• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 20th, 2026

Kai Sotto makakasama ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup Asian Qualifiers

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUMPIRMA na ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na makakasama na sa fourth window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers si Kai Sotto.Sanggunihang Pang-heyograpiko

Sinabi ni Cone na sumabak na si Sotto sa kanilang ensayo nitong araw ng Lunes.

Dagdag pa nito na magiging malaking susi sa panalo ng Gilas si Sotto kung saan huling nakapaglaro ito sa national team noong 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers.

Mula noon ay hindi na nakapaglaro pa ang 7-foot-3 matapos na magtamo ng anterior cruciate ligament (ACL) sa kaniyang kaliwang tuhod noong Enero 2025.

Bukod pa kay Sotto ay inaasahan na rin ang paglalaro ni Justin Brownlee na nagpagaling ng kaniyang injury.

Mayroong 10 araw ang Gilas Pilipinas para paghandaan ang nasabing torneo.

Makakaharap ng Gilas ang Jordan sa darating na Aogsto 28 habang ang Iran naman sa Agosto 30 na gaganapin ito sa Pilipinas.

Sabalenka, pasok na sa Round of 16 ng Cincinnati OpenABANSE na si Aryna Sabalenka sa Round of 16 ng nagpapatuloy na Cincinnati Open matapos pabagsakin si Wang Xinyu.

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Inabot lamang ng 20 minuto ang World No. 1 upang tapusin ang unang set, 6-1, sa tulong ng kanyang dominanteng laro.

Bagaman mas matagal ang inabot ng ikalawang set, nangibabaw pa rin ang lakas ng tennis champion at tuluyan itong tinapos sa reaches na 6-3—daan upang umabanse siya sa fourth round ng WTA 1000 Cincinnati Open.

Halos hindi makapalag ang 36th-ranked tennis star na si Wang sa bilis at liksi ni Sabalenka.

Ang panibagong panalong ito ay ang ika-45 tagumpay ng World No. 1 sa Masters 1000 level.

Sunod na haharapin ni Sabalenka sa 4th round ang Czech star na si Sara Bejlek, na umusad matapos talunin si Ekaterina Alexandrova sa opensiba nitong 4-6, 6-1, 6-2.

Pagbubukas ng Likhang Sining Niyogyugan Festival 2026:

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Simpleng Pagdiriwang sa Gitna ng Krisis, Binigyang-Diin ang Agrikultura at Pangkabuhayan

LUNGSOD NG LUCENA — Opisyal nang binuksan ang tatlong araw na pagdiriwang ng Likhang Sining Niyogyugan Festival 2026 sa pamamagitan ng tradisyonal na tagayan ritwal nitong Lunes, Agosto 17, 2026.

Pinangunahan ang naturang seremonya ni Gobernadora Doktora Helen Tan, kasama ang kanyang kabiyak na si dating Regional Director Engr. Ronel Tan, Bokal Kim Tan ng Ikalawang Distrito ng Quezon, Department of Tourism (DOT) Calabarzon Region IV-A Director Marites Castro, Vice Governor Anacleto “Third” Alcala III, Bokal JJ Aquivido ng Ikatlong Distrito, at Bokal Yna Liwanag ng Unang Distrito.

Dumalo rin sa pagbubukas ang mga lokal na punong-bayan na sina Mayor L.A. Ruanto ng Infanta at Pangalawang Pangulo ng Mayors League of Quezon; Mayor Atty. Elvis Uy ng Atimonan; Mayor Rey Rosilla ng Buenavista; Mayor Alfredo Pujeda ng General Nakar; at Mayor Julie Ann Macasaet ng Real.

Ibinida sa pagdiriwang ang iba’t ibang likhang-sining, kabilang ang mga detalyadong miniature booth, mga manika, produktong agrikultura, art exhibits, at mga pinta mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ginawang payak at simple ang selebrasyon ngayong taon bunsod ng mga kinakaharap na krisis sa langis, enerhiya, at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sa kanyang mensahe, hinimok ni Gobernadora Helen Tan ang mga mamamayan na magkaisa sa panalangin upang malampasan ang kasalukuyang krisis. Aniya, inaasahan na maibabalik ang mas magarbong pagdiriwang ng Niyogyugan Festival sa 2027 sakaling bumuti na ang sitwasyon. Nagpaabot din siya ng taos-pusong pasasalamat sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa mga programa ng lalawigan.

