• November 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 27th, 2026

Ban ng Facebook, online games ok sa Palasyo

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SUPORTADO ng Malacañang ang posibilidad na ipagbawal ang Facebook at iba pang online gaming platforms sa gitna ng sunud-sunod na insidente ng karahasan sa mga eskuwelahan sa bansa.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, panahon na upang pag-aralan kung nakabubuti pa ba sa bansa ang social media platform na Facebook o nakakadagdag lamang ito sa paglaganap ng fake news.

Reaksyon ito ni Castro matapos ang pahayag ng Cybercrime Investigation Coordinating Council (CICC) na ikinukonsidera ang mga suhestiyon na i-ban ang Facebook sa Pilipinas, kasunod ng mga kasong may kaugnayan sa karahasan sa mga paaralan.

Giit ng opisyal, bukas ang Palasyo sa ideya na ipagbawal ang anumang gaming o social media platform na nakakasira sa kabataan at sa bansa, lalo na kung hindi ito nagpapakita ng accountability at mabagal umaksyon sa mga pakiusap ng gobyerno upang maproteksyunan ang publiko.

Kung hindi rin aniya­ makatutulong sa pagprotekta sa mga kabataan, mas mabuti na silipin na kung dapat pa ba silang manatili sa sistema ng bansa.

May mga natuwa sa komento at meron ding nam-bash…LEA, sinabihan si STELL na ‘talented tapos ganyan ang itsura?’ (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAG-REACT nga ang Broadway icon na Lea Salonga tungkol sa pagpapakitang-gilas ni SB19 member Stell Ajero ng galing nito sa pagsasayaw.

Sa Instagram reels na ibinbahagi ng SB19, mapapanood ang paghataw ni Stell ng “Mi Chico” ni DJ Goja, naka-shades at black sando and pants.

May caption ito na, “[Y]our chico?” 

Napa-comment tuloy si Lea sa video ng, “Talented tapos ganyan ang itsura?”

Iba’t-iba na ang naging interpretasyon ng netizens at SB19 fans sa comment ng actress-singer, may mga natuwa at naaliw at meron ding nam-bash.

Narito ang ilan sa naging komento ng netizens:

“diba po? pinagpala yan sa lahat. Sana all na lang talaga kami pero kayo rin po ang galing-galing nyo rin po Pinoy pride”

“Thank you for the compliment Ms. Leah”

“binga miss. Lea, ni Glock 9, may ipagyayabang pero di nagyayabang. Kahit Anu Yan, mahal naming Yan”

“Thank you po sa pag-appreciate kay Stell”

“Omg @stell16_ you made it na talaga si Ms. Lea na ‘yan oh!”

Wish pa ng iba, “hoping na magkita po kayo ng SB19 and maybe have a collab cover song from a Disney Legend yung Reflection or yung A Whole New World for sure ganda ng magiging blending with SB19”

“baka pwede na ang ms lea and sb19 collab.”

Sabi pa nila…

“Walang disney princess disney princess dito miss lea, may mga nakapila pa po.”

“This been comment has been interpreted differently (naging pulutan na naman si stell).”

“Tita mo sa family reunion be like.”

“Hahaha magka-close ata sila nan dalawa keya ganyan sila. Inamin naman ni ms. Lea na talented si Stell hahah.”

“Laki problema ni tandang Lea.”

Pagtatanggol pa ng isang fan, “Parang hindi naman yata negative ang gustong sabihin ni Miss Lea Salonga. I see it like talented na tapos may itsura pa. Ganun.”  

Pumasok sa third place kahit na-ER bago ang laban… ALFRED at YASMINE, proud sa tagumpay ni CRISTIANO sa swimming competition (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments


PROUD na proud si Councilor Alfred Vargas at ng kanyang asawang si Yasmine, sa latest achievement ng kanilang anak na si Cristiano matapos na muling sumabak sa isang major swimming event.

Sa isang Instagram post kasama ang series of photos, ibinahagi ni Yasmine na kinatawan ni Cristiano ang Ateneo Grade School Boys swimming team sa Milo National Interschool Short Course Swimming Championship 2026. Ang koponan ay lumabas bilang four-peat champion.  Nagtapos din si Cristiano na pangatlo sa 37 batang lumahok.

