• August 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 24th, 2026

Alex Eala, byaheng New York na para sa US OpenNAKATAKDANG magbalik sa New York ang Filipina tennis sensation na si Alexandra “Alex” Eala para sa kanyang ikalawang pagsabak sa main draw ng prestihiyosong US Open.Tennis

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Kasalukuyang nasa ika-20 puwesto sa world rankings ang 21-anyos na atleta, bagay na naglalagay sa kanya sa magandang posisyon upang maging seeded player sa women’s singles division ng naturang Grand Slam tournament.

Matatandaang gumawa ng kasaysayan si Eala sa parehong torneo noong nakaraang taon matapos maging kauna-unahang Pilipino na nanalo ng laban sa Grand Slam main draw sa pamamagitan ng kanyang panalo laban kay Clara Tauson sa opening round.

Papasok si Eala sa kompetisyon bitbit ang magandang momentum mula sa kanyang North American swing, kabilang ang pagkapanalo ng kanyang kauna-unahang WTA title sa Mubadala DC Open gayundin ang matagumpay na kampanya sa Canada at Cincinnati.

Bukod sa singles event, lalaban din ang Pinay tennis star sa mixed doubles tournament kung saan makakapareha niya ang world number four na si Felix Auger-Aliassime.

Bukod sa kanyang tagumpay sa professional circuit, naging makasaysayan din ang New York para sa kanya noong 2022 nang magkampeon siya sa girls’ singles event matapos talunin si Lucie Havlickova sa finals.

Coach ni Alex Eala, nakikitang marami pang puwedeng i-improve sa laro ng Pinay tennis starSA KABILA ng mabilis na pag-angat ni Alex Eala sa world tennis, naniniwala ang kaniyang coach na si Joan Bosch na marami pa siyang puwedeng pagbutihin sa kaniyang laro.

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Sa isang panayam, sinabi ng Spanish coach na halos lahat ng aspeto ng laro ni Eala ay maaari pang ma-develop, kabilang ang serve, return, forehand, backhand, volley, footwork, endurance at speed.

Ayon kay Bosch, mahalaga ang proseso ng patuloy na pagkatuto at pag-unlad ng Filipina tennis star sensation, na aniya ay mahusay na naipapakita ni Eala.

Binigyang-diin din niya na mabilis na naia-apply ng Filipina tennis star ang mga bagong natututunan niya sa training at malinaw naman daw ang kaniyang layunin para sa development nito.

Ibinahagi rin ni Bosch ang kahalagahan ng tiwala sa pagitan nila ni Eala bilang coach at player.

Samantala, nakatakdang bumalik si Eala sa US Open, kung saan sasabak siya sa women’s singles at mixed doubles kasama si Felix Auger-Aliassime. Kasali rin siya sa Stars of the Open exhibition event.

OCD, naghahanda na sa posibleng epekto ng Habagat, 3 weather system

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGHAHANDA na ang Office of Civil Defense (OCD) sa posibleng epekto ng malakas na Southwest Monsoon o Hanging Habagat, pati na ang binabantayang tatlong bagyo na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).Sanggunihang Pang-heyograpiko

Nagsagawa narin ang ahensya ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan bilang paghahanda sa inaasahang masamang panahon.

Ayon kay OCD Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, maaaring magsimula ang monsoon rains ngayong Lunes o Martes at magpatuloy hanggang Huwebes o Biyernes.

Posible rin aniyang magdulot ito ng mga pagbaha, pagguho ng lupa, pagtaas ng tubig sa mga ilog, at makaapekto sa transportasyon at agrikultura.

Pinagiigting na rin ng OCD ang koordinasyon sa mga ahensya at LGU na posibleng maapektuhan ng tatlong weather system.

Tiniyak din ng ahensya na nakahanda na ang kanilang response team, iba pang relief supplies para sa agarang pagtugon sa mga posibleng insidente. ( DARIS JOSE)

NKTI, punuan na dahil sa paglobo ng kaso ng leptospirosisPUNUAN na ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City nitong Linggo, Agosto 23 dahil sa paglobo ng mga kaso ng leptospirosis.

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Bunsod nito, pansamantalang limitado ang pagtanggap ng walk-in patients sa ospital hanggang sa maglabas ng panibagong notice.

Sa inisyung advisory ng pagamutan, nakasaad na nagbunsod sa naturang hakbang ang mataas na bilang ng mga pasyenteng dinadala sa emergency room.

