• August 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2,000 Pamilya sa San Pedro at Biñan, Tumanggap ng Tulong-Ayuda mula kay Gov. Sol Aragones

SAN PEDRO, Laguna — Tuloy-tuloy ang pag-abot ng tulong sa mga mamamayan sa lalawigan matapos muling magbahagi ng bigas, karneng manok, at sariwang gulay si Gobernadora Sol Aragones, Biyernes, Agosto 21, 2026.

Isinagawa ang pamamahagi sa dalawang magkahiwalay na lokasyon: sa Barangay Estrella, Lungsod ng San Pedro, at sa Barangay Timbao, Lungsod ng Biñan.

Sa pamamagitan ng programang kapareho ng community pantry, umabot sa 2,000 katao ang nakinabang sa libreng manok at gulay. Bukod dito, namahagi rin ng 1,000 sako ng bigas na may bigat na tig-limang kilo para sa mga residenteng dumalo.

Labis ang pasasalamat ni Gobernadora Aragones sa lokal na pamahalaan at mga opisyal na tumulong upang maging matagumpay ang programa, partikular na kina Mayor Art Mercado ng San Pedro at Konsehal Sherwin Almeranza ng Barangay Timbao, para sa kanilang patuloy na suporta at pakikipagtulungan.

Abiso sa mga Residente:

Hinihikayat ang publiko na abangan ang mga susunod na anunsiyo para sa mga susunod na barangay at bayan sa Laguna na mabibiyayaan ng kaparehong ayudang manok, gulay, at bigas.

(Jeremiah Solomon / Boy Morales Sr.)