Pinas, No. 1 retirement destination sa 2026
- Published on August 24, 2026
- by Francis Paolo Torres
KINILALA ang Pilipinas bilang nangungunang retirement destination para sa 2026, kasabay ng patuloy na paglago ng sektor ng turismo na nakapagtala ng P3.26 trilyong domestic tourism expenditure at 7.7 milyong trabaho.
Batay sa Retirement Abroad Index 2026 ng Expatriate Group, nanguna ang Pilipinas sa 20 bansa matapos makakuha ng 78 puntos dahil sa abot-kayang pamumuhay, accessible na visa requirements, healthcare system, at matatag na expat communities.
Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay, patunay ang pagkilalang ito sa pagsisikap ng bansa na maging mas ligtas, accessible, at kaaya-ayang destinasyon para sa mga turista at dayuhang retirado. Dahil dito, minamadali ng Bureau of Immigration ang modernisasyon ng border systems upang mapanatili ang seguridad habang tinatanggap ang pagdagsa ng mga dayuhang residente.
Pagsapit ng Hunyo 2026, umabot sa 86,292 foreign retirees mula sa mahigit 150 bansa ang pumili sa Pilipinas bilang kanilang ikalawang tahanan, kabilang ang humigit-kumulang 62,000 aktibong Special Resident Retiree’s Visa (SRRV) holders.
Sinabi ni Philippine Retirement Authority President Roberto Zozobrado, malaking ambag sa ekonomiya ang mga foreign retirees dahil nakatutulong sila sa retail, hospitality, at tourism sectors.
Samantala, ipinakita ng datos ng Philippine Statistics Authority na lumago ng 3 porsiyento ang domestic tourism spending noong 2025 sa P3.26 trilyon, habang bahagyang bumaba ang inbound tourism receipts. Gayunman, nanatiling matatag ang sektor dahil sa pagtaas ng foreign visitor arrivals at paglago ng tourism employment.