• November 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 27th, 2026

PBBM ikinatuwa ang pagtaas ng pandaigdigang impluwensya ng ASEAN- Malakanyang

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MALUGOD na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang pag-aaral na nagsasabing patuloy na lumalakas ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa larangan ng ekonomiya at estratehiya sa buong mundo.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nananatiling nakatuon ang Pangulo sa pagpapalakas ng regional integration at resilience habang patuloy na lumalawak ang impluwensya ng ASEAN. Ngayong taon, ang Pilipinas ang nagsisilbing ASEAN Chair sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos.

Tinanong si Castro tungkol sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), pangunahing socioeconomic policy think tank ng pamahalaan, na nagsabing lumalakas ang economic at strategic weight ng ASEAN na maaaring magpatibay sa posisyon nito bilang pandaigdigang kapangyarihan.

Ayon naman sa PIDS, dapat gamitin ng Pilipinas ang pagkakataon bilang ASEAN Chair upang isulong ang mga hakbang na magpapalakas sa regional integration.

“Magandang balita iyan. Tinatanggap ng Pangulo ang pagkilalang ito at mga natuklasan ng PIDS. At layunin ng ASEAN na hindi lamang mapanatili ang mga nakamit nito kundi lalo pang pabilisin ang paglago ng ekonomiya,” ani Castro.

Binigyang-diin ni Castro na patuloy na isusulong ng Pilipinas ang pagkakaisa at katatagan ng rehiyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos.

“Kaya bilang ASEAN Chair, patuloy na magsisikap ang Pilipinas na palakasin ang regional integration at katatagan, habang tinitiyak na mananatiling nagkakaisa at mahalagang bahagi ang ASEAN ng kapayapaan, katatagan at paglago ng ekonomiya sa rehiyon,” diin ni Castro.

Binigyang-diin din ni Castro ang kahalagahan ng pagkakaisa ng ASEAN sa pagsusulong ng kapayapaan, katatagan at paglago ng ekonomiya sa rehiyon.

Tungkol naman sa paghahanda para sa ASEAN Summit sa Nobyembre at pagdalo ng mga head of state, sinabi ni Castro na nagpapatuloy ang mga intergovernmental meeting at magbibigay ang pamahalaan ng karagdagang impormasyon at mga update sa publiko.

Gaganapin ang 49th ASEAN Summit and Related Meetings sa Metro Manila mula Nobyembre 13 hanggang 15, 2026, sa ilalim ng temang “Navigating Our Future, Together.” 

(DARIS JOSE)

Tuwing Setyembre kada taon …National Bullying Awareness and Prevention Month o House Bill No. 10134, aprubado na sa Kamara

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INAPRUBAHAN ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang magdedeklara tuwing Setyembre kada taon bilang National Bullying Awareness and Prevention Month o House Bill No. 10134 sa botong 245 pabor, zero negative votes, at no abstentions.

Sinabi ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III isinusulong ng panukala na palakasin ang public awareness ng bullying at imobolisa ang mga eskuwelahan, pamilya, komunidad at government institutions na magtulung-tulong para maiwasan ang anumang aksyon na makakasakit sa mga bata.

“Every child deserves to go to school feeling safe, respected, and accepted. Walang batang dapat matakot pumasok sa eskwela dahil sa pang-aapi, pananakot, o anumang uri ng bullying,” ani Speaker Dy. 

“Bullying is not something we should dismiss as a normal part of growing up. It can leave wounds that we may not immediately see, but which a child can carry for many years. Kaya mahalaga ang prevention, awareness, at maagang pagkilos.”

Sa ilalim ng HB 10134, ang Setyembre kada taon ay idedeklarang National Bullying Awareness and Prevention Month upang mapalawak at mapalakas ang public awareness ukol sa bullying prevention at importansiya ng proteksyon sa mga bata at kabataan laban sa pang-aabuso, kalupitan, eksploytasyon at iba pang iba pang nakakapinsalang kondisyon.

Nakapaloob pa sa panukala ang mandato sa Department of Education (DepEd), kasama ang National Youth Commission (NYC) at Council for the Welfare of Children (CWC), na magprepara at magpatupad ng taunang programa ng mga aktibidad na gagawin.

