• August 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 22nd, 2026

PBBM sa mga Pinoy sa Ninoy Aquino Day: Pangalagaan ang demokrasya, itaguyod ang kalayaan

Posted on: August 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments
HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Filipino na humugot ng aral mula sa kasaysayan ng bansa at manatiling committed na protektahan ang demokrasya, kalayaan at pambansang pagkakaisa ngayong Ninoy Aquino Day.
Sinabi ng Pangulo na ang alaala ng namayapang senador ay nagsisilbi bilang paalala para sa mga Filipino na manindigan sa kanilang paniniwala at mag-ambag sa demokratikong paglalakbay ng bansa.
“Ninoy Aquino Day, therefore, invites us to acknowledge the past and draw from it the resolve needed to safeguard freedom, strengthen our institutions, and deepen national unity,” ayon sa Pangulo.
“The challenges facing our democracy may have changed over time, but our shared responsibility to reinforce it remains,” dagdag na wika nito.
Para kay Pangulong Marcos, ang mga hamon na ito ay 'disinformation, division, distrust, at civic indifference.'
Aniya, "Ninoy's legacy encourages Filipinos to address such matters with vigilance and faith in the Filipino people."
“For its part, this administration will remain steadfast in protecting our sovereignty, upholding the rule of law, and ensuring that the liberty we cherish is matched by real opportunities for every Filipino,” ang tinuran ng Pangulo.
“Together, let us carry forward the lessons of our history as we continue to nurture a more peaceful and prosperous Bagong Pilipinas,” aniya pa rin.
Si Aquino ay itinuturing na mabangis na kritiko ng ama ng Pangulo na ang namayapa at si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ang dating senador ay tinambangan sa Manila International Airport, na ngayon ay ipinangalan sa kanya bilang pagbibigay
karangalan, noong August 21, 1983.
(DARIS JOSE)

Kaarawan ni Unang Ginang Liza, ‘most important day in calendar’- PBBM

Posted on: August 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments
PUNONG-PUNO ng pagmamahal na binati ni Pagulong Ferdinand Marcos Jr., araw ng Biyernes ang kanyang esposa na si Unang Lady Louise Araneta-Marcos, na nagdiriwang ng kanyang ika-67 taon na kaarawan ngayon.
Inilarawan ng Pangulo ang kaarawan ng Unang Ginang bilang “most important day in the calendar.”
“My dear Liza, we're celebrating today a most important day in the calendar; Liza Day!” ang sinabi ng Pangulo sa kanyang social media post.
“Happy Birthday to the First Lady of every day of my life... and beyond,” aniya pa rin.
Nauna rito, binatikos ng mga netizens ang birthday post ng Unang GInang sa social media, kasabay ng matinding pagbaha at masamang panahon sa ilang bahagi ng bansa kahapon.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nauunawaan nila ang mga hindi nasiyahan sa timing ng post, pero hindi umano ito nangangahulugang walang malasakit ang First Lady sa mga Pilipinong naapektuhan ng kalamidad.
Sinabi ni Castro na bago pa man daw ang masamang panahon, aktibo na umano ang Unang Ginang sa pagtulong, kabilang ang pamamahagi ng rice assistance sa mga senior citizen sa Negros Occidental at mga aktibidad sa ilalim ng Lab for All.
Ipinaliwanag ni Castro na ang birthday post ay mensahe ng pagpapahalaga sa buhay, at ang “stay safe and dry” ay pagpapakita rin umano ng pag-aalala sa mga kababayang nakararanas ng masamang panahon.
Wala pa rin umanong naging birthday celebration ang First Lady kasama ang Pangulo o pamilya dahil patuloy siyang abala sa trabaho at mga proyekto.
Samantala, tiniyak ng Palasyo na nagpapatuloy ang pagtulong ng First Lady at katuwang siya ng Pangulo sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipino.
(DARIS JOSE)