Naging mas makabuluhan ang kanyang performance dahil ito ang unang kompetisyon ni Cristiano bilang bahagi ng Ateneo varsity team. 

Ibinahagi ni Yasmine na ang naging kondisyon kanilang anak bago ang laban…

“The night before the meet, at 9 PM, he was still in the ER getting hydrated and receiving IV medication because of persistent vomiting,” lahad niya.

“Thankfully, his labs were okay, and after being assessed, he got the go signal from his doctor.” 

Pahayag pa ni Yasmine, “We told him to rest, but he didn’t want to miss his first competition as part of the Ateneo Varsity, or let down his teammates. Despite everything, he placed 3rd in all his strokes out of 37 kids.”

Kaya naman proud mom siya sa commitment ng anak, “So proud of your determination, Cristiano! You showed up, gave it your all, and refused to give up, not just for yourself, but for your team. 

“Ad Majorem Dei Gloriam.

Pagtatapos pa ng post, “Congratulations to the Ateneo Grade School Boys 4-Peat Champions!”

Ni-repost naman ito ni Alfred sa kanyang Facebook at Instagram page. Samantala, ilang araw lang ang nakalipas nang ibahagi ng mag-asawa

 ang sobrang cute na photo ni Cristiano.

Kuha ito sa ‘Buwan ng Wika’ event ng  Ateneo De Manila University Grade School na may temang “Mula Sa Alon ng Kasaysayan tungo sa Teknolohiya: Wikang Filipino at AI, tulay sa yaman ng impormasyon”.

Si Cristiano ang nakakuha ng award bilang “Pinakamagandang Kasuotan.”

Ayon sa naging post nina Alfred at Yasmine, “Proud to be from Lumban, Laguna- the Embroidery Capital of the Philippines.

“The other day Cristiano won “Pinakamagandang Kasuotan”, wearing a beautiful barong that proudly showcases the artistry and craftsmanship our town is known for. Thank you, @liza_mondez_barong , for making him look extra gwapo!”

Congrats Cristiano!!!

Sa pagdiriwang ng apat na dekada sa showbiz…RICHARD, magkakaroon ng anniversary and thanksgiving concert (ni: NONIE NICASIO) 

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

FORTY years na pala sa mundo ng showbiz ang veteran singer at OPM icon na si Richard Reynoso.

Bilang highlight at pagdiriwang sa apat na dekada niya sa entertainment world, si Richard ay magkakaroon ng anniversary concert na pinamagatang “RR40: Timeless Memories.”

Kabilang sa mga kantang pinasikat ni Richard noong 1990s ang “Hindi Ko Kaya,” “Paminsan-Minsan,” at “Maalala Mo Pa Rin,” kaya inaasahang maririnig itong muli sa kanyang concert.

Inusisa namin ang singer kung ano ang dapat asahan ng manonood dito sa kanyang special concert?

Tugon niya, “Asahan po nila ang isang gabi ng pagbalik-tanaw at pagpapasalamat sa aking 40 taon sa music at entertainment industry.”

Ano ang highlight ng concert at ano ang feeling na 40 years na pala siya sa showbiz industry?

Esplika ni Richard, “Sa palagay ko po, ang isa sa mga highlights ng gabi ay ang mga nakakatawang experiences ko at mga kantang bihira na nilang marinig o mapanood na kinakanta ko.” 

“Parang isang dekada pa lang po ang lumipas. Hehehe,” pabirong wika ni Richard.

Aniya pa, “Thankful po ako siyempre dahil dalawang beses na po akong nagmuntik-muntikan na hindi na umabot sa 40 years. Ito po ay isang thanksgiving show para sa mga taong nakasama, nakasalamuha, sumoporta at patuloy na tumatangkilik at nagmamahal sa atin.” 

Ano ang masasabi niyang most memorable part ng 40 years ng kanyang career sa showbiz?

“Napakarami pong maituturing na memorable sa 40 taon ko sa industriya. Hopefully ay mapapasadahan ko lahat iyan sa concert,” pakli pa ni Richard.

Magiging special guests ni Richard dito sina Chad Borja, Andrea Guttierez, VR Caballero, Aquila Packing, Jay-R Dizon, at Rannie Raymundo.

Hatid ng EchoJham Productions, ang “RR40: Timeless Memories” concert ay magaganap sa September 26, 2026, sa ganap na alas-7 ng gabi sa Teatrino Promenade Greenhills. 

