advanced engineering methods to the Philippines. Its tunnels will require the underpinning of existing expressway piers, the first application of this type of technology for tunnel construction in the country. Proven in Japan, this method will help ensure that construction can proceed safely beneath existing infrastructure while also maintaining structural integrity,” wika ni Marcos.

Inihayag niya na ang right-of-way ng nasabing terminal link ay 100 percent ng secured kung kaya’t ang pagtatayo ng nasabing istasyon sa NAIA T3 ay isang hakbang na may kasiguraduhan.

Ang istasyon sa NAIA T3 ay makapagbibigay din sa mga pasahero ng diretsong koneksyon sa mga malalaking paliparan sa bansa. Dagdag pa ni Marcos na ang ganitong pag-usad ng bansa ay nangagahulugan lamang na may tamang kooperasyon ang pamahalaan at pribadong sektor kasama na rin ang iba pang sektor na nagsusulong ng isang maunlad na bansa.

Sa ilalim ng CP 109, ang itatayong istasyon ay ilalagay sa NAIA T3 open parking lot na kadugtong sa NAIA Terminal 3 building sa tulong din ng New NAIA Infra Corporation.

Nakapaloob sa CP 109 ang pagtatayo na isang underground na istasyon at tunnels sa loob ng NAIA T3 Complex na may kabuohang route na 2.413 kilometro at magdudugtong sa lungsod ng Taguig at Pasay.

Inaasahang magkakaroon ang nasabing istasyon ng 70,000 na pasahero kada araw sa taong 2035 at madadagdagan pa ng 74,000 kada araw sa darating na 2045.

Nagbigay rin ng commitment si Marcos na magkakaron ng isang totoong programa upang maging makabago ang railway system ng bansa dahil gusto niya na mabigyan ang mga mamayan ng isang maganda at ligtas na transportasyon.

“This project, along with other railway projects that we are currently undertaking, such as the North-South Commuter Railway, the MRT Line 7, the Common Station and our other rail projects, form part of our broader effort to improve mobility and connectivity,” saad ni Marcos.

Ito ay binigyan ng JICA na may aprubadong pondo na nagkakahalaga ng P488.48 bilyon. May haba itong 33.103-km na inaasahang makababawas sa travel time mula Valenzuela at NAIA T3 na magiging 40 minuto na lamang mula sa dating 1 oras at 30 minuto na paglalakbay. LASACMAR

Gilas Women tinalo ang Kazakhstan 86-58

Posted on: September 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGING maganda ang simula ng Gilas Pilipinas Women sa kampanya nila sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.

Sa kanilang unang laro kasi ay tinalo nila ang Kazakhstan sa score na 86-58 sa laro na ginanap sa Aichi International Arena.

Umabot pa sa 39 points ang naging kalamang ng Gilas Womens kung saan hindi nila hinayaan na makalamang ang Kazakhstan.

Nanguna sa panalo ng Gilas Women si Elizabeth Means na nagtala ng 23 points at apat na rebounds.

Habang mayroong 11 points, walong assists at apat na rebounds si Stef Berberabe at tig walong puntos sina Jhaz Joson, Kent Pastrana at Janine Pontejos.

Mayroon ng isang panalo at walang talo ang Gilas Women sa Group B.

Makakaharap ng Gilas Women ang Hong Kong sa araw ng Linggo ng dakong alas-9 ng umaga oras sa Pilipinas.

Filipinas hindi pinaporma ang Hong Kong 2-0

Posted on: September 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI pinaporma ng Philippine women’s national football team ang Hong Kong 2-0 sa 2026 Asian Games sa Aichi-Nagoya , Japan.

Unang nakapagtala ng goal ay si Skye Lech sa loob ng 12 minuto.

Habang naipasok naman ni Mallie Ramirez ang ikalawang goal sa loob ng 63 minuto ng laro.

Pinilit ng Hong Kong na makapagtala ng goal subalit naging mahigpit ang depensa ng Filipinas.

Mayroon ng apat na puntos ang Filipinas kung saan sila na ang nasa pangalawang puwesto sa Group G.

Dahil dito ay mas malakas pa ang tsansa nila na makapasok sa knockout stage.