Bilang bahagi ng pagtataguyod sa sektor ng agrikultura, namahagi rin ang pamahalaang panlalawigan ng mga alagang hayop sa iba’t ibang kooperatiba at grupo ng mga magsasaka. Kabilang sa mga ipinamahagi ang mga baboy, manok na panitlugan, baka, at kalabaw upang magsilbing alternatibong kabuhayan at pandagdag-kita sa mga lokal na maghahayupan.

Ang tatlong araw na pagdiriwang ay nagsimula noong ika-17 ng Agosto at magtatapos sa darating na Miyerkules, ika-19 ng Agosto, 2026, na kasabay din ng pagdiriwang ng kaarawan ng kauna-unahang pangulo ng Commonwealth na si Manuel Luis Quezon.( Kim Bornella/ Boy Morales Sr.)

Mayor Jeannie, namahagi ng family food packs

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BILANG bahagi ng kanyang pangakong tiyakin ang kapakanan ng mga residente sa panahon ng kalamidad, personal na pinuntahan ni Mayor Jeannie Sandoval ang may 207 pamilya o 779 na indibidwal na kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center sa Lungsod ng Malabon upang mamahagi ng mga family food pack sa gitna ng mga pag-ulang dulot ng Habagat. Tiniyak niya na nananatiling nakaantabay ang Pamahalaang Lungsod upang magbigay ng tulong at tumugon sa kanilang mga pangangailangan. (Richard Mesa)

NIA, nakatutok sa level ng tubig sa Pantabangan at Magat Dam.

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ALINSUNOD sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpatuloy ang mahigpit na pagbabantay sa mga dam, tiniyak ng National Irrigation Authority (NIA), sa pangunguna ni Administrator Eduardo “Eddie” Guillen, na nakatutok ang kanilang tanggapan sa lebel ng tubig sa Pantabangan at Magat Dam.

Batay ito sa kanilang pinakabagong ulat, nasa 178.27 meters above sea level na ang water level sa Magat Dam sa Isabela habang nasa 187.72 meters above sea level naman ang Pantabangan Dam sa Nueva Ecija.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na Iniulat din ng NIA na walang nakabukas na spillway gate sa dalawang dam at wala ring naiulat na spill discharge. 

Ayon kay NIA Administrator Eddie Guillen, walang naitalang malawakang pinsala sa mga pananim na palay.

Sa kabilang dako ay inilahad naman ng tanggapan na naging kapaki-pakinabang ang pag-ulan dahil napalakas nito ang irigasyon sa ating mga sakahan. 

“Ayon sa datos ng NIA, katumbas ng 90,000 hectares ang kayang patubigan ng Magat Dam at 100,000 hectares naman mula sa Pantabangan Dam dahil sa pag-ulan. Malaking ginhawa ang hatid nito sa ating mga magsasaka na naapektuhan ng El Niño,” ayon kay Castro.

Makakaasa naman aniya ang taumbayan na patuloy ang pag-monitor ng NIA sa water level ng mga dams sa kabila ng sunud-sunod na pag-uulan. ( DARIS JOSE)

Gobyerno, patuloy ang pagsasagawa ng mga hakbang sa mga lugar na apektado ng sunod-sunod na pag-ulan -Malakanyang 

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

WALANG hinto ang pamahalaan sa pagsasagawa ng mga hakbang sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng sunud-sunod na pag-ulan sa Metro Manila at ilang bahagi ng bansa, alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na siguruhing ligtas ang mga residente sa gitna ng walang tigil na pag-ulan.

Sa press biefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na sa tulong ng mga estero rangers at river warriors ng Department of Environment and Natural Resources at partner organizations, mas lalo pang pinaigting ng DENR, sa pangunguna ni Secretary Juan Miguel Cuna, ang paglilinis at pagbabantay sa mga ilog, estero, drainage system at baybaying lugar.

Ang DPWH naman aniya, sa pangunguna ni Secretary Vince Dizon, ay patuloy ang pag-iikot sa mga lugar na binaha upang agad na alamin ang kondisyon ng mga apektadong lugar at malapatan ng solusyon.