Para sa ticket inquiries at reservations, maaaring makipag-ugnayan sa TicketWorld o mag-text/call sa 0915-250-0308 (tel:0915-250-0308).

Alex Eala at Felix Auger-Aliassime, maagang nagtapos sa mixed doubles

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGTAPOS nang maaga ang mixed doubles campaign nina Filipina tennis star Alex Eala at Canadian partner Felix Auger-Aliassime matapos silang talunin ng tambalang Elina Svitolina at Gael Monfils sa iskor na 1-4, 1-4, sa unang round ng 2026 US Open mixed doubles round of 16.

Tumagal lamang ng 39 minuto ang laban na ginamitan ng FAST4 format, kung saan ang unang pares na makakuha ng apat na laro ang siyang mananalo sa set.

Maganda ang naging simula nina Eala at Auger-Aliassime matapos kunin ang unang laro sa unang set. Ngunit mabilis na bumawi sina Svitolina at Monfils at nanalo ng apat na sunod-sunod na laro upang makuha ang unang set, 4-1.

Muling nakalamang ang Filipino-Canadian pair sa iskor na 1-0 sa ikalawang set, ngunit agad itong naitabla ng kanilang kalaban at nakuha ang momentum upang tuluyang isara ang laban sa 4-1.

Bagama’t natapos na ang mixed doubles run ni Eala, hindi pa tapos ang kaniyang US Open campaign. Nakatakda pa siyang lumaban sa women’s singles na magsisimula sa Agosto 30.

Justin Brownlee malabo pa ring makapaglaro sa Asian Games

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI pa rin matiyak ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone kung makakasama ng Gilas Pilipinas si Justin Brownlee sa Asian.

Makakaharap kasi ng Gilas Pilipinas ang Bahrain sa Setyembre 11 na gaganapin ito sa Japan.

Nagpasya kasi si Brownlee na hindi na sumama sa Gilas Pilipinas sa fourth window ng FIBA World Cup Asia Qualifiers laban sa Jordan sa araw ng Biyernes , Agosto 28 at sa Iran sa Linggo, Agosto 30.

Sinabi pa ni Cone na walang indikasyon na makakasama si Brownlee sa Asian Games sa Nagoya kung saan defending champion ang Pilipinas.

Una rito ay hiniling ni Brownlee na huwag maglaro muna para makarecover mula sa injury na kaniyang natamo noong third window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers at sa PBA Finals.

Wala rin aniyang kasiguraduhan na makakasama ng Gilas Pilipinas sa Asian Games ang mga naturalized players na sina Bennie Boatwright dahil kailangan pa nito na makakuha ng Philippine passports at si Ange Kouame na mayroon pang kontrata sa France.

Paratang ni VP Sara na mahina ang presentasyon ng kaso laban sa kanya, tinanggihan ng House Prosecution 

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TUMANGGI ang House Prosecution team sa paratang ni Bise Presidente Sara Duterte na mahina ang presentasyon ng kaso laban sa kanya sa impeachment trial sa Senado.

Ayon kina House impeachment team adviser at spokesperson Robert Ace Barbers at Zambales Rep. Jefferson Khonghun, naiprisinta na nang husto ang mga ebidensiya at madadagan pa sa mga susunod na pagdinig.

Pinasinungalingan din nina Barbers at Khonghun ang sinabi ni Duterte na ang mga prosecutors ay “fishing for evidence.”

“Sa aming paniniwala sa prosecution panel ay nailatag namin ’yung mga nararapat na makitang ebidensya at marinig na ebidensya ng ating mga senator-judges,” sinabi ni Barbers sa isang press briefing. 

“And there are still several witnesses and documentary evidence that we will present as the trial moves forward,” dagdag ng dating kongresista.

Ayon kay Barbers, paninindigan ng prosecution ang mga ebidensya sa mga alegasyon na misuse and irregular liquidation of confidential funds ni Duterte.

“Pero sa ngayon, sinasabi natin, ang nakita na ebidensya, mga documentary evidence na ipinresenta ng prosecution panel, siguro sa paniniwala ng marami, lalo na sa paniniwala ng prosecution panel, ito ay matibay na mga ebidensya na aming inilalatag,” sabi ni Barbers. 