Ang DepEd din ang mangangasiwa sa awareness-raising activities on bullying prevention, at prevention ng iba pang uri ng pang-aabuso, kalupitan at ekspolytasyon laban sa mga bata, sa lahat ng public at private elementary at high schools sa buong bansa.

Habang ang Philippine Information Agency (PIA), kasama ang DepEd, NYC at CWC ang magsisiguro sa epektibong pagpapakalat ng impormasyon ukol sa batas.

Sinabi pa ng speaker na “ang laban kontra bullying ay responsibilidad nating lahat—ng mga guro, magulang, paaralan, pamahalaan, at ng mismong mga kabataan. We need to teach our children not only to stand up for themselves, but also to stand up for others who may be afraid to speak.”

(VINA de GUZMAN)

Gobyerno, pinakilos ang hospital network sa gitna ng pagsirit ng kaso ng leptospirosis

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAGANA ng gobyerno ang network ng mga ospital at ginawang aktibo ang coordinated referral system para mapigilan ang pagtaas ng bilang ng mga pasyente na mayroong leptospirosis mula sa nag-uumpaw na bilang sa mga health facilities.

Ang pahayag na ito ng Malakanyang ay tugon sa napaulat na matinding presyur sa kanilang emergency rooms kasunod ng malawakang pagbaha. Sinasabing dumagsa ang mga pasyente sa San Lazaro Hospital at Ospital ng Maynila sabay anunsyo na umabot na sa ‘full capacity’ ang emergency room.

Habang iniulat naman ng National Kidney Transplant Institute na umabot na ito sa full bed capacity sanhi ng pagsirit ng leptospirosis cases.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na makipag-ugnayan ang mga ospital at i-redistribute ang mga pasyente sa halip na payagan ang overcrowding sa individual facilities dahilan ng pagkaantala ng paggagamot.

“Totoo po iyan, at iyan din po ang nais ng Pangulo kaya po tumugon agad ang DOH,” ayon kay Castro.

Tinukoy ang Department of Health (DOH), sinabi ni Castro na may 33 DOH hospitals sa Metro Manila, Regions 1 (Ilocos Region), 2 (Cagayan Valley), 3 (Central Luzon) at Cordillera Administrative Region ang pinagana ang leptospirosis express lanes para sa mga pasyente na nangangailangan ng agarang assessment at posibleng hospitalization.

Ginagamit din ng gobyerno ang surge capacity management upang matiyak ang availability ng hospital beds at mga gamot para sa mga pasyente na kinakailangang i-admit.

“Acting Health Secretary Edwin Mercado has also convened a command conference involving DOH hospitals to strengthen coordination on patient navigation and referrals,” ayon kay Castro.

Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang DOH Operations Center sa San Lazaro Hospital para i-refer ang mga pasyente sa ibang ospital sa Metro Manila.

Winika ni Castro na “all DOH hospitals, health centers and PhilHealth YAKAP clinics are also ready to receive patients seeking consultation after exposure to floodwaters.”

Aniya pa, ang karagdagang updates ay ipalalabas sa karagdagang ospital na gagamitin habang patuloy na naka-monitor ang gobyerno sa pagsirit ng leptospirosis. 

( DARIS JOSE)

Mga isyu kay Manila Rep. Bienvenido “Benny” M. Abante Jr ukol sa flood control scam , ‘pandemic of lies’

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINONDENA ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” M. Abante Jr. ang aniya’y “pandemic of lies” online sa pagpapakita ng mga video at mga ulat na inuugnay siya sa flood control scam.

“Hindi po ito totoo. Mali ito. Malinis ang aking konsensiya at malinis ang aking record. I have never been involved in any anomalous flood control project. I have never received kickbacks from these projects, and I have never benefited from any such transaction,” pahayag ni Abante.

Tinukoy ni Abante ang mga kumakalat na video at ulat na nagpapakita umano ng kanyang kaugnayan sa mga anomalya sa flood control projects.

Sinabi ni Abante na bukas siya sa imbestigasyon upang malinis ang kanyang pangalan. “Wala po akong itinatago. My record is open to scrutiny.”