Ipinag-utos din ani Castro ng Pangulo sa DPWH na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Quezon City upang maiayon ang flood control master plan ng lungsod upang lalo pang bumilis ang paghupa ng baha sa lugar.

Pinaalalahanan naman ng DILG, sa pangunguna ni Secretary Jonvic Remulla, ang ilang regional and provincial directors at mga LGU sa mga apektadong lugar na panatilihin ang pakikipag-ugnayan sa mga Local Disaster Risk Reduction and Management Council upang bantayan ang sama ng panahon.

Pinaalalahanan din ang lahat na maging alerto at magbantay upang maiwasan ang disgrasya sa mga apektadong residente.  

Nakatutok din aniya ang DOH, sa pangunguna ni Secretary Edwin Mercado, sa posibleng pagtaas ng kaso ng leptospirosis dulot ng malawakang pagbaha. 

Kaugnay nito, nananatiling operational at sapat ang supply ng mga pasilidad ng DOH habang nakataas ang code white alert sa mga apektadong centers for health development, at patuloy naman ang pakikipag-ugnayan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Nakaabang din ang nasa 3.1 million doxycycline capsules ng DOH central office at sa 17 CHDs, sapat ang supply ng gamot para tumugon sa pangangailangan ng mga ospital at lokal na pamahalaan. 

Ayon sa DSWD, sa pangunguna ni Sec. Rex Gatchalian, umabot na sa halos 800 million pesos ang humanitarian assistance na inilabas ng pamahalaan sa gitna ng sunud-sunod na pag-ulan, habang nasa 2.3 million pesos na financial assistance ang ipinaabot sa mga apektadong residente. 

Kaya nga aniya nanatiling handa ang DSWD para maghatid ng tulong sa mga binahang residente. Sa kasalukuyan ay nasa 832 million pesos ang standby funds ng pamahalaan sa buong bansa. (DARIS JOSE)

Kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga…Mas mahigpit na batas sa loose firearms, itinutulak ni Remulla

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINILING ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa Kongreso nitong Miyerkules, Agosto 19, na i-repeal ang Republic Act No. 8294 o “Robin Padilla law” at gawing non-bailable ang possession ng loose firearms.

Ayon kay Remulla, nagdulot umano ng pagtaas ng krimen ang batas dahil naging bailable offense ang possession ng loose firearms.

Kasunod ito ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga kung saan dalawang katao ang nasawi at siyam ang nasugatan.

Pinuna rin ni Remulla ang umano’y mababang parusa sa mga gun owner na napapabayaan ang kanilang mga baril hanggang magamit ito ng mga menor de edad.

Sinabi ng kalihim na 98% ng mga krimen sa bansa ay gumagamit umano ng loose firearms at panahon na para managot ang mga may-ari ng naturang mga baril. 

(DARIS JOSE)

Mas malaking insentibo sa mga disaster at rescue workers sa panahon ng kalamidad, panukala ng mambabatas

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG mambabatas ang nagpanukala na bigyan ng mas malaking insentibo ang mga disaster at rescue workers sa panahon ng kalamidad.

Inihain ni Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas ang House Bill No. 2269, o “Magna Carta for Public DRRM Workers” na naglalayong bigyan ng 25 percent hazard pay, 50 percent standby on-call compensation, at fully subsidized hospital care sa mga nasaktan na disaster at rescue workers.

Ayon kay Vargas, napapanahon na isabatas ang HB 2269 sa gitna ng walang tigil na buhos ng ulan dulot ng habagat.

“Habang nag-iikot po tayo, nakita po natin ang matinding sakripisyo at malasakit ng ating mga DRRM workers upang siguraduhin na ligtas ang mga mamamayan, at may maayos na evacuation centers na mapupuntahan,” sabi ni Vargas. 

Ayon kay Vargas, nakapaloob sa HB 2269 ang mga Contract of Service (CoS) at Job Order (JO) workers sa mabibigyan ng benepisyo at proteksyon.

Ang mga field personnel ay bibigyan ng full subsistence allowances, monthly laundry allowances, five percent longevity pay increase sa bawat limang taon sa serbisyo, libreng living quarters o housing allowances kung na nadeploy malayo sa kanyang tirahan.