Malakanyang, dinepensahan ang panukalang P180-M evacuation centers kada rehiyon

Posted on: August 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments
TODO-DEPENSA ang Malakanyang sa pare-parehong P180 million lump sum allocation ng gobyerno para sa bawat rehiyon para sa pagtatayo ng evacuation centers.
Iginiit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na maraming paraan para i-monitor ang mga proyekto na pinondohan pero hindi natapos.
“Marami po tayong paraan para makita natin kung may mga proyektong napondohan pero hindi nagawa dahil ‘yan naman po ang gusto ng ating pangulo,” ani Castro nang hingan ng komento ukol sa pagkuwestiyon ni Senador Panfilo Lacson sa tig-P180 milyong lump sum allocation para sa pagtatayo ng evacuation centers sa bawat isa sa 17 rehiyon ng bansa, na umaabot sa mahigit P3 bilyon, sa ilalim ng panukalang pambansang badyet para sa 2027.
“Hindi na po nanaisin ng Pangulo na magkaroon ng mga ghost projects na nangyari sa mga nakaraang administrasyong at sa administrasyong kasalukuyan,” ani Castro.
Sa ulat, sinabi ni Lacson, kulang sa detalye ang naturang alokasyon dahil hindi nakasaad kung saan partikular itatayo ang mga evacuation center at kung nakabatay ito sa aktuwal na pangangailangan ng bawat rehiyon.
Aniya, hindi malinaw kung isinasaalang-alang sa paglalaan ng pondo ang bilang ng mga umiiral nang evacuation center at ang pangangailangan ng bawat lugar.
Sinabi rin ng senador na sinusuri nila ng kanyang staff ang iba pang probisyon sa panukalang 2027 budget na maaaring magmukhang “political” o “election budget” bago ang 2028 national elections.
Bukod dito, napansin din umano nila ang malaking halaga ng inilaan para sa ayuda at iba pang social services.
Bagama’t kinikilala ni Lacson ang kahalagahan ng pagbibigay ng ayuda, iginiit niyang dapat tiyakin na nakatuon din ang pambansang badyet sa mga programang magbibigay ng pangmatagalang pag-unlad.
(DARIS JOSE)

Impeachment trial mas bibilis sa bagong schedule – Gatchalian

Posted on: August 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments
INIHAYAG ni Se­nate President Sherwin Gatchalian na nagkaroon na ng consensus ang mga senator-judge kung saan ibabalik sa hapon ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang mapabilis ang mga paglilitis.

Nauna nang iminungkahi ni Senator-Judge Juan Miguel “Migz” Zubiri ang nagmungkahi na ibalik sa hapon ang impeachment trial upang magkaroon ng mas maraming oras ang prosecution at defense teams na ihayag ang kanilang mga argumento.
Balak isagawa ang legislative session ng Senado sa alas-10 ng umaga, dahil maaaring ilang oras lamang itong tatagal.

Pagkatapos ng session, sinabi ni Zubiri na maaaring magsimula ang trial ng alas-3 ng hapon kung saan hindi naman masasagasaan ang le­gislative calendar.
Inihayag ni Gatchalian na bukas siya sa pagbabago ng iskedyul ng trial habang naghahanda ang Senado na simulan ang mga pagdinig sa panukalang pambansang badyet para sa 2027.

Dahil kailangan aniyang mag-ses­yon ang mga senator-judges ng alas-3 ng hapon, na­lilimitahan ang oras ng impeachment trial.

“Isa sa mga pinag-uusapan namin ay pagbaliktarin ’yung oras. Dahil on the average, ang impeachment kumukuha ng 6 to 7 hours. Actually, napakahaba. At dahil nga sa umaga siya, limitado siya dahil may session kami ng 3 o’clock,” ani Gatchalian.
Sinabi rin ni Gatchalian na target ng Senate impeachment court na matapos ang trial bago matapos ang Disyembre, pero posibleng umabot hanggang sa susunod na taon dahil sa takbo ng mga paglilitis at mga kanselasyon ng trabaho dahil sa masamang panahon. (VINA de GUZMAN)

Para sa 1st parliamentary polls…PBBM, idineklara ang Sept. 14 bilang special non-working day sa BARMM