“Kaya ang panawagan ko sa media outlets, content creators, at social media pages: maging responsable tayo. Kung may pagkakamali ako, punahin ninyo ako. Kung may ginawa akong mali, ilabas ninyo ang ebidensya,” ani Abante. (VINA de GUZMAN)

Higit P5.9 milyong pekeng produktong pampalasa sa pagkain, nasamsam sa Valenzuela

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT sa P5.9 milyong halaga ng mga pekeng produktong pampalasa sa pagkain ang nasamsam ng mga awtoridad kasunod ng isinagawang pagsalakay sa isang bodega sa Valenzuela City, Martes ng umaga.

Dakong alas-10:30 ng umaga nang isagawa ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento, kasama ang mga kawani ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) at kinatawan ng kompanyang nagreklamo ng pamemeke sa kanilang produkto ang pagsalakay sa isang bodega sa Brgy. Gen. T. De Leon.

Tumambad sa mga awtoridad ang aabot sa 1,279 kahon ng hinihinalang pekeng produkto na may tinatayang halagang ₱5,949,200.00 na kalaunan ay isinuko na rin sa pulisya upang isailalim sa wastong proseso ng disposal o pagsira sa oras na mapatunayang peke lahat ang mga ito.

Ayon kay P/Maj. Randy Llanderal, Assistant Chief of Police for Operations na nanguna sa pagsalakay, inimbitahan nila ang dalawang Chinese national na nasa loob ng bodega upang alamin ang kanilang partisipasyon sa mga pekeng produkto at kung sino ang supplier nito.

Pinuri naman nina Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian at Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang mabilis na aksiyon ng kapulisan sa reklamo ng kompanyang gumagawa ng produkto habang isasailalim pa sa pagsusuri ang mga isinukong produkto upang alamin kung lahat ng ito ay palsipikado at nakakasama sa kalusugan ng tao.

Malalaman lamang ang mga kasong isasampa laban sa may-ari ng bodega at sa mga taong sangkot sa mga pekeng produkto sa oras na matapos na ang pagsusuri at imbestigasyon sa naturang kaso. (Richard Mesa)

ISKO, INIUTOS KAMPANYA LABAN SA LEPTOSPIROSIS SA MAYNILA

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINAG-UTOS ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang kampanya laban sa leptospirosis sa buong lungsod, kabilang ang pagpunta ng mga health worker sa bawat bahay at komunidad upang aktibong hanapin ang mga residenteng maaaring na-expose sa baha, sa halip na hintayin silang magtungo sa mga health center kasunod ng biglaang pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis sa lungsod matapos ang pagbaha dulot ng habagat.

Una dito ay nagpatawag si Domagoso ng emergency meeting kasama si OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla at ang pitong direktor ng mga district hospital ng lungsod upang talakayin ang mabilis na pagdami ng mga kaso at pagtugmain ang mga hakbang ng pamahalaang lungsod.

Kasunod nito, nakipagpulong din ang alkalde kay City Public Information Officer Julius N. Leonen at sa mga itinalagang information officer ng iba’t ibang departamento, bureau at tanggapan ng pamahalaang lungsod upang agad na maisagawa ang malawakang information campaign sa lahat ng available na communication channels.

“Ibaliktad natin yung sitwasyon: na hindi na tayo ang hanapin, tayo na ang humanap sa mga posibleng na-expose sa baha at nakararamdam ng ilang sintomas ng impeksyon ng leptospirosis,” ani Domagoso sa kanyang livestream.

Umabot sa 89 bagong kaso ng leptospirosis ang naitala sa Maynila nitong Agosto 26 lamang, mula sa 38 kaso noong Agosto 25, 16 noong Agosto 24, 10 noong Agosto 23, 11 noong Agosto 22, 22 noong Agosto 21, at 11 noong Agosto 20.

Dahil dito, umabot na sa 197 ang kabuuang bagong kaso ngayong linggo.

Limang pasyente naman ang nasawi dahil sa leptospirosis ngayong linggo—isa noong Agosto 24, dalawa noong Agosto 25, at dalawa pa nitong Agosto 26.

Nagbabala rin si Domagoso na maaari pang patuloy na tumaas ang bilang ng mga kaso dahil umaabot sa dalawang linggo ang incubation period ng leptospirosis.

Ibig sabihin, ang mga residenteng na-expose sa baha noong Agosto 17 at 18, sa kasagsagan ng habagat, ay maaari pa lamang ngayon makaranas ng mga sintomas ng impeksyon.

