• August 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

20-anyos na kelot, timbog sa boga, droga sa Caloocan

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng 20-anyos na lalaking sangkot sa ilegal na droga nang inguso sa pulisya na may bitbit na baril habang pagala-gala sa Caloocan City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, nirespondehan ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang natanggap na ulat hinggil sa isang lalaki na may bitbit na baril habang pagala-gala sa Brgy. 132 dakong alas-11:30 ng gabi.

Gayunman, nang mapansin ng suspek ang presensya ng kapulisan ay nagtangka itong tumakas na naging dahilan upang habulin siya ng mga pulis hanggang sa makorner!at maaresto.

Nakumpiska sa suspek na si alyas “Eliyas”, ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala at isang plastic sachet na naglalaman ng nasa 8.1 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P55,080.

Nang hanapan siya ng mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station (SS-5) ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril ay walang naipakita ang suspek.

Sinampahan ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)