Posted on: August 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments
IDINEKLARA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Setyembre 14, 2026 bilang special non-working day sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para payagan ang mga residente na magpartisipa sa 'first regular parliamentary elections' ng rehiyon.
“In order to give the people of the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao the opportunity to actively and fully participate in the election and exercise their right to vote, it is but fitting and proper to declare Monday, 14 September 2026, as a special (non-working) day,” ang nakasaad sa Proclamation No. 1395 na inisyu ni Pangullong Marcos.
Ang kauna-unahang BARMM parliamentary elections ay muling itinakda sa Setyembre 14, 2026, sa ilalim ng Republic Act No. 12317, inamiyendahan ang Bangsamoro Organic Law.
Samantala, ang proklamasyon ay nilagdaan nito lamang Agosto 18 ni Acting Executive Secretary Ralph Recto na may pahintulot ni Pangulong President Marcos.
(DARIS JOSE)

Kaisa ang prosekusyon sa panawagan ni VP Sara na speedy trial

Posted on: August 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KAISA ang House prosecution panel sa pagnanais ni Vice President Sara Z. Duterte na speedy impeachment trial, ngunit dapat gayundin sana ang kanyang defense team at tumulong na iwasan ang unnecessary delays sa pagdinig.

Ayon kay impeachment team spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na matagal ng gusto ng prosekusyin ang mabilis na pagdinig ng hindi naman nasasakripisyo ang proseso, gaya ng desisyon nila na huwag nang iharap ang ilang saksi na hindi na kinakailangan ang testimonya.

“Ang gusto talaga natin speedy. But ang sinasabi din po natin dito is ‘yung promptness and the speedy disposition of the court’s decision can go hand in hand with due process. Wala naman pong problema doon as long as it will not definitely compromise the presentation of both panels, not only the prosecution panel but as well as the defense,” ani Alonto Adiong.

Nanawagan si Duterte nitong Miyerkules na bilisan sana ang impeachment proceedings laban sa kanya.

Inihayag naman ni House prosecution legal spokesperson at counsel Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na hindi kokontra ang prosecutors sa pahayag ni Duterte na kailangang matapos agad ang pagdinig.

“Doon sa pahayag niya, gusto niyang mapabilis, we don’t see any problem with that. Kaisa kami sa kagustuhan na matapos natin itong proseso na ito sa lalong mabilis na panahon. Kung pareho kami ng kagustuhan pala, maganda din na iparating ito sa kanyang defense team,” ani Tolosa.

(VINA de GUZMAN)

2,000 Pamilya sa San Pedro at Biñan, Tumanggap ng Tulong-Ayuda mula kay Gov. Sol Aragones

Posted on: August 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SAN PEDRO, Laguna — Tuloy-tuloy ang pag-abot ng tulong sa mga mamamayan sa lalawigan matapos muling magbahagi ng bigas, karneng manok, at sariwang gulay si Gobernadora Sol Aragones, Biyernes, Agosto 21, 2026.

Isinagawa ang pamamahagi sa dalawang magkahiwalay na lokasyon: sa Barangay Estrella, Lungsod ng San Pedro, at sa Barangay Timbao, Lungsod ng Biñan.

Sa pamamagitan ng programang kapareho ng community pantry, umabot sa 2,000 katao ang nakinabang sa libreng manok at gulay. Bukod dito, namahagi rin ng 1,000 sako ng bigas na may bigat na tig-limang kilo para sa mga residenteng dumalo.

Labis ang pasasalamat ni Gobernadora Aragones sa lokal na pamahalaan at mga opisyal na tumulong upang maging matagumpay ang programa, partikular na kina Mayor Art Mercado ng San Pedro at Konsehal Sherwin Almeranza ng Barangay Timbao, para sa kanilang patuloy na suporta at pakikipagtulungan.

Abiso sa mga Residente:

Hinihikayat ang publiko na abangan ang mga susunod na anunsiyo para sa mga susunod na barangay at bayan sa Laguna na mabibiyayaan ng kaparehong ayudang manok, gulay, at bigas.

(Jeremiah Solomon / Boy Morales Sr.)

P136K high-grade marijuana, nasabat sa buy-bust sa Valenzuela, tulak timbog

Posted on: August 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ARESTADO ang isang hinihinalang high-value drug personality matapos kumagat sa ikisang buy bust operation ng pulisya at makuhanan ng mahigit P.1 milyong halaga ng high-grade marijuana sa Valenzuela City, Biyernes ng umaga.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek bilang si alyas “Leonard”, 25, residente ng Caloocan City.

Ayon kay P/Lt. Sherwin Dascil, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), ikinasa nila ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA matapos ang natanggap na impormasyon na ang suspek umano ang bumabagsak ng marijuana sa Valenzuela at ibinibenta umano sa mga estudyante sa lungsod.