“Patuloy pa itong lalaki. Posibleng lumaki kung ganito ang escalation, nahihinog pa lang ho ang impeksyon,” ani Domagoso.

Inanunsyo rin ng alkalde na mayroon nang 389,000 doxycycline capsules na nakahanda para sa mga residente ng Maynila—malaking dagdag mula sa 51,000 capsules na natitira noong Agosto 24.

Nadagdagan ang suplay matapos magbigay ang pribadong sektor ng 40,000 capsules at ang Department of Health (DOH) ng karagdagang 300,000 capsules.

Hinimok niya ang mga residenteng na-expose sa baha na agad magtungo sa alinman sa 44 health centers o pitong district hospitals ng lungsod upang makakuha ng doxycycline nang libre, kahit wala pa silang nararamdamang sintomas.

Iniulat ni Domagoso na umaabot na sa 69 pasyente ang nasa emergency room ng Ospital ng Maynila nitong Miyerkules ng umaga, gayong 40 lamang ang bed capacity nito.

Upang mabawasan ang siksikan sa mga emergency room, binuksan ng lungsod ang Manila Infectious Disease Control Center (MIDCC) sa Santa Ana Hospital, na may 17-bed capacity para sa mga pasyenteng may leptospirosis. Sampu sa mga kama nito ang okupado na nitong Miyerkules.

Inatasan din ng alkalde ang pagbubukas ng karagdagang mga ward sa iba pang ospital ng lungsod upang matugunan ang patuloy na pagdami ng mga pasyente.

Ayon kay Domagoso, nasa 20 porsiyento ng mga pasyenteng nagtutungo sa mga emergency room ng mga ospital ng Maynila ay mga hindi residente ng lungsod, kabilang ang mga nagmumula sa mga karatig-lungsod.

Dahil dito, nagpaalala ang alkalde na maaaring makaranas ng pagkaantala sa serbisyo ang mga pasyente sa emergency room bunsod ng kasalukuyang pagdagsa ng mga may impeksyon.

Hinimok naman ni Domagoso ang publiko na maging alerto sa mga unang sintomas ng leptospirosis, kabilang ang lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at pamumula ng mga mata. 

(Gene Adsuara)

Para solusyunan ang problema sa baha, basura, at pabahay…REP. ERICE, ISINUSULONG ANG METROPOLITAN GOVERNMENT 

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANAWAGAN si Caloocan City Second District Representative Edgar R. Erice sa Kongreso na seryosong pag-isipan ang pagtatatag ng isang tunay, demokratiko, at may pananagutang Metropolitan Government para sa Metro Manila upang mas epektibong matugunan ang patuloy na problema sa pagbaha, trapiko, solid waste, pabahay, at pagkasira ng kapaligiran.

Sa kanyang privilege speech na “Di Na Natuto: The Case for a Metropolitan Government for Metro Manila,” sinabi ni Erice na bagama’t iisang metropolis ang Metro Manila ay nanatili itong nahahati sa 16 na lungsod at isang musicilalidad na may magkakaibang prayoridad at pamamahala. 

Ani Erice, hindi kinikilala ng mga problema tulad ng baha, polusyon, trapiko, at basura ang hanggang pampulitika kaya kailangan ng isang pinagsama-samang solusyon.

Binigyang-diin niya na ang panukalang reporma ay hindi naglalayong buwagin ang mga umiiral na lokal na pamahalaan ng Metro Manila. Sa halip, pananatilihin ng mga lungsod at munisipalidad ang kanilang pangunahing awtonomiya at patuloy na pamamahala ng mga tunay na lokal na alalahanin, habang ang mga problemang nangangailangan ng metropolitan-scale coordination ay tutugunan sa pamamagitan ng isang democratically accountable metropolitan government.

Sinabi ni Erice na ang isang Metropolitan Government ay maaaring bigyan ng malinaw na tinukoy na awtoridad sa metropolitan transportation and traffic management, major road networks, integrated flood control and drainage, solid-waste processing and final disposal, land-use planning, waterway rehabilitation, regional housing and resettlement, disaster-risk reduction, at environmental protection.