Kaugnay nito, ang mga pasyente na hindi nangangailangan ng emergency admission ay inaabisuhang makipag-ugnayan sa kanilang attending physicians at kung maaari ay magtungo muna sa ibang healthcare facilities na may available na kama para maiwasan ang matagal na pagaantay.

Humingi naman ng paumanhin ang NKTI sa anumang abala.

Hindi naman nangbigay ang ospital ng eksaktong bilang ng pasyenteng tinamaan ng naturang sakit subalit ang kayang ma-accommodate ng ER nito ay hanggang 64 na pasyente.

Samantala, muling nagpaalala naman ang Department of Health (DOH) sa publiko na protektahan ang sarili mula sa sakit sa pamamagitan ng pagsusuot ng bota kung hindi maiwasang lumusong sa tubig-baha, agad hugasan ang paa ng malinis na tubig at sabon at iwasang malantad sa baha hanggang maaari kapag mayroong sugat.

Pinapayuhan din ang publiko na magpakonsulta muna sa doktor bago uminom ng gamot para sa leptospirosis. ( DARIS JOSE)

‘MayHuliKa’ portal simula Agosto 24 – MMDA

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAS pinadali ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagberipika ng mga motorista sa bagong search option sa MayHuliKa portal na magsisimula sa Agosto 24.

Ang idaragdag na search option ang magbibigay-daan sa mga motorista na i-check ang lahat ng violation record ng isang sasakyan sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Sa isang abiso nitong Biyernes, sinabi ng MMDA na maaaring mag-search ang mga motorista gamit ang alinman sa plate number at ticket number, o plate number at motor vehicle file number.

Ang unang opsyon ay para sa mga nakatanggap na ng notice of violation o traffic ticket, habang ang pangalawa ay nagbibigay-daan sa mga user na makita ang lahat ng NCAP violation record ng isang sasakyan.

Ang ebidensya ng mga paglabag sa NCAP ay maaari lamang makita sa web portal na mayhulika.mmda.gov.ph o sa pamamagitan ng eGov­PH app sa paghahanap ng MMDA.

Ang integrasyon, na inilunsad ng MMDA at ng Department of Information and Communications Technology, ay nagbibigay sa mga mo-torista ng sentralisadong plataporma para i-check at bayaran ang mga paglabag sa trapiko. ( DARIS JOSE)

Metro Manila may krisis sa maling pagtatapon ng basura – Malacañang

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BAGAMA’T at walang garbage crisis sa Metro Manila, pero mayroon namang krisis sa hindi wastong pagtatapon ng basura, ayon kay Exe­cutive Secretary Ralph Recto.

Ginawa ni Recto ang pahayag sa gitna ng panawagan ng Palasyo na magkaroon ng disiplina sa tamang pagtatapon ng basura.

“Lumalabas sa aming pagpupulong na walang garbage crisis sa Metro Manila, pero may krisis sa hindi wastong pagtatapon ng basura,” ani Recto.

Dapat aniyang magkaroon ng “kultura ng disiplina” upang maiwasan ang pagbabara ng ba­sura sa mga daluyan ng tubig at paglala ng mga pagbaha.

Sinabi niya na kaila­ngang mapigilan ang pagtatapon ng basura habang nasa mga komunidad pa lamang ito, at binigyang-diin na kaila­ngan ng mga pambansang ahensiya at lokal na pamahalaan ang pakikilahok ng mga residente.

Nagbabala si Recto na ang basurang hindi wastong itinatapon ay maaaring tangayin mula sa mga lansangan at drainage system patungo sa mga ilog at iba pang daluyan ng tubig kapag malakas ang ulan.

“Kapag ginawang basurahan ang kanal at mga kalye, nagiging expressway ng basura ang mga ilog pagbuhos ng malakas na ulan. Walang toll gate ang kalat, kaya tuluy-tuloy ang biyahe hanggang Manila Bay o sa mas malaking waterways natin,” ani Recto.

Nanawagan siya para sa mas malawak na pagsunod sa wastong paghihiwalay at pagtatapon ng ­basura. ( VINA de GUZMAN)

LTO: Improvised plates huhulihin na simula September 1

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SIMULA Setyembre 1, huhulihin ng Land Transportation Office (LTO) ang lahat ng sasakyang gumagamit ng improvised o replica license plates nang walang otorisasyon.

Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, kabilang sa target ng operasyon ang mga sasakyang inilalabas ng ilang car dealers na gumagamit lamang ng improvised plates.

“Starting September 1 po, lahat po nu’ng gumagawa ng improvised plate o ‘yung eksaktong ginagaya po nila ‘yung plaka ng LTO, bawal po iyon. Huhulihin po namin iyon,” ani Lacanilao.

Nilinaw niya na para makaiwas sa huli, kailangang may maipakitang authorization mula sa LTO ang mga driver na gumagamit ng pansamantalang plaka.

Ginawa ni Lacanilao ang pahayag matapos ma-impound ng LTO ang Porsche 918 na nakarehistro kay actor-businessman Derek Ramsay, ngunit minamaneho ng kaibigang negosyanteng si Anthony Violago gamit ang improvised plate.

Naisuko na ni Violago ang kanyang driver’s license at naka-impound na ang naturang mamahaling sasakyan. Ayon sa ulat, naibenta na ni Ramsay ang sasakyan kay Violago ngunit hindi pa naililipat ang rehistro. Si Violago umano ang nagkabit ng improvised plate at humingi ng paumanhin sa LTO.

Dagdag ni Lacanilao, ginagamit ng ilang kriminal ang replica plates upang maitago ang kanilang mga sasakyan.

“Isang paraan po iyan ng paggamit ng mga kriminal para itago po nila ang mga sasakyan nila at makaikot sila sa mga kalye. Eksaktung-eksakto kinokopya nila yung government-issued plate. Bawal na bawal po yan,” aniya.

Ang paggamit ng improvised plates ay may katumbas na multang P5,000 at impound ng sasakyan.

Humingi na rin ng tulong ang LTO sa Philippine National Police (PNP) upang matukoy ang nasa likod ng illegal na paggawa ng improvised plates. 

(DARIS JOSE)

Mahigpit na parusa sa sinumang pabaya sa pangangalaga ng armas, panawagan ng mambabatas 

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG mambabatas ang nanawagan nang mas mahigpit na parusa sa sinumang pabaya sa pangangalaga ng armas.

Ginawa ni Bukidnon Rep. Audrey Kay T. Zubiri ang panawagan bunsod ng magkasunod na insidente ng pamamaril sa eskwelahan sa Tacloban at Zamboanga City kung saan apat na estudyante ang napatay at ikinasugat ng iba pa.

Nasangkot ang isang policewoman at Customs official sa insidente matapos matukoy na sila ang may responsibilidad sa pangangalaga ng armas na ginamit sa krimen.

“While I understand the importance of having a gun at home, I cannot understand how it can be so easily accessed by children, especially minors. Hindi ko ma-imagine mawala ‘yung anak ko na minahal at inalagaan ko ng ilang taon dahil sa kapabayaan ng isang gun-owner,” sinabi ni Zubiri. 

Ayon kay Zubiri, ang mga nasabing insidente ay nagpapakita ng kapabayaan sa parte ng gun owner.

“At this moment, I think the burden lies on the parents and not only what the children consume from media anymore. These firearms are becoming more accessible even to children,” ani Zubiri.

Tinukoy ni Zubiri ang Republic Act No. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, na nagaatas sa mga firearm license holders na gumamit ng anumang locked container sa pagtatago ng armas, subalit walang kaparusahan kung naging pabaya ang gun owner at nakuha sa kanya ang baril na ginamit sa krimen.

“I call on my fellow legislators to act on this matter—not only to punish wrongdoing, but to prevent tragedies and protect our children before this becomes a trend,” sabi ni Zubiri.

(VINA de GUZMAN)

HIGIT 3K RESIDENTE, NAKINABANG SA PEOPLE’S CARAVAN SA PAGADIAN

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAGUMPAY na isinagawa ng National Housing Authority (NHA) ang ika-51 People’s Caravan nito na napakinabangan ng higit sa 3,000 residente ng Pagadian City.

Sa ilalim ng patnubay ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan nina Region IX Manager Engr. Al-Khwarizmi U. Indanan at Zamboanga del Sur/Zamboanga del Norte/BARMM A District Manager Engr. Jessa M. Consuegra ang inisyatiba sa Asenso Covered Court, Plaza Luz, noong Agosto 20, 2026.

Sa pagkatawan kay GM Tai, binigyang-diin ni RM Indanan ang layunin ng aktibidad na mailapit ang mga mahahalagang programa at serbisyo sa mga resettlement site ng ahensya, upang maghatid ng kaginhawaan sa mga benepisyaryo. 

Kabilang sa mga pangunahing serbisyong inalok ay ang mga oryentasyon sa pagnenegosyo, job fair na may 68 posibleng job vacancies, oportunidad sa trabaho, at pagpapahusay ng teknikal na kasanayan mula sa Cooperative Development Authority (CDA), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Migrant Workers (DMW) Provincial Office, Public Employment Service Office (PESO) Pagadian, at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Ang Department of Agriculture at ang mga attached agencies nito – Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) at Bureau of Plant Industry (BPI) – ay nagbigay ng iba’t ibang serbisyo tulad ng KADIWA on Wheels at pagbibigay ng mga buto/punla.

Mga serbisyong medikal, pagbibigay ng mga gamot at libreng gupit, at libreng family planning at oryentasyon sa adolescent health ang handog ng Philippine Red Cross Zamboanga del Sur – Pagadian City Chapter, City Health Office, Armed Forces of the Philippines (AFP) – 53rd IB, 1st Infantry (TABAK) Division, Provincial Department of Health Office (PDOHO), Philippine Pharmacists’ Association Zamboanga del Sur – Pagadian City Chapter, at Commission on Population and Development (CPD).

Naghandog din ng serbisyo ukol sa civil registration at iba pang valid identification cards ang Philippine Statistics Authority (PSA), Philippine National Police (PNP) – Pagadian City, National Bureau of Investigation (NBI), Department of Foreign Affairs (DFA), Land Transportation Office (LTO), PhilHealth, Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, at ang City Social Welfare Development Office (CSWDO).

Narito pa ang ilang serbisyong inalok sa caravan: pagbibigay ng mga halamang ornamental, mga punla, at aplikasyon para sa titulo ng lupa mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR); Sustainable Livelihood Program at iba pang kaugnay na inisyatiba mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD); libreng Wi-Fi connectivity at tulong sa e-GovPH mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT); libreng legal na konsultasyon at on-the-spot na notarial service mula sa Public Attorney’s Office (PAO); at, financial literacy orientation at iba pang serbisyo mula sa Land Bank of the Philippines (LBP) at GCash.

Simula ng inilunsad noong Setyembre 2023, ang NHA People’s Caravan ay nagkaroon ng malaking epekto sa pagbuo ng mga sustenableng komunidad sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad sa buong bansa, na mas nagpapalakas sa bisyon ng isang Bagong Pilipinas. (PAUL JOHN REYES)

Sekyu na nakaranas ng depresyon, hinostage ang 13-anyos na kapitbahay sa Caloocan

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT sa mahigit apat na oras na hinostage ng 47-anyos na security guard ang 13-anyos na kapitbahay at kasamahang guwardiya na kanyang ka-boardmate sa Caloocan City, Sabado ng umaga.

Unang hinostage ni alyas Ernie ang menor-de-edad na kapitbahay na si alyas MRT habang armado ng patalim dakong alas-7:50 ng umaga sa loob ng isang bahay sa Block 78 Lot 3 Purok 1 Kawal St., Brgy., 28 at hiniling na mabigyan siya ng P9,500 pasahe pabalik sa Iloilo at makausap ang kanyang pamangkin na si alyas “Makmak”.

Nang lapitan at tangkaing kausapin ng kanyang kapuwa sekyu at ka-boardmate na si alyas Ervin ang suspek, pati siya ay pinigilang makalabas at hinostage na rin ng suspek hanggang sa makapagresponde ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili.

Sa pangunguna ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth, matiyaga silang nakipag-negosasayon sa suspek hanggang tuluyang makumbinsing sumuko alas-12:00 ng tanghali matapos maibigay ang hinihinging salapi at isuko ang ginamit na patalim..

Ligtas namang nasagip ng pulisya si alyas Ervin at ang menor-de-edad na biktima na nagtamo ng kaunting sugat sa gitnang daliri at daliri sa paa.

Ayon sa kapatid na babae ng suspek, apat na araw na tuloy-tuloy na duty ang suspek na walang tulog at kulang sa pagkain kaya’t nakaranas ng depresyon.

Hindi rin umano pinasahod ng dating security agency ang suspek kaya’t hindi makauwi ng kanilang lalawigan sa Iloilo.

Ayon kay Col. Goforth, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code o Kidnapping and Serious Illegal Detention. (Richard Mesa)