• August 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 24th, 2026

20-anyos na kelot, timbog sa boga, droga sa Caloocan

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng 20-anyos na lalaking sangkot sa ilegal na droga nang inguso sa pulisya na may bitbit na baril habang pagala-gala sa Caloocan City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, nirespondehan ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang natanggap na ulat hinggil sa isang lalaki na may bitbit na baril habang pagala-gala sa Brgy. 132 dakong alas-11:30 ng gabi.

Gayunman, nang mapansin ng suspek ang presensya ng kapulisan ay nagtangka itong tumakas na naging dahilan upang habulin siya ng mga pulis hanggang sa makorner!at maaresto.

Nakumpiska sa suspek na si alyas “Eliyas”, ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala at isang plastic sachet na naglalaman ng nasa 8.1 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P55,080.

Nang hanapan siya ng mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station (SS-5) ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril ay walang naipakita ang suspek.

Sinampahan ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

   MMDA GM Torre, tinalakay ang hinaing ng publiko sa baha, trapiko, at kaayusan

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

QUEZON CITY—Tinalakay ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III ang mga pangunahing suliraning kinakaharap ng rehiyon, kabilang ang paulit-ulit na pagbaha, pagtatambak ng basura, matinding pagsisikip ng trapiko, at ang kalagayan ng kapayapaan at kaayusan.

Sa isang panayam, ibinahagi ni Torre ang mga kongkretong hakbang at pananaw ng ahensya upang matugunan ang mga matagal nang hinaing ng publiko hinggil sa daloy ng trapiko at kaayusan sa mga kalsada. Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng mas masusing disiplina sa tamang pagtatapon ng basura upang maiwasan ang pagbaba ng kapasidad ng mga drainage system at pumping station sa Metro Manila.

Inaasahang makikipagtulungan ang bagong pamunuan ng MMDA sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) upang mapabilis ang clearing operations at maipatupad ang mga pangmatagalang solusyon sa imprastraktura ng kalakhan. 

( Boy Morales Sr.)

Bebot, isinelda sa sugal, droga sa Valenzuela

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ARESTADO ang tatlong individuals kabilang ang 28-anyos na bebot na sangkot umano sa ilegal na droga nang maaktuhan nagsusugal sa Valenzuela City.

Mahaharap sa kasong paglabag PD 1602 (Illegal Gambling Law) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang suspek na si alyas “Lyn”, ng Brgy. Dalandanan.

Sa ulat ni SDEU investigator P/MSg Carlito Nerit Jr kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, nagsasagawa ng ‘Oplan Galugad’ operation ang mga tauhan ng Police Sub-Station 6 nang maaktuhan ang suspek, kasama ang 35-anyos na kelot at 38-anyos na bebot na nagsusugal umano ng ‘Lucky 9’ sa loob ng isang bahay sa Esteban St., Tiwala, Brgy., Dalandanan dakong alas-6:45 ng gabi.

Nilapitan sila nina PCpl Renz Marion Manalad at PSSg Andrei Flavin sabay nagpakilala bilang mga pulis bago inaresto ang mga ito.

Nasamsam sa kanila ang P300 bet money, playing cards at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakumpiska umano kay ‘Lyn”. 

(Richard Mesa)

LTFRB IPINATAWAG ANG JEEPNEY OPERATOR NG PAMPASAHERONG JEEP NA NAHULING NAG-COUNTERFLOW SA MATAONG KALSADA SA QC

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINATAWAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang operator ng isang pampasaherong jeep na nahuling nag-counterflow sa isang mataong kalsada sa Quezon City.

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., naglabas na ang LTFRB ng Show Cause Order (SCO) laban sa operator at nakatakda ang pagdinig sa kaso sa Setyembre 3.

Sa inilabas na SCO, inatasan ang operator na magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang prangkisa ng pampasaherong jeepney dahil sa paglabag sa mga alituntunin at regulasyon sa kaligtasan sa kalsada.

Kabilang sa mga tinukoy na paglabag ang kabiguang magbigay ng ligtas at maayos na serbisyo sa mga commuter, alinsunod sa mga kondisyon sa pagkakaloob ng Certificate of Public Convenience (CPC), gayundin ang pagkuha ng isang reckless driver.

Batay sa monitoring ng LTFRB social media team, nakita ang viral video ng jeepney na nag-counterflow sa kahabaan ng Quirino Highway sa Quezon City.

Ayon kay Acting Chairman Pua, inilagay ng insidente sa panganib ang iba pang gumagamit ng kalsada, bagay na nais tugunan ng LTFRB.

“Nawa’y magsilbing malinaw na mensahe ang imbestigasyong ito sa mga PUV driver na hindi kukunsintihin ng LTFRB ang ganitong uri ng pag-uugali sa kalsada. Makakaasa ang publiko sa agarang aksyon ng LTFRB sa ganitong mga insidente,” ani Acting Chairman Pua.

Nagpasalamat din ang LTFRB sa mga netizen na patuloy na nag-uulat at naglalantad ng mga PUV driver na lumalabag sa mga patakaran, na malaking tulong sa pagpapatupad ng disiplina at paggalang sa kapwa motorista sa sektor ng pampublikong transportasyon.

Hinimok din ng LTFRB ang publiko na patuloy na iulat ang mga ganitong insidente sa pamamagitan ng LTFRB Hotline 1342 at mga social media account ng ahensya. (PAUL JOHN REYES)

Pinas, No. 1 retirement destination sa 2026

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINILALA ang Pilipinas bilang nangungunang retirement destination para sa 2026, kasabay ng patuloy na paglago ng sektor ng turismo na nakapagtala ng P3.26 trilyong domestic ­tourism expenditure at 7.7 mil­yong trabaho.

Batay sa Retirement Abroad Index 2026 ng Expatriate Group, nanguna ang Pilipinas sa 20 bansa matapos makakuha ng 78 puntos dahil sa abot-kayang pamumuhay, accessible na visa requirements, healthcare system, at matatag na expat communities.

Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay, patunay ang pagkilalang ito sa pagsisikap ng bansa na maging mas ligtas, accessible, at kaaya-ayang destinasyon para sa mga turista at dayuhang retirado. Dahil dito, minamadali ng Bureau of Immigration ang mo­dernisasyon ng border systems upang ma­panatili ang seguridad habang tinatanggap ang pagdagsa ng mga dayuhang residente.

Pagsapit ng Hunyo 2026, umabot sa 86,292 foreign retirees mula sa mahigit 150 bansa ang pumili sa Pilipinas bilang kanilang ikalawang tahanan, kabilang ang humigit-kumulang 62,000 aktibong Special Resident Retiree’s Visa (SRRV) holders.

Sinabi ni Philippine Retirement Authority President Roberto Zozobrado, malaking ambag sa ekonomiya ang mga foreign retirees dahil nakatutulong sila sa retail, hospitality, at tourism sectors.

Samantala, ipinakita ng datos ng Philippine Statistics Authority na lumago ng 3 porsiyento ang domestic tourism spending noong 2025 sa P3.26 trilyon, habang bahagyang bumaba ang inbound tourism receipts. Gayunman, nanatiling matatag ang sektor dahil sa pagtaas ng foreign visitor arrivals at paglago ng tourism employment.