Sa ilalim ng kanyang panukala, isinusulong ni Erice ang isang Metropolitan Government na pamumunuan ng isang Metropolitan Governor na direktang inihalal at susuportahan ng isang Metropolitan Legislative Assembly, na may malinaw na awtoridad sa mga serbisyong nangangailangan ng koordinasyong rehiyonal.

“Hindi puwedeng ang solusyon natin sa baha ay kapag umuulan lang. Hindi puwedeng ang solusyon sa basura ay kapag nakalutang na sa Manila Bay. Hindi puwedeng ang solusyon sa traffic ay magdagdag lamang ng traffic enforcers,” aniya.

“Panahon nang matuto. Panahon nang tigilan ang pamamahalang puro remedyo,” dagdag niya. (Richard Mesa)

CIDG, NMIS KINUMPISKA ANG MGA MISHANDLED MEAT PRODUCTS SA PASAY CITY

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINATUPAD ng CIDG Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit (AFCCU) kasama ang National Meat Inspection Service (NMIS) at Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement (DAIE) ang NMIS Mission Order – na nagpapahintulot sa sabay-sabay na pagsasagawa ng operasyon ng pagpapatupad ng batas para sa mga paglabag sa Republic Act No. 9296 na inamyendahan ng Republic Act No. 10536 (The Meat Inspection Code Of the Philippines) at Department of Agriculture Administrative Orders No. 26 Series of 2005, at No. 5 at 6, Series of 2012, sa Pasay Public Market na matatagpuan sa Antonio Arnaiz Ave. corner Taft Ave., Pasay City, noong Agosto 25, 2026, bandang 1:45 AM hanggang 3:25 AM, na nagresulta sa pagkumpiska ng 241 kilo ng umano’y maling paghawak, hindi rehistrado, at hindi akreditadong mga produktong karne na nagkakahalaga ng PhP77,840.00.

Binigyang-diin ng Direktor ng CIDG na tinitiyak ang seguridad sa pagkain at nagbibigay ng mga pamantayan sa kaligtasan at kalidad para sa mga produktong pangkonsumo na may kaugnayan sa agrikultura upang matiyak ang proteksyon ng publiko laban sa hindi makatwirang mga panganib sa kalusugan, tinitiyak din nito ang wastong pangangalaga at inspeksyon ng mga produktong pangkonsumo upang mapangalagaan ang kalusugan ng publiko.

Pinalalakas ng Republic Act No. 9296 (The Meat Inspection Code of the Philippines) ang sistema ng inspeksyon ng karne sa bansa upang matiyak na ang lahat ng karne at mga produktong karne ay ligtas, masustansiya, at mataas ang kalidad para sa kalusugan ng mga mamimili.

Pinupuri ng pamunuan ng CIDG ang CIDG Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit (AFCCU) sa pamumuno ni PLTCOL Arjun B Luig, para sa kanilang mabilis na aksyon at tulong sa operasyon sa National Meat Inspection Service (NMIS) ng Department of Agriculture. Matagumpay na nagresulta ang magkasanib na operasyon ng mga ahensya sa agarang pagkumpiska ng mga umano’y maling paghawak at hindi rehistradong mga produktong karne, na epektibong nag-neutralize sa maraming patong na panganib sa kalusugan ng publiko bago pa man ito makarating sa mga lokal na mamimili.

Pinapaalalahanan ng CIDG ang publiko na maging lubos na mapagmatyag at maingat sa pagbili ng anumang produktong karne, lokal man o inangkat at pinapayuhan ang mga mamimili na beripikahin ang pagkakaroon ng legitimate government sanitary permits, official NMIS stamp at authentic product registrations.

Tinitiyak ng grupo sa publiko na matatag ito sa pagpapatupad ng lahat ng batas at ipinapaabot ang matatag nitong pagtitiyak sa National Meat Inspection Service at Department of Agriculture sa handang pagtulong nito sa mahigpit na pagpapatupad ng Meat Inspection Code of the Philippines at lahat ng kaugnay na batas pang-agrikultura upang buwagin ang mga ilegal na operasyon sa bakuran, itigil ang mga walang dokumentong smuggling at basagin ang mga ilegal na supply chain na nagbabanta sa pambansang depensa ng pagkain.
(PAUL JOHN REYES)

Ads August 27, 2026

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments