Pension ng mga seniors, itaas sa P1,500 kada buwan, hiling ng mambabatas
- Published on August 20, 2026
- by Francis Paolo Torres
PATULOY sa pagbaba ang halaga ng ₱1,000 buwanang social pension para sa mga indigent senior citizens dala ng inflation at pagtaas ng cost of living.
Base sa inflation, kinakailangan ngayon ng ₱1,300 para makabili na katumbas sa ₱1,000 na nabibili noong 2019.
“If prices continue to rise while legislation takes time to enact and implement, we should already be looking at a social pension of at least ₱1,500 monthly to help seniors recover the purchasing power they have lost. This is economic reality. The senior citizens’ pension must keep pace with the rising cost of food, medicine and other basic necessities,” ayon kay Senior Citizens Party list Rep. Rodolfo Ordanes.
Ito ang dahilan kung bakit inihain niya ang panukalang Universal Social Pension for Seniors Act o House Bill 427, na nagsusulong na gawing pangkalahatan ang social pension, upang hindi lamang mga indigent ang kasama sa benepisyo kundi lahat ng senior citizens.
Idinagdagdag nito na kailangang itaas sa hindi bababa sa ₱1,500 kada buwan ang social pension upang maibalik ang malaking bahagi ng purchasing power na nawala dahil sa inflation at peso depreciation.
Hinihikayat din ng mambabatas ang SSS at GSIS na masusing suriin ang kasalukuyang antas ng kanilang retirees’ pensions at tingnan kung kinakailangan ding magpatupad ng adjustments upang matulungan ang mga pensioner na makasabay sa tumataas na halaga ng pamumuhay. (VINA de GUZMAN)