FORTY years na pala sa mundo ng showbiz ang veteran singer at OPM icon na si Richard Reynoso.
Bilang highlight at pagdiriwang sa apat na dekada niya sa entertainment world, si Richard ay magkakaroon ng anniversary concert na pinamagatang “RR40: Timeless Memories.”
Kabilang sa mga kantang pinasikat ni Richard noong 1990s ang “Hindi Ko Kaya,” “Paminsan-Minsan,” at “Maalala Mo Pa Rin,” kaya inaasahang maririnig itong muli sa kanyang concert.
Inusisa namin ang singer kung ano ang dapat asahan ng manonood dito sa kanyang special concert?
Tugon niya, “Asahan po nila ang isang gabi ng pagbalik-tanaw at pagpapasalamat sa aking 40 taon sa music at entertainment industry.”
Ano ang highlight ng concert at ano ang feeling na 40 years na pala siya sa showbiz industry?
Esplika ni Richard, “Sa palagay ko po, ang isa sa mga highlights ng gabi ay ang mga nakakatawang experiences ko at mga kantang bihira na nilang marinig o mapanood na kinakanta ko.”
“Parang isang dekada pa lang po ang lumipas. Hehehe,” pabirong wika ni Richard.
Aniya pa, “Thankful po ako siyempre dahil dalawang beses na po akong nagmuntik-muntikan na hindi na umabot sa 40 years. Ito po ay isang thanksgiving show para sa mga taong nakasama, nakasalamuha, sumoporta at patuloy na tumatangkilik at nagmamahal sa atin.”
Ano ang masasabi niyang most memorable part ng 40 years ng kanyang career sa showbiz?
“Napakarami pong maituturing na memorable sa 40 taon ko sa industriya. Hopefully ay mapapasadahan ko lahat iyan sa concert,” pakli pa ni Richard.
Magiging special guests ni Richard dito sina Chad Borja, Andrea Guttierez, VR Caballero, Aquila Packing, Jay-R Dizon, at Rannie Raymundo.
Hatid ng EchoJham Productions, ang “RR40: Timeless Memories” concert ay magaganap sa September 26, 2026, sa ganap na alas-7 ng gabi sa Teatrino Promenade Greenhills.
Para sa ticket inquiries at reservations, maaaring makipag-ugnayan sa TicketWorld o mag-text/call sa 0915-250-0308 (tel:0915-250-0308).