Ayon naman kay Khonghun, ang mga testimonya ng mga testigo ay malinaw na pinuntuhan ang pagwaldas ni Duterte sa confidential funds.

“Malinaw sa inilatag ng prosecution, kasama ng mga witnesses, na talagang itinuturo ng ebidensya na ang mayroong kinalaman, lalo-lalo na sa pag-utos, sa pagsasagawa, at talagang ang puno’t dulo ng pagdi-disburse ng confidential fund ay ang Vice President,” sabi ni Khonghun.

“So nakikita ’yun, at talagang maliwanag naman sa sinasabi ng mga witnesses,” dagdag ng kongresista.

Naiprisinta ng prosecution ang Commission on Audit officials at Office of the Vice President personnel bilang mga testigo.

Si dating OVP special disbursing officer Gina Acosta ay tumestigo na ibinigay niya ang apat na P125-million tranches totaling P500 million in confidential funds kay dating security chief Col. Raymund Dante Lachica sa utos ni Duterte.

Si OVP Assistant Secretary Lemuel Ortonio ay tumestigo at sinabi na si Lachica hindi organic OVP employee. 

Ayon kay Ortonio, sa kanyang kaalaman, alam nila Duterte at Lachica kung papaano gastusin ang confidential fund. 

(VINA de GUZMAN)

Panukalang palawakin ang termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan officials nang hanggang limang taon, pinaboran

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINATIGAN ng mga mambabatas ang panukalang palawakin ang termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan officials nang hanggang limang taon.

Ayon kay Aklan Rep. Florencio Miraflores, chairman ng House Committee on Local Government, pabor ang mga miyembro ng nasabing komite na itakda ang termino ng mga barangay officials sa limang taon.

Aniya, mas mabibigyan panahon ang mga barangay officials na sustentuhan at ipagpatuloy ang kanilang mga programa at proyekto sa mas mahabang pagkakataon.

“Our task, therefore, is to find the right balance and establish a term that will ultimately strengthen, rather than weaken, grassroots governance,” sabi ni Miraflores.

Sinabi ni Sorsogon Rep. Marie Bernadette Escudero, may akda ng House Bill 10656, ang panukala na five-year term sa mga barangay officials ay tutugma sa five-year comprehensive development plan, na magbibigay pagkakataon na isakatuparan ang kanilang mga programa.

“This is particularly important for barangays with very limited resources, where the time and capacity to implement development programs can be a significant challenge,” sinabi ni Escudero.

Pinaliwanag ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas (LnB) National President Maria Katrina Jessica Dy na mahigit 70 porsiyento ng mga barangay ay annual budget na P5 million o mas mababa. Dito kadalasan ay maiksi lamang ang ipinapatupad na programa dahil sa kakulangan ng budget. 

Kung mas mahaba ang termino ng mga barangay official, mas mahaba ang panahon at pagkakataon na ipatupad ang kanilang programa.

Tinukoy ni Dy ang ginagampanang papel ng mga barangay officials, particular sa mga kalamidad at emergencies, kung saan kinakailan ang matatag na barangay governance.

Sa parte naman ng Commission on Elections (COMELEC), nakahanda na ang lahat sa gagawing Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE) na gaganapin sa November 2, 2026.

“Sa katunayan po ready na, meron na tayong final list of voters, nakapag-print na rin tayo ng mga balota, nakapag-procure na rin po tayo ng mga ballot boxes, mga forms and other supplies na gagamitin,” sinabi ni COMELEC Deputy Executive Director for Operations Rafael Olaño. 

Aniya, nakahanda rin tanggapin ng COMELEC kung ano man ang maging desisyon ng Kongreso kung ipagpapaliban ang BSKE at palalawakin ang termino ng mga barangay at SK officials. (VINA de GUZMAN)

PBBM, bukas sa mas mabigat na parusa para sa loose firearms

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BUKAS si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapataw ng mas mabigat na parusa para sa illegal possession ng lose firearms kasunod ng fatal shooting incidents sa loob ng school premises sangkot ang mga menor de edad.

Inilarawan naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro bilang “good” ang ginagawang pagsusulong ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na gawing non-bailable offense ang ilegal na pagmamay-ari ng loose firearms at pagpapataw ng hanggang 20 taong pagkakakulong.

“Ito ay naging magandang suggestion ni Secretary Jonvic Remulla. Ito naman din po ay para sa mas protektadong bansa at mas protektadong mga kababayan natin,” anito.