Dakong alas-10:00 ng umaga nang maaresto ng mga operatiba ng SDEU ang suspek matapos bintahan ng P12,500 halaga ng high-grade marijuana ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Brgy., Marulas.

Nakumpiska sa kanya humigi’t kumulang 114 grams ng hinihinalang high-grade marijuana na nagkakahalaga ng P136,800.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 12-pirasong P1,000 boodle money, itim na sling bag, ilang identification cards, P250 cash at isang motorsiklo na gamit niya sa pagdedeliver umano ng ilegal ng droga.

Pinuri naman ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang Valenzuela CPS sa pamumuno ni Col. Talento sa kanilang matagumpay na drug operation dahil ayon sa kanya, walang puwang ang ilegal na droga sa Valenzuela.

Nananawagan din ang alkalde sa publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga taong sangkot sa aktibidad ng illegal na droga at iba pang kahina-hinalang gawain.

Ani SDEU investigator PSSg Cris Paul Collo, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng Inquest Proceedings. (Richard Mesa)

Maton, dinampot sa panunutok ng baril, tangkang pangingikil sa mister 

Posted on: August 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINALAWIT ng pulisya ang 31-anyos na maton nang tutukan ng baril at pagbantaang todasin ang 57-anyos na mister na tinangka niyang kikilan sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na habang naglalakad pauwi ang biktima sa Barangay Tangos North pasado alas-7 ng gabi nang harangin ng suspek na si alyas “Roger” at pilit umanong kinikikilan ng salapi.

Nang tumanggi ang biktima, bumunot ng baril ang suspek at tinutukan ang biktima na sa sobrang takot ay nagtatakbong palayo hanggang makahingi ng saklolo sa mga nagpapatrulyang tauhan ni Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela.

Kaagad namang rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nakumpisa sa kanya ang kalibre .38 revolver na kargado pa ng isang bala.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang mabilis na pagtugon ng Navotas police sa sumbong ng biktima na nagresulta sa agarang pagkakadakip sa suspek.

Sinampahan na ng pulisya ang suspek ng kasong Grave Threat at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Navotas City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

Pangulo ng HOA sa Caloocan, todas sa pamamaril, treasurer sugatan

Posted on: August 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASAWI ang 51-anyos na babaeng pangulo ng Home Owners Association (HOA) habang sugatan ang kanyang Treasurer nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa loob ng kanilang tanggapan sa Caloocan City, Huwebes ng hapon.

Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si alyas “Gina” pangulo ng Brilliant Stone Village HOA at residente sa naturang village sa Bagumbong Dulo, Brgy. 171 habang ginagamot naman sa isang pagamutan sa Quezon City ang 45-anyos na treasurer na si alyas “Cely” sanhi rin ng tama ng bala sa katawan.

Sa ulat ni ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nasa loob ng kanilang tanggapan sa Brilliant Stone Village ang mga biktima para tumanggap ng buwanang bayad sa lupa nang pumasok ang suspek na nakasuot ng itim na jacket, itim na helmet, at maong na short pants alas-3:30 ng hapon.

Kaagad umanong naglabas ng baril ang suspek at pinagbabaril ang mga biktima bago mabilis na tumakas patungo sa hindi matukoy na direksyon sakay ng walang plakang itim na Yamaha Mio motorcycle na minamaneho ng kanyang kasabwat.

Sa inisyal na ulat ng Caloocan police, bilang pangulo ng HOA ay may mga pagbabanta na natatanggap sa kanyang buhay ang biktima noon pa man na may kaugnayan umano sa away sa lupa.

Noong taong 2020, pinagbabaril ang bahay ng biktima ng hindi nakilalang suspek kaya’t minabuti niyang umuwi muna ng probinsiya at ng inaakalang wala ng banta sa kanyang buhay ay bumalik na muli sa kanyang tirahan.

Nakuha ng pulisya sa crime scene ang limang basyo ng bala, isang depormadong bala, isang tingga, isang bala at dalawang metallic fragment na pawang nagmula sa kalibre .45 pistola habang patuloy ang follow-up operation ng mga tauhan ni Col. Goforth para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek.

 (Richard Mesa)