• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 20th, 2026

14 BIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING, NASAGIP SA NAIA AT CLARK , 2 RECRUITER NASABAT

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

AABOT sa 14 na hinihinalang biktima ng human trafficking ang nasagip sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 at Clark International Airport (CIA) Terminal 2 noong Agosto 8 matapos umanong ma-recruit para magtrabaho sa Russia.

Ayon sa mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa NAIA at CIA, nasagip ang 14 na biktima at dalawang hinihinalang recruiter matapos silang tangkaing bumiyahe palabas ng bansa sa magkahiwalay na insidente sa dalawang paliparan.

Anim na lalaki, na nasa edad 40 hanggang 50, ang nasagip sa CIA matapos tangkaing bumiyahe patungong Hong Kong sakay ng Cebu Pacific.

Una nilang sinabi na magbabakasyon sila kasama ang mga dati nilang kasamahan sa militar, ngunit nagkakasalungat ang kanilang mga pahayag tungkol sa detalye ng biyahe. Kalaunan, inamin nilang patungong Russia sila, kung saan sila na-recruit upang magtrabaho at inalok ng buwanang sahod na USD 3,000.

Samantala, walong iba pang biktima ang nasagip sa NAIA matapos tangkaing bumiyahe patungong Singapore sakay din ng Cebu Pacific.

Binubuo ang grupo ng anim na lalaki at dalawang babae na nasa edad 30 hanggang 50. Una rin nilang sinabi na business trip ang kanilang pakay, ngunit kalaunan ay napag-alamang patungong Russia sila upang magtrabaho kapalit ng mataas na sahod at alok na Russian citizenship.

Inamin ng walong biktima na kasama rin nila sa parehong flight ang kanilang mga facilitator—isang lalaki at isang babae—na iginiit na business trip lamang ang kanilang biyahe.

Ipinasa sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang lahat ng 14 na biktima at dalawang hinihinalang facilitator para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga recruiter.

Nagbabala naman si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa na huwag mabiktima ng ganitong mga recruitment scheme.

Ayon kay Viado, nangangako ang mga recruiter ng mataas na sahod at maging citizenship, ngunit kadalasan ay napapahamak ang mga biktima sa kanilang mga pinapasukang sitwasyon.

Hinimok niya ang mga Pilipino na protektahan ang kanilang sarili laban sa mga recruiter na aniya’y ginagamit lamang ang mga kababayan para sa sariling pakinabang at hindi magdadalawang-isip na ilagay sa panganib ang kanilang buhay at kaligtasan kapag nasa ibang bansa na. (Gene Adsuara)

Kelot, kulong sa pananakot sa bebot gamit ang toy gun sa Malabon

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BINITBIT sa selda ang 36-anyos na tambay nang maaktuhan ng pulisya habang tinatakot ng hawak na baril ang kausap na bebot sa Malabon City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nagpapatrolya ang mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission sa Barangay Catmon dakong alas-12:10 ng tanghali nang lapitan sila ng isang lalaki at ipinabatid ang ginagawang pananakot ng armadong suspek sa bebot na kanyang kinompronta.

Kaagad namang nadis-armahan ng mga pulis ang suspek at nang suriin ang hawak na baril, nadiskubreng isa lamang itong replica ng kalibre .38 revolver.

Hindi naman tinukoy sa ulat ng pulisya kung ano ang motibo sa pananakot ng suspek sa biktima na naghain na ng reklamong Grave Threat laban sa kanya.

Bukod dito, sinampahan din siya ng pulisya ng kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

2 arestado sa droga sa Valenzuela

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TIMBOG ang limang indibidwal kabilang ang dalawang hinihinalang drug personalities nang maaktuhan naglalaro umano ng iligal na sugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa ulat, nagsasagawa ng Anti Criminality operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento nang maaktuhan ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa Pinagpala St., Area 4, Sitio Pinalagad, Brgy., Malinta dakong alas-5 ng hapon.

Kaagad nilapitan nina Pat. Jonathan San Pedro at Pat. Roval Labawan ang dalawa sabay nagpakilala bilang mga pulis na nakatalaga sa Valenzuela Police Sub-Station 4 bago inaresto. Nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano sa mekaniko na si alyas “Jonard”, 34.

Nauna rito, naaresto naman ng mga operatiba ng Police Sub-Station 5 ang tatlong indibidwal habang nagsusugal din umano ng ‘cara y cru’ sa isang bakanteng lote sa Sagip St., Brgy., Arkong Bato pasado alas-9:34 ng gabi.

Nakumpiska nina PSMS Israel Gutierrez at Pat Joshua Capiral sa kaila ang perang pantaya, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha umano kay alyas “Aljon”, 22.

Sinampahan na ng pulisya ng mga kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-Gamling Law) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sina ‘Jonard’ at ‘Aljon’ sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. 

(Richard Mesa)

2 high-value drug personalities, laglag sa P1.7M shabu sa Caloocan

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT sa mahigit P1.7 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang hinihinalang high‑value drug personalities matapos matiklo ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City, Martes ng gabi.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek na isang 24-anyos na lalaking courier rider at 26-anyos na babaeng make-up artist.

Ikinasa ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA, kasunod ng natanggap na impormasyon ng mga operatiba Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga suspek.

Nang matanggap ang signal mula sa isa nilang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, kaagad lumusob ang mga operatiba ng SDEU saka inaresto ang mga suspek dakong alas-10:19 ng gabi sa loob ng isang housing project sa Barangay 188.

Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili kay NCRPO Regional Director PMGEN Anthony Aberin, nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 252.2 grams ng suspected shabu na may standard drug price na P1,714,960.00, buy bust money at isang pulang handbag.

“Every gram of illegal drugs seized means lives protected and families spared from the devastating effects of drug abuse. We will remain relentless in strengthening intelligence‑driven operations and working with partner agencies and communities to keep Metro Manila safe and secure.” pahayag ni MGen. Aberin. (Richard Mesa)

SENIOR CITIZEN PARTY-LIST, HINIMOK ANG KONGRESO NA PROTEKTAHAN ANG PANUKALANG ₱51.6-B SOCIAL PENSION FUND

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINIMOK ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes ang Kongreso na protektahan ang panukalang ₱51.6-bilyong Social Pension fund para sa mga mahihirap na senior citizen at alamin kung nananatiling sapat ang kasalukuyang ₱1,000 buwanang pensiyon.

Ang 2027 National Expenditure Program ay nagmumungkahi ng ₱51.644 bilyon para sa Social Pension para sa mga Mahihirap na Senior Citizen. Nakasaad sa Mensahe sa Budget ng Pangulo na ang programa ay naglalayong tulungan ang 4,236,841 na matatandang Pilipino.

“We must protect this allocation, but we also have to ask whether ₱1,000 a month still provides meaningful help for the food, medicines and other basic needs of an indigent senior citizen,” sabi ni Ordanes.

Nakatakdang simulan ng House Committee on Appropriations ang mga budget briefing kasama ang Development Budget Coordination Committee, kabilang ang Department of Budget and Management.

Ang Republic Act No. 11916 ay nagbibigay sa mga mahihirap na senior citizen ng buwanang social pension na hindi bababa sa ₱1,000. Inaatasan din nito ang Department of Social Welfare and Development na nakabatay sa pag-apruba ng DBM at konsultasyon sa mga stakeholder na repasuhin at kung kinakailangan ayusin ang halaga kada dalawang taon, isinasaalang-alang ang Consumer Price Index at iba pang kaugnay na economic indicators.

Ang na-update na mga macroeconomic assumptions ng Development Budget Coordination Committee para sa 2027 ay nagtataya ng inflation sa 4.0 porsyento hanggang 5.0 porsyento sa susunod na taon, kasunod ng inaasahang 6.0 porsyento hanggang 7.0 porsyento sa 2026.

“May malinaw na review mechanism ang batas. Ang tanong natin sa budget deliberations: ginawa na ba ang review, ano ang resulta, at reflected ba ito sa 2027 budget?” sabi ni Ordanes.

Sinabi ni Ordanes na dapat isumite ng DSWD at DBM sa Kongreso ang pinakabagong pagsusuri sa pensiyon na kinakailangan sa ilalim ng RA 11916 o ipaliwanag ang katayuan nito at ibunyag kung magkano ang karagdagang pondo na kakailanganin kung kinakailangan ang isang pagsasaayos ng hindi binabawasan ang bilang ng mga kwalipikadong senior citizen na sakop.

Hiniling din niya sa DSWD na ibunyag ang mga target nitong benepisyaryo para sa 2027 at tukuyin ang sinumang kwalipikadong senior citizen habang pinapalakas ang pag-target at paghahatid sa pamamagitan ng PhilSys, Community-Based Monitoring System, at mga digital na pagbabayad.

“Dalawa ang dapat nating bantayan: sapat ba ang ayuda, at nakakarating ba ito sa mga senior na kwalipikado,” sabi ni Ordanes.

 (PAUL JOHN REYES)

DOH: 220 leptospirosis deaths naitala ngayong 2026

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKAPAGTALA ang Department of Health (DOH) ng 220 leptospirosis deaths mula Enero hanggang Agosto 8, 2026, ayon kay DOH Disease Prevention and Control Medical Officer Dr. Anne Dominique Asis-Matuba.

Sa kabuuan, may 3,440 kaso ng leptospirosis ngayong taon — mas mababa kumpara sa 5,318 kaso noong 2025. Gayunman, nagbabala si Asis-Matuba na dapat pa ring mag-ingat lalo na matapos ang mga pagbaha.

Nagpaalala siya sa publiko na umiwas sa paglusong o paglalaro sa baha. Kung hindi maiwasan, magsuot ng bota, at agad na maghugas ng katawan gamit ang tubig at sabon, lalo na kung may sugat. Pinakamahalaga aniya ang pagkonsulta sa doktor o health center sa loob ng 24 hanggang 48 oras matapos ma-expose sa baha.

Tiniyak din ng opisyal na maaaring makuha nang libre sa health centers ang doxycycline, ngunit dapat munang magpakonsulta bago uminom ng gamot dahil hindi ito ligtas para sa lahat, gaya ng mga buntis, nagpapasuso, o may allergy.

Dagdag pa ni Asis-Matuba, ang tamang dosage ay nakabatay sa antas ng exposure: Kung walang sugat, dala­wang kapsula sa loob ng 24–72 oras. Kung may sugat, dalawang kapsula araw-araw sa loob ng 3–5 araw.

Binigyang-diin ng DOH na ang leptospirosis ay nakamamatay kung hindi maagapan, kaya’t mahalaga ang maagap na pagpapa­tingin sa doktor at tamang pag-iwas sa baha.