Sinabi pa ni Castro na hindi kokontrahin ni Pangulong Marcos ang hakbang na naglalayong protektahan ang publiko.

Gayunman, kailangang rebisahing mabuti ng Pangulo ang panukalang batas at ang specific provisions nito bago pa gumawa ng posisyon sa nasabing usapin.

“So, kung ano po talaga ang maaring maging magandang batas, para ito po ay mas mabigyan ng malaking parusa, ang Pangulo po ay open,” aniya pa rin.

“But we have to wait for the versions of the bills so that the President could make his stance on such issue. So, ngayon wala pa po,” aniya pa rin.

Binigyang diin pa ni Castro na mapipigilan sana ang mga nakamamatay na shooting incidents kung ang mga gun owners ay responsable sa pangangalaga sa kanilang mga armas, bagaman kinilala naman niya na ang illegal possession ng loose firearms ay hiwalay na usapin.

Wika ni Castro na gagawa ng pinal na desisyon si Pangulong Marcos sa oras na ipasa ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong magpataw ng mas mabigat na parusa para sa possession ng loose firearms.

“Sa totoo lang kung ang tao naman ay maingat talaga na humawak ng kanyang mga baril, hindi maaaring magkaroon ng negligence nasasapit sa ganitong mga klaseng pagkatataon o sitwasyon,” ang tinuran ni Castro.

“Muli, kung anuman ang ikagaganda ng ating bansa at sa interes ng ating mga kababayan, hindi po iyan hahadlangan ng ating Pangulo,” dagdag na pahayag nito.

Nauna rito, hinikayat naman ni Remulla ang Kongreso na amiyendahan ang Republic Act 11766 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act upang gawing non-bailable offense ang ilegal na pagmamay-ari ng loose firearms at pagpapataw ng hanggang 20 taong pagkakakulong. (DARIS JOSE)

Mga LGU, tatanggap ng mas malaking pondo sa susunod na taon — Malakanyang

Posted on: August 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INAASAHANG tataas ang pondong matatanggap ng mga local government unit (LGU) sa susunod na taon dahil sa panukalang dagdag na pondo para sa Local Government Support Fund (LGSF) upang pondohan ang mga programa at proyekto para sa kanilang mga komunidad.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang panukalang pondo para sa LGSF sa 2027 ay PhP58.532578 bilyon, o 1.14 porsiyentong mas mataas kumpara sa PhP 57.872578 bilyon ngayong 2026.

Ayon kay Castro, layunin ng dagdag na pondo na matulungan ang mga LGU sa kanilang pangangailangan sa imprastraktura at social development.

“Ito po ay para mas lumaki at lumago ang pagbibigay ng pondo sa mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang kanilang mga issues patungkol sa imprastruktura at ang social development,” ayon kay Castro.

Sinabi rin ni Castro na kabilang sa mga proyektong maaaring pondohan ng LGSF ang mga farm-to-market road, water system, health facility, tulay, pasilidad na makakatulong sa mga komunidad kapag may sakuna, at tulong para sa mga marginalized group.

Sa pamamagitan ng LGSF, opisyal na inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong February 23, 2026 ang programang “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang” na layong palakasin ang mga LGU sa pamamagitan ng mas malaki at mas direktang tulong pinansyal, partikular ang PhP57.872-billion LGSF para sa 2026.

Layunin din nitong mas direktang makarating sa mga komunidad ang pondo at serbisyo ng national government.

“So, kahit ito ay ibinigay na pondo, hindi natatapos ang obligasyon ng national government pagkabigay ng pondo; ito po ay kailangang ma-monitor din po,” ani Castro.

Sinabi pa ni Castro na babantayan ng gobyerno kung ginagamit nang tama ang mga pondo at hindi ito inaabuso.

Patuloy ding magbabantay ang mga national agency sa mga serbisyong nailipat na sa LGU. Kabilang dito ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga infrastructure project, at Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mga programang may kaugnayan sa scholarship.

“Of course, kapag sinabi nating infrastructure, nandiyan din ang pag-monitor ng DPWH; patungkol naman sa pagbibigay ng scholarship ay nandiyan din ang DepEd, CHEd at ng TESDA,” dagdag pa ni Castro. 

(DARIS JOSE)