• August 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Impeachment trial mas bibilis sa bagong schedule – Gatchalian

INIHAYAG ni Se­nate President Sherwin Gatchalian na nagkaroon na ng consensus ang mga senator-judge kung saan ibabalik sa hapon ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang mapabilis ang mga paglilitis.

Nauna nang iminungkahi ni Senator-Judge Juan Miguel “Migz” Zubiri ang nagmungkahi na ibalik sa hapon ang impeachment trial upang magkaroon ng mas maraming oras ang prosecution at defense teams na ihayag ang kanilang mga argumento.
Balak isagawa ang legislative session ng Senado sa alas-10 ng umaga, dahil maaaring ilang oras lamang itong tatagal.

Pagkatapos ng session, sinabi ni Zubiri na maaaring magsimula ang trial ng alas-3 ng hapon kung saan hindi naman masasagasaan ang le­gislative calendar.
Inihayag ni Gatchalian na bukas siya sa pagbabago ng iskedyul ng trial habang naghahanda ang Senado na simulan ang mga pagdinig sa panukalang pambansang badyet para sa 2027.

Dahil kailangan aniyang mag-ses­yon ang mga senator-judges ng alas-3 ng hapon, na­lilimitahan ang oras ng impeachment trial.

“Isa sa mga pinag-uusapan namin ay pagbaliktarin ’yung oras. Dahil on the average, ang impeachment kumukuha ng 6 to 7 hours. Actually, napakahaba. At dahil nga sa umaga siya, limitado siya dahil may session kami ng 3 o’clock,” ani Gatchalian.
Sinabi rin ni Gatchalian na target ng Senate impeachment court na matapos ang trial bago matapos ang Disyembre, pero posibleng umabot hanggang sa susunod na taon dahil sa takbo ng mga paglilitis at mga kanselasyon ng trabaho dahil sa masamang panahon. (VINA de GUZMAN)