“Buhay ang iniaalay nila para sa kaligtasan ng bawat pamilyang Pilipino, kaya oras na para suklian natin ang kanilang sakripisyo at dedikasyon,” ani Vargas. (VINA de GUZMAN)

Pension ng mga seniors, itaas sa P1,500 kada buwan, hiling ng mambabatas

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PATULOY sa pagbaba ang halaga ng ₱1,000 buwanang social pension para sa mga indigent senior citizens dala ng inflation at pagtaas ng cost of living.

Base sa inflation, kinakailangan ngayon ng ₱1,300 para makabili na katumbas sa ₱1,000 na nabibili noong 2019.

“If prices continue to rise while legislation takes time to enact and implement, we should already be looking at a social pension of at least ₱1,500 monthly to help seniors recover the purchasing power they have lost. This is economic reality. The senior citizens’ pension must keep pace with the rising cost of food, medicine and other basic necessities,” ayon kay Senior Citizens Party list Rep. Rodolfo Ordanes.

Ito ang dahilan kung bakit inihain niya ang panukalang Universal Social Pension for Seniors Act o House Bill 427, na nagsusulong na gawing pangkalahatan ang social pension, upang hindi lamang mga indigent ang kasama sa benepisyo kundi lahat ng senior citizens.

Idinagdagdag nito na kailangang itaas sa hindi bababa sa ₱1,500 kada buwan ang social pension upang maibalik ang malaking bahagi ng purchasing power na nawala dahil sa inflation at peso depreciation.

Hinihikayat din ng mambabatas ang SSS at GSIS na masusing suriin ang kasalukuyang antas ng kanilang retirees’ pensions at tingnan kung kinakailangan ding magpatupad ng adjustments upang matulungan ang mga pensioner na makasabay sa tumataas na halaga ng pamumuhay. (VINA de GUZMAN)

14 BIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING, NASAGIP SA NAIA AT CLARK , 2 RECRUITER NASABAT

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

AABOT sa 14 na hinihinalang biktima ng human trafficking ang nasagip sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 at Clark International Airport (CIA) Terminal 2 noong Agosto 8 matapos umanong ma-recruit para magtrabaho sa Russia.

Ayon sa mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa NAIA at CIA, nasagip ang 14 na biktima at dalawang hinihinalang recruiter matapos silang tangkaing bumiyahe palabas ng bansa sa magkahiwalay na insidente sa dalawang paliparan.

Anim na lalaki, na nasa edad 40 hanggang 50, ang nasagip sa CIA matapos tangkaing bumiyahe patungong Hong Kong sakay ng Cebu Pacific.

Una nilang sinabi na magbabakasyon sila kasama ang mga dati nilang kasamahan sa militar, ngunit nagkakasalungat ang kanilang mga pahayag tungkol sa detalye ng biyahe. Kalaunan, inamin nilang patungong Russia sila, kung saan sila na-recruit upang magtrabaho at inalok ng buwanang sahod na USD 3,000.

Samantala, walong iba pang biktima ang nasagip sa NAIA matapos tangkaing bumiyahe patungong Singapore sakay din ng Cebu Pacific.

Binubuo ang grupo ng anim na lalaki at dalawang babae na nasa edad 30 hanggang 50. Una rin nilang sinabi na business trip ang kanilang pakay, ngunit kalaunan ay napag-alamang patungong Russia sila upang magtrabaho kapalit ng mataas na sahod at alok na Russian citizenship.

Inamin ng walong biktima na kasama rin nila sa parehong flight ang kanilang mga facilitator—isang lalaki at isang babae—na iginiit na business trip lamang ang kanilang biyahe.

Ipinasa sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang lahat ng 14 na biktima at dalawang hinihinalang facilitator para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga recruiter.

Nagbabala naman si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa na huwag mabiktima ng ganitong mga recruitment scheme.

Ayon kay Viado, nangangako ang mga recruiter ng mataas na sahod at maging citizenship, ngunit kadalasan ay napapahamak ang mga biktima sa kanilang mga pinapasukang sitwasyon.

Hinimok niya ang mga Pilipino na protektahan ang kanilang sarili laban sa mga recruiter na aniya’y ginagamit lamang ang mga kababayan para sa sariling pakinabang at hindi magdadalawang-isip na ilagay sa panganib ang kanilang buhay at kaligtasan kapag nasa ibang bansa na. (Gene Adsuara)