Susunod na makakaharap ng Filipinas ay ang 2022 Asian Games bronze medalist na China.

Hustisya at pagiging patas, magsilbing gabay sana sa pagboto para mahatulan si VP Sara

Posted on: September 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HUSTISYA at pagiging patas, magsilbing gabay sana sa pagboto ng senate impeachment court sa usapin ng botong kinakailangan para mahatulan si Vice President Sara Z. Duterte.

Ayon kay House Committee on Human Rights Chairperson Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., ang senado ang may awtoridad kung papaano ipapatupad ang constitutional requirement na “two-thirds of all the Members of the Senate” dala na rin sa isyu na ilang senator-judges ay walang partisipasyon o hindi maipatupad ang kanilang tungkulin sa impeachment trial.

“It is still up to the impeachment court to actually amend the rules, not to change it, but to amend it according to fairness and justice,” ani Abante.

Pinakinggan ng korte ang mga naging opinyon ng apat na dating mahistrado ng Supreme Court na inimbitahan bilang amici curiae o friends of the court.

Nagkaisa sina retired Chief Justices Hilario Davide Jr. , Artemio Panganiban, at Reynato Puno na ang bilang ng boto ay hindi naman kinakailangang nakapirmi sa 16 boto at maaaring magbago depende sa magiging bilangan ng mga senador.

Iba naman ang naging posisyon ni retired Associate Justice Adolfo Azcuna kung saan inihayag nito na ang lahat ng naka-upong senador ay nananatiling bahagi ng bilang at ang threshold ay permanente sa halip na pabago-bago.

Sinabi ni Abante na ang magkaka-ibang opinyon ay nagbigay ng importanteng gabay para sa senator-judges sa pagresolba sa isyu na hindi nakasaad sa konstitusyon ukol sa absolute number.

“Wala namang sinabing 16. Ang sinabi, two-thirds of all members,” pahayag ni Abante. “Gray area ’yung all members. Sino po sila? Ano po ba sila?”

Idinagdag pa ng mambabatas na dapat magabayan ang mga senator-judges mula sa kanilang narinig sa mga dating mahistrado.

“Naniniwala naman ako that the senator-judges have heard the four magistrates sa mga sinabi, and I believe that all of them, all of them, will be able to really make judgment on the basis of fairness, truth, and justice,” pahayag pa ni Abante.

Muling ring nanawagan si Abante kay Duterte na personal na sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.

“We want the truth to come out. We want accountability. We want transparency. We want fairness and justice in this impeachment court. And that is what the Filipino people want. Nais po ng taong-bayan na makita ang katotohanan tungkol dito,” pagtatapos ni Abante.

 (VINA de GUZMAN)

House Bill (HB) No. 9642, o kilalang “New Espionage Act,” pinagtibay ng mga mambabatas 

Posted on: September 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAGTIBAY ng mga mambabatas ang isang panukalang palawakin ang proteksiyon laban sa mga espiya, cyber-enabled spying, at iba pang banta sa national security ng bansa.

Sa botong 247 affirmative, 10 negative votes at zero abstentions, inaprubahan ng Kamara ang House Bill (HB) No. 9642, o kilalang “New Espionage Act,” kung saan binabago at dinadagdagan ang legal framework para protektahan ang anumang classified information, national defense assets at mga sensitibong government operations. 

Ayon sa mga may akda ng HB 9642, ang pag-eespiya sa kasalukuyan ay mas sopistikado katulad ng paggamit ng cyber networks, drones, financial channels at cyber attacks sa mga critical infrastructure ng gobyerno. 

Nabanggit sa nasabing panukala ang mga paraan na ipinagbabawal tulad ng unauthorized handling or disclosure of classified information, unauthorized access to plans or representations of critical infrastructure and defense facilities at di awtorisadong pagpasok sa mga national defense assets at critical infrastructure. 

Nagbigay katiyakan si House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos na ipagpapatuloy ng House of Representatives ang mga hakbang laban sa mga banta sa seguridad ng bansa.

Bukod kay Marcos, kabilang sa mga may akda ng HB 9642 ay sina Reps. Ysabel Maria J. Zamora ng San Juan City, Jurdin Jesus M. Romualdo ng Camiguin at Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas. 

(VINA de GUZMAN)